Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 10/15 p. 22-27
  • Magsalita Tungkol sa Kaluwalhatian ng Paghahari ng Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Magsalita Tungkol sa Kaluwalhatian ng Paghahari ng Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Pamarisan sa Kasulatan
  • Patiunang Pag-isipan at Ihanda
  • Mabubuting Resulta ang Maaasahan
  • Laging Magsalita Tungkol sa Paghahari ng Diyos!
  • Makapagpapatotoo Ka Nang Di-pormal!
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2010
  • Paghaharap ng Mabuting Balita—Pagpapatotoo Nang Impormal
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1988
  • Handa Ka Bang Magpatotoo Nang Di-pormal?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2009
  • Bahagi 2—Samantalahin ang Bawa’t Pagkakataong Makapagpatotoo
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 10/15 p. 22-27

Magsalita Tungkol sa Kaluwalhatian ng Paghahari ng Diyos

“Sila’y magsasalita tungkol sa kaluwalhatian ng iyong paghahari, at mangungusap tungkol sa iyong kapangyarihan.”​—AWIT 145:11.

1. Unang-una, bakit tayo pinagkalooban ni Jehova ng kakayahang magsalita?

SI Jehova ay may layunin sa pagkakaloob sa atin ng kakayahang magsalita. (Exodo 4:11) Unang-una, upang ang ating mga labi ay “magbadya ng bumubulubok na pagpuri” sa kaniya. (Awit 119:171, 172) Gaya ng sinabi ng salmistang si David: “Lahat mong mga gawa ay magpupuri sa iyo, Oh Jehova, at pupurihin ka ng mga tapat sa iyo. Sila’y magsasalita tungkol sa kaluwalhatian ng iyong paghahari, at mangungusap tungkol sa iyong kapangyarihan, upang ipabatid sa mga anak ng mga tao ang kaniyang mga makapangyarihang gawa at ang kaluwalhatian ng kamahalan ng kaniyang paghahari. Ang iyong paghahari ay isang paghaharing walang-hanggan, at ang kapangyarihan mo’y sa lahat ng sali’t saling lahi.”​—Awit 145:10-13.

2. Tayo’y itinutulak na “magbadya ng bumubulubok na pagpuri” sa Diyos sa anong mga paraan?

2 Ang pinahirang mga tagasunod ni Jesu-Kristo at ang kanilang mga kasamang “malaking pulutong” ay nasasabik na pumuri kay Jehova, ang “Haring walang-hanggan.” (Apocalipsis 7:9; 15:3) Sa pamamagitan ng masigasig na pag-aaral ng Bibliya sa tulong ng Ang Bantayan at iba pang mga lathalaing Kristiyano, tayo’y magkakaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos na mistulang isang bukal ng isang dalisay, nakarirepreskong tubig na nagbibigay-buhay. Kaya naman, sa ganang atin ‘ang bukal ng karunungan ay nagiging isang mistulang batis ng malakas na agos.’ (Kawikaan 18:4) Tayo’y itinutulak na “magbadya ng bumubulubok na pagpuri” sa pagpapatotoo sa bahay-bahay at sa iba pang pitak ng ministeryo sa larangan. Subalit mayroon ding isang maka-Kasulatang dahilan para sa impormal na pagpapatotoo.

Mga Pamarisan sa Kasulatan

3. Pakibanggit ang isang halimbawa ng impormal na pagpapatotoo na ginawa ni Jesu-Kristo.

3 Ang unang pangangaral na ginawa ni Jesus pagkatapos na siya’y pahiran ng banal na espiritu ay doon sa dakong pinanunuluyan niya, at doon niya inanyayahan si Juan, si Andres, at marahil si Pedro. Doon nila ginugol ang maghapon, marahil sa pagbibigay ng maraming patotoo sa pamamagitan ng impormal na paraan. (Juan 1:35-42) Gayundin sa ilalim ng impormal na mga pagkakataon​—“samantalang siya’y dumaraan”​—​nasulyapan ni Jesus si Mateo sa tanggapan ng buwis at nagkaroon ng positibong mga resulta ang Kaniyang sinabi: “Sumunod ka sa akin.”​—Mateo 9:9.

