Aprikanong Buhay Pampamilya—Ang Malaking Halaga ng Industriyalisasyon
Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Timog Aprika
ISANG maliit na kulumpol ng mga kubo ang nakapaligid sa isang malawak na patyo. Ang mga manok at mga baboy ay malayang gumagala-gala sa taniman ng mais na nakapaligid sa nayon. Ang lahat ay mapayapa.
Sa loob ng mga salinlahi, ganito ang kapaligiran na pinamumuhayan ng mga pamilyang Aprikano. Ang buhay sa bukid ay lumikha ng malapit-kaugnayang mga pamilya. Kapag nagsisilaki ang mga bata, hindi sila nangangahas na lumayo sa ganang kanilang sarili kundi basta idinaragdag ang kanilang kubo sa kraal (nayon). Doon ay namumuhay sila sa ilalim ng tunay na patriyarkang awtoridad ng kanilang ama o lolo. Gayumpaman, ang tahimik na larawang ito ay winasak ng malaking mga pagbabago na dala ng modernong industriyal na pag-unlad.
Totoo, ang industriyalisasyon ay naglaan sa mga pamilyang Aprikano ng ilang materyal na pakinabang. Ang paraan ng pamumuhay sa bukid ay kadalasang sinasalot ng tagtuyot at di-mahuhulaang mga mapagbibilhan. Ang mga pamilya ay karaniwang nabubuhay na kapos na kapos sa mga pangangailangan. Gayunman, ang industriyal na pag-unlad ay nagpangyari na ang mga pamilyang Aprikano ay magkaroon ng mas mabuting tahanan at muwebles. Naglaan ito ng mas mabuting mga pagkakataon sa edukasyon at trabaho. Subalit upang masamantala ang mga pakinabang na ito, kinailangang lisanin ng mga Aprikano ang kanilang tahimik na mga nayon at nagdagsaan sa mga lunsod. Nasumpungan nila roon hindi lamang ang mahirap na kabuhayan kundi ang malubhang mga problema.
Siksikang mga Lunsod
Ang pinakapangunahing suliranin ay yaong sa pagpapabahay. Gaya ng pagkakasabi rito ng pahayagan sa Timog Aprika na The Star: “Ang industriyal na mga slum sa Britaniya noong panahong Victorian at ang mga panirahanan ng mga iskuwater sa kasalukuyan-panahong Timog Aprika ay may iisang pinagmulan—mga taong nagsisidating na humahanap ng trabaho sa malalaking lunsod na walang mga tirahan upang patuluyin sila.”
Hindi nagtagal ang mga kabayanang Aprikano ay naging siksikan, at nagkaroon ng mga slum. Ang dating mapayapang mga kabayanan ay naging pamugaran ng krimen at karahasan. Talagang hindi masapatan ng pagpapabahay ang patuloy na pagdagsa ng mga tao. Ang mga looban na ipinatatayo upang ibahay ang mga nagtatrabahong lalaki sa minahan o sa kompaniya ay hindi sapat upang itira pati ang kanilang mga asa-asawa at mga anak. Kaya ang mga pamahalaan ay walang mapagpilian kundi ipatupad ang mga pamamaraan upang makontrol ang pagdagsa ng mga tao. Subalit pinagyaman ng mga batas ang paghihinanakit, at pinili ng marami na labagin ang mga ito—kahit na ito’y mangahulugan ng pamumuhay na lagi sa takot na maaresto.
Nadama kaagad ng bagong mga maninirahan sa lunsod ang mga epekto ng buhay sa lunsod sa kanilang mga pamilya. Ang mga lalaki ay kadalasang napipilitang mag-obertaim. Ang mga asawang babae man, ay nagtatrabaho, iniiwan ang kanilang mga anak sa ganang sarili. Nagkaroon ng isang saganang ani ng mga delingkuwenteng kabataan samantalang ang hindi napapatnubayan mga bata ay gumagala-gala sa mga lansangan sa mahabang panahon.
Nasirang mga Pamilya
Mangyari pa, hindi lahat ay nakisama sa pagtungo sa mga lunsod. Mga dalawang-katlo ng populasyon ng mga itim sa Timog Aprika, halimbawa, ay naninirahan pa rin sa kanilang mga kabukiran. Gayunman, sila rin, ay nakadarama sa pamiminsala ng industriyalisasyon. Iniwan ng maraming lalaki ang kanilang mga pamilya upang maglingkod bilang mga manggagawang dayuhan sa isang taunang kontrata. Ang mga epekto nito ay kapaha-pahamak. Hindi lamang nila iniiwanang walang ama ang kanilang mga anak kundi ang mga lalaki at ang kanilang mga asawa ay nalalantad sa mga tukso ng imoralidad. Oo, sa maraming malalaking looban na nagbabahay ng mga manggagawa nang libu-libo, ang imoralidad—pati na ang homoseksuwalidad—ay naging palasak.
Isa pa, maraming lalaki ang natutuksong mag-obertaim upang madagdagan ang kanilang kita. Subalit pinakikinabangan ba ng kanilang mga pamilya ang kitang ito? Hindi palagi. Ang marami sa katunayan ay hindi man lamang nababahala sa kanilang mga pamilya at nilulustay ang kanilang salapi sa kanilang sarili. Ang kanilang pagkaulo ay nauuwi sa pagiging malayong tagapaglaan ng pagkain.
