Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 8/8 p. 9-12
  • Pag-inom at Pagmamaneho—Ano ang Magagawa Rito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pag-inom at Pagmamaneho—Ano ang Magagawa Rito?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maging Responsable Tungkol sa Pag-inom at Pagmamaneho
  • Kung Ikaw ang Maybisita
  • Kung Ano ang Ginagawa ng mga Pamahalaan
  • Ano ang Masama sa Pag-inom at Pagmamaneho?
    Gumising!—1986
  • Pag-inom ng Alak—Bakit Hindi?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Linangin ang Ligtas na mga Pag-uugali sa Pagmamaneho
    Gumising!—1988
  • Ang Alak—Ano ba ang Pangmalas Dito ng Kristiyano?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 8/8 p. 9-12

Pag-inom at Pagmamaneho​—Ano ang Magagawa Rito?

ANG pamasyalan sa tabing-dagat sa bayan ng Southampton, New York, ay nagpahayag ng pakikipagbaka laban sa pagmamaneho ng mga lasing. Ano ang bahagi ng plano? Ang Programa ng Piniling Tsuper. Paano ito gumagana? Sa ilalim ng programa, kapag lumalabas para sa sosyal na pagtitipon, ang mga indibiduwal ay nagpapasiya kung sino sa kanilang grupo ang magmamaneho. Marami sa mga bar at mga restauran ng bayan ang nagbibigay ng tsapa na may nakasulat na “Napiling Tsuper” para roon sa mga napili.

Ano ngayon? Ang councilwoman na si Patricia Neumann, isa sa mga tagapagtaguyod ng programa, ay nagpaliwanag sa Awake!: “Ang taong may suot ng tsapa ay may karapatan sa libreng mga soft drinks sa gabi dahilan sa siya ang magmamaneho sa iba pauwi.”

Subalit hindi lamang iyan ang ginagawa sa bayan. Si councilwoman Neumann ay nagpapatuloy: “Linggu-linggo, inilalathala ng aming pahayagan dito, sa prominenteng dako, ang pangalan, edad, at tirahan ng sinumang tao na naaresto dahilan sa pagmamaneho samantalang lasing.” At ang resulta? Sabi pa niya: “Pakaunti nang pakaunting mga tao na nagmamaneho samantalang lasing ang iniuulat ng aming mga pulis sa checkpoint. Sa palagay ko ang lahat ng ito​—ang mga pulis sa checkpoint, ang paglalathala ng mga pangalan sa pahayagan, at ang Programa ng Piniling Tsuper​—ay nakatulong.”

Iyan ang ginawa ng isang bayan. Mangyari pa, samantalang ang gayong mga pagsisikap ay maaaring maging mabisa sa pagbabawas ng bilang ng mga namatay, hindi nito ganap na maaalis ang problema. Samantala, ano ang maaari mong gawin upang pangalagaan ang iyong sarili at ang iyong pamilya? Maraming bagay.

Maging Responsable Tungkol sa Pag-inom at Pagmamaneho

Isang kawikaan ng Bibliya ay nagsasabi: “Ang alak ay manunuya, ang matapang na alak ay manggugulo, at sinumang napaliligaw rito ay hindi pantas.” (Kawikaan 20:1) Iminumungkahi niyan ang pagkakaroon ng isang responsableng saloobin sa paggamit ng mga inuming may alkohol, ang pagkilos sa isang paraan na doo’y hindi mo pagsisihan kung ano ang nangyari nang ikaw ay uminom.

Hindi ibig sabihin niyan na sinasang-ayunan ng Bibliya ang pagbabawal. Hindi nito hinahatulan ang katamtamang paggamit sa alkohol. (Awit 104:15; 1 Timoteo 3:2, 3, 8) Subalit gaya ng ipinakita ng naunang artikulo, ang isang tao ay hindi kinakailangang maging pasuray-suray na lasing bago masira ang kaniyang kakayahang magmaneho. Kaya ang isang Kristiyano ay dapat na maging maingat tungkol sa pag-inom bago magmaneho. Ang totoo, bakit ka nga makikipagsapalaran sa pagsasama ng pag-inom at pagmamaneho?

Marahil ang isang leksiyon ay maaaring matutuhan mula sa payo na ibinigay sa mga hari noong mga kapanahunan ng Bibliya. Ang Kawikaan 31:4 ay nagsasabi: “Hindi sa mga hari [kapag nanunungkulan] ang pag-inom ng alak ni sa mga pangulo man na magsabi: ‘Saan nandoon ang matapang na alak?’” Subalit bakit ang pag-iwas? Ang susunod na talataKaw 31:5 ay nagpapaliwanag: “Baka siya’y uminom at makalimutan ang kautusan at humamak ng kahatulan sa sinumang nagdadalamhati.” Ano ang ibig sabihin niyan? Na may mga panahon kung kailan ang pag-iwas sa inuming may alkohol ay nararapat, lalo na kung tayo ay nagsasagawa ng mga gawain na may tuwirang epekto sa buhay ng iba.​—Tingnan din ang Levitico 10:8, 9.

