Handa Ka Bang Magpatotoo Nang Di-pormal?
1. Anong halimbawa ang nagpapakita na puwedeng maging mabisa ang di-pormal na pagpapatotoo?
1 Maaaring maging napakabisa ng di-pormal na pagpapatotoo. May mga halimbawa nito sa Bibliya na nagkaroon ng magandang resulta. (Juan 4:7-15) Paano natin ito paghahandaan?
2. Paano makakatulong ang pananamit at pag-aayos sa ating pagpapatotoo?
2 Pananamit at Pag-aayos: Kapag hindi maayos ang ating pananamit, malamang na maasiwa tayong magpatotoo. Pero kung maayos at malinis ang ating hitsura, hindi tayo mahihiyang magpatotoo sa iba at maaaring maging dahilan pa ito para makinig ang mga tao sa ating mensahe. (1 Tim. 2:9, 10) Halimbawa, isang lalaking Muslim ang nakatabi ng isang mag-asawang Saksi sa biyahe. Napansin ng lalaki ang kanilang maayos na pananamit, kaya nagtanong siya kung Kristiyano sila. Nauwi ito sa tatlong oras na pag-uusap tungkol sa Bibliya.
3. Ilahad kung paano ka nakapagpasimula ng pag-uusap, gaya ng ginawa ni Jesus.
3 Paano Uumpisahan ang Pag-uusap? Inumpisahan ni Jesus ang pakikipag-uusap sa Samaritana sa bukal ni Jacob sa pamamagitan ng paghingi ng tubig na maiinom. Maaari din naman nating simulan ang pag-uusap sa pamamagitan ng maikling komento o simpleng tanong. Kahit na kung minsan ay baka nag-aalangan tayo, sa tulong ni Jehova, ‘makapag-iipon tayo ng katapangan’ para makapagpasimula ng pag-uusap.—1 Tes. 2:2.
4. Ano ang tutulong sa atin na maging handang magpatotoo nang di-pormal?
4 Humanap ng mga Pagkakataon: Maraming mamamahayag ang nakakahanap ng mga pagkakataon para makapagpatotoo nang di-pormal. Isipin kung kailan at saan ka puwedeng makapagpatotoo at kung sino ang malamang na makakausap mo sa araw-araw. Magdala ng mga publikasyon at maliit na Bibliya. Maging interesado sa mga tao sa paligid mo. Kapag lagi kang alisto sa mga pagkakataon, malamang na makapagpatotoo ka.—Fil. 1:12-14; 1 Ped. 3:15.
5. Bakit dapat nating samantalahin ang pagkakataong makapagpatotoo nang di-pormal?
5 May dalawang mahalagang dahilan kung bakit dapat nating samantalahin ang mga pagkakataong magpatotoo nang di-pormal—pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapuwa. (Mat. 22:37-39) Apurahan ang gawaing pangangaral. Kaya dapat talaga nating samantalahin ang bawat angkop na pagkakataon para ibahagi sa iba ang mabuting balita ng Kaharian habang may panahon pa.—Roma 10:13, 14; 2 Tim. 4:2.