Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 8/10 p. 3-6
  • Makapagpapatotoo Ka Nang Di-pormal!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Makapagpapatotoo Ka Nang Di-pormal!
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—2010
  • Kaparehong Materyal
  • Magsalita Tungkol sa Kaluwalhatian ng Paghahari ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Paghaharap ng Mabuting Balita—Pagpapatotoo Nang Impormal
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1988
  • Handa Ka Bang Magpatotoo Nang Di-pormal?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2009
  • Purihin si Jehova sa Pamamagitan ng Di-pormal na Pagpapatotoo
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2003
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—2010
km 8/10 p. 3-6

Makapagpapatotoo Ka Nang Di-pormal!

1. (a) Ano ang di-pormal na pagpapatotoo? (b) Mayroon ba sa atin dito na unang nakaalam ng katotohanan dahil sa di-pormal na pagpapatotoo?

1 Ilan kaya sa kakongregasyon mo ang unang nakaalam ng katotohanan dahil sa di-pormal na pagpapatotoo? Aba, baka magulat ka sa sagot. Ang di-pormal na pagpapatotoo ay pagsasabi ng mabuting balita sa mga taong nakakasalamuha natin sa araw-araw​—⁠kapag bumibiyahe, dumadalaw sa mga kamag-anak o kapitbahay, namimili, nasa eskuwela, trabaho, at iba pa. Sa isang grupo ng mahigit 200 bautisadong Saksi, 40 porsiyento ang natagpuan sa pamamagitan ng di-pormal na pagpapatotoo! Kaya talagang napakabisa ng paraang ito ng pangangaral.

2. Anong mga halimbawa ng di-pormal na pagpapatotoo ang nasa Bibliya?

2 Ang mga ebanghelisador noong unang siglo ay madalas magpatotoo nang di-pormal. Halimbawa, habang nangangaral sa Samaria, nagpatotoo si Jesus sa isang babaing sumasalok ng tubig sa bukal ni Jacob. (Juan 4:​6-26) Pinasimulan ni Felipe ang pakikipag-usap sa isang opisyal na Etiope na nagbabasa mula sa aklat ng Isaias sa pamamagitan ng pagtatanong: “Talaga bang nalalaman mo ang iyong binabasa?” (Gawa 8:​26-38) Nang mabilanggo si apostol Pablo sa Filipos, nagpatotoo siya sa isang tagapagbilanggo. (Gawa 16:​23-34) Nang maglaon, habang nakakulong sa kaniyang sariling bahay, ‘tinanggap ni Pablo nang may kabaitan ang lahat ng mga pumaparoon sa kaniya, na ipinangangaral sa kanila ang kaharian ng Diyos at itinuturo ang mga bagay may kinalaman sa Panginoong Jesu-Kristo.’ (Gawa 28:​30, 31) Ikaw man ay makapagpapatotoo nang di-pormal kahit mahiyain ka. Paano?

3. Ano ang makatutulong sa atin para mapagtagumpayan ang pagkamahiyain?

3 Para Makapagpasimula: Marami sa atin ang nahihirapang simulan ang pakikipag-usap sa mga estranghero. Kahit pa nga sa mga kakilala natin, baka mag-alangan din tayong magpatotoo. Gayunman, mapasisigla tayong magsalita kung bubulay-bulayin natin ang kabutihan ni Jehova, ang espirituwal na mga kayamanang ipinagkakaloob niya sa kaniyang mga lingkod, at ang kaawa-awang kalagayan ng mga tao sa daigdig. (Jon. 4:11; Awit 40:5; Mat. 13:52) Isa pa, puwede nating hilingin kay Jehova na tulungan tayong ‘mag-ipon ng katapangan.’ (1 Tes. 2:⁠2) Sinabi ng isang estudyante sa Gilead: “Panalangin ang laging nakakatulong sa akin kapag nahihirapan akong makipag-usap sa mga tao.” Kung nag-aalangan kang makipag-usap, manalangin sandali nang tahimik.​—⁠Neh. 2:⁠4.

4. Anong tunguhin ang maaari munang gawin, at bakit?

4 Sa pagpapatotoo nang di-pormal, hindi kailangan ang pormal na pambungad o pagbasa ng teksto. Makatutulong kung ang tunguhin natin ay makapagpasimula muna ng pag-uusap imbes na isiping kailangan nating makapagpatotoo agad. Ito ang nagpalakas ng loob ng maraming mamamahayag para ibahagi ang mabuting balita sa dakong huli. Kung ayaw makipag-usap ng isa, hindi siya kailangang pilitin. Magalang na magpaalam at makipag-usap sa iba.