Isaalang-alang din ang mga salita ng Bibliya sa Roma 14:21: “Mabuti na huwag kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anuman na katitisuran ng iyong kapatid.” Kaya, may mga pagkakataon kung kailan ang isang Kristiyano ay dapat na umiwas sa pag-inom ng mga inuming may alkohol sa pagsasaalang-alang sa sensitibong pangmalas ng iba. Hindi ba mariing ipinahihiwatig niyan na dapat iwasan ng Kristiyano ang pagsasama ng pag-inom at pagmamaneho at sa gayo’y magpakita ng konsiderasyon, hindi lamang sa pangmalas, kundi sa buhay mismo ng iba?

At nariyan din ang tungkol sa pagbibigay ng halimbawa sa iba, lalo na sa mga kabataan. Kung ikaw ay isang magulang, mayroon kang pantanging dahilan na mag-ingat. Bago mo babalaan ang iyong tin-edyer tungkol sa mga panganib ng pag-inom at pagmamaneho, tiyakin mo na ang iyong sariling mga pagkilos ay umaalalay sa iyong sinasabi. Ang pilosopyang gawin-mo-ang-sinasabi-ko-at-hindi-ang-ginagawa-ko ay karaniwan nang hindi gumagana sa mga bata. Kadalasang nagbibigay sila ng higit na pansin sa kung ano ang iyong ginagawa kaysa kung ano ang iyong sinasabi.​—Ihambing ang Kawikaan 20:7.

Kung Ikaw ang Maybisita

Ang tunay na pagiging mapagpatuloy ay nagsasangkot ng higit pa kaysa paglalaan lamang ng pagkain at inumin sa iyong mga bisita. Kung inanyayahan mo ang iba sa iyong tahanan, ikaw ay may pananagutan na kontrolin ang kalagayan o kondisyon sa pagtitipon. Ikaw rin ay may moral na pananagutan sa kanilang kaligtasan.

Sa katunayan, sa ibang dako ay may mga batas pa nga na nagsasabi na yaong mga nagsisilbi ng mga inuming may alkohol sa nakikitang mga taong lango ay maaaring managot kung magkaroon ng aksidente ang gayong mga tao. Sa pagrirekomenda na pagtibayin ang gayong mga batas, ganito ang sabi ng U.S. Presidential Commission on Drunk Driving: “Lubusang pinatutunayan ng mga batas na ito ang pangangailangan ng paglalagay ng pananagutan sa bahagi ng nagbibili o nagsisilbi, sila man ay komersiyal o indibiduwal na mga maybisita. Pinagtitibay rin ng [gayong] mga batas ang simulain na ang iba ay may pananagutan na hadlangan ang lasing na mga tao sa pagmamaneho.”

Maliwanag, may batas man laban dito o wala, kapag ikaw ay nagsisilbi ng mga inuming may alkohol sa mga bisita sa iyong tahanan, ikaw ay may pananagutan na tiyakin na ang mga bagay-bagay ay napapamahalaan.​—Pakisuyong tingnan ang kalakip na kahon na “Maging Isang Responsableng Maybisita.”

Kung Ano ang Ginagawa ng mga Pamahalaan

Habang lumalaki ang pagkabahala ng publiko tungkol sa mga panganib ng pag-inom at pagmamaneho, pinagbuti ng mga pamahalaan ang kanilang mga pagsisikap upang lunasan ang problema. Ganito ang ginagawa ng ilan:

Pagtataas sa minimun na edad ng pag-inom: Talaga bang nakatutulong ito? Isaalang-alang kung ano ang nangyari sa Estados Unidos at Canada nang ang edad ng pag-inom ay ibaba mga ilang taon na ang nakalipas. Ganito ang paliwanag ng isang report ng Insurance Institute for Highway Safety:a “Sa isang pag-aaral sa iba’t ibang estado at mga lalawigan sa Canada na ibinaba ang edad ng pag-inom mula sa beinte-uno at ginawang disiotso, nagkaroon ng lubhang pagdami sa nakamamatay na mga bungguan.” Subalit, simula noong 1976, itinaas ito sa ibang dako na nagbaba sa edad ng pag-inom. Ang resulta? Ang report ding iyon ay nagsasabi: “Nang itaas ng mga estado ang edad ng pag-inom, nagkaroon ng katumbas na pagbaba sa nakamamatay na mga bungguan sa gitna ng mga tsuper na apektado ng batas.”

Pagpapatupad ng mas mahigpit na mga batas: Sa ibang mga lugar, nakakaharap ng mga tsuper na nakainom ang napakataas na mga multa, mas mahabang panahon ng pagkasuspinde ng lisensiya, at mga pagkabilanggo para sa naulit na mga paglabag. Ang gayon bang mas mahigpit na mga batas ang kasagutan? Ganito ang sabi ng Alcohol Health and Research World: “Sa Britaniya, ang mga namatay mula sa mga aksidente sa trapiko ay bumaba ng 23 porsiyento sa pasimula bilang pagtugon sa malawakang inilathalang Road Safety Act of 1967, na nagpapahintulot sa mga pulis na kunan ng mga pagsubok sa hininga ang mga tsuper (alcohol breath test). Ang pagpapatupad ng gayunding batas sa Canada ay nagdala ng isang 8 porsiyentong pagbaba.”

