Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 9/22 p. 5-9
  • Ano ang Nasa Likod ng Krisis sa Pabahay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Nasa Likod ng Krisis sa Pabahay?
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nakamamatay na Tirahan
  • Labis na Pagdami ng Populasyon
  • Walang Tigil na Urbanisasyon
  • Likas at Pulitikal na mga Kasakunaan
  • Hindi Umaasensong Kabuhayan
  • Ano ang Isinasagawa Na?
  • Mga Walang Tahanan—May Pag-asa Ba?
    Gumising!—1988
  • Kailangan ng Lahat ang Tahanan
    Gumising!—2005
  • Disenteng Pabahay Para sa Lahat—Sa Wakas!
    Gumising!—2005
  • Mga Walang Tahanan—Ano ang mga Dahilan?
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 9/22 p. 5-9

Ano ang Nasa Likod ng Krisis sa Pabahay?

SA HANGGANAN ng isang malaking lunsod sa Aprika, kasama ng 36-na-taóng gulang na si Josephine ang kaniyang tatlong anak na lalaki na mula 6 hanggang 11 taóng gulang. Upang kumita, namumulot siya ng mga basyong plastik, na ipinagbibili niya sa kalapit na plantang nagreresiklo. Wala pang dalawang dolyar sa isang araw ang kinikita niya sa pagkukumayod na ito. Sa lunsod na iyon, kulang na kulang ito para pakanin ang kaniyang pamilya o ipambayad ng matrikula.

Sa dulo ng maghapon, umuuwi siya sa lugar na napipilitan siyang tawaging tahanan. Ang mga dingding nito ay gawa sa laryo, luwad, at maliliit na sanga. Mga kinakalawang na yerong nakapako nang bahagya at sinalitan ng lata at plastik ang nagsisilbing bubong. Kapag malakas ang hangin, pinapatungan nila ang bubong ng mga piraso ng bato, kahoy, at lumang palapad na metal upang hindi ito liparin. Ang “pinto” at “bintana” nito ay gula-gulanit na sako, na hindi makapagsasanggalang laban sa masungit na lagay ng panahon​—lalo na sa mga manloloob.

Gayunman, maging ang hamak na tirahang ito ay hindi talaga niya pag-aari. Laging nangangamba si Josephine at ang kaniyang mga anak na baka palayasin sila. Ang lupa na kinatitirikan ng kanilang hamak na bahay ay gagamitin sa pagpapalawak ng kalapit na kalsada. Nakalulungkot, ganito rin ang situwasyon sa maraming lupain sa palibot ng daigdig.

Nakamamatay na Tirahan

Sa “hamak na mga tirahan,” ang sabi ni Robin Shell, nakatataas na opisyal ng isang internasyonal na programang nagbibigay ng tulong sa pabahay, “ikinahihiya ng mga bata ang bahay [nila], . . . masasaktin ang pamilya, at . . . hindi nila alam kung kailan darating ang opisyal ng gobyerno o ang may-ari ng lupa upang gibain ang [kanilang tirahan].”

Dahil sa pamumuhay sa gayong mga kalagayan, laging nababahala ang mga magulang sa kalusugan at kaligtasan ng kanilang mga anak. Sa halip na maiangat ang kanilang situwasyon, kadalasan nang nauubos ang karamihan ng kanilang panahon at lakas sa pagkukumayod upang mailaan ang pangunahing mga pangangailangan ng kanilang mga anak, gaya ng pagkain, libangan, at tirahan.

Para sa mga nagmamasid, madaling sabihin na mareremedyuhan ng mahihirap ang kanilang kalagayan kung magsisipag lamang sila. Subalit ang basta pagsasabi sa mga tao na magbanat sila ng buto upang umasenso ay hindi siyang kasagutan. Nasasangkot sa krisis sa pabahay ang malalaking salik na hindi makokontrol ninuman. Tinutukoy ng mga mananaliksik bilang pangunahing mga salik ang paglago ng populasyon, mabilis na urbanisasyon, likas na mga kasakunaan, pulitikal na kaligaligan, at di-nalulutas na karalitaan. Ang mga puwersang ito ay gaya ng limang daliri ng nakatikom na kamao, na sumasakal sa maraming maralita sa buong daigdig.

