Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 7/8 p. 10-13
  • Tatlumpung Taon ng Pag-ibig at Debosyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tatlumpung Taon ng Pag-ibig at Debosyon
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagharap sa Katotohanan
  • Pagharap sa Hamon
  • Pagsulong at mga Balakid
  • Espirituwal na mga Pagpapala
  • Sabihin Mo sa Kanila na Mahal Mo Sila
    Mga Karanasan ng mga Saksi ni Jehova
  • “Ngayon Lang May Nagmahal sa Akin Nang Ganito”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Isang Payunir na Malakas ang Loob
    2016 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
  • Kaligayahan ang Humalili sa Panlulumo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 7/8 p. 10-13

Tatlumpung Taon ng Pag-ibig at Debosyon

ANG aming anak na si Josephine ay mahigit nang 30 taóng gulang ngayon. Nasisiyahan siya sa paghuhugas ng pinggan at pagtulong sa mga gawain sa bahay, at lagi niya kaming pinasasalamatan sa kasiyahan na dulot sa kaniya ng gayong mga trabaho. Subalit, si Jose (gaya ng tawag namin sa kaniya) ay totoong natatangi. Hayaan mong ipaliwanag ko kung bakit.

Marahil ay maguguniguni mo ang aking katuwaan nang, pagkaraan ng 14 na taon ng pag-aasawa, nalaman kong ako ay nagdadalang-tao sa aking panganay na anak. Subalit mula nang sandaling makita ko si Josephine, natalos ko na siya ay isang “Down’s syndrome” (mongoloid) na sanggol.

Pagharap sa Katotohanan

Napakahirap batahin ang pagkabigla at dalamhati. Ang aking mabait ng asawa ay nabalisa sa akin kung paanong ako’y nabalisa sa kaniya. Ang pagkasiphayo ay tunay na tunay sa aming dalawa. At, tapatan, nasira ang aming kapurihan. Paano namin ibabalita ito sa aming mga magulang at mga kaibigan​—at ng aking asawa sa kaniyang mga kasamahan sa trabaho? Subalit higit sa lahat, awang-awa kami sa aming anak na babae, lalo na yamang hindi namin alam noon ang buong lawak ng kaniyang kapansanan.

Ang mga doktor ay prangka. Sinabi nila sa amin na si Jose ay hinding-hindi magiging malakas at na sa gayong mga kaso ang mga kahinaan sa puso at baga ay karaniwan nang nagtatakda sa haba ng buhay. Nang sa wakas ay umuwi kami ng bahay, kaunti pa rin ang aming nalalaman. Makalakad, makapagsalita, o mapakain kaya ni Josephine ang kanilang sarili? Paano kaya namin ito mapangangasiwaan, ipagpalagay nang makayanan namin ito? Subalit naniniwala akong si Josephine ay gagaling kapag, gaya ng madalas kong ipanalangin, ang kalooban ng Diyos ay maganap na rito sa lupa gaya ng sa langit.​—Mateo 6:9, 10.

Lahat ng aking mga kapitbahay ay nagkaroon ng interes sa aking panganganak. Kaya’t nang si Josephine ay mga anim na linggo na, inayusan ko siya at isinakay sa kaniyang karuwahe ng bata, pinupunô rin ito, ng mga sipi ng pulyetong naglalaman ng nakapagpapatibay na pahayag sa Bibliya na “Can You Live Forever in Happiness on Earth?” (Maaari ba Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Kaligayahan sa Lupa?) Pagkatapos ay kumatok ako sa bawat pinto sa magkabilang panig ng kalyeng tinitirhan ko, na inaanyayahan ang aking mga kapitbahay na makita ang aking sanggol. Kasabay nito, ipinaliwanag ko ang aking pag-asa na siya ay ibabalik sa sakdal na kalusugan sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos at binigyan ko ang bawat isa ng isang kopya ng pulyeto. Nang matapos ako, hindi ko sukat akalain na ako ay magtataglay ng gayong lakas ng loob. Subalit sa paanuman ay naipakita ko sa lahat kung gaano kahalaga ang aking pananampalataya.