Higit pang pagkawasak ng pamilya ang nagaganap kapag ang mga magulang, na nababatid ang mahinang mga kinabukasan para sa kanilang mga anak sa mga kabukiran, ay ipinadadala sila sa bayan upang magtrabaho o magkaroon ng mas mabuting edukasyon.
Subalit marahil isa sa pinakamalaking kasamaang dinanas ng pamilya ay ang pagpapabaya sa may edad nang mga magulang. Dati-rati, ang mga may edad ay makaaasa sa pangangalaga ng pamilya, at sila, naman, ay malaki ang maitutulong sa espirituwal at moral na kapakanan ng pamilya. Ang Kanluraning kaugalian na paglalagay sa mga matatanda sa mga institusyon ay hinding-hindi maririnig sa Aprika! Subalit sinira ng paraan ng pamumuhay sa mga lunsod ang tradisyonal na paggalang na ito sa mga may edad. Kadalasan sila ay iniiwan samantalang ang mga kabataan ay nakikipagsapalaran sa mga lunsod. Ang The Star ay nag-uulat: “Sa isang miting kamakailan sa Lagos [Nigeria], sinabi ng mga opisyal ng kalusugan na ang ilan sa mga problema ng mga may edad ay resulta ng pagkadama na sila’y hindi kinakailangan at hindi pagiging bahagi ng lipunan.”
Kung Paano Napagtatagumpayan Ito ng mga Pamilyang Kristiyano
Maliwanag, ang industriyalisasyon ay naghaharap ng maselang mga hamon sa Kristiyano. Paano nila naiwasang masilo sa pagkukumagod sa materyal na mga pakinabang? Hinayaan ng marami na ang kanilang pag-iisip ay hubugin ng mga salita ni Jesus sa Mateo 6:33: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at lahat ng iba pang [materyal] mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.”
Ang pagkakapit ng simulaing ito ay hindi madali. Subalit kahit na ang mga nagmamasid ay nakapansin sa praktikal na mga pakinabang nito. Sabi ni Norman Long sa aklat na Christianity in Tropical Africa: “Gayunman, hindi nakikita ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang sekular na istilo ng pamumuhay na hiwalay sa kanilang relihiyosong pamamaraan. . . . Upang maging isang membro . . . ay nangangahulugan ng espirituwal na pagsulong at pangako ng isang bagong buhay, subalit ito ay nangangahulugan din ng ilang praktikal na oryentasyon sa buhay sa daigdig na ito.”—Amin ang italiko.
Upang ilarawan, isang Saksi sa Lesotho ay napilitang maghanap ng trabaho sa minahan ng isang kalapit na bansa dahilan sa mga kalagayan sa kabuhayan. Nang malaunan pinakasalan niya ang isang babae sa kaniyang sariling bayan sa Lesotho subalit iniwan niya ito at nagbalik sa minahan. Gayunman, hindi nagtagal ay natalos niya at ng kaniyang asawa na ang gayong kaayusan ay hindi kaayon ng mga pamantayang Kristiyano.
Kaya siya ay bumili ng dalawang segunda-manong makina at ipinadala ito sa kaniyang asawa. Samantala, isang kamanggagawa ang nagturo sa kaniya kung papaano mananahi ng mga kasuotan. Tinatapos ang kaniyang kontrata sa minahan, umuwi siya ng bahay upang magtrabaho na kasama ng kaniyang asawa, na nakapagsimula nang gumawa ng popular na uri ng palda. Ang maliit na pasimulang ito ay umunlad, at di nagtagal lima pang Kristiyanong mga lalaki at babae ang nakisama sa kanila. Ginawa nitong posible na sila ay makasama ng kanilang mga pamilya at tulungan ang maliit na grupo ng mga Saksi ni Jehova roon na naging dalawang maunlad na mga kongregasyon.
Subalit kumusta naman ang mga pamilyang Kristiyano na nakatira sa mga lunsod? Papaano nila napananatili ang pagkakaisa ng pamilya? Nasumpungan ng ilan na mas madaling makakuha ng part-time na trabaho o sariling trabaho sa mga lunsod. Sa pagsamantala sa mga pagkakataong ito, kadalasang nasusumpungan ng mga Saksi na mayroon silang higit na pagkontrol sa kanilang panahon at maaari nilang ibigay sa kanilang mga pamilya ang kinakailangang atensiyon. Subalit kumusta naman ang mga ulo ng pamilya na kailangang magtrabaho nang buong panahon? Kadalasan ay nasusumpungan nila na ang hindi pag-oobertaim at hindi paghiling na ang kanilang mga asawa ay magtrabaho rin, wasto nilang napangangalagaan ang espirituwal na mga pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ang Kinabukasan?
‘Angaw-angaw pa ang huhugos sa mga lunsod’ iyan ang hula ng mga dalubhasa sa mga lunsod. Sabi pa nila na nakakaharap ng mga bansang nagpapaunlad ang suliranin ng “mas maraming pagdagsa ng mga dayuhan, isang mababang pamantayan ng pamumuhay, kawalan ng trabaho at kakapusan ng tirahan.” Kaya ang hinaharap ay tila malungkot para sa buhay pampamilya sa Aprika.
Samantalang ang pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya ay maaaring tumulong sa isa na mapagtagumpayan ang mga panggigipit ng industriyalisasyon, isang permanenteng lunas ay darating lamang kapag namahala na ang makalangit na pamahalaan ng Diyos sa mga bagay-bagay sa lupa.—Mateo 6:10.
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Ang pangkabukirang Aprika ay nagbibigay daan sa industriyalisadong Aprika