Pagmamasid sa Daigdig
Pumapatay na Bulkan
Ang pagsabog ng bulkang Nevado del Ruiz noong nakaraang Nobyembre ay nag-iwan ng isang bakas ng kamatayan at pagkawasak sa lahat ng mga bahagi ng nagsasaka ng kape na bansa ng Colombia, mga 85 milya (140 km) kanluran ng Bogota. Tinunaw ng pagsabog ng bulkan ang mga niyebe sa tuktok ng bundok at naglabas ng nakamamatay na malakas na agos ng putik at tubig na sumawi ng mahigit 22,000 katao at nag-iwan sa mga 8,000 na walang tirahan. Ang Armero, isang bayan ng 25,000, ay naging isa sa pinakamalaking libingan sa daigdig, na may 21,000 kataong nailibing hanggang 30 piye (9 m) sa abuhing putik. Ang bayan na nasa malapit sa bulkan, ang Chinchiná (70,000 ang populasyon), ay 1,000 ang nasawi. Ang ilan sa mga Saksi ni Jehova at ang kanilang mga kasama ay kabilang sa mga biktima ng bulkan. Sa panahon ng pagsulat, ang Kongregasyon ng Armero ay nag-uulat ng 16 na mga nakaligtas, isa ang namatay, at 42 ang nawawala; ang Kongregasyon ng Chinchiná ay nag-uulat ng 38 mga nakaligtas at 3 patay. Sinasabi ng mga siyentipiko na ang pagputok na ito ang pinakanakamamatay saanman sapol noong 1902.
Krimen Laban sa mga Matatanda
Ang pananakot sa mga matatanda ang pinakamabilis na lumalagong krimen sa Brisbane, Australia, sang-ayon sa pahayagan ng lunsod na The Courier Mail. Kabilang sa mga pagkakasala ang pagnanakaw, pisikal na karahasan, bandalismo, at panlilinlang ng mga manggagantso na bumibiktima sa mga nag-iisa sa pamamagitan ng pagkukunwari bilang mga ahente na nagbabahay-bahay. Nasusumpungan ng maraming matatandang tao na mahirap pakitunguhan ang posibilidad na ikaw ay pagnakawan. “Kung iniiwang bukas ng mga tao ang mga pinto at mga bintana sa bahay na tinirhan nila sa loob ng 60 mga taon,” sabi ng isang konstable sa Brisbane, “mahirap silang sabihan na hindi na nila maaaring gawin iyan.”
Tumayo Upang Lunukin
Ang pagtayo, o kahit na ang pag-upo, at paglunok ng isang pildora na sinasamahan ng tubig ay tutulong upang mawala ang pildora sa inyong lalamunan sa loob ng 10 segundo. Iyan ay mas mabilis kaysa kung kayo ay nakahiga, ulat ng The Drugs and Therapeutic Bulletin ng Britaniya. Ang panganib sa paggawa sa ibang paraan ay na ang ilang mga gamot ay natutunaw bago dumating sa iyong sikmura, at maaaring maging sanhi na ang malambot na sapin ng lalamunan ay mamula at mamaga, na nagdudulot ng kirot na kahawig niyaong grabeng angina. Maging sa simula ang kapaki-pakinabang na mga epekto ng medisina ay maaaring maantala hanggang kalahating oras dahilan sa mabagal na pagtanggap mula sa lalamunan. Kabilang sa lubhang nakayayamot ay ang mga tableta na iron at potassium at ang mga gamot na laban sa pamamaga na nonsteroid.
Usong Droga sa Hinaharap?
Ang crack, isang bagong anyo ng cocaine ay nauuso sa mga lansangan sa lunsod ng New York, “ang kausuhan sa hinaharap” para sa mga sugapa sa droga, babala ni William Hopkins, direktor ng State Division of Substance Abuse Services ng New York. Ang crack ay isang dinalisay na anyo ng cocaine. Kaya, kapag nilanghap o itinurok ang epekto nito ay mas malakas at mas matapang kaysa sa cocaine. Ang free-basing, o paghitit ng crack, ay naglalaan ng kagyat na pagkalango. “Di-gaya ng normal na [paggamit sa] cocaine, ang mga taong nagpi-free-base ay hindi makahinto,” sabi ni Hopkins sa The New York Times. “Sila ay nagpi-free-base hanggang sa maubos ang kanilang salapi.”
