Pagmamasid sa Daigdig
Tumatakas ang Kapayapaan sa UN
Bagaman ipinagdiwang ng United Nations kamakailan ang ika-40 anibersaryo nito bilang isang organisasyon sa kapayapaan, ang 40 taóng pag-iral nito ay nabahiran ng dugo ng humigit-kumulang 100 mga digmaan, na ang 40 sa mga ito ay malalaking digmaan. Tinatayang ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa digmaang ito ay mahigit 30 angaw. Sa kaniyang anibersaryong pahayag sa General Assembly, si Presidente Mauno Koivisto ng Finland ay nagpahayag ng pagkabahala sa bagay na hindi natugunan ng organisasyon ng UN ang mga inaasahan ng mga gumawa nito, na sinasabi: “Tayo ba ay nabubuhay ngayon sa isang mas mabuting daigdig kaysa noong 40 taóng nakalipas? Mayroon ba ngayong mas kaunting karahasan at pakikidigma? Mayroon ba ngayong mas kaunting paghihirap ang tao sa daigdig? Ang mga bansa ba ay nakadarama ng higit na katiwasayan at pagtitiwala sa kanilang kinabukasan?” Nagkukomento tungkol sa talaksan ng mga sandatang nuklear sa buong daigdig at sa kakayahan nito na wasakin ang daigdig, sabi pa niya: “Gaano karami ang sapat?”
Sobra-Sobra
Karamihan ng mga tahanang Hapones ngayon ay nagtataglay ng napakaraming kagamitang elektroniko anupa’t wala nang silid para sa anumang bagay na bago. Malibang ang bagong bagay ay napakaliit, ang karaniwang Hapones ay kailangang magbawas ng isang bagay upang may mapaglagyan nito. Iyan, sabi ng New Scientist, ang nadarama ng Matsushita ng Hapón, ang pinakamalaking pagawaan ng elektronikong mga produkto sa daigdig. Sang-ayon sa bise-presidente ng kompanya, si Akira Harada, “Ang mga tahanang Hapones ngayon ay punúng-punô ng mga gamit anupa’t ang tanging lugar na mapaglalagyan ng bagong bagay ay ang ibabaw ng palamigan—o sa loob pa nga nito.” Iyan ay “masamang balita,” sabi ng magasin, sapagkat ang mga kompanyang Hapones “ay tradisyonal na gumagawa ng mga produkto para sa sabik-sa-kagamitan na mga mamimili, at saka iluluwas ang pinakamatagumpay na mga produkto sa ibang bansa.” Ang pagdiriin ay inilalagay ngayon sa industriyal na mga produkto.
Paglalaro sa Hindi Pa Isinisilang
‘Makipaglaro sa inyong anak sa tiyan kahit sa maagang yugto ng pagdadalang-tao,’ payo ng siyentipikong Olandes na si Frans Veldman. Iniuulat ng Alemang babasahing pangmedisina na selecta ang tungkol sa sinasabi ni Veldman na ang pakikipag-usap o pag-awit sa hindi pa isinisilang na sanggol ay magpapangyari rito na kumilos. Halimbawa, sinasabi ni Veldman na ang magiliw na yapos at paanyaya ng ina pati ang marahang mga pagkilos upang sumagot ay magpapangyari sa sanggol na lumapit tungo sa kinaroroonan ng kaniyang kamay, halos yumayapos dito. Sa artikulo, pati na ang ama ay hinihimok na makibahagi sa magiliw na paglalarong ito, sa gayo’y pinatitibay ang kaniyang kaugnayan sa sanggol.
Sinaunang Hangin
Ano kaya ang katulad ng hangin 4,600 taon na ang nakalipas? Iyan ang nais matuklasan ng mga siyentipiko nang kanilang pasukin ang ilalim na silid sa gawing timog-kanluran ng Great Pyramid ng Giza. Ang 96-piye-haba (29 m) na silid, na natatakpan ng 4- hanggang 6-piye-kapal (1.2 hanggang 1.8 m) na malapad na mga tipak ng bato, ay inaakalang naglalaman ng pangalawang sinaunang bangkang panlibing para sa “kaluluwa” ni Faraon Cheops. Ang una—12 piye (3.7 m) lamang ang layo mula sa kasalukuyang dako—ay natuklasan noong 1954. Ang sasakyang yari sa kahoy, na 130 piye (40 m) ang haba at mahusay na naingatan, ay nakadispley sa isang museo na itinayo para rito. Ang dalawang hukay, mga 30 piye (9 m) ang lalim at natatakpan ng 10 piye (3 m) ng eskombro, ay naligtasan ang mga pinsala ng panahon at mga magnanakaw ng mga libingan. Inaasahan na ang ikalawa ay magiging gaya ng una—nasarhang maigi ng sementong gypsum anupa’t hindi mapapasukan ng hangin, sa gayo’y kinukulong ang sinaunang hangin. Modernong teknolohiya ang gagamitin upang mapasok ang silid nang hindi pinapasok ng hangin sa labas. Magpapangyari ito sa mga siyentipiko na sukatin ang carbon dioxide at carbon monoxide ng hangin sa loob, ihambing ang mga ito sa kasalukuyang mga antas, at marahil ay magbibigay ng liwanag sa katanungan kung baga ang lupa ay umiinit nga gaya ng paniwala ng ibang mga siyentipiko.
