Kailangan ng Lahat ang Tahanan
“Ang bawat tao ay may karapatan sa antas ng pamumuhay na angkop sa kalusugan at kapakanan niya at ng kaniyang pamilya, kasali na ang . . . pabahay.”—Pandaigdig na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao, Artikulo 25.
ISANG malaking populasyon ng nandarayuhang magsasaka ang unti-unting nanirahan sa isang lugar na tinatawag nila ngayong tahanan. Daan-daang pamilya ang nakatira sa labas lamang ng bayan sa mga paradahan ng treyler na tinatawag na parqueaderos, kung saan mababa lamang ang upa. Dito, makaluma o wala pa ngang pangunahing mga serbisyo gaya ng mga imburnal, malinis na suplay ng tubig, at koleksiyon ng basura. Inilarawan ng isang reporter ang pamayanang ito na ‘isang napakahamak na lugar anupat abot-kayang panirahan ng mga magsasaka.’
Tatlong taon na ang nakalilipas, nang ipasara ng mga opisyal ang ilan sa gayong lugar doon, ipinagbili ng ilang pamilya ang kanilang treyler at lumipat sa siksikan nang mga bahay, apartment, at garahe sa sentro ng bayan. Ang ilan naman ay basta nag-impake at umalis upang maghanap ng mauuwian nila sa katapusan ng bawat anihan—sa anumang lugar na matatawag nilang tahanan.
Naguguniguni mo ba ang isang lugar sa Sentral o Timog Amerika? Mag-isip-isip ka. Masusumpungan mo ang paradahang ito ng treyler malapit sa bayan ng Mecca sa timugang California, E.U.A., na wala pang isang oras na biyahe sa silangan ng mariwasang lunsod ng Palm Springs. Bagaman sinasabing mas maraming tao sa Estados Unidos ang may sariling bahay ngayon kaysa noon at ang katamtamang kita ng pamilya noong 2002 ay mga $42,000, tinatayang mahigit sa limang milyong pamilya sa Amerika ang nakatira pa rin sa hindi disenteng mga tirahan.
Di-hamak na mas mahirap ang situwasyon sa papaunlad na mga bansa. Sa kabila ng maraming pulitikal, panlipunan, at relihiyosong programa, palala pa rin nang palala ang pangglobong krisis sa pabahay.
Pangglobong Krisis
Ang bilang ng mga taong nakatira sa mga barungbarong sa buong daigdig ay tinatayang mahigit sa isang bilyon. Nababahala ang mga Brazilianong eksperto sa urbanisasyon na ang palawak nang palawak na favelas, o lugar ng mga barungbarong, sa bansang iyon ay malapit nang “maging mas malaki at mas matao kaysa sa mga lunsod na unang pinagtayuan ng mga ito.” May mga lunsod sa Nigeria kung saan mahigit sa 80 porsiyento ng populasyon ay nakatira sa mga lugar ng barungbarong at iskuwater. “Kung walang gagawing seryosong hakbang,” ang sabi ng kalihim-panlahat ng UN na si Kofi Annan noong 2003, “ang bilang ng mga nakatira sa mga barungbarong sa buong daigdig ay tinatayang aabot nang mga 2 bilyon sa susunod na 30 taon.”
Gayunman, hindi talaga isinisiwalat ng simpleng mga estadistikang ito ang nakapipinsalang personal na mga epekto ng hamak na pamumuhay sa mga maralita sa buong daigdig. Ayon sa United Nations, mahigit sa kalahati ng mga tao sa papaunlad na mga bansa ang walang kaayusan sa pangongolekta at pagtatapon ng basura at dumi, sangkatlo ang walang makuhang malinis na tubig, sangkapat ang walang disenteng tirahan, at sangkalima ang hindi nakatatanggap ng makabagong serbisyong pangkalusugan. Hindi man lamang pahihintulutan ng karamihan ng mga tao sa mauunlad na bansa na mamuhay sa gayong kalagayan ang kanilang mga alagang hayop.
Karapatan ng Lahat ng Tao
Karaniwan nang itinuturing na pangunahing pangangailangan ng tao ang angkop na tirahan. Isinasaad sa Pandaigdig na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao, na pinagtibay ng United Nations noong 1948, na ang lahat ng tao ay may karapatan sa angkop na antas ng pamumuhay, kasali na ang kasiya-siyang pabahay. Sa katunayan, kailangan ng lahat ang disenteng tahanan.
Kamakailan lamang, noong 1996, pinagtibay ng maraming bansa ang tinawag nang maglaon na Habitat Agenda ng UN. Binabalangkas ng dokumentong ito ang espesipikong mga pangako na maglaan ng disenteng tirahan para sa lahat. Pagkatapos nito, noong Enero 1, 2002, tiniyak ng UN ang pangakong ito anupat ginawang isang pormal at kumpletong programa ng UN.
Kakatwa nga na muling nananawagan ang ilang mayayamang bansa na magtayo ng mga pamayanan sa buwan o galugarin ang Mars, gayong parami nang parami sa pinakamahihirap nilang mamamayan ang hindi man lamang makapagtayo ng disenteng tirahan dito sa lupa. Paano ka naaapektuhan ng krisis sa pabahay? May pag-asa ba talaga na lahat ay magkakaroon ng kanilang sariling maalwang tahanan balang-araw?
[Blurb sa pahina 4]
Pinag-aaralan ng ilang bansa kung paano magtatayo ng mga pamayanan sa buwan, gayong marami sa kanilang mga mamamayan ang walang disenteng tirahan sa lupa
[Larawan sa pahina 3]
LUMIKAS NA PAMILYANG TAGA-ASIA.
Sa isang lunsod, 3,500 pamilya ang nakatira sa pansamantalang mga tolda at kapos na kapos sa tubig at sanitasyon
[Credit Line]
© Tim Dirven/Panos Pictures
[Larawan sa pahina 4]
HILAGANG AMERIKA