Maliwanag ang Babala—Nakikinig Ka Ba?
“BABALA: Ang Paninigarilyo ay Maaaring Maging Mapanganib sa Inyong Kalusugan.” Ipinag-utos ng pamahalaan ng E.U. noong 1965 na dapat ipakita ng mga manggagawa ng sigarilyo ang mga salitang ito sa kanilang mga pakete. Pagkalipas ng limang taon, ang babalang ito ay nagbigay-daan sa, “Babala: Natiyak ng Surgeon General na ang Paninigarilyo ay Mapanganib sa Inyong Kalusugan.” Ngayon hinihiling ng batas na apat na magkahiwalay, mas espisipikong mga babala ay lumitaw tuwing ikatlong buwan. Ito kaya’y nagpapawalang-sala? Isaalang-alang ang mga ulat mula sa buong daigdig at magpasiya para sa inyong sarili.
“Babala ng Surgeon General: Ang Paninigarilyo ay Nagdadala ng Kanser sa Bagà, Sakit sa Puso, Emphysema, at Maaaring Magkaroon ng Komplikasyon sa Pagdadalang-tao”:
“Ipinakita ng mga pag-aaral sa kanser ng Ministry of Health and Welfare na . . . sa Hapón . . . kalahati o higit pa sa mga kaso ng kanser sa bagà ang matutunton sa paninigarilyo.”—Asahi Evening News.
“Pinatutunayan ng siyentipikong mga estadistika na may malapit na kaugnayan sa pagitan ng paninigarilyo at mga sakit sa bagà at sa daluyan ng dugo, sabi ni Dr. Douglas Thompson, isang seruhano sa dibdib sa departamento ng pag-oopera sa University of Zimbabwe.”—The Herald.
“Halos 2 porsiyento ng mga may sakit ng emphysema ay namana ang sakit at isang maliit na katumbasan ang nagkaroon nito bilang komplikasyon ng iba pang mga sakit . . . Subalit sa karamihan [ng mga biktima sa Britaniya], . . . ang sakit ay dala ng paninigarilyo.”—The Times.
“Babala ng Surgeon General: Ang Usok ng Sigarilyo ay Naglalaman ng Carbon Monoxide”:
“Ang hindi gaanong napapansin subalit marahil mas mapanganib na epekto ng paninigarilyo . . . ay ang produksiyon ng carbon monoxide . . . Nasumpungan . . . ng mga mananaliksik na habang dumarami ang carbon monoxide, ang kakayahan ng nagmamaneho na tantiyahin ang oras at distansiya at alamin ang pagbabago sa bilis ng takbo ng isang kotse na nasa harap sa kalye ay lubhang apektado. Mayroon ding bahagyang mga pagbabago sa normal na pagmamaneho.”—The Scientific Case Against Smoking.
“Babala ng Surgeon General: Ang Paghinto sa Paninigarilyo Ngayon ay Lubhang Nakababawas sa Malubhang mga Panganib sa Inyong Kalusugan”:
“Kapag ang isang tao ay humihinto sa paninigarilyo, ang mga pakinabang sa sistema ng puso at sirkulasyon ng dugo ay nagsisimula karakaraka. Ang panganib ng atake sa puso, stroke, at iba pang mga sakit sa sirkulasyon ng dugo ay umuunti. . . . Ang panganib tungkol sa kanser na nauugnay sa paninigarilyo ay umuunti at sa loob ng sampung taon ang panganib ay maitutulad na roon sa hindi naninigarilyo.”—U.S. Department of Health and Human Services.
“Babala ng Surgeon General: Ang Paninigarilyo ng mga Babaing Nagdadalang-tao ay Maaaring Makapinsala sa Ipinagbubuntis, Panganganak nang Wala sa Panahon at Mababang Timbang ng Sanggol”:
“Halos lahat ng mahigit na 50 mga pag-aaral na inilathala na kinapapalooban ng mahigit na kalahating milyong mga pagsilang mula sa maraming mga bansa at etnikong mga grupo, ay nagpapakita na ang paninigarilyo ng mga ina ay lubhang nakaapekto sa timbang ng bata sa pagsilang. . . . Ang panganib ng kusang paglalaglag ay 30 hanggang 70 porsiyentong mas mataas sa gitna ng mga nagdadalang-taong naninigarilyo kaysa sa gitna ng mga hindi naninigarilyo at ang bilang ay tumataas pa depende sa dami ng sigarilyong nahitit. . . . Ang mga anak ng mga babaing naninigarilyo sa panahon at pagkatapos ng pagdadalang-tao ay dumaranas ng mas mataas na antas ng pagkakasakit at kamatayan hanggang sa edad na 5 taon.”—The Health Consequences of Smoking: The Changing Cigarette—A Report of the Surgeon General.
Mahusay ang ginagawa ng mga pamahalaan at ng medikal na propesyon sa pagpapalabas ng mga babala. Subalit ang pangwakas na resulta ay depende sa indibiduwal. Gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Ang lakad ng mangmang ay matuwid sa kaniyang sariling mga mata, ngunit siyang pantas ay nakikinig sa payo.” (Kawikaan 12:15) Nakikinig ka ba?