Pinakamaliit na Mamal
“Ang nag-iisang membro ng bagong nakilalang ika-18 pamilya ng mga paniki” ang pinakamaliit na mamal sa daigdig, sabi ng Asiaweek. “Kailangang isuko ng pygmy shrew ang karangalang iyan noong 1974 nang matuklasan ng mga soologong nag-iimbistiga sa mga kuwebang bato sa Thailand ang BUMBLEBEE BAT.” Tumitimbang ng wala pang 0.07 onsa (2 g), ito ay halos kalahati lang sa laki ng hinlalaki ng tao. ‘Gaano karami nito ang kinakailangan upang matumbasan ang pinakamalaking mamal sa daigdig, ang balyenang asul,’ tanong ng magasin? “Sagot: sa 530 o higit pa sa isang kilo, 85 milyon.”
Ang Pinakamalaking Teleskopyo
Ang Bundok Mauna Kea, sa isla ng Hawaii, ang magiging lugar ng pinakamalaking teleskopyo sa daigdig. Ang 13,000-piye (4,000 m) na bundok ay napili dahilan sa kahanga-hangang astronomikal na mga kalagayan nito sa pagmamasid. Ang paglalagay ng pundasyon ay naganap noong Setyembre 1985 para sa $87 milyong proyekto. Hihigitan ng 33-piye-diyametro (10 m) na salamin ang kasalukuyang pinakamalaking teleskopyo, na nasa Unyong Sobyet, ng 13 piye (4 m). Yamang ang isang pirasong salamin na ganiyan kalaki ay ipinalalagay na impraktikal, ito ay itatayo sa pamamagitan ng maliliit na mga piraso, bawat piraso ay mayroong kaniyang sariling suporta at kontrol sa pagpupuwesto.
Biglang Paglitaw ng Kolera
Ang sinaunang sakit na kolera ay muling lumitaw sa Aprika. Ipinahihiwatig ng mga ulat ng balita na libu-libo sa ilang bansa ang namatay ng dahil sa sakit noong 1985. Gayunman ayaw kilalanin ng ibang mga bansa ang biglang paglitaw, marahil sa takot na mawalan ng mga parokyano na mag-aakalang ang kolera ay maaaring ilipat sa pamamagitan ng mga produktong iniluluwas. Di-gaya ng sinaunang mga epidemya, ang kabuuang dami ng mga namatay sa kolera ay maaari na ngayong takdaan sa pamamagitan ng maagap na medikal na atensiyon sa pamamagitan ng mga antibayotik at pagsusuwero ng panghaliling likido sa katawan. Ang pagwawalang-bahala sa biglang paglitaw ng karamdaman ay humahadlang sa gayong paggamot at, ikinatatakot na, ito ay magbubunga ng kamatayan ng libu-libong mga tao na maaari sanang mailigtas.
Pagbaligtad ng mga Pangyayari
“Bago ang Digmaang Pandaigdig II, iniiwasan ng mga mamimiling Amerikano ang mga produktong Haponés dahilan umano ang mga Haponés ay hindi nagsasagawa ng pagkontrol sa kalidad sa kanilang paggawa,” sabi ng Parade Magazine. “Ngayon, pagkaraan ng 45 mga taon, iginigiit ng mga Haponés ang gayunding pagpuna sa mga produktong yaring Amerikano.” Ang sobrang pangangalakal ng Hapón sa Estados Unidos ay $37 bilyong noong nakaraang taon. “Sa taóng ito, ang Hapón ay madaling makapagbibenta ng mahigit 2.2 milyong mga kotse sa E.U., subalit ang benta ng mga kotseng yari sa Amerika sa Hapón ay babagsak sa 2000,” sabi ng Parade.
Pagbabalik ng “Airship”
Ang dambuhalang mga airship ay waring nagbabalik. Ang kakayahan nitong manatiling nasa itaas sa loob ng mga ilang araw at umali-aligid sa isang dako, gayundin ang katipiran nito sa gatong, ang isang salik sa panibagong interes. Nakikini-kinita rin na maaaring gamitin ito sa bentaha sa paghahanap at pagsagip na mga misyon, sa pagmamanman at pagsubaybay sa mga ismagler ng droga, at para sa pagmamanmang militar. Maaari rin itong maghatid ng pagkain at iba pang mga panustos sa liblib na mga dako na nahiwalay dahilan sa likas na mga kapahamakan. Bagaman ang mga ito ay hindi nangangailangan ng mga daanan, ang mga ito ay kinakailangang magpugal upang magbaba o magkarga ng balast. Ito ay maaaring lutasin sa pamamagitan ng pansamantalang mga palong pangpugal na maaaring dalhin nito mismo at naibababa sa gilid. Maraming kompanya ang gumagawa ng mga disenyo na maglalakip ng makabagong teknolohiya.