Labis na Pagdami ng Populasyon

Taun-taon, tinataya na kailangang maglaan ng pabahay para sa karagdagang 68 milyon hanggang 80 milyon katao sa daigdig. Ayon sa United Nations Population Fund, lumampas na sa 6.1 bilyon ang populasyon ng daigdig noong 2001 at inaasahang aabot ito nang 7.9 hanggang 10.9 bilyon pagsapit ng 2050. Ang mas mahirap pa nito, 98 porsiyento ng pagdaming iyon sa susunod na dalawang dekada ay inaasahang magaganap sa papaunlad na mga bansa. Sa mga pagtayang iyon lamang ay makikita na ang pagkalaki-laking hamon sa pabahay. Gayunman, lalo pang nagiging masalimuot ang hamong iyon yamang sa maraming bansa, pinakamabilis dumami ang populasyon sa siksikan nang mga lunsod.

Walang Tigil na Urbanisasyon

Ang malalaking lunsod​—gaya ng New York, London, at Tokyo​—ay kadalasan nang itinuturing na mahahalagang simbolo ng pagsulong ng ekonomiya ng isang bansa. Dahil dito, libu-libo katao mula sa mga lalawigan ang dumadayo sa mas maririwasang lunsod, pangunahin na upang mag-aral at makapagtrabaho.

Halimbawa, mabilis na umuunlad ang ekonomiya ng Tsina. Dahil dito, tinataya ng isang report na sa susunod na ilang dekada, mahigit sa 200 milyong bagong bahay ang kakailanganin sa malalaking lunsod pa lamang. Halos doble ito ng kabuuang bilang ng mga bahay sa buong Estados Unidos. Anong programa sa pabahay ang makasasapat sa gayon kalaking pangangailangan?

Ayon sa World Bank, “taun-taon, mga 12 hanggang 15 milyong sambahayan, na nangangailangan ng gayunding dami ng tirahan, ang nadaragdag sa mga lunsod sa papaunlad na mga bansa.” Yamang hindi sapat ang abot-kayang pabahay, ang mga maralitang tagalunsod na ito ay napipilitang maghanap ng matitirhan kahit saan, kadalasan ay sa mga lugar na hindi pipiliing tirhan ninuman.

Likas at Pulitikal na mga Kasakunaan

Dahil sa kahirapan, marami ang napipilitang manirahan sa mga lugar kung saan laging nanganganib na bumaha, gumuho ang lupa, at lumindol. Halimbawa, sa Caracas, Venezuela, tinataya na mahigit sa kalahating milyon katao ang “nakatira sa lugar ng mga iskuwater sa matatarik na dalisdis kung saan laging gumuguho ang lupa.” Alalahanin din ang nangyaring aksidente sa isang planta sa Bhopal, India noong 1984, kung saan libu-libo katao ang nasawi at marami ang napinsala. Bakit napakaraming tao ang namatay o napinsala? Pangunahin na, dahil lumawak ang kalapit na tirahan ng mga iskuwater hanggang sa maging limang metro na lamang ang layo nito sa hangganan ng planta.

Nagiging sanhi rin ng mga problema sa pabahay ang pulitikal na mga kasakunaan, gaya ng mga digmaang sibil. Isinasaad sa isang report na inilathala noong 2002 ng isang grupo na nagtataguyod sa mga karapatang pantao na noong 1984 hanggang 1999, umabot ng 1.5 milyon katao, karamihan ay mga taganayon, ang malamang na napilitang umalis sa kanilang tahanan sa timog-silangang Turkey sa panahon ng alitang sibil. Marami sa kanila ang napilitang manirahan kahit saan, kadalasan nang nakikipagsiksikan sa mga kamag-anak at kapitbahay sa pansamantalang mga tirahan, paupahan, agrikultural na mga gusali, o mga lugar ng konstruksiyon. Isang grupo ng mga pamilya ang tumitira diumano sa mga kuwadra, na tinutuluyan ng 13 o higit pang katao sa isang silid, at gumagamit ng iisang palikuran at iisang gripo sa looban. “Gusto naming makaahon sa ganitong uri ng buhay,” ang sabi ng isa sa mga lumikas. “Bahay para sa hayop ang tirahan namin.”

