Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 6/22 p. 20-23
  • Pinabayaan ng mga Magulang—Inibig ng Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pinabayaan ng mga Magulang—Inibig ng Diyos
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Nasaan ang Nanay Ko?”
  • Buhay sa Kumbento
  • Natutong Mamuhay sa Labas
  • Espirituwal na Pagkain sa Wakas
  • Mga Pagsubok sa Aming Pananampalataya
  • Ako’y Dating Madreng Katoliko
    Gumising!—1985
  • Pinalaya ng Katotohanan sa Bibliya ang Isang Madre sa Bolivia
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Kung Paano Nasapatan ang Aking Espirituwal na Pagkauhaw
    Gumising!—2003
  • Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 6/22 p. 20-23

Pinabayaan ng mga Magulang​—Inibig ng Diyos

AYON SA SALAYSAY NI BERNADETTE FINN

Iniwan ako sa isang kumbento, kasama ng aking tatlong ate, noong ako’y wala pang apat na taóng gulang. Naaalaala nina Birdie 12, Phyllis 8, at Annamay 7 ang aking ilang linggong walang-tigil na pagsigaw dahil sa paghahanap sa aking mga magulang. Bakit kaya kami iniwan doon?

ISINILANG ako sa isang malaking pamilyang Katoliko noong Mayo 28, 1936. Nakatira kaming magkakapatid sa isang maliit na bahay sa Duncormick, County Wexford, Ireland, kapisan ng aming mga magulang. Ako ang ikawalong anak, at katabi ko sa pagtulog sa isang malaking kama ang aking pitong kuya at ate. Ang aking kapatid na lalaki at babae na sumunod na isinilang ay pinatulog naman sa mga drower ng isang tokador.

Ang aming ama ay isang masipag na magsasaka. Kapos na kapos ang kaniyang kinikita; kaya limitado ang pagkain ng aming pamilya. Bihirang-bihira na mapabaunan ni Inay ng kaunting tanghalian ang aking mga kuya at ate sa paaralan. Ang aming kalagayan ay tuwirang apektado ng pangkalahatang karalitaan sa buong Ireland at ng malupit na pamamahala ng Simbahang Katoliko noong panahong iyon.

Regular na nagsisimba ang aming pamilya, subalit si Inay ay hindi gaanong interesado sa espirituwal na mga bagay. Gayunman, naaalaala ng aking mga ate na nakikita nila siyang nagbabasa ng ilang literatura tungkol sa relihiyon habang nakaupo sa harap ng apuyan. Sinisikap niyang ipaliwanag sa amin ang ilan sa mga nababasa niya.

“Nasaan ang Nanay Ko?”

Hinding-hindi ko malilimutan ang araw na iyon nang dalhin ako sa kumbento. Nakatayo noon ang aking mga magulang sa pasilyo habang seryosong nakikipag-usap sa isang madre, at ako naman ay nakipaglaro sa ilang maliliit na batang babae roon, anupat nagsasaya habang walang kamalay-malay sa pinag-uusapan nila. Bigla akong nagpalinga-linga, at natakot ako nang hindi ko na makita sina Inay at Itay. “Nasaan ang nanay ko?” Nagsisigaw ako nang napakalakas. Gaya ng binanggit sa pasimula, ilang linggo akong nagsisisigaw.

Mabuti na lamang at kasama ko ang aking tatlong ate. Subalit palibhasa’y nasa ibang lugar sila ng kumbento, hindi kami palaging nagkikita. Yamang náhuhulí silang matulog nang dalawang oras kaysa sa aming mas nakababata, nananatili akong gising hanggang sa marinig kong matutulog na sila. Pagkatapos, palihim akong babangon at aakyat sa pinakatuktok ng hagdan upang mákawayán ako ng aking mga ate. Buong maghapon kong pinananabikan ang napakahalagang sandaling iyon.

Sa wari’y hindi minamabuti ng kumbento ang pakikipagkita sa mga magulang, kaya bihira namin silang makita. Napakasakit ng naging epekto sa akin ng paghihiwalay na iyon. Sa katunayan, sa tanging pagdalaw na natatandaan kong ginawa ng aking mga magulang, hindi ako lumapit sa kanila, at hindi rin sila lumapit sa akin. Gayunman, natatandaan ng mga ate ko na nagkaroon pa ng ilang pagdalaw.

Nang maglaon, itinuring ko na rin ang kumbento bilang aking pamilya, aking tahanan, aking daigdig. Sa loob ng 12 taóng pamamalagi roon, dalawang beses lamang akong nangahas na lumabas. Lubhang kapana-panabik ang mga pagliliwaliw na ito sa karatig na lalawigan, palibhasa’y nakakita kami ng mga punungkahoy at mga hayop. Kung hindi, kaming mga batang babae ay hindi kailanman makakakita ng mga kotse, bus, o mga tindahan, at sa katunayan ay bihira kaming makakita ng mga lalaki, maliban sa pari.