4. Ano ang sinabi ni Jesus nang siya’y nagpapatotoo sa isang Samaritana, at ito’y humantong sa ano?

4 Si Jesus ang pinakamagaling na halimbawa ng ‘isang malakas ang agos na batis ng karunungan.” Bagaman siya’y nagugutom na at nahahapo nang umupo sa may balon ni Jacob malapit sa Sychar, siya’y nagpatotoo sa isang Samaritana na naparoon upang sumalok ng tubig. “Sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kaniya ay hindi mauuhaw kailanman,” ang sabi ni Jesus, “ngunit ang tubig na ibibigay ko sa kaniya ay magiging sa kaniya’y isang bukal ng tubig na bumubulubok upang magbigay ng buhay na walang-hanggan.” Ang impormal na pagpapatotoong ito ay humantong sa pangangaral ni Jesus sa isang grupo na pinukaw ng babae na magtipon at makinig sa sasabihin ni Jesus.​—Juan 4:6-42.

5. Si Felipe na ebanghelisador at si apostol Pablo ay nagpakita ng anong mga halimbawa ng impormal na pagpapatotoo?

5 Pinahinto ni Felipe na ebanghelisador ang isang dumaraang karo at siya’y impormal na nagpatotoo sa nakasakay roon, na nagbabasa ng hula ni Isaias. Nang anyayahang umakyat sa karo, ipinaliwanag ni Felipe “ang mabuting balita tungkol kay Jesus” sa bating na Etiope, na ang may pagpapahalagang pagtugon ay humantong sa kaniyang pagpapabautismo. (Gawa 8:26-38) Nang ang mga gapos ng nakabilanggong si Pablo ay makalag dahilan sa isang malakas na lindol sa Filipos, siya’y impormal na nagpatotoo sa bantay-bilangguan. Ang resulta? “Pagdaka’y binautismuhan silang lahat, siya at ang kaniyang buong sambahayan.”​—Gawa 16:19-34.

6. Ang impormal na pagpapatotoo ay malamang na gumanap ng bahagi sa anong mga gawain ng mga alagad ni Jesus pagkatapos na batuhin si Esteban?

6 Sa ngayon, ang impormal na pagpapatotoo ang isang paraan ng paghahayag ng mabuting balita kung saan ang ating gawaing Kristiyano ay hinihigpitan. Kahit na tayo’y pinag-uusig, gayumpaman, ang ating mga puso ay nagtutulak sa atin na magsalita tungkol sa kaluwalhatian ng paghahari ng Diyos. Pagkatapos na batuhin si Esteban hanggang sa siya’y mamatay, ang karamihan ng pinag-usig na mga alagad ay nagsipangalat. Subalit, sila’y patuloy na nangaral ng mabuting balita, at tiyak na kasali sa kanilang pangangaral ng Kaharian ang impormal na pagpapatotoo.​—Gawa 8:4-8; 11:19-21.

7. Bilang isang nakakulong sa bahay, ano ang ginawa ni Pablo, na ito’y nagbabangon ng anong tanong?

7 Ang impormal na pagpapatotoo ang isang paraan ng pagsasalita tungkol sa kaluwalhatian ng paghahari ng Diyos kung tayo ay nakabilanggo o naroroon sa ating mga tahanan dahilan sa tayo’y may sakit o karamdaman. Si Pablo ay nakakulong sa bahay nang may dalawang taon at binabantayan pa siya ng isang kawal na Romano. Subalit sa halip na manglupaypay, siya’y nagpakaon ng mga tao na makikinig sa kaniyang patotoo at “may kabaitang tinatanggap niya ang lahat ng mga nagpupunta sa kaniya, kaniyang ipinangangaral sa kanila ang kaharian ng Diyos at itinuturo sa kanila ang mga bagay tungkol sa Panginoong Jesu-Kristo nang may buong kalayaan ng pagsasalita.” (Gawa 28:16-31) Anong inam na halimbawa! Kung ikaw ay isang saksi ni Jehova na hindi makalabas ng bahay, hindi kaya ganiyan din ang gagawin mo?

