Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Ang mga Saksi ni Jehova ay Nangangaral sa Impormal na Paraan na Nagbubunga ng Mabuti
MARAMING tao ang unang nakarinig ng katotohanan sa Bibliya nang isa sa mga Saksi ni Jehova ay mangaral sa kanila sa impormal na paraan. Dito ang mga Saksi ay tumutulad kay Jesu-Kristo, na nangaral sa impormal na paraan sa isang babaing Samaritana sa isang balon nang siya’y iigib doon. (Juan, kabanata 4) Sa Silangang Aprika, isa sa mga Saksi ni Jehova ang impormal na nangaral sa isang madreng Katoliko. Ibinibida ng tanggapang sangay ng Samahang Watch Tower ang resulta:
◻ Isang umaga sa kaniyang pagpunta sa kabayanan, nasalubong ng Saksi ang isang madreng Katoliko. Kaniyang sinamantala ang pagkakataon upang tanungin ang madre: “Saan po kayo pupunta sa napakaagang oras na ito?” Ang sagot ay: “Magdarasal ako sa aking Diyos.” Pagkatapos ay tinanong niya ang madre: “Alam po ba ninyo ang pangalan ng inyong Diyos?” “Hindi ba ang kaniyang pangalan ay Diyos?” ang tugon ng madre. Nag-alok ang Saksi na siya’y pupunta sa tahanan ng madre ng hapong iyon upang talakayin ang tungkol sa pangalan ng Diyos. Pagkatapos ng kanilang pag-uusap ang madre ay nagpunta na sa kaniyang simbahan at tinanong ang isa sa mga pari kung alam niya ang ibig sabihin ng salitang “Jehova.” Ang sagot ay, “Iyan ang pangalan ng Diyos.” Takang-taka ang madre nang marinig niya na alam pala ito ng pari ngunit hindi kailanman ito naituro sa kaniya.
Ang babae ay dinalaw ng Saksi nang siyam na sunud-sunod na mga araw at itinuro sa kaniya ang katotohanan tungkol sa Trinidad, kaluluwa, impiyernong apoy, at sa pag-asa ukol sa mga patay. Lahat ay inunawa ng babae at pagkatapos ay hiniling sa Saksi na bigyan siya ng kaunting panahon na pag-isipan ang lahat ng mga bagong turong ito. Pagkaraan ng dalawang linggo ay muli siyang nakipagkita sa Saksi at hiniling na ipagpatuloy nila ang talakayan. Ngayon ay binuo na ng madre ang kaniyang pasiya na lisanin na ang simbahan at winasak na niya ang kaniyang mga imahen, rosaryo, at krus. Sinikap ng pari na himukin siyang bumalik, subalit siya’y desidido na pumanig sa katotohanan. Nang malaunan ay nabautismuhan siya at naging palagiang auxiliary pioneer sa loob ng maraming buwan sa kabila ng kaniyang pagiging masakitin at katandaan.
Palibhasa’y malaki ang kaniyang bahay, kaniyang inalok ang kongregasyon na gamitin iyon bilang isang Kingdom Hall. Ang lumang bubong ay hinalinhan ng mga kapatid, iginiba ang mga dingding sa loob, at ang malaking bahagi ng gusali ay ginawang isang kaakit-akit na dakong pinagpupulungan. Ang dating madreng Katolikong ito ay doon tumira sa isang kuwarto sa likod ng bulwagan. Siya’y galak na galak at siya’y nakapag-abuloy ng ganito ukol sa pagsamba kay Jehova.
◻ Isa pang karanasan na nagpapakita ng karunungan ng impormal na pagpapatotoo ay galing sa Kampala, Uganda. Samantalang papunta sa isang opisina ng pamahalaan, isang Saksing misyonero ang nakipag-usap nang impormal sa mga taong kasama niya sa elevator. Isang lalaki, si Mr. L————, ang nagpahayag ng pagnanasang tanggapin ang iniaalok na literatura ngunit hindi niya makukuha ito sa sandaling iyon. Kaya ibinigay niya sa misyonero ang kaniyang pangalan at ang direksiyon ng kaniyang tanggapan. Nang malaunan ay nagpunta roon ang misyonero at ipinagtanong si Mr. L————. Siya’y tinawag ngunit sa ipinagtaka ng misyonero, isang naiibang lalaki ang lumabas. Mayroon palang dalawang lalaking pareho ang pangalan na nagtatrabaho sa opisinang iyon. Isang maikling patotoo ang ibinigay sa ikalawang Mr. L————, at siya’y nagpakita ng pambihirang interes. Samantalang ang unang Mr. L———— ay nawalan ng interes, isang pag-aaral sa Bibliya ang pinasimulan sa ikalawang Mr. L————. Siya ngayon ay isa nang bautismadong Saksi, at ang kaniyang maybahay at anak ay mabilis ang pagsulong tungo sa pagpapabautismo.
Si Jesu-Kristo ang Mabuting Pastol at kilala niya ang tulad-tupang mga tao na ang mga puso’y nakahilig sa katuwiran. Ang mga karanasang ito ay nagpapakita na kaniyang inaakay sa gayong mga tao ang kaniyang mga tagasunod. Ang impormal na pangangaral ay maaaring pagmulan ng mabungang mga resulta!—Juan 10:14.