Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 8/22 p. 14-15
  • Ikinakalat Ba Nila ang Kamatayan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ikinakalat Ba Nila ang Kamatayan?
  • Gumising!—1988
  • Kaparehong Materyal
  • Talaga Bang Gayon Kasama ang Paninigarilyo?
    Gumising!—1991
  • Sigarilyo—Tinatanggihan Mo ba Ito?
    Gumising!—1996
  • Bakit Dapat Huminto sa Paninigarilyo?
    Gumising!—2000
  • Mga Ahente ng Kamatayan—Parokyano Ka Ba?
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 8/22 p. 14-15

Ikinakalat Ba Nila ang Kamatayan?

“BABALA: Tinitiyak ng Surgeon General na ang Paninigarilyo ay Mapanganib sa Inyong Kalusugan.” Ipinagkikibit-balikat ng mga mahilig manigarilyo sa Estados Unidos ang babalang ito na nakatatak sa mga kaha ng sigarilyo. Sa gayong mga tao, para bang ang kanser sa bagà, sa pinakamalubha, ay malayong mangyari. ‘Isa pa,’ katuwiran ng mga gayong tao, ‘katawan ko ito.’

Gayunman, ang American Cancer Society ay nag-uulat: “Isinasapanganib ng mga maninigarilyo hindi lamang ang kanilang sariling kalusugan kundi rin naman ang kalusugan niyaong nakapaligid sa kanila.” Ang babasahing Olandes na Roken welbeschouwd (Paninigarilyo​—Pagkatapos Maisaalang-alang ang Lahat) ay sumasang-ayon, sinasabi na ang isang hindi naninigarilyo na nagtatrabahong kasama ng isang katamtamang maninigarilyo ay maaaring tumatanggap ng kasindaming nakapipinsalang bagay na gaya ng isang taong naninigarilyo ng limang sigarilyo isang araw! Hindi kataka-taka, kung gayon, ang mga hindi naninigarilyo na nagtrabaho sa isang mausok na kapaligiran nang mahigit na 20 taon ay kalimitang dumaranas ng mga problema sa palahingahan​—na para bang sila ay nanigarilyo ng isa hanggang sampung sigarilyo isang araw!

Ang dahilan? “Sidestream smoke.” Iyan ang tawag ng mga mananaliksik sa usok na nanggagaling sa dulo ng isang may sinding sigarilyo. Mapanganib, ang ang sidestream smoke ay nagtataglay ng mas maraming tar at nikotina kaysa usok ng sigarilyo na nilalanghap! Kaya nga, sinasabi ng mga imbestigador na ang mga maninigarilyo sa Estados Unidos ang may pananagutan sa 5,000 hanggang 50,000 kamatayan ng mga hindi naninigarilyo sa bawat taon.

Sigarilyo, mga Babae, at mga Sanggol. Mayroon ding malaking pagkabahala na lubhang naaapektuhan ng paninigarilyo ang mga sanggol. “Ang paninigarilyo ng mga ina,” babala ng pulyetong Facts and Figures on Smoking, “ay may tuwiran, nakapagpapabansot na epekto sa ipinagbubuntis na sanggol at maaaring lubhang makaapekto sa pangmatagalang paglaki ng bata, intelektuwal na paglaki, at paggawi.” Ang mga babaing nagdadalang-tao na naninigarilyo ay nagpapasok ng maraming nakapipinsalang bagay sa daluyan ng dugo ng kanilang ipinagbubuntis na mga anak. Ang mga tantiya ay iba-iba, subalit sinasabi ng ilan na sa pagsilang, ang kanilang mga sanggol ay tumitimbang, sa katamtaman, ng 200 gramong mas mababa kaysa mga sanggol ng hindi naninigarilyo.

Ipinakikita pa ng isang pag-aaral na isinagawa sa Denmark na ang paninigarilyo ay maaaring makasamâ sa kakayahan ng babae na magpasuso sa sanggol. “Marahil dahil sa nikotina,” sabi ng mga mananaliksik na Danes, “ang mga malakas manigarilyo ay mayroong mas mababang antas ng prolactin, isang hormone na nag-uudyok sa paggawa ng gatas.”

Balintuna, gayunman, mas maraming babae ang naninigarilyo ngayon​—at humihitit ng mas maraming sigarilyo​—kaysa dati. Bunga nito, sabi ng Facts and Figures on Smoking, nahigitan ng kanser sa bagà ang kanser sa suso sa Estados Unidos bilang ang numero unong mamamatay-tao ng mga babae. Sumawi ito ng tinatayang 40,000 babae noon lamang 1985.

Nagbabagong Saloobin. Gayunman, mayroong mabuting balita tungkol sa paninigarilyo. Sang-ayon sa American Cancer Society, ang damdamin laban sa paninigarilyo ay lumalago. Tatlo sa apat na mga Amerikano ngayon ang may palagay na ang mga naninigarilyo ay hindi dapat magsigarilyo sa harap ng iba. Ang bilang ng mga taong hindi na naninigarilyo ay dumarami rin. Ang panlahat na kunsumo ng sigarilyo sa Estados Unidos at sa Kanluraning Europa ay bumaba. Ganito ang sabi ni Adele Paroni, tagapagsalita ng American Cancer Society: ‘Ang pinakamabuting balita ay na ngayon wala pang 30 porsiyento ng mga adultong Amerikano ang naninigarilyo!’

Mayroon pang mga 54 na milyong tao sa Estados Unidos ang naninigarilyo. Subalit sang-ayon sa American Lung Association, siyam sa sampung maninigarilyo ngayon ay nagsasabing nais nilang huminto. Marahil sila ay mauudyukan ng mas bago, mas positibong mga babalang nakatatak sa mga kaha ng sigarilyo. Ang isa sa mga ito ay kababasahan ng: “BABALA NG SURGEON GENERAL: Ang Paghinto sa Paninigarilyo Ngayon ay Lubhang Makababawas sa Malubhang mga Panganib sa Inyong Kalusugan.”

[Mga larawan sa pahina 15]

Ang sidestream smoke buhat sa isang sigarilyo ay nagtataglay ng mas maraming tar at nikotina kaysa usok ng sigarilyong nilalanghap

Ang mga babaing nagdadalang-tao ay nagpapasok ng maraming nakapipinsalang bagay sa daluyan ng dugo ng kanilang ipinagbubuntis na mga anak

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share