Subalit bago magtagal ang mga resulta sa kapuwa mga bansa ay waring naparam. Bakit? Ang report ay nagpapatuloy: “Sapagkat nalaman ng mga tsuper na nakumbinse ng publisidad tungkol sa isang bagong mas mataas na panganib ng pag-aresto mula sa karanasan na ang panganib ay hindi naman talagang lubhang dumami.” Sa ibang pananalita, ang mas mahigpit na mga batas ay mabisa lamang kung ang mga ito mahigpit na ipinatutupad. Gaya ng pagkakasabi rito ng Bibliya noon pa: “Kapag ang hatol laban sa isang krimen ay hindi kaagad isinasagawa, ang mga tao ay nahihikayat na gumawa ng mali.”​—Eclesiastes 8:11, An American Translation ni William F. Beck.

Maliwanag, walang madaling sulosyon sa nakamamatay na suliranin ng pag-inom at pagmamaneho. Sinisikap ng mga gobyerno na lutasin ito. Subalit dapat gawin ng bawat tao ang kaniyang bahagi. Bago pa man pagsamahin ang pag-inom at pagmamaneho, huminto at mag-isip. Isipin ang tungkol sa iyong sariling buhay. Isipin ang tungkol sa mga buhay ng iba na naglalakbay na kasama mo. At isipin ang tungkol sa kirot na nadarama ng mga mahal sa buhay niyaong ang buhay ay pinaikli ng tsuper na nakainom. Gaya ng sabi ni Shirley Ferrara tungkol sa kaniyang anak na si Jeff: “Ang beinte-nuebe anyos ay totoong napakabata pa upang mamatay. Talagang napakabata pa.”

[Talababa]

a Ang report na, “The Effect of Raising the Legal Minimum Drinking Age on Involvement in Fatal Crashes,” ay inilathala sa Journal of Legal Studies, tomo XII (Enero 1983).

[Kahon sa pahina 10]

Maging Isang Responsableng Maybisita

Kung ikaw ay nagsisilbi ng mga inuming may alkohol sa mga bisita sa iyong tahanan, ano ang magagawa mo upang pamahalaan ang mga bagay-bagay na huwag lumabis? Narito ang ilang mga mungkahi:

● Huwag mag-atubiling imungkahi sa isang bisita na magmamaneho na dapat siyang mag-ingat tungkol sa anumang pag-inom ng mga inuming may alkohol

● Takdaan ang dami ng alkohol na isinisilbi

● Maglaan din ng mga inuming hindi nakalalasing

● Kung maaari, maglaan ng mga pagkain o mirienda. Tandaan na pinababagal ng pagkain ang absorsiyon ng alkohol

● Huwag pilitin ang iba na uminom

● Kung ang isa ay labis-labis ang nainom, kung gayon huwag mo siyang pahintulutang magmaneho. Gumawa ng ibang kaayusan upang ang isang iyon ay ligtas na makauwi ng bahay

[Kahon sa pahina 12]

Kung Paano Mo Pangangalagaan ang Iyong Sarili Mula sa Tsuper na Nakainom

Paano mo mapangangalagaan ang iyong sarili at ang iyong pamilya mula sa tsuper na labis-labis na nakainom? Makatutulong na gamitin ang seat belt at magbigay ng ligtas na distansiya sa pagitan mo at ng isang tsuper. Gayundin, maging alisto sa tsuper na nakainom. Mag-ingat sa tsuper na:

● Malapad ang sinasakop sa pagliko

● Bumabagtas sa gitna o sa guhit

● Halos mabangga ang isang bagay o sasakyan

● Palipat-lipat ng linya na parang naglalala o lumilihis

● Nagmamaneho sa daan maliban sa itinalagang daanan

● Nagmamaneho nang mabagal (mahigit sa 10 MPH na mababa kaysa itinakdang bilis)

● Humihinto nang walang dahilan sa linya ng trapiko

● Tumututok

● Pamali-maling pumipreno

● Nagmamaneho nang pasalungat o diri-diretso sa matrapik na sangandaan

● Sumisenyas na hindi kasuwato ng pagmamaneho

● Mabagal na tumutugon sa mga hutyat ng trapiko

● Pabigla-bigla o ilegal na lumiliko

● Biglang tumutulin o bumabagal

● Nagmamaneho sa gabi na walang ilaw

Batay sa The Visual Detection of Driving While Intoxicated, ng Anacapa Sciences, Inc. Inihanda para sa U.S. National Highway Traffic Safety Administration, Washington, D.C.

[Larawan sa pahina 9]

Sa maraming dako, nakakaharap ng mga tsuper na nakainom ang napakataas na mga multa, pagkasuspinde ng lisensiya, at pagkabilanggo

[Larawan sa pahina 11]

Bakit ka makikipagsapalaran sa pagsasama ng pag-inom at pagmamaneho?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share