Pagharap sa Hamon

Kaming mag-asawa ay disididong gawin ang lahat ng aming magagawa para kay Josephine. Sa simula, inilagay namin sa aming isipan ang atas na gawin siyang isang tinatanggap na membro ng lipunan. Wala kaming kamalay-malay noon kung gaano karaming taon ng mabagal na pagsasanay​—napakabagal kung minsan​—ang nasa harapan namin.

Halimbawa, madalas na inilalawit ni Jose ang kaniyang dila. Tuwing mangyayari ito, marahan kong ibinabalik ito, hinahagkan ang kaniyang pisngi, at ibinubulong sa kaniya, “Matalinong bata!” Nang siya ay anim na buwang gulang na, naunawaan niya kung ano ang hinihiling sa kaniya at ang problemang ito ay napagtagumpayan. Subalit anong laking pagtitiyaga ang kinakailangan!

Ang pamilya, mga kaibigan, at mga membro ng Kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Taunton, Inglatera ay napakamatulungin na lahat! Hinding-hindi kami nagkulang ng pampatibay-loob. Pagkaraan ng mahigit isang taon, sa tulong ng isang andador, si Josephine ay nakakalakad-lakad sa bahay na mag-isa. Isang huwaran ang nagsisimulang lumitaw, subalit marami pa kaming dapat na matutuhan.

Nang si Josephine ay dalawa at kalahating taóng gulang, kami ay pinayuhan na panahon na upang sanayin siya sa pag-ihi at pagdumi. Lagi siyang tuyo at malinis paghiga niya ng kama, at dinadala ko siyang muli sa kasilyas bago kami matulog ng aking asawa. Inaayos namin ang aming orasang de-alarma sa ikaapat at kalahati, kung kailan ako ay babangon na muli upang tingnan ang pangangailangan ni Jose. Pagkatapos, sa pamamagitan ng pag-aatras sa orasan na limang minuto araw-araw, nang siya ay tatlong taóng gulang na, kami ay regular na hindi na nagagambala sa aming pagtulog sa gabi. Ang lihim, nasumpungan namin, ay ang magkaroon ng nakahandang mainit, tuyong bihisan para sa kaniya at papurihan siya ng salitang alam na alam na niya, “Matalinong bata!”

Pagsulong at mga Balakid

Nalalaman na ang aming problema ay isang pangkaraniwang problema, binasa namin ang mga aklat tungkol sa Down’s syndrome subalit nasumpungan namin na ang marami sa mga ito ay nakapanlulumo. Kaya ipinasiya namin na magkaroon ng sariling pagtatasa sa mga hindi nagagawa at maaaring gawin ni Josephine. Dito muli, lubhang nagkakaiba-iba ang mga opinyon, karaniwan nang depende sa kung ano ang nadarama ni Josephine sa panahon ng kaniyang mga panayam.

Minsan, hindi niya agad naibigan ang espesyalista. Bunga nito, kami ay sinabihan na si Josephine ay isang napakahirap na kaso at hindi siya maaaring matuto ng anuman. Subalit ang ibang mga panayam ay mas nakatutulong. Ang kaniyang kakayahan na magsalita nang kaunti, lalo na ang umawit na nasa tono, ay nakabuti sa kaniya. Bunga ng mga pagsubok na ito, nang si Jose ay walong taóng gulang na, naipalista namin siya sa isang paaralan sa Bristol para sa mga bata na may pantanging edukasyonal na mga pangangailangan.