5. Ano ang ginagawa ng isang mahiyaing sister para makapagpatotoo nang di-pormal?

5 Habang namimili, inaabangan muna ng isang mahiyaing sister na tumingin sa kaniya ang isang tao at saka niya ito ngingitian. Kapag nginitian din siya, saka niya ito kakausapin. Kapag maganda ang tugon, lumalakas ang loob niyang ituloy ang pag-uusap. Pinakikinggan niyang mabuti ang kausap niya at pinag-iisipan kung anong aspekto ng mabuting balita ang magugustuhan nito. Dahil sa ganitong pamamaraan, nakapagpasakamay siya ng maraming literatura at nakapagpasimula pa ng pag-aaral sa Bibliya.

6. Paano tayo maaaring magsimula ng pag-uusap?

6 Pagpapasimula ng Pag-uusap: Ano ang puwede nating sabihin para makapagsimula ng pag-uusap? Nang makipag-usap si Jesus sa babae sa balon, sinimulan niya ito sa paghingi ng maiinom. (Juan 4:⁠7) Kaya baka maaari tayong magsimula sa pamamagitan ng palakaibigang pagbati o tanong. Habang nag-uusap na kayo, baka maipasok mo ang isang teksto sa Bibliya at marahil ay makapagtanim ng binhi ng katotohanan. (Ecles. 11:⁠6) Sinubukan ng ilan na bumanggit ng isang bagay na makapupukaw ng interes at mag-uudyok sa iba na mag-usisa. Halimbawa, habang naghihintay para magpatingin sa doktor, maaari mong simulan ang pag-uusap sa pagsasabing, “Sabik na akong dumating ang panahon na hindi na ako magkakasakit.”

7. Paano makatutulong ang pagiging mapagmasid para makapagpatotoo nang di-pormal?

7 Makatutulong din ang pagiging mapagmasid para makapagpasimula ng pag-uusap. Kung mapansin natin ang isang magulang na may disiplinadong mga anak, puwede nating komendahan ang magulang at itanong, “Ano po ang nakatulong sa inyo para mapalaki nang mahusay ang mga anak ninyo?” Tinatandaan ng isang sister ang mga paksang pinag-uusapan ng mga katrabaho niya at saka ibinabase roon ang paksang ipinakikipag-usap niya sa kanila. Nang malaman niyang isang katrabaho ang nagbabalak magpakasal, binigyan niya ito ng Gumising! tungkol sa pagpaplano ng kasal. Umakay ito sa higit pang pag-uusap sa Bibliya.

8. Paano natin magagamit ang ating mga publikasyon para makapagpasimula ng pag-uusap?

8 Isa pang paraan para makapagpasimula ng pag-uusap ay ang pagbabasa ng ating mga publikasyon sa lugar na makikita ng iba. Binubuklat ng isang brother ang isang nakapupukaw-pansing artikulo sa Bantayan o Gumising! at saka tahimik itong binabasa. Kung mapansin niyang may tumitingin sa magasin, nagtatanong siya o nagkokomento tungkol sa artikulo. Kadalasang umaakay ito sa pag-uusap at pagpapatotoo. Ang paglalagay ng publikasyon sa lugar na makikita ng mga katrabaho o kaklase ay maaaring pumukaw ng kanilang interes at mag-udyok sa kanila na magtanong.

9, 10. (a) Paano tayo makahahanap ng mga pagkakataon para makapagpatotoo nang di-pormal? (b) Paano mo ito ginawa?

9 Humanap ng mga Pagkakataon: Dahil apurahan ang gawaing pangangaral, hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang di-pormal na pagpapatotoo. Sa halip, dapat tayong humanap ng mga pagkakataong makapagpatotoo habang ginagawa ang pang-araw-araw nating gawain. Patiunang isipin ang mga taong malamang na makasalamuha natin at kung paano tayo makapagpapasimula ng palakaibigang pakikipag-usap sa kanila. Laging magdala ng Bibliya at ng publikasyong puwede mong ipamahagi sa mga magpapakita ng interes.​—⁠1 Ped. 3:⁠15.

