Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Pinalaya ng Katotohanan sa Bibliya ang Isang Madre sa Bolivia
MARAMING tapat-pusong mga tao ang tumatakas buhat sa huwad na relihiyon, natututo ng katotohanan sa Bibliya, at sumasamba kay Jehova, ang tunay na Diyos. Mahigit na 7,600 ang gumawa nang ganiyan sa Bolivia, kasali na ang isang madre.
Nang siyam na taon pa lamang, si M—— ay nagkaroon ng kaniyang unang pakikipagkilala sa isa sa mga Saksi ni Jehova. Siya ang nagbukas ng pinto nang ang Saksi ay dumalaw sa kaniyang tahanan, at sa unang pagkakataon, kaniyang narinig na binigkas ang pangalan ng Diyos na Jehova. Iyon ay hindi niya malimut-limutan sa loob ng maraming taon.
Yamang siya lamang ang solong babae sa pamilya, ipinasiya na siya’y dapat magmadre. “Anong tuwa ko na ako’y maglilingkod sa Diyos—sabihin pa, iyan ang akala ko,” ang sabi ni M——. Ngunit ang kaniyang kagalakan ay nauwi sa kabiguan nang siya’y magising sa katotohanan nang kaniyang makita ang pang-aapi at paboritismo na nagaganap sa kumbento. Ang sabi niya: “Marahil hindi ko malilimutan ang mga naramdaman kong mga panlulumo at yaong pisikal at espirituwal na mga panggugulpi na totoong napakasakit, anupa’t ang tingin ko sa Diyos ay hindi Isang Diyos ng pag-ibig, kundi Isa na nagpaparusa nang walang awa.”
Siya’y nagpatuloy: “Nang sumapit ang panahon na ako’y maging isang madre, hindi ko makita ang pangalang Jehova sa Bibliya. Wala akong nakita kundi ‘Yahweh,’ at iyan ang nagbigay sa akin ng kalituhan. Isang araw lumabas pa nga ako upang hanapin ang mga taong iyon na nagbabalita tungkol kay Jehova, ngunit hindi ko sila natagpuan.
“Lumipas ang panahon, at isang araw nang ako’y patungo sa tahanan ng aking pamilya, nakakita ako ng isang karatula, ‘Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses.’ Ibig kong sabihin sa kanila na sila’y mga bulaang propeta, ngunit walang tao sa hall. Bumalik ako noong Linggo. Kasalukuyan noong nagpupulong, at ang ilan ay waring nagtaka nang makakita ng isang nakabihis-madre na dumalo. Pagkatapos ng pulong, sinubukan kong umalis dali-dali. Gayunman, ako’y binati ng isa sa mga Saksi, kaya itinanong ko sa kaniya, ‘Bakit kayo namumusong sa Isang Banal sa pamamagitan ng pagtataglay ninyo ng pangalang iyan?’ Ang aking tanong ay umakay tungo sa isang diskusyon sa Bibliya, at ako’y nagsaayos na dalawin niya ako sa tahanan ng aking pamilya. Siya’y ipinagtabuyan ng aking mga magulang. Subalit, makalipas ang dalawang buwan kami’y nagkita-muli, at inanyayahan niya ako sa kaniyang tahanan para sa pag-aaral ng Bibliya. Ganiyan na lamang ang paghanga ko sa impormasyon na ipinakita niya sa akin, na pinatunayang ang mga Kristiyano’y dapat gumamit ng pangalan ng Diyos. Ang patotoong iyan ang nagbigay sa akin ng kinakailangang lakas upang itakwil ang lahat ng walang kabuluhang mga bagay na itinuro sa akin bilang isang madre.
“Natatandaan ko ang maraming bagay tungkol sa aking buhay sa kumbento. Halimbawa, minsan ay nangailangan ako ng karagdagan pang pagkain na makakain. Kaya sumulat ako at hiniling ko sa aking mga magulang na padalhan ako ng kaunting pagkain, palibhasa’y hindi ko alam na ang mga liham pala ay sinusuri sa kumbento. Sa sumunod na pagkakainan, maraming tinapay at jelly ang inilagay sa harapan ko, at ako’y napilitang kaning lahat iyon. Ngayon ay sobra-sobra ang aking pagkain. Binanggit ko ito sa aking mga kaibigan, at isa ang nagmungkahi na pagpira-pirasuhin ko ang tinapay na hindi ko makain at ikalat iyon sa sahig. Nang gawin ko nga iyon, isang madre ang agad sumunggab sa akin at itinulak ako sa sahig, kasabay ang mahigpit na utos na himurin ko ang buong sahig. Ang kuwarto ay malaki. Samantalang sinusunod ko ang iniutos na iyon, nakarinig ako ng mga bungisngisan at tawanan—hindi nagpakita ng anumang awa.
“Nakikita ko ngayon kung gaano kahanga-hanga na makalaya sa lahat ng iyan. Gaya ng dapat asahan, ang paglayang ito ay nangangailangan ng mga pagsasakripisyo. Unang-una, ako’y pinalayas ng aking ama sa aming bahay. Gayumpaman, bago ako lumisan sa kumbento, nagkaroon ako ng pribilehiyo ng pagtulong sa iba pang mga kabataang madre na matuto ng katotohanan. Ako’y nagagalak sabihin na ang iba sa amin ay nag-alay na ng aming buhay sa Diyos na Jehova!
“Pagkatapos na lisanin ko ang kumbento, mahirap maunawaan ng aking ama kung bakit tinanggihan ko ang mga trabahong malalaki ang suweldo ngunit nangangailangan ng malaking panahon. Subalit, ang ibig ko’y mas malaking panahon para sa paglilingkod sa Diyos. Ngayon ako’y naglilingkod bilang isang regular pioneer na namumuhay nang simple ngunit kapaki-pakinabang. At ako’y nagagalak, ang aking ina at ang aking mga kapatid na lalaki ay kasama ko na sa paglilingkod kay Jehova.”
Totoo nga, sa pamamagitan ng katotohanan ng Bibliya ay lumalaya ang isang tao buhat sa huwad na sistema ng relihiyon ng sanlibutang ito, at ito ay nagdudulot ng namamalaging kagalakan at kaligayahan.—Juan 8:32.