Paghaharap ng Mabuting Balita—Pagpapatotoo Nang Impormal
1 Samantalang nagpapahinga sa balon ni Jacob, pinasimulan ni Jesus ang pakikipag-usap sa isang babaeng Samaritana. (Juan 4:5-30) Bagaman pagod at uhaw, siya’y nagbigay ng impormal na patotoo. Nagkaroon ba iyon ng mabuting resulta? Walang alinlangan! Umakay iyon sa maraming Samaritano na manampalataya kay Jesus.—Juan 4:39-42.
2 Nasumpungan ng marami sa ngayon na ang impormal na pagpapatotoo ay isang napakainam na paraan upang palaganapin ang mabuting balita at tamasahin ang mga kapanapanabik na karanasan. Subali’t maaari ninyong itanong kung saan at kailan ang isa ay makapagpatotoo nang impormal. Papaano ito maisasagawa?
SAAN AT KAILAN
3 Ang isa ay maaaring makapagpatotoo nang impormal sa pagtungo at pag-uwi mula sa trabaho o kapag naglalakbay sa panahon ng bakasyon. Sinasamantala ng iba ang panahon ng pananghalian. Nagpapatotoo ang iba habang namimili. May mag—asawang nagpatotoo sa isang magkakarne sa isang supermarket, at nang ito ay nagpakita ng interes, ipinagpatuloy nila ang pakikipag-usap sa kaniyang tahanan sa gabi ring iyon.
4 Ang may kapansanan at maysakit na mga mamamahayag ay nagtatagumpay sa pagpapatotoo sa mga bisita, mga manggagamot, at mga katulong sa ospital. Ang ilang kapatid ay nakikipag-usap sa mga bisita na dumadalaw sa kanilang tahanan. Ang iba ay lumalapit sa mga taong nagpapahinga sa mga parke. Ang mga paliparan at paradahan ng bus ay mabubuting lugar para sa impormal na pagpapatotoo.
PAPAANO GAGAWIN ITO
5 Sinabi ng isang kapatid: “Nasumpungan kong ang panalangin ay nakatutulong kapag mahirap para sa akin na makipag-usap sa mga tao.” Kaya hanapin ang paraan upang makipag-usap sa mga tao, at hilingin kay Jehova na buksan ang daan. Maging palakaibigan at masigla. Sikaping pasimulan ang usapan sa bagay na magbibigay ng interes sa inyong dalawa.
6 Sabihin pa, hangga’t maaari, nais nating maiwanan ang taong interesado ng mababasa. Ito’y nangangahulugang kailangan tayong magplanong patiuna at magdala ng tract, magasin, bukleta, o brochure. Ang ating bagong maliliit na tract ay dapat na maging mahalagang pantulong sa impormal na pagpapatotoo. Ang ilan ay matagumpay na nakapagpasimula ng usapan sa pamamagitan ng paglalagay ng brochure o magasin sa kanilang mesa sa trabaho o sa mesa sa kanilang tahanan. Ang mga ito ay maaaring makatawag-pansin ng kamanggagawa o bisita at umakay sa isang mabungang pagpapatotoo.
7 Isaayos na masubaybayan ang lahat ng interes. Tiyaking iulat ang oras bilang paglilingkod sa larangan. Sa pamamagitan ng pagsisikap kagaya ni Jesus, pagpapalain din kayo ni Jehova sa pagpapalaganap ng mabuting balita sa pamamagitan ng impormal na pagpapatotoo.