Bahagi 1—Samantalahin ang Bawa’t Pagkakataong Makapagpatotoo
1 Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Hebreong Kristiyano: “Maghandog tayong palagi ng hain ng pagpupuri sa Diyos, samakatuwid baga’y ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kaniyang pangalan.” (Heb. 13:15) Ang isang paraan upang magawa natin ito ay sa pamamagitan ng pagtangkilik sa mga kaayusan sa paglilingkod sa larangan. Ang isang pang mabisang paraan ng paghahandog ng hain ng papuri sa Diyos ay sa pamamagitan ng pagsasamantala sa mga pagkakataong makapagbigay ng impormal na pagpapatotoo.
2 Sa ating pang-araw-araw na gawain, karamihan sa ati’y nakakasalamuha ang ibang mga tao. Kung tayo’y alisto sa mga pagkakataon at gumagawa ng pagsisikap, maaari tayong makapaghasik ng maraming binhi ng katotohanan ng Kaharian. Ito’y maaaring mangailangan lamang ng maikling komento o isang katanungan hinggil sa kalagayan ng daigdig upang mapasimulan ang pag-uusap na magbubukas ng daan sa pagbibigay ng pagpapatotoo.
MAGING HANDA
3 Ang matagumpay na impormal na pagpapatotoo ay humihiling nang patiunang paghahanda. Handa ba kayong gumawa ng pagsisikap? Kapag ating isinasaalang-alang ang ating gagawin sa araw na iyon, iniisip ang tungkol sa mga taong ating matatagpuan, at pinag-aaralan kung ano ang maaari nating sabihin upang mapasimulan ang usapan, masusumpungan natin na magiging madaling gawin ang impormal na pagpapatotoo. Tiyaking mayroong maiaalok na mga tract, mga magasin, o iba pang mga literatura. Kumusta naman ang Bibliya? Ang isang pambulsang Bibliya ay madaling ilagay sa pitaka o sa bulsa at maaaring magamit kapag may pagkakataon.
4 Karagdagan pa, dapat na nababatid natin ang mga kasalukuyang pangyayari may kaugnayan sa hula ng Bibliya. Ang “Pagmamasid sa Daigdig” at “Ang Kahulugan ng mga Balita” sa ating mga magasin ay mahahalagang pantulong sa bagay na ito. Kung taglay natin sa isipan ang mga bagay na ito, malamang na maiharap natin ang mga paksa sa mas malawak na paraan.
KUNIN ANG UNANG HAKBANG
5 Maraming mga pagkakataon upang makapagbigay ng pagpapatotoo sa bawa’t araw. Maging ang mga mamamahayag sa ospital ay nagiging mabisa sa pagsasalita ng tungkol sa katotohanan sa mga doktor, narses, pamunuan ng ospital, mga bisita, at iba pang mga pasyente. Ang ibang mga mamamahayag ay gumagamit ng oras ng pananghalian sa trabaho o paaralan at panahon na ginagamit sa paghihintay. Ang mga pagkakataon upang makapagpatotoo ay maaaring mangyari samantalang namimili, o nasa bakasyon, o naglalakbay sa pamamagitan ng bus, eroplano, o tren. Ang ilan ay naging mabisa sa pangangaral sa kanilang sariling tahanan kapag dumadalaw ang mga ahente, nagrarasyon, kapitbahay, kamag-anak, at iba pa.
6 Kapag naglalakbay patungo sa mga asamblea o kombensiyon, magagamit natin ang pagkakataon upang magsalita sa mga tao at ipaliwanag kung saan tayo pupunta at kung bakit. Kapag nagkakarga ng gas, kumakain sa restauran, o namimili, dapat nating hanapin ang pagkakataon upang makapagpatotoo nang impormal.—Ecles. 11:6.
7 Ang taus-pusong pagpapahalaga sa katotohanan at sa pagkaapurahan ng panahon ay dapat na magpakilos sa atin na samantalahin ang bawa’t pagkakataon upang ihasik ang mga binhi ng katotohanan sa pamamagitan ng impormal na pagpapatotoo.—Mat. 24:14.