Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 3/8 p. 10-12
  • Mga Walang Tahanan—May Pag-asa Ba?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Walang Tahanan—May Pag-asa Ba?
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Surbey ng Kasalukuyang mga Pagsisikap
  • Paggamot sa mga Sintomas
  • Ang Permanenteng Lunas
  • Mga Walang Tahanan—Ano ang mga Dahilan?
    Gumising!—1988
  • Ano ang Nasa Likod ng Krisis sa Pabahay?
    Gumising!—2005
  • Kawalan ng Tirahan—Ano ang Nasa Likod Nito?
    Gumising!—2005
  • Mga Walang Tahanan—Isang Suliraning Pandaigdig
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 3/8 p. 10-12

Mga Walang Tahanan​—May Pag-asa Ba?

“ANG tirahan ay isang pangunahing pangangailangan ng tao kasama ng pagkain at tubig at ang tahanan ay isang mahalagang kalagayan ng sibilisadong buhay. Minsang makita ang mga katotohanang ito, ang kawalang tahanan ay kikilalanin sa kung ano ito: isang lantarang paghamak sa dangal ng tao at ang pagkakait ng isang pangunahing karapatang pantao.”​—Lord Scarman, pangulo ng United Kingdom Council for the International Year of Shelter for the Homeless.

Maliwanag na ipinakikita ng mga talumpating katulad nito na alam na alam ng mga opisyal at ng mga pamahalaan ang pangangailangan para sa mas marami at mas mahusay na pabahay, at ang mga pagsisikap ay itinutuon sa pagtugon sa pangangailangang iyan. Ang katanungan, gayunman, ay: Gaano kabisa ang mga pagsisikap na ito? Ating isaalang-alang ang ilang mga halimbawa.

Ang Surbey ng Kasalukuyang mga Pagsisikap

Upang matugunan ang mga pangangailangan ng lumalagong populasyon ng Bombay, ulat ng The Times of India, 125 bagong mga yunit ng pabahay ang kinakailangan sa bawat araw. Bagaman ito ay tila hindi marami, ito ay aabot ng mahigit 45,000 mga yunit sa isang taon, at iyan ay upang matugunan lamang ang lumalaking populasyon. Kumusta naman ang mahigit na 800,000 mahinang klase, maruruming barungbarong sa slum sa lunsod? Upang palitan ang mga ito sa loob ng 20 taon, 110 mga yunit pa ang kinakailangang itayo araw-araw. Iyan ay nagdadala ng kabuuang 85,000 mga yunit sa isang taon. Upang gawin iyon, “ang bilis ng ating produksiyon ay kinakailangang lumukso ng apat na ulit,” sabi ng ulat. Gayundin naman, sa pagitan ng 1961 at 1981, nagawa ng New Delhi, ang kabisera ng India, ang wala pang ikapu ng tunguhin nito ng pagtatayo ng 450,000 mga yunit ng pabahay.

Sa Aprika ang mga gobyerno ay lubhang nabibigatan sa krisis ng pabahay dahil sa pagdagsa ng mga tao buhat sa lalawigan tungo sa mga lunsod. Sa ibang mga bansa, “ang mga maninirahan sa lunsod na walang trabaho ay ipinatapon sa mga lalawigan,” ulat ng The Star, isang pahayagan sa Johannesburg, Timog Aprika. Sa iba pa, ang napatunayan lamang na mga maninirahan sa lunsod ang pinahihintulutang magtrabaho roon. Sa kabila ng internasyonal na sigawan sa pagtatangi ng lahi, lalo na kung saan nasasangkot ang mga salik na panlahi, naging matagumpay ba ang gayong paggamit ng lakas na mga hakbang? “Ang suliranin ng pagbibigay ng trabaho at mga tahanan sa mga takas mula sa mga lalawigan ay isa na nagbabantang hindi masupil sa kalakhang bahagi ng Aprika​—at, tunay nga, sa lahat ng bansa sa Third World,” sabi ng ulat. “Inihula na makakaharap ng pangunahing mga lunsod sa Aprika ang pagbagsak ng kanilang mga sistemang panlipunan at pang-edukasyon at pati na ang kanilang mga paglilingkod sa tubig, kuryente at alkantarilya.”