Hindi Umaasensong Kabuhayan

Pinakahuli, hindi maipagwawalang-bahala ang kaugnayan ng pabahay at ng pinansiyal na kalagayan ng mahihirap. Ayon sa ulat ng World Bank na nabanggit kanina, noong 1988 pa lamang, 330 milyong naninirahan sa mga lunsod sa papaunlad na mga bansa ang sinasabing maralita, isang kalagayan na inaasahang hindi gaanong magbabago sa susunod na mga taon. Kapag dukhang-dukha ang mga tao anupat hindi sila makabili ng pangunahing mga pangangailangan na gaya ng pagkain at pananamit, paano pa sila makauupa o makapagtatayo ng disenteng bahay?

Maraming pamilya ang hindi makabayad ng inutang nila sa bangko dahil sa mataas na patubo at implasyon, at nahihirapan ang mga tao na makaahon sa karukhaan dahil sa tumataas na mga bayarin sa pangunahing mga serbisyo. Umaabot sa 20 porsiyento ang dami ng nawawalan ng trabaho sa ilang lupain anupat halos hindi na makaraos sa buhay ang mga tao.

Ang mga ito at iba pang salik ang dahilan kung bakit daan-daang milyon katao sa bawat sulok ng lupa ang napipilitang manirahan sa hindi disenteng mga tirahan. Tumitira ang mga tao sa lumang mga bus, shipping container, at mga karton. Tumitira sila sa ilalim ng mga hagdan, plastik na tabing, at pira-piraso ng segunda-manong mga kahoy. Pati abandonadong mga planta ay tinirhan na rin ng ilan.

Ano ang Isinasagawa Na?

Malaking pagsisikap ang isinasagawa na ng maraming nagmamalasakit na indibiduwal, organisasyon, at pamahalaan upang harapin ang krisis. Sa Hapon, binuo ang ilang ahensiya upang tumulong sa pagtatayo ng abot-kayang mga bahay. Dahil sa programa sa pabahay na pinasimulan sa Timog Aprika noong 1994, naitayo ang mahigit sa isang milyong bahay na may tig-aapat na silid. Sa Kenya, ang matayog na tunguhin ng isang programa sa pabahay ay ang magtayo bawat taon ng 150,000 kabahayan sa lunsod at doble naman ng bilang na ito sa mga lalawigan. Itinuon naman ng ibang mga bansa, gaya ng Madagascar, ang kanilang mga pagsisikap sa pagtuklas ng mga pamamaraan sa konstruksiyon upang makapagtayo ng abot-kayang mga bahay.

Binuo ang internasyonal na mga organisasyon, gaya ng UN-HABITAT, upang ipakita ang determinasyon ng daigdig na “iwasan at ibsan ang mga problemang idinudulot ng labis na paglawak ng mga lunsod.” Sinisikap ding tumulong ng mga organisasyong di-pangnegosyo at ng mga ahensiyang hindi pampamahalaan. Isang di-pangnegosyong organisasyon ang nakatulong na sa mahigit 150,000 sambahayan sa iba’t ibang lupain na gawing mas disente ang kanilang tirahan. Pagsapit ng 2005, tinatayang makatutulong ito sa isang milyon katao upang magkaroon ng simple, disente, at abot-kayang mga bahay.

Marami sa mga organisasyong ito ang kumatha ng madaling makuha at praktikal na impormasyon upang tulungan ang mga taong walang disenteng tirahan na gawin ang kanilang makakaya hamak man ang kanilang kalagayan o maiangat pa nga ang kanilang kalagayan. Kung kailangan mo ng tulong, tiyak na maaari mong samantalahin ang mga paglalaang ito. Marami ka ring mahahalagang bagay na magagawa upang tulungan ang iyong sarili.​—Tingnan ang kahong “Ang Iyong Bahay at ang Iyong Kalusugan,” sa pahina 7.