Nang si Jose ay tatlong taóng gulang, isinilang ko ang aming pangalawang anak na babae, si Joan. Habang lumalaki si Joan, siya ang aking matiyagang kasama at katu-katulong sa pangangalaga kay Josephine taglay ang kasiglahan ng isang bata na mahal na mahal ang kaniyang nakatatanda​—ngunit, sa katunayan, ang kaniyang batang​—kapatid. Kapag medyo nauubusan na ako ng pasensiya sa pagtuturo ng isang salita o pagtutuwid ng isang hindi mabuting ugali, si Joan ay magtitiyaga at sa gayo’y pinalalakas ako. Mangyari pa, may mga problema, sapagkat ang mga kabiguan ni Josephine ay kadalasan nang nauuwi sa mga sumpong. Kaya ang tanging remedyo ay hawakan siyang mahigpit upang huwag niyang masaktan ang kaniyang sarili, kasabay nito’y magiliw na pinatitibay-loob siya hanggang sa siya’y unti-unting huminahon.

Ang pagpapalaki sa dalawang bata sa gayong mga kalagayan ay hindi madali. Nang ako’y kinailangang maospital dahil sa isang operasyon, si Josephine ay lubhang nabalisa anupa’t nalagas ang kaniyang maganda’t maitim na buhok. Bagaman sa loob ng maraming taon regular na dinala namin siya sa isang espesyalista para ipagamot, hanggang sa araw na ito siya ay kinakailangang magsuot ng peluka. Di nagtagal, humina ang kaniyang kalusugan. Nagkaroon din ng pagkurbada sa kaniyang gulugod, at dahilan sa kaniyang mapanganib na kalusugan, wala kaming nagawang anumang bagay tungkol dito. Naging mahirap para sa sinuman sa amin ang mga bagay-bagay. Sa mga panahon ng matinding kaigtingan, labis kaming nagpapasalamat sa modernong mga gamot na nakapagpaginhawa at nakapagpatulog kay Jose. Sa katunayan, ewan ko lang kung buhay pa siya ngayon kung hindi dahilan sa makabagong mga paggagamot na ito.

Ang mga guro na dalubhasa sa pangangalaga kay Josephine ay walang-sawa sa kanilang mga pagsisikap na tulungan at sanayin siya. Ang mga leksiyon ay hindi tumatagal nang mahigit 20 minuto at kadalasan ay mas maikli pa. Itinuon namin ang pansin sa wastong mga tunog ng patinig, sinusundan ng maikling mga parirala, dahan-dahan upang matiyak ang malinaw na pagbigkas. Ang kakayahan ni Jose na matamang mag-isip (konsentrasyon) ay totoong limitado. Minsan, nagugunita ko na kami ni Joan ay gumugol ng dalawang linggo sa pagtuturo sa kaniya na sabihin “my arm” at “park keeper.” Subalit anong laking kagalakan na maging matagumpay!

Ang kurikulum sa paaralan ni Josephine, bagaman limitado, ay napakahalaga. Sa gulang na 16 hindi lamang siya nakapagsasalitang mabuti kundi siya rin ay nakakabasa at nakakasulat. Natuto siya ng mga kasanayan sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay at nakapaglalala at nakagagawa ng mga palayok na luwad. Kahit na sa ngayon gustung-gusto niya ang magkulay ng mga larawan, isang bagay na maingat na maingat niyang ginagawa. Subalit, pinakamahalaga sa lahat, sa lahat ng panahong ito, kapuwa ko tinuruan ang aking mga anak na babae na ibigin ang Diyos na Jehova.

Espirituwal na mga Pagpapala

Nang si Joan ay magpabautismo sa gulang na 16, si Josephine ay naroroon at narinig ang tagapagsalita na nagsabi na ang isang bautismadong tao ay “tunay na isa sa malaking pamilya ni Jehova.” Mula noon, naging hangarin at taimtim na mithiin ni Jose na maging bahagi ng pamilyang iyon. Kaya pagkalipas ng ilang taon, sa gulang na 22, siya ay nabautismuhan. Iyon ay isang maligayang araw!

