Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ano ang Masama sa Pag-inom at Pagmamaneho?
“NANDILIM ang aking paningin samantalang nagmamaneho akong pauwi ng bahay,” sabi ni Mike, ginugunita na labis ang kaniyang nainom nang gabing iyon. “Ngunit sa paanuman nakarating ako ng bahay. Paggising ko kinaumagahan, napansin ko na ang gawing inuupuan ng pasahero ng aking kotse ay sirang-sira, subalit hindi ko matandaan na ako’y nagkaroon ng aksidente! Nagmaneho ako sa paligid at sinikap kong alalahanin kung ano ang nangyari, at saka ko nakita ito. Ang malaking haliging bato malapit sa sementeryo ay nabangga, at naroon ang bakas ng pintura ng aking kotse. Malamang na bumangga ako rito kagabi! Talagang nakatakot ito sa akin.”
Si Mike ay nakaligtas—siya ay buháy upang isaysay ang tungkol dito. Sa kasamaang palad, maraming iba pa ang hindi nakaligtas. “Ang pagmamaneho nang lasing ang pangunahing sanhi ng kamatayan sa mga kabataang ang gulang ay 16-24,” sabi ng Report on the National Conference for Youth on Drinking and Driving noong 1984. ‘Oh, hindi ito mangyayari sa akin!’ maaaring sabihin mo. Subalit malamang na iyan din ang sinabi ng isang biktima sa kaniyang sarili! Tingnan din ang kahon sa pahina 14, “Ito’y Maaaring Mangyari sa Iyo!”
Ngunit kung ang pag-inom at ang pagmamaneho ay napakapeligroso, kung gayon bakit ginagawa ito ng napakaraming kabataan?
Kung Bakit ang mga Kabataan ay Umiinom at Nagmamaneho
Kung tungkol sa dahilan kung bakit ang mga kabataan ay umiinom, ang panggigipit ng kaedad o kabarkada ang popular na idinadahilan. Gayunman ang ibang kabataan ay pumapakli: ‘Hindi ako ginigipit ng aking mga kaibigan na uminom.’ Gayunman, ang panggigipit ng mga kaedad ay maaaring mas tuso kaysa inaakala mo. Ang mga kabataan ay kadalasang naiimpluwensiyahan, hindi ng basta hayagang pag-aanyaya na gawin ang isang bagay, kundi kung paano sa palagay nila ay minamalas sila ng kanilang mga kaedad. Gaya ng ipinaliliwanag ng aklat na Alcohol and Alcohol Safety, nina Peter Finn at Judith Platt: “Ang pangangailangan na mapabilang sa isang grupo ay nadarama ng lahat, ngunit ang pangangailangang ito ay masidhi sa mga tin-edyer, at ang pagiging hindi bahagi nito ay maaaring totoong mahirap tanggapin. Hindi kataka-taka na ang panggigipit ng grupo ay kadalasan nang ipinalalagay na isang malaking dahilan ng pag-inom ng mga tin-edyer.”
Subalit bakit napakaraming kabataan ang umiinom at saka nagmamaneho? ‘Ginagawa ito ng mga adulto, kaya bakit hindi namin puedeng gawin?’ tugon ng ibang mga kabataan. At hindi maikakaila na ang ilang mga adulto ay napakasamang halimbawa tungkol sa bagay na ito. Subalit dahilan na ba iyan para ikaw ay gumawa ng isang bagay na totoong mapanganib?
‘Ngunit ano naman ang masama sa pagmamaneho kung mga dalawang bote lamang ng beer ang nainom mo?’ maaaring itanong ng iba. Iyan ang pangunahing dahilan kung bakit ang mga kabataan ay umiinom at nagmamaneho—sila (at ang mga adulto, din!) ay mga biktima ng mga alamat tungkol sa mga epekto ng alkohol. Narito ang ilang halimbawa:
ALAMAT: Ligtas magmaneho kung mga dalawang bote lamang ng beer ang nainom mo.
KATOTOHANAN: “Ang alkohol sa dalawang 12-onsa [355-cc] na mga lata ng beer na nainom nang wala pang isang oras ay maaaring magpabagal sa reaksiyon ng isang tsuper ng ika-2/5 ng isang segundo—ipagpalagay nang ang isang kotseng naglalakbay ng 55 milya sa bawat oras [89 km/hr] ay maglakbay ng karagdagang 34 piye [10.4 m]—marahil ang kaibhan ay sa pagitan ng muntik-muntikan at pagkabangga.”—Development of a Traffic Safety and Alcohol Program for Senior Adults, ni James L. Malfetti, Ed.D., at Darlene J. Winter, Ph.D.