10 Maraming mamamahayag ang naging mapamaraan at nakahanap ng mga pagkakataon para makapagpatotoo nang di-pormal. Isang sister na nakatira sa eksklusibong gusali ang pumupunta sa recreation area nito upang doon buuin ang kaniyang mga jigsaw puzzle ng magagandang tanawin. Kapag napapatingin ang iba at nagkokomento sa magagandang tanawin, sinasamantala niya ang pagkakataon para makipag-usap at sabihin sa kanila ang pangako ng Bibliya tungkol sa “isang bagong langit at isang bagong lupa.” (Apoc. 21:​1-4) May naiisip ka bang mga paraan para makahanap ng mga pagkakataong makapagpatotoo nang di-pormal?

11. Paano masusubaybayan ang interes ng mga nakausap natin sa di-pormal na pagpapatotoo?

11 Pagsubaybay sa Interes: Kapag nakinig ang isa, sikaping masubaybayan ang interes. Kung angkop, maaaring sabihin: “Nasiyahan ako sa pag-uusap natin. Paano kita makokontak para makapag-usap uli tayo.” Ibinibigay naman ng ilang mamamahayag ang kanilang adres at numero ng telepono sa kanilang kausap at saka sinasabi: “Nasiyahan ako sa pag-uusap natin. Kung gusto mong makaalam ng higit pa tungkol sa pinag-usapan natin, puwede mo akong makontak dito.” Kung hindi mo personal na masusubaybayan ang interes, punan ang Please Follow Up (S-43) form at ibigay sa kalihim ng inyong kongregasyon upang madalaw siya ng kongregasyong nakasasakop sa teritoryo.

12. (a) Bakit dapat ilista at iulat ang oras na ginugol sa di-pormal na pagpapatotoo? (b) Ano ang ibinubunga ng di-pormal na pagpapatotoo? (Tingnan ang kahon na “Nagbubunga ang Di-pormal na Pagpapatotoo!”)

12 Dapat iulat ang oras na nagugol sa di-pormal na pagpapatotoo. Samakatuwid, tiyaking ilista kahit na ilang minuto lamang bawat araw ang nagugol dito. Pag-isipan ito: Kung bawat mamamahayag ay magpapatotoo nang di-pormal kahit limang minuto lamang kada araw, aabot ito nang mahigit 17 milyong oras bawat buwan!

13. Ano ang dapat mag-udyok sa atin na magpatotoo nang di-pormal?

13 Pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ang pangunahin nating dahilan sa pagpapatotoo nang di-pormal. (Mat. 22:​37-39) Ang ating puso na punô ng pagpapahalaga sa mga katangian at layunin ni Jehova ang mag-uudyok sa atin na ipakipag-usap “ang kaluwalhatian ng karilagan ng kaniyang paghahari.” (Awit 145:​7, 10-12) Pakikilusin din tayo ng taimtim na malasakit sa ating kapuwa na samantalahin ang lahat ng angkop na pagkakataon upang ibahagi ang mabuting balita habang may panahon pa. (Roma 10:​13, 14) Kapag pinag-iisipan natin at pinaghahandaan ang di-pormal na pagpapatotoo, magagawa nating lahat ito at posibleng maranasan din natin ang kagalakang maipabatid ang katotohanan sa tapat-pusong indibiduwal.

[Blurb sa pahina 4]

Makatutulong na gawing tunguhing makipagkilala sa mga tao at makausap sila

[Blurb sa pahina 5]

Maraming mamamahayag ang naging mapamaraan at nakahanap ng mga pagkakataong magpatotoo nang di-pormal

[Kahon sa pahina 5]

Mga Mungkahi sa Pagpapasimula ng Pag-uusap

◼ Humingi ng tulong sa panalangin para makapagpasimula

◼ Makipag-usap sa mukhang palakaibigan at hindi nagmamadali

◼ Abangang tumingin sa iyo ang tao, ngitian siya, at bumanggit ng bagay na nakapupukaw ng interes

◼ Makinig nang mabuti

[Kahon sa pahina 6]

Nagbubunga ang Di-pormal na Pagpapatotoo!