May tibay-loob, si Josephine ay nakikipag-usap sa lahat tungkol sa pananampalataya niya sa Diyos​—sa kaniyang mga guro sa Centre kung saan siya ay gumugugol ng mga ilang oras bawat linggo, sa mga kaibigan, at sa mga kapitbahay. Ipinagkakapuri niya na maging isa sa mga Saksi ni Jehova. Si Jose ay nakapamamahagi ng maraming pantulong sa pag-aaral ng Bibliya at ipinasusulat sa akin ang mga direksiyon o tirahan upang masubaybayan ang mga interesado na nasumpungan niya. Gustung-gusto niyang dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall sa aming lugar, at kung mabuti ang kaniyang kalusugan, isinasama namin siya sa mas malaking mga asamblea.

Nagkaroon din ako ng maraming pagkakataon na tulungan ang iba na nasa katulad ko ring kalagayan. Ang iba sa mga kasamahan sa trabaho ng aking asawa, gayundin ang mga doktor na nakakaalam tungkol kay Josephine, ay humihiling sa akin na magtungo at aliwin ang mga magulang ng isang sanggol na may Down’s syndrome. Ipinadadala nila ako sapagkat ako’y laging mukhang napakasaya. Bueno, mayroon ako ng lahat ng dahilan upang maging maligaya. Sa loob ng maraming taon, ako ay nakipagsulatan sa mga pamilya sa Australia at sa iba pang lugar na may mga suliraning katulad ng sa akin. Sa tuwina’y kasiya-siya na makapagpatibay-loob sa ibang mga magulang at ipasa sa kanila ang praktikal na mga mungkahi na natamo ko mula sa aking sariling karanasan.

Mangyari pa, ang bawat kaso ay iba at ang mga kalagayan sa tahanan ay iba-iba. Subalit kinikilala ng mga awtoridad sa medisina na ang mga batang may Down’s syndrome ay may sarisaring mga kakayahan at maraming natatagong mga potensiyal. Dapat paglabanan ng mga magulang ang hilig na maging walang kibo at maging labis sa pangangalaga pagkatapos nilang matanggap ang unang pagkabigla sa kapanganakan. Ang labis-labis na pagpapasunod ay isa pang panganib. Ang batang may Down’s syndrome ay madaling hubugin sa unang limang taon gaya ng normal na mga bata. Ang katatagan, na may kalakip na kabaitan, ay mahalaga kung nais mong makita ang paglitaw ng natatagong mga kakayahan.

Ang lahat ng pagsisikap naming mag-asawa, ng aking anak na si Joan, ay sulit. Kadalasan nang ipinalalagay ng iba na ang pangangalaga sa isang batang may kapansanan ay isang pananagutan na may kaunting gantimpala. Maling-mali sila! Bagaman si Josephine ay hindi makapagluto, kadalasan nang ipinagtitimpla niya ng isang tasang tsa ang dumarating na mga bisita. Sumasagot din siya sa telepono, inaayos ang kaniyang sariling higaan, at napakaingat at napakatiyaga kapag ginagawa ang mumunting mga gawain ng pagpupunas at paglilinis sa bahay.

Ang mga batang may Down’s syndrome ay hindi lamang lubhang mapagmahal kundi sensitibo, maalalahanin, at magiliw rin naman. Si Josephine ay walang pinagkaiba. Talaga! Siya nga ay nakapagdulot sa amin ng higit na kaligayahan kaysa kalungkutan. Kung para sa amin, siya lalo na ang nagpapamalas ng pag-ibig at debosyon.​—Gaya ng inilahad ni Anna Field.

[Blurb sa pahina 10]

Naipakita ko sa lahat kung gaano kahalaga ang aking pananampalataya

[Blurb sa pahina 11]

Labis kaming nagpapasalamat sa modernong mga gamot na nakapagpaginhawa at nakapagpatulog kay Jose

[Blurb sa pahina 12]

Kapuwa ko tinuruan ang aking mga anak na babae na ibigin si Jehova

[Blurb sa pahina 13]

Ang batang may Down’s syndrome ay madaling hubugin sa unang limang taon gaya ng normal na mga bata

[Larawan sa pahina 11]

Si Anna Field kasama ng kaniyang anak na si Josephine

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share