Pagmamasid sa Daigdig
Isang Nagdidigmaang Dantaon
“Isang madugong dantaon, ang ika-20 siglo ay nagkaroon na ng 207 mga digmaan, at tinatayang 78 milyong buhay ang nasawi rito, mahigit na limang beses ng dami ng mga kamatayan kaysa noong ika-19 na siglo,” sabi ng inilathala kamakailan na report ng World Military and Social Expenditures 1985. “Dalawang-katlo ng mga bansa sa daigdig, kumakatawan sa 97 porsiyento ng pangglobong populasyon, ang nasangkot sa di-kukulanging isang digmaan sa siglong ito. Mula noong Digmaang Pandaigdig II ang antas ng karahasan ay dumami.” Sa katunayan, hindi ibinibilang ang dalawang digmaang pandaigdig, nagkaroon ng apat na ulit na dami ng mga kamatayan dahilan sa digmaan mga 40 taon mula noong Digmaang Pandaigdig II kaysa sa dami ng mga namatay 40 taon bago nito. Ang bilang ng mga digmaang sibil, lokal, at pangrehiyon ay lubhang dumami. Ang relihiyoso at etnikong mga kadahilanan ng mga pagbabakang ito ay umabot ng isang bagong pinakamataas na bilang nitong nakalipas na mga taon. Ang larangan ng digmaan para sa karamihan ng mga digmaang ipinakipaglaban sapol noong 1945 ay sa mga bansang kabilang sa Third World, kung saan ang maunlad na sandata ay nagpangyari sa bawat dako, gaano man ito kalayo, na malapit sa larangan ng digmaan. Ang kamatayan ng mga sibilyan ay lubhang dumami. “Ang mga digmaan sa ngayon ay higit na nagbabanta-buhay sa mga sibilyan kaysa mga taong nakikipagdigma,” sabi ng report.
Nakalalasong mga Tagas
Sa Estados Unidos, sa nakalipas na limang taon ang nakalalasong mga tagas ay sumawi ng di-kukulanging 135 katao, puminsala ng 1,500, at nagpaalis sa mahigit 200,000 sa kanilang mga tahanan, ulat ng Environmental Protection Agency. Taun-taon, mayroong mga 1,400 di-sinasadyang mga pagtagas ng mapanganib na mga kemikal. Tinataya ng ahensiya na humigit-kumulang 2,000 katao ang nagkakaroon ng kanser taun-taon dahilan sa pagkalantad sa mga ito—halos katumbas ng bilang ng mga taong namatay sa napabalitang malaking sakuna sa Bhopal, India, noong 1984. “Napakaraming sinasabi subalit kakaunti ang pagkilos kung paano iiwasan ang kahawig na mga kapahamakan,” sabi ng The New York Times.
Ang Papel ng Alkohol sa Krimen
Ang mga resulta ng pagmamaneho ng lasing ay alam na alam. Subalit kumusta naman ang tungkol sa papel ng alkohol sa iba pang mga krimen? Ipinakikita ng isang report kamakailan mula sa U.S. Bureau of Justice Statistics na 68 porsiyento niyaong mga nabilanggo dahilan sa pagpatay, 62 porsiyento niyaong mga nabilanggo dahilan sa pagsalakay, at 49 porsiyento niyaong mga nabilanggo dahilan sa kusang pagpatay o tangkang pagpatay ay mga nakainom. Lahat-lahat, 54 porsiyento niyaong mga nakulong dahilan sa marahas na mga krimen ay umanin na sila ay “totoong lasing” o “lasing na lasing” sa panahon ng pagkakasala. Kahit na sa hindi marahas na pagkakasala, gaya ng kaguluhan sa publiko at pagnanakaw, 48 porsiyento niyaong mga nakulong ay nakainom ng inuming may alkohol bago naganap ang pagkakasala. Ang pagsusurbey sa halos 6,000 mga bilanggo sa 400 mga piitan sa ibayo ng bansa ay sinasabing kumakatawan sa mahigit 223,000 katao na nakakulong sa lokal na mga piitan ng bansa.
“Umaapaw na Ekonomiya”
“Sa buong globo, sa maunlad at nagpapaunlad na mga bansa, ang mga tagagawa sa iba’t ibang uri ng industriya ay naglalabas ng higit kaysa mabibili ng mga mamimili, lumilikha ng isang bagong daigdig ng ekonomiya—isang umaapaw na ekonomiya,” sabi ng The New York Times. “Hinalinhan ng sobra-sobra ang mga kakulangan noong 1970’s. Mayroong dumaraming talaksan ng mga materyales na hilaw, hindi gaanong ginagamit at hindi ginagamit na mga pagawaan o pabrika at napakaraming walang trabahong mga tao.” Bunga nito, ang proteksiyonismo ay nagiging pangkaraniwan sa maraming industriyal na mga bansa, ginagawang mas mahirap para sa mga bansa sa Third World na magbili ng kanilang mga kalakal. At yamang ang mga presyo ay pinababa, pinarami ng mga bansang ito ang kanilang produkto, inaasahang makababawi sa pagkalugi—sa gayo’y nakadaragdag sa umaapaw na ekonomiya.