ALAMAT: Ang pag-inom ng matapang na kape ay mas mabilis mag-alis ng pagkalasing.
KATOTOHANAN: Ang kape ay maaaring gumawa sa isang tao na mas gising, subalit lasing pa rin. Inilalabas ng katawan ang alkohol sa isang hindi mababagong bilis ng oksidasyon gaano man karaming kape ang inumin ng isa. Panahon lamang ang tutulong sa isa na mawala ang pagkalasing.
ALAMAT: OK lamang ang magmaneho basta inaakala mong hindi ka lasing.
KATOTOHANAN: Mapanganib na magtiwala sa kung ano ang iyong inaakala o nadarama. Ang alkohol ay lumilikha ng ilusyon ng pagiging mabuti ang pakiramdam, ginagawa ang uminom na mag-akala na kaya niyang supilin ang kaniyang sarili gayong sa katunayan ang kaniyang mga kakayahan ay nabawasan.
Mapanganib nga sa sinuman na pagsamahin ang pag-inom at pagmamaneho, mas mapanganib pa nga ito para sa mga kabataan. Bakit?
Pambihirang mga Panganib
Ang kakulangan ng karanasan ay isang salik. Halimbawa, kung ikaw ay sasakay sa isang eruplano, pipiliin mo ba ang isang bata, bagong piloto, o ang isang beteranong piloto na may maraming taón ng karanasan sa pagpapalipad? Ang sagot ay maliwanag. Subalit bakit pipiliin mo ang may karanasang piloto? Sapagkat alam mo na ang mga tao ay mas malamang na magkamali o gumawa ng mga maling tantiya kung ang isang gawain ay bago sa kanila.
Gayundin kung tungkol sa pag-inom at pagmamaneho. Kaya, binabanggit ng isang report tungkol sa kaligtasan sa trapiko at alkohol na ang pagmamaneho ng mga kabataan na nakainom “ay mas mabilis na lumalala kaysa sa mga adulto sapagkat ang pagmamaneho ay isang mas bago at hindi gaanong rutinang kasanayan para sa kanila. Sa maikli, ang karamihan ng mga tin-edyer ay walang karanasang mga tsuper at walang karanasang mga mang-iinom, at lalo pang walang karanasan sa pagsasama ng pag-inom at pagmamaneho.”—Senior Adults, Traffic Safety and Alcohol Program Leader’s Guide, ni Darlene J. Winter, Ph.D.
Ang timbang ay maaari ring maging isang salik—karaniwan nang ang mga kabataan ay mas magaang kaysa mga adulto. Mentras mas mababa ang timbang ng isang tao, mas kaunti ang likido sa kaniyang katawan upang bantuan o haluan ang alkohol na iniinom niya. Upang ilarawan: Ipagpalagay nang kumuha ka ng dalawang magsinlaking kubo ng asukal at tunawin mo ang isa sa napakaliit na baso ng lemonada at ang isa naman ay sa malaking baso ng lemonada. Ngayon, ang dami ng asukal sa bawat baso ay pareho, subalit ang konsentrasyon o timpla sa mas maliit na baso ay mas matamis. Sa gayunding paraan, ang konsentrasyon o timpla ng alkohol ay mas matapang sa isang tao na mababa ang timbang. At mentras mas matapang ang timpla ng alkohol sa iyong dugo, ikaw ay nagiging mas lango.
Ano ang Gagawin Mo?
Yamang maraming problema ang nauugnay sa alkohol, ang mga kabataan na lubusang umiiwas sa pag-inom nito ay gumagawa ng matalinong bagay. Gayunman, ang katamtamang pag-inom ay hindi masama, kung ang isa ay nasa legal na gulang at katamtaman kung uminom. (Tingnan ang Awit 104:15; 1 Timoteo 5:23; Kawikaan 23:31.) Subalit ang pag-inom at pagmamaneho—ibang usapan naman iyan. Ano ang gagawin mo?
Ibinibigay ng Bibliya ang matalinong payo na ito: “Ang matalinong tao ay nakakakita ng kasamaan at nagkukubli, ngunit dinaraanan ng walang karanasan at nagdurusa.” (Kawikaan 22:3) Nababalaan tungkol sa mga panganib ng pagsasama ng pag-inom at pagmamaneho, ikaw ay “matalino” kung isusumpa mo sa iyong sarili na hindi mo pagsasamahin ang dalawa. Sa gayo’y maiiwasan mo ang di-kinakailangang “kapahamakan”—mga pinsalang nauugnay sa pagkabunggo na maaaring mag-iwan sa iyo na lumpo o maaaring kunin ang iyong maagang buhay.