Mga Suliranin sa Populasyon ng Nigeria
Ang populasyon ng Nigeria, ngayon ay malapit nang umabot ng isang daang milyong katao, ay maaaring dumami tungo sa 148 milyon sa loob lamang ng 15 mga taon sa kasalukuyang bilis ng pagdami. Ang dami ng ipinanganganak na sanggol ay napakataas anupa’t inilalarawan ng The Guardian ng Nigeria ang tipikal na babaing taga-Nigeria na “nagdadalang-tao . . . na may sanggol na nakatali sa kaniyang likod at dalawa o higit pang mga bata na nakahawak sa kaniya.” Nagbunga ito ng siksikang mga lunsod na ang karamihan ng mga pamilya ay nakatira sa isang silid na mga apartment. Ang katamtamang mga sambahayan sa Lagos ay 3.8 katao sa bawat silid at, sa maraming kaso, 5 o higit pa. Bukod sa maliwanag na mga panggigipit sa kabuhayan, nakikita ng mga nagsusuri ang kaugnayan ng mataong mga lunsod sa lumalagong dami ng krimen at iba pang mga suliraning panlipunan.
“Computerized” na Tulong para sa mga Diabetiko
Ang Aleman na mga espesyalista sa medisina ay nakagawa ng isang programa sa computer na nagpapangyari sa mga diabetiko na mabilis na alamin ang kanilang mga pangangailangan sa insulin, ulat ng The German Tribune. Pagkatapos nilang maipasok sa isang pambulsang computer kung ano ang kanilang kakainin at kung kailan nila itong kakainin, ang computer ay magrirekomenda ng wastong dami ng insulin na kukunin. Sinasabi rin na itinatala ng computer ang reaksiyon ng pasyente sa inirekomendang dosis at pagkatapos ay gumagawa ng anumang kinakailangang pagbabago. Ang diabetiko sa gayon ay binibigyan ng higit na kalayaan. Lubha ring nababawasan ang panganib ng pagkuha ng di-wasto at malamang ay mapanganib na dosis.
Nawawala Rin ang mga Bilang
Ang kanilang mga mukha ay lumilitaw sa telebisyon, sa mga paskilan, sa mga supot ng groseri, sa mga utility bill, at sa mga karton ng gatas sa buong Estados Unidos. Ito ang mga nawawalang bata. Subalit kung gaano karami ang nawawala ay paksa ng lumalagong pagtatalo. Halos 95 porsiyento ng bilang na 1.5 milyon isang taon, na inilagay ng U.S. Department of Health and Human Services noong 1983, ay sinasabing mga lumayas—karamihan ay nagbalik ng bahay pagkaraan ng ilang araw. Ang karamihan ay inagaw ng humiwalay na mga magulang na pinag-aagawan ang pangangalaga sa mga bata. “Kaunti lamang ang nahuhulog sa kategoryang labis na ikinatatakot ng mga magulang—pagkidnap ng mga estranghero—at kahit na ang bilang na iyan ay pinagtatalunan,” sabi ng magasing Newsweek. “Ang FBI ay nakapagtala lamang ng 67 gayong mga pagkidnap noong nakaraang taon.” Sinisikap na lutasin ng lupong tagapayo ng Kagawaran ng Hustisya ang pagtatalo tungkol sa bilang.
Malaking Panganib sa mga Asawang Babae ng mga Maninigarilyo
Ipinakikita ng mga pag-aaral kamakailan na ang mga babae na ang mga asawa ay humihitit ng tabako ay mayroong mas malaking panganib na magkaroon ng kanser sa baga kaysa mga babaing ang asawa ay hindi naninigarilyo. Iniuulat ng The Globe and Mail ng Toronto, Canada, na isang Haponés na pag-aaral na isinagawa sa gitna ng 1,400 katao sa pagitan ng 1971 at 1980 ang naghinuha na ang panganib ay 50 porsiyentong mas malaki sa gayong mga kaso. Sang-ayon kay Dr. Suminori Akiba, ang awtor ng nasabing pag-aaral, ang pagkakataon na ang isang babae ay magkaroon ng kanser sa baga ay lumalaki sa katumbasan na kung gaano karami o gaano kadalas manigarilyo ang kaniyang asawa. Ipinakikita ng mga tuklas ni Dr. Akiba na “ang mga asawa ng mga lalaking naninigarilyo ng 30 sigarilyo isang araw ay dalawang ulit na malamang na magkakanser sa baga kaysa mga babaing ang asawa ay hindi naninigarilyo,” sabi ng pahayagan.