8. Gaano kaepektibo ang impormal na pagpapatotoo ni Pablo?

8 Ang mga bantay kay Pablo ay paminsan-minsan naghahali-halili, kaya iba’t iba ang nakaririnig sa kaniya na nagpapahayag sa mga iba tungkol sa kaluwalhatian ng paghahari ng Diyos. Matitiyak natin, kung gayon, na siya’y nagpatotoo rin nang tuwiran sa mga bantay na iyon. Napakaepektibo ang ganitong impormal na pagpapatotoo kung kaya’t naisulat ni Pablo ang ganito: “Ang mga bagay na nangyari sa akin ay nangyari sa lalong ikasusulong ng mabuting balita imbis na yaong kabaligtaran, na anupa’t ang aking mga tanikala kay Kristo ay nahayag sa lahat ng mga Bantay ng Pretoryo at sa mga iba pa; at ang karamihan sa mga kapatid sa Panginoon, palibhasa’y may pagtitiwala dahilan sa aking pagkabilanggo, ay lalong nagkaroon ng lakas ng loob na salitaing walang takot ang salita ng Diyos.” (Filipos 1:12-14) Tulad ni Pablo, kung sakaling tayo’y mabilanggo at mawalan ng pagkakataon na bumahagi sa pormal na pagpapatotoo, makapagsasalita pa rin tayo tungkol sa paghahari ng Diyos. At anong laking tibay ng loob ang magagawa nito sa ating mga kapatid!

9, 10. Ano ang sekular na katibayan na ang mga unang Kristiyano ay nagpatotoo sa impormal na paraan?

9 Ang impormal na pagpapatotoo ay lubhang karaniwan sa mga unang Kristiyano kung kaya’t kahit na nang mga taon noong dakong huli ay masasabi: “Buhat sa isang manunulat na Kristiyano, marahil sa Cartago noong humigit-kumulang 200, natatamo natin ang isang larawan . . . [na] tungkol sa mga taong lubhang edukado. Tatlong mga kabataang abugado, matalik na magkakaibigan, ang gumugol ng maghapong pagliliwaliw sa tabing-dagat. Dalawa sa kanila ang Kristiyano, ang ikatlo’y pagano. Hindi nagtagal at ang kanilang pag-uusap ay dumako sa relihiyon . . . Ganito ang pagtatapos ng mahabang pagtatalo, ‘Kami’y nagsiuwi na maligaya, kaming tatlo. Ang isa’y maligaya dahilan sa napapunta siya sa relihiyong Kristiyano, ang dalawa naman ay dahil sa kanilang naakay siya roon.’ Ang isinulat na paglalahad ay hindi nagkukunwaring isang aktuwal na kasaysayan; ito ay isang Apology, ni Minucius Felix. Subalit ito’y kumakatawan sa anumang bagay na nangyari sa gitna ng mga taong higit na pribilehiyado.” (Church History 1​—The First Advance: AD 29​—​500, ni John Foster, pahina 46, 48) Oo, at nagpapakita ang paglalahad na ito na ang impormal na pagpapatotoo ay hindi namatay sa gitna ng nag-aangking mga Kristiyano noon.

10 Tungkol sa mga unang Kristiyano, sinasabi rin noon: “Basta may patuluyang dumaraming indibiduwal na mga nananampalatayang Kristiyano, na, saanman sila pumaroon, sa kanila mang regular na pangangalakal o dahil sa pag-uusig, ay nangaral tungkol kay Kristo . . . Tungkol sa kanila na mga mangangalakal, mga propesyonal, mga may araw-araw na opisyo, anuman iyon, ang paraan ng pagpapalawak ng kanilang pananampalataya ay marami.” (The Missionary Enterprise, ni Edwin Munsell Bliss, pahina 14) Oo, ang mga unang tagapagbalita ng Kaharian ay nagpatotoo sa pormal at sa impormal na paraan.