Mapabubuti mo man ang iyong personal na kalagayan o hindi, mahirap umasa na may sinuman o anumang organisasyon ng tao na makapagpapalaya sa pananakal ng pangglobong mga puwersa na nagiging dahilan ng krisis na ito. Lalong hindi makaagapay ang internasyonal na komunidad sa apurahan at lumalaking pangangailangan para sa pagsulong ng kabuhayan at mapagkawanggawang tulong. Taun-taon, milyun-milyong bata ang ipinanganganak sa kumunoy ng kahirapan. Talaga kayang may pag-asa pang magkaroon ng permanenteng solusyon?

[Kahon sa pahina 7]

ANG IYONG BAHAY AT ANG IYONG KALUSUGAN

Sa pangkalahatan, ayon sa World Health Organization, upang magkaroon ng mabuting kalusugan, ang isang bahay ay dapat magkaroon kahit man lamang ng sumusunod na mga bagay:

◼ Matibay na bubong na pananggalang sa ulan

◼ Matibay na dingding at pinto upang magbigay ng proteksiyon laban sa masamang lagay ng panahon at hindi makapasok ang mga hayop

◼ Iskrin sa mga bintana at pinto upang hindi makapasok ang mga insekto, lalo na ang mga lamok

◼ Medya-agwa sa palibot ng bahay upang hindi tuwirang tamaan ng sikat ng araw ang mga dingding kapag mainit ang panahon

[Kahon/Mga larawan sa pahina 8]

TRADISYONAL NA MGA BAHAY SA MGA LALAWIGAN NG APRIKA

Sa loob ng maraming taon, nagkalat sa lupain ang tradisyonal na mga bahay sa Aprika. Iba’t iba ang laki at hugis ng mga ito. Mas gusto ng ilang komunidad, gaya ng Kikuyu at Luo sa Kenya, ang paikot na mga dingding at hugis-konong bubong na gawa sa pawid o kugon. Ang iba naman, kasali na ang mga Masai ng Kenya at Tanzania, ay gumawa ng parihabang mga bahay. Sa mga lugar sa baybayin ng Silangang Aprika, ang ilang bahay ay may bubong na pawid o kugon na nakasayad sa lupa at kahawig ng bahay-pukyutan.

Yamang madaling makuha ang karamihan sa materyales sa konstruksiyon na ginagamit sa gayong mga istraktura, kaunti lamang ang mga problema sa pabahay. Makakakuha ng putik sa pamamagitan lamang ng paghahalo ng lupa at tubig. Madaling makakuha ng kahoy, damo, tambo, at mga dahon ng kawayan sa maraming kalapit na kagubatan. Kaya, gaanuman kahirap o kayaman ang pamilya, karaniwan nang abot-kaya nilang magkaroon ng sariling bahay.

Siyempre pa, may mga disbentaha rin ang gayong mga bahay. Yamang ang karamihan sa mga bubong ay gawa sa mga materyales na madaling matupok, malaki ang panganib na masunog ang mga ito. Bukod diyan, madaling mapasok ng mga manloloob ang bahay sa pamamagitan lamang ng pagbutas sa dingding na putik. Kaya nga hindi nakapagtataka na sa maraming lugar ngayon, unti-unti nang pinapalitan ang tradisyonal na mga bahay sa Aprika ng ibang mas matitibay na uri ng konstruksiyon.

[Credit Lines]

Pinagkunan: African Traditional Architecture

Huts: Courtesy Bomas of Kenya Ltd - A Cultural, Conference, and Entertainment Center

[Larawan sa pahina 5]

EUROPA

[Credit Line]

© Tim Dirven/Panos Pictures

[Larawan sa pahina 6]

APRIKA

[Larawan sa pahina 6]

TIMOG AMERIKA

[Larawan sa pahina 7]

TIMOG AMERIKA

[Larawan sa pahina 7]

ASIA

[Picture Credit Line sa pahina 6]

© Teun Voeten/Panos Pictures; J.R. Ripper/BrazilPhotos

[Picture Credit Line sa pahina 7]

JORGE UZON/AFP/Getty Images; © Frits Meyst/Panos Pictures

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share