Buhay sa Kumbento

Maraming aspekto ang buhay sa kumbento​—may ilang positibo, karamihan ay negatibo. Isang napakabait na kabataang madre ang nagturo sa amin tungkol sa Diyos sa pinakamahusay na paraang nalalaman niya. Sinabi niya sa amin na ang Diyos ay isang maibiging ama. Nagdulot iyon ng kasiyahan sa akin, at ipinasiya kong mula sa araw na iyon ay ituturing ko ang Diyos bilang aking ama sapagkat siya’y mas maibigin at mabait kaysa sa aking tunay na ama. Mula noon ay palagi na akong nakikipag-usap sa Diyos sa panalanging simple at pambata. Hinanap-hanap ko ang madreng iyon nang umalis na siya sa kumbento.

Nagkaroon ako ng isang mahusay na saligang edukasyon, na ipinagpapasalamat ko. Gayunman, naaalaala ko ang tinutukoy na mga “batang babaing pang-araw,” na binibigyan ng pantanging pagtrato kapag sila’y dumarating sa kumbento para mag-aral. Galing sila sa mayayamang pamilya, at kapag sila’y dumarating, kailangan na kaming umalis sa mga silid-aralan. Palaging isinisiksik ng mga madre sa aming isip na kami’y mga ulila lamang at kailangang lumagay kami sa aming dapat kalagyan.

Maraming patakaran sa kumbento. Ang ilan sa mga ito ay makatuwiran naman, kaya naiintindihan ng karamihan sa amin kung bakit kailangan ang mga iyon. May kapaki-pakinabang na mga leksiyon hinggil sa asal, kilos, at iba pa. Hindi ko kailanman kinalimutan ang mga ito, at napakinabangan ko ang mga ito sa buong buhay ko. Subalit ang ilang patakaran ay hindi mahalaga at waring di-makatarungan, samantalang ang iba naman ay nakalilito at lubhang nakaiinis. Ang isa sa gayong patakaran ay ang pagpaparusa sa sinumang mapaihi sa kama kung gabi; at ang isa naman ay ang pagpaparusa sa sinumang pupunta sa palikuran kung gabi.

Isang araw habang pumapanhik kami sa hagdan, kinausap ko ang batang babaing katabi ko. Pinabalik ako ng isang madre, at ako’y pinarusahan dahil sa pagsasalita. Ang parusa? Kailangang ang suot ko lamang ay ang aking damit na pantag-araw sa buong panahon ng nanunuot-sa-butong taglamig sa Ireland! Ako ay isang masasakiting bata, na palaging hinihika at namamaga ang mga tonsil. Nagkasakit ako nang malubha at nagkatuberkulosis (TB), gaya ng maraming bata sa kumbento. Bagaman ibinukod sa isang hiwalay na dormitoryo, hindi kami ipinagamot, at ang ilan ay namatay, kabilang na ang aking pinakamatalik na kaibigan.

Ang ilan sa amin ay binubugbog dahil sa maliliit na paglabag sa mga patakaran. Sa isang pormal na pagtitipon, pinanood namin ang isang batang binugbog ng isang madre sa loob ng mahigit na dalawang oras. Nag-iyakan kaming lahat. Kung sa bagay, hindi naman lahat ng madre ay ganoon kalupit. Pero ang gumugulo pa rin sa aking isip hanggang ngayon ay kung bakit may mga taong napakalupit sa walang-kalaban-labang mga bata. Hinding-hindi ko kailanman iyan maiintindihan.

Nang maglaon, pinalabas na sa kumbento sina Birdie at Phyllis, anupat naiwan kami ni Annamay. Wala nang pinakamahalaga sa amin sa mundo kundi ang isa’t isa. Inaliw ako ni Annamay sa pagkukuwento na balang araw ay darating ang aming mga magulang at kukunin nila kami mula sa kumbento tungo sa isang lugar na hinding-hindi kami makikita ng mga madre. Nang palabasin na si Annamay sa kumbento, halos madurog ang aking puso. Nanatili ako roon nang tatlong taon pa.

Natutong Mamuhay sa Labas

Isang nakatatakot na karanasan ang paglabas ko sa kumbento sa edad na 16. Wala akong kaalam-alam tungkol sa mundo sa labas ng kumbento, at talagang litung-lito ako. Pagsakay ko sa isang bus, hiningan ako ng pamasahe, pero ni hindi ko alam kung ano ang pamasahe. Dahil sa wala naman akong pera, agad akong pinababa sa bus at naglakad na lamang patungo sa aking destinasyon. Minsan naman, gusto ko sanang magbus, pero walang dumarating na bus. Hindi ko alam na dapat pala akong pumunta sa hintuan ng bus.