Pinakamabagal na Pagdami
Ang Europa ngayon ang may pinakamabagal na bilis ng pagdami ng populasyon sa daigdig, sabi ng pahayagang Aleman na Frankfurter Allgemeine Zeitung. Sa pagitan ng 1975 at 1980 ang taunang bilis ng pagdami ay bumaba mula sa katamtamang 0.8 porsiyento tungo sa 0.4 porsiyento. Inaasahan ng mga dalubhasa sa populasyon ang pagbaba ay magpapatuloy—aabot ng 0.26 porsiyento sa pagtatapos ng dantaon at sero na pagsulong sa taóng 2025. Ang Aprika, sa kabilang dako, ang may pinakamabilis na pagdami ng populasyon sa daigdig. Ito ay tumaas mula 2.1 porsiyento noong 1950 tungo sa 3.0 porsiyento noong 1980, at ito’y inaasahang aabot ng 3.1 porsiyento sa taóng 2000. Lahat-lahat, ang populasyon ng daigdig ay hindi na mabilis na dumarami na gaya noong una. Ito ngayon ay dumarami sa bilis na 1.7 porsiyento taun-taon, na nagdaragdag ng mga 80 milyon katao.
Ang Pamana ng Digmaan
Isang mapanglaw, pilipit na buhay ang nakakaharap ng mga bata sa Beirut, sabi ng The West Australian ng Melbourne. Kahit na ngayon nasasabi ng mga paslit na bata ang kaibhan sa pagitan ng dumarating at lumalabas na mga bala ng baril, ang kaibhan sa pagitan ng iba’t ibang uri ng mga putok ng artilyerya. “Ang isa ay mag-iisip kung ano ang kahihinatnan ng mga batang ito pagka ang mga ito’y nagkaedad, dahilan sa lahat ng kapangitan na nakapaligid sa kanila,” sabi ng guro sa nursery sa Beirut na si Iman Khalife. “Ang kanilang mga usapan ay pumapaligid sa mga kublihan, mga pagsabog, mga digmaan at paglalaban, pagkawala ng koryente at kakapusan ng tubig.” Sabi niya na ang paboritong laro ng mga tatlo- at apat-na-taóng-gulang na mga bata na kaniyang pinangangasiwaan ay “Digmaan,” kung saan ipinakikita nila ang kanilang reaksiyon kapag isang bomba ang sumabog sa malapit. Apektado rin ang ibang nakatatandang mga kabataan. “Hindi ako makatulog hangga’t hindi ko naririnig ang tunog ng mga pagbubomba,” sabi ni Ghazi Sabbagh, isang 20-taóng-gulang na estudyante sa unibersidad. Kaya upang makatulog kapag walang putukan ng digmaan, pinatutugtog niya ang ginawa niyang rekording ng mga mortar, shellfire, at mga granada.
Mas Matinding mga Babala sa Sigarilyo
Ang unang babala noong 1966 ay nagsabi na “ang sigarilyo ay maaaring maging mapanganib sa inyong kalusugan.” Ang ikalawa, noong 1970, ay nagsabi na ito ay mapanganib sa kalusugan. Ngayon, sa 1986, ang mga kaha ng sigarilyo ay magkakaroon ng apat na bagong mga babala mula sa U.S. surgeon general, na binabanggit na ang usok ng sigarilyo ay naglalaman ng carbon monoxide; nagiging sanhi ng kanser, sakit sa puso, at emphysema; pinipinsala ang di pa isinisilang na sanggol at nagiging sanhi ng mga komplikasyon sa pagbubuntis; at na ang paghinto ngayon ay lubhang nagbabawas ng gayong mga panganib. Ang bagong mga babala, na ang bawat isa’y bumabanggit ng espisipikong mga panganib, ay ihahali-halili apat na beses sa isang taon. Inaasahan na ang isang may kabatirang publiko ay makukumbinsing huminto ng paninigarilyo o huwag pa ngang simulan ito.
Natuklasan ang “Pagawaan” ng Litid
Nakilala ng mga mananaliksik sa Northwestern University sa Chicago, Illinois, E.U.A., ang “pagawaan” sa katawan na gumagawa ng litid. Sinisilip ang selula sa pamamagitan ng isang mikroskopyong elektron na pinalalaki ang isang bagay ng isang milyong ulit, nasumpungan nila ang ribosome, na gumagawa ng collagen, ang proteina na bumubuo sa mga litid. Sa tatlong hibla ng proteina nito na nakaikid na parang lubid, binibigyan ng collagen ang mga litid ng lakas upang dumikit sa mga kalamnan sa buto. Iniuulat ng The Times ng London na ang paraan ng paggawa ng mga hibla ng proteina at pag-ikid “ay waring siyang pinakamasalimuot na piraso ng cellular assembly na kailanman ay natuklasan.”