Patiunang Pag-isipan at Ihanda

11. Ano ang matututuhan natin buhat kay Jesus tungkol sa pagpapako ng pansin sa katotohanan ng Diyos?

11 Katulad ni Jesus at ng kaniyang mga unang tagasunod, tayo’y dapat na magpatotoo kapuwa sa pormalan at di-pormalan na pamamaraan. Upang magawa natin ito nang epektibo ay kailangang patiunang pag-isipan at ihanda. Upang makapagpatotoo sa impormal na paraan o makapagturo, si Jesus ay gumamit ng pinaka-halimbawa na mga bata, pagkain, damit, mga ibon, ng bulaklak, mga lagay ng panahon, at mga hanapbuhay. (Mateo 4:18, 19; 6:25-34; 11:16-19; 13:3-8; 16:1-4) Tayo rin naman ay makagagamit ng halos anumang paksa bilang batayan para maipako ang pansin sa katotohanan ng Diyos.

12. Pagka nagpaplanong magbiyahe, paano ka makapaghahanda para sa impormal na pagpapatotoo?

12 Tayo’y maaaring magpatotoo sa impormal na paraan sa mga taong nangakaupo sa mga parke, nangakapila sa mga shopping center, at iba pa. Sa Atenas, si Pablo ay nakipagkatuwiranan “araw-araw sa pamilihan sa mga taong nagkataong naroroon.” (Gawa 17:17) Subalit tayo’y kailangang maghanda para sa impormal na pagpapatotoo. Halimbawa, ikaw ba ay nagpaplanong magbiyahe sakay ng eruplano, tren, o bus? Kung gayo’y magdala ka ng isang Bibliya at mga ilang tract, magasin, o brosyur. Ang pagbabasa ng mga lathalaing Kristiyano sa sasakyang publiko o saanman ay kalimitan nagbubukas ng daan para sa isang usapan.

13. Ipaghalimbawa kung paano ka makapagsisimula ng pagpapatotoo sa isang taong may edad na samantalang nagbibiyahe kayo.

13 Maliwanag na ang isang palakaibigang pagpapakilala ng sarili ang kailangan munang gawin. Ang aklat na Nangangatuwiran mula sa Kasulatan ay nagmumungkahi ng mga pambungad na magagamit sa ministeryo sa larangan, subalit ang ilan sa mga ito ay maaaring isaayos para magamit sa impormal na pagpapatotoo. Halimbawa, kung ikaw ay nagbibiyahe at may katabi kang isang taong may edad na, maaari mong sabihin: “Ang pangalan ko po ay​—​—. Malimit kong pag-isipan ang tungkol sa layunin ng buhay. Maraming tao ang totoong abala sa paghahanapbuhay kung kaya’t sila’y walang kapana-panahon na pag-isipan ang layunin ng buhay. Ngunit, habang tayo’y nagkakaedad, natatalos natin na may kaiklian ang buhay at marahil ay maitatanong natin: ‘Ganito na lamang kaya ang talagang kahulugan ng buhay?’ Sa palagay po kaya ninyo ay may layunin ang Diyos sa pagkakaloob sa atin ng buhay?” Bigyan siya ng pagkakataon na tumugon. Pagkatapos ay maaari kang magpaliwanag tungkol sa layunin ng Diyos para sa tao at magkomento tungkol sa magagandang bagay na ipinangako sa Apocalipsis 21:3, 4. Para sa epektibong impormal na pagpapatotoo, maikakapit mo rin ang iba pang mga maiinam na punto na natutuhan sa mga pulong sa kongregasyon at sa mga lathalaing Kristiyano.