• Habang ipinagagawa ng isang brother sa talyer ang kaniyang kotse, nagpatotoo siya sa mga nasa paligid at namigay ng handbill para mag-anyaya sa pahayag pangmadla. Makalipas ang isang taon sa isang kombensiyon, isang brother na hindi niya kilala ang bumati sa kaniya. Isa pala iyon sa mga nabigyan niya ng handbill sa talyer isang taon na ang nakalilipas! Dumalo pala ang lalaki sa pahayag pangmadla at ibinigay ang pangalan niya para makapag-aral ng Bibliya. Silang mag-asawa ay bautisado na ngayon.

• Para sa isang sister na natuto ng katotohanan dahil sa di-pormal na pagpapatotoo, ang espesyal na teritoryo niya ay ang mga taong nakikilala niya sa pamamagitan ng kaniyang tatlong anak. Teritoryo niya rin ang mga kapitbahay at mga magulang na nakikilala niya sa paaralan at sa mga miting ng mga magulang. Kapag nagpapakilala siya, sinasabi niya sa maikli pero taimtim na paraan na malaking tulong sa kaniya ang Bibliya sa pagpapalaki sa kaniyang mga anak, at pagkatapos ay ipagpapatuloy niya ang usapan sa ibang paksa. Pero dahil napasimulan na niya ang usapan, mas madali na niyang naipapasok ang tungkol sa Bibliya. Dahil sa ganitong pamamaraan, 12 ang natulungan niya tungo sa bautismo.

• Sinamantala ng isang sister na magpatotoo sa ahente ng insurance na pumunta sa kaniya. Tinanong niya ito kung gusto nito ng garantisadong magandang kalusugan, kaligayahan, at buhay na walang hanggan. Sumang-ayon ang lalaki at nagtanong kung anong insurance policy iyon. Ipinakita ng sister ang mga pangako ng Bibliya at binigyan ang lalaki ng isa sa ating publikasyon, na binasa naman nito sa loob lang ng isang gabi. Nagsimulang makipag-aral ng Bibliya ang lalaki, dumalo sa mga pulong, at nabautismuhan nang maglaon.

• Habang nagbibiyahe sakay ng eroplano, nagpatotoo ang isang sister sa katabi niya. Bago sila bumaba ng eroplano, ibinigay ng sister ang kaniyang adres at numero ng telepono at hinimok ang babae na humiling ng pag-aaral sa Bibliya sa susunod na dumalaw ang mga Saksi ni Jehova. Kinabukasan, dalawang Saksi ang kumatok sa pintuan ng babae. Nag-aral ng Bibliya ang babae, mabilis na sumulong, nabautismuhan, at di-nagtagal ay nagdaraos na rin ng tatlong pag-aaral sa Bibliya.

• Madalas sabihin ng 100-taóng-gulang na brother na bulag at nakatira sa isang nursing home ang mga salitang, “Kailangan natin ang Kaharian.” Naiintriga ang mga nars at pasyente kaya nagkakaroon ng pagkakataon ang brother na ipaliwanag kung ano ang Kaharian. Isa sa mga babaing nagtatrabaho roon ang nagtanong kung ano ang gagawin ng brother sa Paraiso. Sumagot siya, “Makakakita ako at makalalakad, pagkatapos, susunugin ko ang wheelchair ko.” Dahil bulag siya, pinakikisuyuan ng brother ang babae na basahin sa kaniya ang mga magasin. Nang dumalaw ang anak ng brother, nagtanong ang babae kung puwede niyang iuwi ang mga magasin. Isang nars ang nagsabi sa anak, “Ang bagong tema namin dito sa nursing home ay: ‘Kailangan natin ang Kaharian.’ ”

• Habang nakapila sa restawran, narinig ng isang sister ang usapan ng may-edad nang mga lalaki tungkol sa pulitika. Sinabi ng isa sa kanila na hindi malulutas ng gobyerno ang mga problema ng bansa. Naisip ng sister, ‘Pagkakataon ko na ‘to.’ Nanalangin siya sandali at nilapitan sila. Pagkatapos magpakilala, sinabi niya sa kanila na may isang gobyernong lulutas sa lahat ng problema ng tao, ang Kaharian ng Diyos, at inialok ang brosyur na dala-dala niya. Siya namang lapit ng manedyer. Akala ng sister ay paaalisin siya nito. Pero sinabi nito na nakikinig siya sa kanila at gusto rin niya ng brosyur. Isang empleado na nakikinig din ang lumuluhang lumapit. Dati pala siyang nag-aaral ng Bibliya at gustong ipagpatuloy ito.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share