“Gumon sa Karahasan”
“Sinisi ang mahalay na mga video sa karahasan at pilipit na pangmalas sa sekso ng mga bata,” paulong-balita ng isang artikulo sa The Times ng London. Ang tatlong taóng pag-aaral sa epekto ng mga pelikulang video sa mga kabataan ay umakay sa tagapamanihala ng imbestigasyon na si Lord Nugent na magkomento: “Ang ating kinatatakutan ay napatunayan.” Ganito pa ang sabi ni Dr. Clifford Hill, direktor ng imbestigasyon: “Ang ibang mga bata at mga kabataan ay gumon sa karahasan kung paanong sila ay nagiging sugapa sa droga, kaya lamang ito ay mas malala. Mayroong matibay na katibayan na ginagaya ng mga bata ang nakikita nila sa pelikula.” Ito, sabi niya, ay totoo rin kung pinanunood ng mga bata ang karahasan sa mga pagbabalita sa telebisyon. Sa paanuman, hindi nalutas ng pagbabawal sa ilang mga pelikulang video ang problema. Sa 73 mga tin-edyer na pinili sa isang surbey sa paaralan, 63 ang nakakita ng di kukulanging isang ipinagbawal na video.
“Dalawang-Talim na Tabak”
Ang mga air conditioner sa awto ay maaaring hindi mabuti para sa mga may hika o may sakit na hay fever gaya ng nais paniwalaan ng mga ito. Ang American Medical News ay nag-uulat na kinilala ng isang pangkat ng mananaliksik sa Louisiana State University Medical Center ang mga mikroorganismo na nakatira sa loob ng mga air condition na maaaring pagmulan ng mga problema sa paghinga. Nasumpungan ng mga mananaliksik ang walong iba’t ibang klaseng amag na nasa loob ng 22 sa 25 na mga air conditioner sa kotse. “Ipinahihiwatig ng mga tuklas,” sabi ng artikulo, “na ang mga air conditioner sa kotse ay dalawang-talim na tabak: Kung paanong maaari nilang palubhain ang ilang mga kalagayan, kanila rin namang sinasala ang pollen at alikabok mula sa hangin.”
“Pagbibigay-Babala”
“Pagbibigay-Babala ng Simbahan Laban sa mga Saksi ni Jehova,” sabi ng ulong-balita ng pahayagang La Repubblica ng Roma, Italya. Iniulat ng pahayagan ang tungkol sa kombensiyon ng Iglesya Katolika na ginanap sa Bologna noong nakaraang Nobyembre. Ang paksa nito ay: “Si Kristo na Ating Diyos at ang Ating Pag-asa: Ang mga Kristiyano Laban sa mga Saksi ni Jehova.” Ang artikulo ay nagpapaliwanag: “Sa pagsang-ayon ni Papa Wojtyla [John Paul II], ang mga paghahanda ay isinasagawa upang pakilusin ang mga diyosesis, mga parokya, at mga mananampalataya laban” sa mga Saksi. Bakit ang gayong pagkabahala ng Iglesya Katolika? “Ang pagkabahala ay umiiral pangunahin na,” patuloy ng report, “sapagkat taun-taon ‘ninanakaw’ nila ang di kukulanging 10,000 mga tapat mula sa Iglesya Katolika, isang rekord.”
Ang kasalukuyang paglago ng mga Saksi sa Italya—hanggang 10 porsiyento noong 1984 tungo sa mahigit 127,000—ay tiyak na isang paglalarawan sa pagkagutom ng mga Italyano sa pag-unawa ng nasusulat na Salita ng Diyos na ang Bibliya. Pansinin kung ano ang sinabi ng Katolikong buwanang magasin na, Piccolo Missionario noong Nobyembre 1984 tungkol sa interes ng mga Katoliko sa mga Saksi: “Ang kanilang istriktong moralidad ay kapuri-puri. Ipinangangaral nila ang pagtanggi sa pangangalunya, aborsiyon, diborsiyo, pagsasama ng mga hindi kasal . . . Tayo bilang mga Kristiyano ay dapat na mapahiya: Anong liit ng interes na ipinakikita natin sa Salita ng Diyos!”