Mabubuting Resulta ang Maaasahan

14. Anong tagumpay ang nakamit ng isang kapatid sa impormal na pagpapatotoo samantalang nagbibiyahe?

14 Tulad ni Jesus at ng kaniyang mga unang tagasunod, tayo’y magtatamo ng tagumpay pagka gumagawa ng impormal na pagpapatotoo. Bilang paghahalimbawa: Samantalang nagbibiyahe sakay ng eruplano, isang Saksi ang kumausap sa isang opisyal ng hukbo na 20 taon nang may-asawa. Ang asawa ng lalaking iyon ay gumagamit ng mga droga, nagtangka nang magpatiwakal nang kung ilang beses, at noo’y halos hihiwalay na sa kaniya para sumama sa isang lalaking mas bata. Nang banggitin ng Saksi ang tungkol sa tulong ng Kasulatan na tinatanggap niya buhat sa Ang Bantayan at sa kasama nitong magasin na Gumising!, ang opisyal ay sumuskribe at ibig niyang ang mga magasin ay maipadala sa kaniyang asawa. Narinig ng mga ibang pasahero ang sinabi ng Saksi. Ang resulta? Aba, dahil sa pagpapatotoo nang okasyong iyon, nakakuha siya ng 22 suskrisyon at nakapagpasakamay ng 45 magasin at 21 aklat!

15, 16. (a) Magbigay ng mga halimbawa ng matagumpay na impormal na pagpapatotoo sa mga kamanggagawa. (b) Ano ang ipinahihiwatig sa iyo ng mga resultang ito?

15 Kumusta naman ang impormal na pagpapatotoo sa mga kamanggagawa? Isang kapatid ang nag-iwan ng mga sipi ng ating mga magasin sa palikuran sa kaniyang dakong pinagtatrabahuhan. Isang kamanggagawa ang bumasa ng mga magasin, lumapit sa kapatid, at sumuskribe. Pumayag din ang taong iyon na siya’y aralan ng Bibliya at iniwan niya ang kaniyang magulong pamumuhay, subalit ang kaniyang asawang babae ay umaalis sa bahay tuwing maririnig niya na binabanggit ang pangalan ng Diyos. Nang ibig ng lalaking ito na magbitiw sa kaniyang kinaaanibang simbahan, ang ministro ay naparoon upang ipakipag-usap ito, ngunit ang asawa ng lalaking iyon ang tanging nadatnan niya sa tahanan. Ang babae ay nagitla sa kawalan ng pananampalataya ng ministro at sa kaniyang mga sinabing kasinungalingan tungkol sa mga Saksi ni Jehova, palibhasa’y nakita ng babae na nagbago ang kaniyang asawa tungo sa ikabubuti. Sinabi niya sa ministro: “Maaari kayong sumulat ng isang sertipiko ng pagbibitiw para sa akin at sa mga anak ko rin!” Nang sumapit ang panahon, ang lalaking ito at ang kaniyang asawa ay naging bautismadong mga Saksi.

16 Mga ilang taon na ang nakalipas, isang kapatid na lalaking naninirahan ngayon sa Estados Unidos ang impormal na nagpatotoo sa isang kamanggagawa sa Inglatera at kaniyang isinama ang lalaking iyon upang manood ng isang pelikulang isinaayos ng mga Saksi ni Jehova. Makalipas ang tatlumpu’t-isang taon, ang kapatid na lalaki ay tumanggap ng ganitong liham: “Ibig kong ibalita sa iyo ngayon na ang patotoong ibinigay mo [sa lalaking kamanggagawa] ay nagbunga, sapagkat makalipas ang mga dalawang taon isa pang kapatid na lalaki ang nagpaliwanag sa kaniya, nagpasakamay ng mga magasin, at siya’y isinama sa Kingdom Hall doon. . . . Siya’y naging isang Saksi, nabautismuhan noong 1959, at ngayon ay isang elder sa kaniyang kongregasyon . . . Makalipas ang mga 14 na taon ang kaniyang asawa ay naging isang Saksi at nabautismuhan din. Dalawang taon ang nakalipas ang kaniyang anak na babae ay nabautismuhan at ngayon ay isang regular payunir sa North Derbyshire . . . Sa bahagyang pagpapatotoong iyan na ginawa mo noon pa sa Ashford, ang lalaking iyon, ang kaniyang asawa at anak na babae, ang isang pinsan at pati kaniyang anak na babae, asawang lalaki at limang anak, at isang anak ng isa pang anak na babae ng pinsan ay pawang naging mga Saksi. . . . Pinasasalamatan kita, Ted, nang maraming-marami, sapagkat ako ang kontratista sa bakal, at ang istorya na kalalahad ko lamang ay sariling istorya ko ng iyong pagpapatotoo sa akin at ang kinalabasan nito.”