Mapanganib na Kasama
Ang pamumuhay o pagtatrabaho na kasama ng isa na naninigarilyo ay maaaring maging mapanganib sa iyong kalusugan, sabi ng bagong pag-aaral ng American Cancer Society na inilathala sa Journal of the National Cancer Institute. Pagkatapos suriin ang isang grupo ng 134 mga babaing hindi naninigarilyo na may kanser sa baga, natuklasan ng mga mananaliksik na ang babaing hindi naninigarilyo na nalantad sa paninigarilyo ng iba ay 10 hanggang 30 porsiyentong mas malamang na magkaroon ng kanser sa baga kaysa babaing hindi nalantad dito. Ang panganib ng pagkakaroon ng kanser sa baga ay dumarami depende sa dami ng usok kung saan ang isang hindi naninigarilyo ay nalantad. “Ang mga babae . . . na nalantad sa usok ng di-kukulanging 20 mga sigarilyo isang araw,” sabi ng report, “ay nagpapakita ng dalawang ulit na panganib kaysa mga babaing hindi man lamang nalantad dito.”
Jazz para sa mga Budhista
Sa loob ng mga dantaon, ang mga templong Budhista ay mapayapang mga santuaryo para sa tahimik na pagbubulaybulay, subalit ngayon ang ilan ay nagkakaroon ng pambihirang mga dagdag na hanapbuhay. Halimbawa, ang Templo ng Jotokuji sa Kyoto, Hapón, ay umaalingawngaw sa mga tunog ng jazz tatlong gabi sa isang linggo. Sang-ayon sa Asahi Evening News, ang pari sa templo ay nagsabi na “siya ay hindi nababahala sa pagkakaroon ng mga kabataan, nakasuot leotard na mga babae na umiikut-ikot na parang trumpo at nagtátatalón sa kaniyang bahay ng pagsamba.” Gayunman, sinasabi niya na “hindi madaling umawit ng mga sutras na kasaliw ng jazz.” Ang ibang mga templo ay gumagamit ng musikang pop, komedya, at “day-as-a-Buddhist-nun” na mga gimik upang umakit ng mga tao.
Hindi Sapat na mga Kasanayan
Walumpung mga manggagamot na nagbulontaryong subukin ang kanilang kasanayan sa pagtunton ng mga tumor sa suso ay hindi gumawang mahusay, ulat ng American Health. Ang mga bukol, na ang laki ay mula 1/8 hanggang 1/2 ng isang pulgada (3 hanggang 13 mm) at sarisari mula malambot hanggang matigas, ay inilagay sa mga modelong suso na yari sa silicone. Bagaman sila ay nagtagumpay sa pagtunton sa pinakamalaking mga bukol, ang bawat manggagamot, sa katamtaman, ay nakasumpong lamang ng 44 porsiyento nito, at ang isang doktor ay nakasumpong ng 17 porsiyento lamang. Ang mga internist ang pinakamatagumpay, samantalang ang mga gynecologist ang nakatunton ng pinakakaunti. Marami sa mga doktor ang nagsabi na sila ay hindi sapat na sinanay sa gayong mga eksaminasyon. Ang panahon na ginugol sa pagsusuri sa mga suso ay isang mahalagang salik. Sinasabi ng mga dalubhasa na ang maagang pagkatunton ang pinakamabuting proteksiyon, yaon ay, upang hanapin ang mga tumor habang ang mga ito’y maliit pa. Iminumungkahi nila ang buwanang pagsusuri sa sarili karagdagan pa sa pagsusuri ng manggagamot. Ang karamihan ng maliit na mga tumor ay maaaring alisin sa pamamagitan ng lumpectomy, kung saan ang maliit na bahagi ng nakapaligid na himaymay ay apektado.
Tagahanap ng Kotse
Mahigit na isang milyong mga kotse ang ninakaw sa Estados Unidos noong 1984. Sang-ayon sa FBI, kalahati lamang ng mga ninakaw na kotse ang muling nakuha. Ito ang nagpangyari sa isang kompanya sa Massachusetts na gumawa ng isang elektronikong aparato—kasinlaki halos ng isang pambura sa pisara—na tutulong sa mga pulis na tuntunin ang isang ninakaw na sasakyan. Sa loob ng isang taóng pagsubok, karamihan ng mga sasakyan na nilagyan ng aparatong ito ay natunton sa loob lamang ng sampung minuto. Kapag iniulat ang isang pagnanakaw, ang sentral na computer ay gagamitin upang pakilusin ang elektronikong bug, na magbibigay ng hudyat na maaaring marinig hanggang sa layo na limang-milya (8-km) radius ng mga yunit na sumusubaybay na nakalagay sa mga kotse ng pulis. Sasabihin din ng computer sa pulis ang taon, kayarian, kulay, at numero ng registro ng ninakaw na kotse, para sa madaling pagkilala. Ang aparato ay maaaring ikabit saanman sa kotse, kahit sa loob ng apholster.