Subalit sa pamamagitan ng kaunting pagtatapang-tapangan at pagkukunwari, unti-unti kong napag-unawa kung ano ang dapat kong gawin. Nakakuha naman ako ng simpleng trabaho, pero matapos ang ilang buwang pagtatrabaho, ipinasiya kong umuwi upang makita ko ang aking nanay. Nakilala ko roon ang ilan sa aking mga nakababatang kapatid sa kauna-unahang pagkakataon​—lahat-lahat ay 14 ang aking mga kapatid noong panahong iyon. Yamang wala nang lugar para sa akin kung pipisan pa ako sa kanila, isinaayos ng aking mga magulang na lumipat ako sa Wales at makipisan sa aking kapatid na si Annamay. Sinamahan ako roon ng aking tatay pero umalis din siya kaagad.

Hikahos ako noon pero nakaraos naman kahit paano. Nang maglaon, noong 1953, lumipat ako sa London, Inglatera, kung saan umanib ako sa Legion of Mary, isang organisasyong pangkawanggawa ng legong Romano Katoliko. Subalit bigung-bigo ako sa pagsama sa kanilang gawain, yamang umasa ako na may kinalaman sa espirituwal ang gagawin ko kasama ng mga taong ito. Gustung-gusto kong pag-usapan ang tungkol sa espirituwal na mga bagay, subalit ang naging gawain ko sa Legion of Mary ay ukol sa sanlibutan lamang, at tila walang panahon kailanman para sa espirituwal na pagtatalakayan.

Habang naninirahan sa London, nakilala ko si Patrick, na kaibigan ng aking mga kapatid na lalaki. Nag-ibigan kami at nagpakasal noong 1961. Ang aming unang dalawang anak, sina Angela at Stephen, ay doon ipinanganak. Pagkaraan, noong 1967, nandayuhan kami sa Australia, kung saan ang aming ikatlong anak, si Andrew, ay isinilang. Nanirahan kami sa lalawigan ng Bombala sa New South Wales.

Espirituwal na Pagkain sa Wakas

Di-nagtagal pagdating namin sa Australia, isang binatang nagngangalang Bill Lloyd ang dumalaw sa amin sa Bombala upang ipakipag-usap ang tungkol sa Bibliya. Tuwang-tuwa ako nang tuwirang masagot mula sa Bibliya ang aking mga tanong. Subalit bagaman natunugan ko na ang katotohanan sa sinasabi ni Bill, nakipagtalo pa rin ako sa kaniya nang husto, upang hindi siya makaalis at upang makarinig pa ako ng mga paliwanag mula sa Bibliya. Nang maglaon, dinalhan ako ni Bill ng isang Bibliya at ilang magasin na mababasa.

Siyang-siya ako sa mga magasin, subalit nagulat ako nang matuklasan kong ang mga taong naglathala ng mga ito ay hindi pala naniniwala sa Trinidad. Kaya itinago ko ang mga magasin, sa pangambang baka masira ang pananampalataya ni Patrick sakaling mabasa niya ang mga ito. Ipinasiya kong isauli ang mga ito sa pagbalik ni Bill, subalit nang sumunod niyang pagdalaw, ipinakita niya sa akin na ang doktrina ng tatlong persona na bumubuo ng isang Pagkadiyos ay salungat na salungat sa mga turo ng Bibliya. Hindi nagtagal at naging maliwanag sa akin na si Jesus ay Anak ng Diyos, na siya’y nilalang ng kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova​—kaya nga, siya’y may pasimula​—at na ang Ama ay mas dakila kaysa kay Jesus.​—Mateo 16:16; Juan 14:28; Colosas 1:15; Apocalipsis 3:14.

Di-nagtagal at natutuhan kong mali pala ang iba pang mga bagay na itinuro sa akin bilang isang Katoliko. Halimbawa, hindi itinuturo ng Bibliya na ang mga tao ay may imortal na kaluluwa o na may isang maapoy na impiyernong pahirapan. (Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4) Napakalaking luwag sa kalooban nang matutuhan ko ito! Isang araw ay nágsasayáw ako sa kusina dahil sa malaking katuwaan na, sa wakas, natagpuan ko rin ang Ama na malaon ko nang iniibig ngunit hindi ko kailanman nakilala. Nasapatan ang aking pagkagutom sa espirituwal. Lalo pa akong natuwa nang si Patrick ay makadama ng gayunding pananabik sa bagong-tuklas na paniniwalang ito.