17. Ang kabataang mga lingkod ni Jehova ay mayroong anong mga pagkakataon para sa impormal na pagpapatotoo?

17 Kayong mga kabataang lingkod ni Jehova ay mayroon ding isang mainam na teritoryo na mabibigyan ng patotoo​—ang inyong mga kamag-aral at mga guro. Kayo ba’y nagbibigay ng impormal na patotoo sa mga sanaysay, sa mga oral na pagrerepaso, at iba pa? Bilang mapagkukunan na materyal para sa isang sanaysay, isang estudyante sa high school sa Ecuador ang gumamit ng serye ng mga artikulo sa Gumising! ng Enero 22, 1986, na pinamagatang “Hiroshima​—Nakalimutan Na ba ang Aral Nito?” Ang kaniyang sanaysay ang nagtamo ng kumendasyon ng nasa inampalan sa isang pandaigdig na timpalak at ang resulta’y isang libreng biyahe sa Japan. Kung sa bagay, hindi ang layunin ng mga lathalaing Kristiyano ay manalo sa mga timpalak. Subalit ipinakikita lamang nito ang kahalagahan ng gayong literatura at ang pagkaepektibo ng pagpapatotoo na ang resulta’y pagpuri sa Diyos sa paaralan.

18. Ano ang naging resulta ng pagbibigay ng maikling pagpapatotoo sa isang taong naghahanap ng mauupahang kuwarto?

18 Para makaragdag sa kanilang panustos-buhay, isang sister ang nagpaupa ng isang kuwarto nila. Nang tumanggap siya ng isang tawag sa telepono na nagtatanong tungkol doon, sinabi niya sa tumawag na babae na siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova at hindi niya pinapayagang sinuman ay gumawa ng imoralidad sa kaniyang tahanan. Ang mga dumadalaw na bisita ay kailangang magpaalam nang maaga, at ang mga bisitang lalaki ay kailangang nakikita sa tuwina. Ang tumawag na babae ay nag-atubili, pagkatapos ay sinabi niya: “Ako’y nag-aral nang isa akong tin-edyer, subalit iyon ay walang naibigay na impresyon sa akin. Kaya nag-aral ako sa kolehiyo.” Nang tanungin kung ibig niyang maipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral ng Bibliya, siya’y tumugon, “Oo.” Nang sumapit ang panahon, ang babaing iyon na tumawag, ang kaniyang ina, at ang kaniyang kapatid na babae ay naging nag-alay na mga lingkod ni Jehova​—pawang dahil sa isang sister ang impormal na nagpatotoo sa kaniya.

