Purihin si Jehova sa Pamamagitan ng Di-pormal na Pagpapatotoo
1 Ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay humahanap ng mga pagkakataon upang purihin siya araw-araw. (Awit 96:2, 3; Heb. 13:15) Ang isang paraan na magagawa natin iyan ay sa pamamagitan ng di-pormal na pagpapatotoo. Maraming mananamba ni Jehova sa ngayon ang nagpapasalamat na may nagharap sa kanila ng mensahe ng Kaharian sa pamamagitan ng di-pormal na pagpapatotoo.
2 Ang di-pormal na pagpapatotoo sa isang tao ay kadalasang nagbubukas ng daan upang mapakinggan ng iba ang mensahe ng Kaharian. Halimbawa, dahil sa pakikipag-usap ni Jesus sa isang Samaritana sa bukal ni Jacob, marami ang nagkainteres sa mabuting balita. (Juan 4:6-30, 39-42) Habang sina Pablo at Silas ay nakabilanggo sa Filipos, nagpatotoo sila sa tagapagbilanggo, at dahil dito ay tinanggap ng buong sambahayan ng lalaki ang katotohanan.—Gawa 16:25-34.
3 Mga Pagkakataon: Sa anong mga pagkakataon ka makapagpapatotoo sa di-pormal na paraan? Ginagawa ito ng ilan kapag namimili, sumasakay sa pampublikong transportasyon, o habang naghihintay kapag nagpapatingin sa manggagamot. Nakapagpapatotoo naman ang iba sa mga panahon ng pahinga sa trabaho o sa paaralan. Kahit ang paglalagay ng isa sa ating mga publikasyon sa Bibliya sa lugar na maaari itong makita ay makagaganyak sa iba na magtanong tungkol sa ating mga paniniwala.—1 Ped. 3:15.
4 Kung Paano Magsisimula: Narinig ng isang mahiyaing pitong-taóng-gulang na batang babae sa isang pagpupulong na napakahalaga para sa lahat na mangaral. Kaya nang paalis silang mag-ina para mamili, naglagay siya ng dalawang brosyur sa kaniyang bag. Habang abala ang kaniyang ina sa pagbabayad, nag-alok ang bata ng brosyur sa isang babae, na buong-lugod namang tumanggap nito. Nang tanungin kung paano siya nagkaroon ng lakas ng loob na lapitan ang babae, ganito ang sagot ng mahiyaing batang ito: “Sinabi ko lamang, Isa, Dalawa, Tatlo! At ginawa ko ito!”
5 Upang makapagpatotoo nang di-pormal, kailangan nating lahat ang espiritu na taglay ng batang babaing iyon. Ano ang makatutulong sa atin? Manalangin ukol sa lakas ng loob na magsalita. (1 Tes. 2:2) Maghanda ng isang tanong o komento hinggil sa isang kawili-wiling paksa na magagamit mo upang pasimulan ang pag-uusap. Pagkatapos ay magtiwala ka na pagpapalain ni Jehova ang iyong mga pagsisikap.—Luc. 12:11, 12.
6 Ang di-pormal na pagpapatotoo sa mga taong nakakausap natin sa araw-araw ay nagdudulot ng papuri kay Jehova at nagbibigay sa atin ng kagalakan. Maaari itong makatulong sa isa na lumakad sa daan patungo sa buhay na walang hanggan.