Bahagi 2—Samantalahin ang Bawa’t Pagkakataong Makapagpatotoo
1 Daan-daang libong mga tao ang nakakaalam ng katotohanan sa pamamagitan ng impormal na pagpapatotoo. Kung lubusang gagamitin ang paraang ito ng pagpapatotoo, milyun-milyon pa ang mapaaabutan ng mensahe ng mabuting balita. Bilang mga lingkod ni Jehova, kailangan nating patuloy na pasikatin ang ating liwanag. Papaano natin higit na magagawa ito sa personal na paraan?—Mat. 5:15, 16; Fil. 2:15.
2 Mayroong iba’t ibang paraan upang tayo’y lumikha ng mga pagkakataon para makagawa ng impormal na pagpapatotoo. Samantalang nanananghalian, habang naghihintay sa isang opisina, o kapag sumasakay sa pampublikong sasakyan, ang ilang mga kapatid ay palaging nagbabasa ng Bibliya o isa sa mga magasin o aklat ng Samahan. Sa pamamagitan ng pagiging alisto sa reaksiyon o sa interes na ipinakikita ng katabi, maaaring ito’y magbunga ng pag-uusap kung ating ibabahagi sa kaniya ang ating binabasa.
3 Kadalasang hindi mahirap na magpasimula ng isang pakikipag-usap sa kaninuman hinggil sa karaniwang bagay na doo’y interesado ang karamihan. Kung tayo’y mananalangin ukol sa tulong ni Jehova at pagkatapos ay gagawa ng pagsisikap, masisiyahan tayo sa maiinam na resulta nito. Ang isang payak na paraan upang makagawa ng isang maikli at impormal na patotoo ay ang mag-alok ng isa sa ating mga tract. Ito’y praktikal lalo na kapag kapos sa panahon upang mag-usap. Ang mga tract ay maliiit at madaling dalhin subali’t ito’y naglalaman ng makapangyarihang pabalita. Maaaring gamitin ito nang mas malimit ng karamihan sa atin.
GAMITIN ANG AKLAT NA NANGANGATUWIRAN
4 Isang praktikal na tulong para sa lahat ng larangan ng pangangaral ng Kaharian ay ang aklat na Nangangatuwiran. Ang karamihan sa mga pambungad sa mga pahina 9-15, at gayundin ang impormasyon sa ilalim ng “Mga Pagtutol” sa mga pahina 15-24 ay maaaring gamitin sa impormal na pagpapatotoo at sa pagpapasimula ng usapan. Halimbawa, ang isang pambungad sa pahina 11 ay nagsasabi: “Nabasa ba ninyo ito sa pahayagan? (Ipakita ang isang angkop na balita.) Ano ang palagay ninyo. . . ?” Gaano kapayak, subali’t gaano kabisa para sa pagpapasimula ng usapan! O marahil ay tatanungin natin ang tao kung napansin niya na ang mga pahayagan ay sumisipi sa prominenteng mga tao na gumagamit ng terminong “Armagedon” may kaugnayan sa isang nukleyar na digmaan. Pagkatapos ay maitatanong natin kung ano sa palagay niya ang kahulugan ng Armagedon para sa sangkatauhan. Ang materyal sa pahina 9 ay maaaring gamitin sa pag-uusap.
5 Kapag tayo ay nagsasagawa ng impormal na pagpapatotoo, makabubuting bigyan natin ng pagkakataong ipahayag ng tao ang sarili. Kung tayo ay maingat na makikinig sa sasabihin ng tao, mababatid natin kung saan siya interesado at kung gayon ay makapagsasalita ng mga bagay na pupukaw sa kaniyang pananabik. (Kaw. 25:11) Hangga’t maaari, dapat nating kunin ang mga pangalan at direksiyon ng mga nagpapakita ng interes upang sila’y makausap pa at malinang ang interes. Gayundin, dapat tayong mag-ingat ng rekord sa panahong ating ginagamit sa impormal na pagpapatotoo upang ito ay maiulat nang wasto.
6 Kung nadarama ninyong hindi kayo nagiging matagumpay sa pagsasagawa ng impormal na pagpapatotoo, huwag masisiraan ng loob. Ang inyong pagsisikap na maghasik ng mga binhi ng Kaharian sa pamamagitan ng impormal na pagpapatotoo ay maaaring magbunga sa dakong huli. Kadalasan, ang naiipong katotohanang unti-unting naihasik sa pamamagitan ng impormal na pagpapatotoo ay nagluluwal ng mabubuting bunga. Gayundin, ang mga taong nasusumpungan natin sa impormal na paraan ay kadalasang hindi natatagpuan sa regular na pagbabahay-bahay dahilan sa kanilang eskedyul sa trabaho. Kahit na wala tayong nailagay na mga literatura sa Bibliya sa mga tao, ang bibigang patotoo ay malaki ang magagawang kabutihan. Milyun-milyong mga tao ang maaari nating maabot kung sasamantalahin natin ang bawa’t pagkakataon na gumawa ng impormal na pagpapatotoo.