19. Tungkol sa isang babae sa Bahamas ano ang naging resulta ng impormal na pagpapatotoo?

19 Sa Bahamas ang budhi ng isang babaing Katoliko ang lumigalig sa kaniya dahil sa siya’y hindi nakakasimba sa loob ng limang taon. Kaya’t isang umuulang Linggo ng umaga, siya’y nag-inut-inot na patungo sa simbahan. Walang anu-ano’y sa-darating ang tatlong Saksi, siya’y pinasakay nila sa kanilang kotse​—at siya’y binigyan nila ng patotoo. Nang sila’y dumating sa simbahan, gusto pa ng babae na makinig kaya hindi siya bumaba at siya’y sumama sa kanila hanggang sa isakay pa rin nila ang isang estudyante ng Bibliya. Naraanan na naman nila ang simbahan, pero ibig ng babae na makapakinig pa kaya siya’y sumama na hanggang sa Kingdom Hall. Ang pahayag pangmadla ay tungkol sa mismong paksang pinag-usapan nila sa kotse. Sinimulan ang isang pakikipag-aral sa Bibliya sa babae, na tuluyang humiwalay sa lalaking kaniyang kinakasama (na ama ng kaniyang apat na mga anak), at siya’y nabautismuhan sa isang kombensiyon sa Nassau noong 1986. Anong tuwa niya na mayroong isang impormal na nagpatotoo sa kaniya!

Laging Magsalita Tungkol sa Paghahari ng Diyos!

20. (a) Paano dapat malasin may kaugnayan sa ministeryo sa larangan ang impormal na pagpapatotoo? (b) Ano ang iminumungkahi kung ang isa ay nag-aatubiling magbigay ng impormal na patotoo?

20 Ang impormal na pagpapatotoo ay hindi panghalili sa regular na ministeryo sa larangan ng mga Saksi ni Jehova. Ang pangangaral sa bahay-bahay ay maliwanag na kapuwa maka-Kasulatan at epektibo. (Gawa 5:42; 20:20, 21) Gayumpaman, ang impormal na pagpapatotoo ay mabunga, at ang mga lingkod ni Jehova ay dapat na makibahagi rito. Saanman na mayroong mga tao​—mga kamag-anak, kamag-aral, kamanggagawa, at mga iba pa​—​may mga pagkakataon upang magsalita ang isa tungkol sa kaluwalhatian ng paghahari ng Diyos. Kaya’t huwag tulutang ang takot o ang pagkahiya ang makahadlang sa iyo. (Kawikaan 29:25; 2 Timoteo 1:6-8) Kung ikaw ay nag-aatubiling magbigay ng impormal na pagpapatotoo, bakit hindi manalangin gaya ng ginawa ng pinag-usig na mga alagad ni Jesus? Sila’y nagsumamo: “Jehova, . . . ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na patuluyang salitain ang iyong salita nang buong katapangan.” Ang kanila bagang panalangin ay sinagot? Oo, sapagkat “niyanig ang dakong pinagkakatipunan nila; at napuspos silang lahat ng banal na espiritu at kanilang sinalita nang tahasan ang salita ng Diyos.”​—Gawa 4:23-31.

21. Ano ang magpapakilos sa isang tao na magpatotoo sa ilalim ng lahat ng mga kalagayan?

21 Kung gayon, pagyamanin ang isang positibong saloobin tungkol sa impormal na pagpapatotoo. Pakilusin ka sana ng pag-ibig sa Diyos upang magpatotoo sa ilalim ng lahat ng uri ng mga kalagayan. Magpakasigla, na maging isang mistulang bumubulubok na batis ng katotohanan sa lahat ng pagkakataon. Oo, laging magsalita tungkol sa kaluwalhatian ng paghahari ng Diyos.

Ano ang mga Sagot Mo?

◻ Ano ang batayan sa Kasulatan ng impormal na pagpapatotoo?

◻ Ano ang ilan sa mga paraan upang makapaghanda para sa impormal na pagpapatotoo?

◻ Kung tayo’y impormal na nagpapatotoo, ano ang maaasahan nating mga resulta?

◻ Paano natin dapat malasin ang impormal na pagpapatotoo may kaugnayan sa regular na ministeryo sa larangan?

[Larawan sa pahina 23]

Kung ikaw hindi makalabas ng bahay, ikaw ba ay nagpapatotoo gaya ng ginawa ni Pablo noong siya’y nakakulong?

[Larawan sa pahina 25]

Patiunang paghahanda ang tutulong sa atin upang impormal na magpatotoo sa isang epektibong paraan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share