Inanyayahan kami ni Bill sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Temora, isa pang lalawigan. Bagaman kilu-kilometro ang layo nito, malugod naming tinanggap ang paanyaya at dumating kami sa Temora maaga noong gabi ng Biyernes. Noong Sabado ng umaga, grupu-grupo ang nagtipon sa bulwagan ng kombensiyon para mangaral sa bahay-bahay. Tuwang-tuwa kami ni Patrick sa mangyayari, yamang ito ang matagal na naming gustong gawin. Subalit sinabi ni Bill na hindi pa kami puwedeng makibahagi sa pangangaral dahil naninigarilyo pa kaming dalawa. Pero nang umalis si Bill, sumama kami ni Patrick sa ibang grupo. Inakala nila na kami’y mga Saksi kaya isinama nila kami.

Di-nagtagal at nalaman namin ang mga maka-Kasulatang kahilingan upang maging kuwalipikado sa pangangaral ng mabuting balita. (Mateo 24:14) Sa wakas ay tinigilan na namin ang paninigarilyo, at sinagisagan namin ni Patrick ang aming pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig noong Oktubre 1968.

Mga Pagsubok sa Aming Pananampalataya

Habang sumusulong kami sa kaalaman sa Bibliya at sa aming kaugnayan kay Jehova, tumitibay ang aming pananampalataya sa mga pangako ng Diyos. Makalipas ang ilang panahon, si Patrick ay hinirang bilang matanda sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Canberra na kabiserang lunsod ng Australia. Ginawa namin ang lahat ng aming makakaya upang mapalaki namin ang aming mga anak sa pangkaisipang patnubay ni Jehova, habang napapaharap sa lahat ng karaniwang hamon sa pagpapalaki ng mga tin-edyer.​—Efeso 6:4.

Nakalulungkot, sa edad na 18, ang aming anak na si Stephen ay namatay sa isang aksidente sa kotse. Sa kabila ng aming pamimighati, naging isang tunay na kaaliwan para sa amin ang bagay na si Stephen ay naging mananamba ni Jehova. Nasasabik kaming makita siyang muli kapag binuhay nang muli ni Jehova ang mga nasa alaalang libingan. (Juan 5:28, 29) Nang sumunod na taon, 1983, sumama ako sa aming anak, si Angela, sa buong-panahong ministeryo, at mula noon ay nanatili na ako sa ministeryong iyan. Ang pagbabahagi sa iba ng aming salig sa Bibliyang pag-asa ay nakatulong sa akin upang mapanatili ang isang positibong pangmalas sa buhay, at nakatulong ito upang maalis ang kirot sa aking puso. Laking tuwa ko nang mabalitaan ko kamakailan na ang aking kapatid na si Annamay ay nakikipag-aral na rin ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova sa Wales.

Noong 1984, si Patrick ay nagkaroon ng isang karamdaman na nang panahong iyon ay waring isang misteryosong sakit. Nang maglaon ay nasuri iyon bilang chronic fatigue syndrome. Nang dakong huli, kinailangan niyang itigil ang regular na paghahanapbuhay, at nagbitiw siya sa paglilingkod bilang isang Kristiyanong matanda. Nakatutuwa naman, medyo gumaling na siya, at ngayo’y naglilingkod siyang muli bilang isang hinirang na lingkod sa kongregasyon.

Ang naging karanasan ko sa aking pagkabata ay nagturo sa akin ng disiplina at pagsasakripisyo sa sarili, at tinuruan ako nito kung paano mamuhay nang simple at masiyahan sa kaunting bagay. Subalit palaisipan pa rin sa akin kung bakit kaming 4 na batang babae ay ipinasok sa kumbento samantalang ang 11 pang kapatid namin ay nanatili sa bahay. Inaaliw ko na lamang ang aking sarili sa pag-iisip na ginawa ng aking mga magulang, na ilang taon nang patay, ang lahat ng kanilang makakaya sa ilalim ng mga kalagayang marahil ay hindi ko kailanman lubusang mauunawaan. Napakahirap na mga panahong iyon, anupat kinailangan ang mabibigat na desisyon. Sa kabila nito, nagpapasalamat ako sa aking mga magulang dahil sa kaloob na buhay na ipinamana nila sa akin at dahil sa pag-aalaga sa akin sa pinakamainam na paraang nalalaman nila. Higit sa lahat, nagpapasalamat ako kay Jehova dahil sa kaniyang makaamang pag-aalaga.

[Larawan sa pahina 22]

Noong kami’y bagong kasal

[Larawan sa pahina 23]

Noong bata pa ang aming mga anak

[Larawan sa pahina 23]

Kasama si Patrick sa ngayon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share