At maaari mo ring iligtas ang buhay ng iba. Maaaring hindi mo nagugunita ang iyong sarili bilang isang mamamatay-tao. Gayunman, kapag pinagsama mo ang pag-inom at pagmamaneho, ang mga pagkakataon mo na pumatay ng ibang tao ay dumarami. “Ang tsuper, mga pasahero, mga tumatawid sa daan, at mga tao sa ibang kotse ay mga target na lahat ng lasing na tsuper,” sabi ng Just Along for the Ride, ng National Association of Independent Insurers. Bakit isasapanganib mo ang pagkakaroon ng pagkakasala sa dugo?—Ihambing ang Exodo 21:29; Kawikaan 6:16, 17.
Huwag ding kaligtaan ang batas ng lupain na iyong tinitirhan. Sa maraming dako, ang pagmamaneho samantalang lango (DWI) o ang pagmamaneho samantalang mahina o sira ang kakayahan (DWAI) ay labag sa batas. Sa maraming dako ay mayroon ding minimun na legal na edad sa pag-inom, at sinasabi sa atin ng Bibliya na maging masunurin sa mga awtoridad ng pamahalaan. (Roma 13:1; Tito 3:1) Sa gayon maiiwasan mo hindi lamang ang mga multa o pagkabilanggo kundi maiiwasan mo rin na mapala ang di pagsang-ayon ng Diyos.—Roma 13:2-5.
Bukod sa pag-iwas sa pag-inom at pagmamaneho, may mga iba pang bagay na magagawa ka upang pangalagaan ang iyong sarili at ang iba mula sa mga aksidente sa trapiko na nauugnay sa alkohol: (1) Huwag sumakay sa kotse kasama ng isang tsuper na nakainom. Ang buhay ay isang kaloob mula sa Diyos. (Roma 6:23) Bakit mo ilalagay ang gayong mahalagang kaloob sa mga kamay ng isa na nakainom? (2) Huwag hayaang magmaneho ang isang kaibigan kung siya ay nakainom. Maaari siyang magalit, ngunit, sa muli, maaaring pahalagahan niya ang ginawa mo minsang mawala ang kaniyang pagkalasing.—Ihambing ang Awit 141:5.
“Talagang nakatakot sa akin na isipin na maaaring nakapatay ako nang gabing iyon,” sabi ni Mike. “Hanggang sa araw na ito takot akong magmaneho sa gabi, nalalaman na may mga tsuper na nagmamaneho sa katulad na kalagayan ko noon.” Hindi na pinagsasama ni Mike ang pag-inom at pagmamaneho. Ikaw naman? Huwag makipagsapalaran, na iniisip, ‘Hindi ito mangyayari sa akin.’ Magkaroon ng tibay-loob na maging iba. Ipangako sa iyong sarili na hindi ka iinom at magmamaneho. Pagkatapos, anuman ang sabihin o gawin ng iba, pangatawanan mo ang iyong pangako.
[Kahon sa pahina 15]
Ito’y Maaaring Mangyari sa Iyo!
Ang mga ulat tungkol sa mga aksidente sa trapiko na nauugnay sa alkohol ay kadalasang napapabalita. Madaling sabihin, ‘Hindi ito mangyayari sa akin!’ Subalit ang gayong mga sakuna ay nangyayari nang mas madalas kaysa iyong maaaring akalain. Isaalang-alang ang ilang katotohanan tungkol sa mga kabataan at sa pag-inom at pagmamaneho:
“Ang paggamit ng alkohol ng mga kabataan ay dumarami sa maraming bahagi ng daigdig. . . . Ang mga aksidente sa lansangan, ang karamihan ay nauugnay sa alkohol, ay isa sa pangunahing mamamatay-tao at lumilikha ng kapansanan sa mga kabataan.”—World Health.
“Isang tin-edyer sa [Estados Unidos] ay nasasangkot sa isang aksidente na nauugnay sa alkohol sa bawat 10 segundo, mas kaunting panahon kaysa kinakailangan upang maghanda ng isang inumin.”—Magasing Aide.
“Ang tin-edyer ay apat na ulit na mas malamang na mabunggo dahilan sa kalasingan kaysa ibang mga tsuper. . . . Samantalang ang inaasahang haba ng buhay ng karamihang mga tao sa [Estados Unidos] ay tumataas, yaong sa 15- hanggang 24-taóng-gulang ay hindi.”—Just Along for the Ride.
Kaya bago mo man lamang isaalang-alang ang pag-inom at pagmamaneho, tandaan—ito’y maaaring mangyari sa iyo!
[Larawan sa pahina 14]
Ang pag-inom at pagmamaneho ay kadalasang humahantong dito
[Pinagmulan]
H. Armstrong Roberts