Sa Britaniya ang pabahay para sa mahihirap at pagkumpuni o pagpapalit ng nasisirang pangkaraniwang mga pabahay ang dalawang pangunahing mga problema na nangangailangan ng apurahang pansin. “Gayunman kasabay nito kami ay sinabihan na bilang isang bansa ‘hindi [namin] kayang’ gumastos ng anumang salapi sa paglutas sa katakut-takot na mga problemang ito, walang anumang uri ng restriksiyon sa tulong na salapi ng pamahalaan na ibinabayad namin sa mga tao na bumibili ng kanilang mga bahay,” sabi ng Catholic Herald. Dahilan sa pagbawas sa mga pondo para sa murang pabahay, ang konstruksiyon ay bumaba nang hanggang wala pang sangkalima sa antas mga sampung taon ang nakalipas. Idagdag mo pa riyan, “marami rin kaming mga kuwenta sa pagkumpuni, kapuwa sa pangmadla at pribadong pabahay, tinatayang nagkakahalaga ng £50 milyon,” sabi ng ulat. Kung ano ang plano ng gobyerno upang lutasin ang mga pagkakagastos na ito ay malabo.

“Ang problema ng kawalang tahanan sa Amerika ay higit pa sa suliranin ng pagpapabahay sa mga walang pag-asa at walang kaya,” sabi ng isang editoryal sa New York Post. Halimbawa, ang lunsod ng New York ay nagbabayad ng katamtamang $1,800 isang buwan upang mapanatili ang isang pamilyang walang tahanan sa isang welfare hotel, at ang taunang kuwenta para sa paglilingkod na ito ay umaabot ng $125 milyon. Karagdagan pa, ito ay gumagastos ng $250 milyon isang taon sa pagpapatakbo ng 28 mga tirahang pampubliko. Isa pa, ang bilang ng mga taong walang tahanan sa lunsod ay patuloy na dumarami. Bakit? “Walang nakakaalam kung paano pinakamabuting maaabot ang mga walang tahanan,” hinuha ng isang pantanging artikulo tungkol sa mga walang tahanan sa U.S.News & World Report. “Mas mahusay na pabahay, mas maraming trabaho at mas madaling pagkuha ng mga kupon sa pagkain ay hindi tutulong sa mga may diperensiya sa isipan o sa mga gumón sa droga o alak.”

Paggamot sa mga Sintomas

Maliwanag, ang paglutas sa mga suliranin ng pabahay ngayon at ang pagtugon sa mga pangangailangan sa pabahay bukas ay isang napakalaking atas para sa mga pamahalaan sa buong daigdig. Bakit? Sapagkat ang problema sa kakapusan ng pabahay at kawalan ng tahanan ay hindi isang nabubukod na isyu. Ito ay lubhang kaakibat ng iba pang gayundin kalalaking problema, gaya ng pagputok ng populasyon, karalitaan, kawalan ng trabaho, at implasyon. Kung hindi matagumpay na lulutasin ang iba pang mga problemang ito, malamang na hindi magkakaroon ng pag-asa para sa pabahay. Subalit mayroon bang bansa ngayon sa lupa na malaya mula sa anuman sa mga suliraning nabanggit? Sa katunayan, mayroon bang gobyerno na nagkakaroon ng tunay na tagumpay sa paglutas sa mga problemang ito? Wala, wala ni isa.

Sa liwanag nito, ang mga pagsisikap upang lutasin ang mga suliranin ng mga walang tahanan ay maihahalintulad sa mga pagsisikap na tagpian ang mga bitak at mga tulo sa isang gumuguhong bahay. Bagaman ang mga intensiyon ay maaaring kapuri-puri, ang epekto ay paggamot lamang sa mga sintomas. Ang kinakailangan ay gibain ang bulok na bahay at magtayo ng isang bagong bahay mula sa pundasyon pataas.

Ang pangmalas na ito ay tiyak na hindi bago. Ito ay itinuro mga 19 na siglo na ang nakalipas, at ito ay lubhang adelantado anupa’t hindi ito matanggap ng natatalian-ng-tradisyon na mga lider noong panahong iyon. “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa isang lumang kasuotan, sapagkat uurong ang bagong tagpi at lalong lálakí ang punit,” sabi ni Jesu-Kristo. (Mateo 9:16, Today’s English Version) Ano ang nasa isipan niya?

Ang Permanenteng Lunas

Sa halip na paggamot sa mga sintomas, ginamot ni Jesus ang ugat na sanhi. Itinuro niya sa kaniyang mga alagad na umasa sa Kaharian ng Diyos para sa permanenteng lunas hindi lamang sa mga suliranin ng pabahay kundi gayundin sa lahat ng mga suliranin na ngayo’y sumasalot sa sangkatauhan. “Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa,” hinimok niya silang manalangin. (Mateo 6:10) Hindi lamang tatagpian ng Kahariang iyon, na magsasagawa ng layunin ng Diyos sa lupa, ang kasalukuyang sira-sirang sistema ng mga bagay. Papalitan ito ng Kaharian ng Diyos.

Ano ang kahulugan ng lahat ng ito para sa iyo? Pakinggan kung ano ang kinasihang sinasabi ng sinaunang propetang Hebreo na si Isaias: “Sila’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan, sila’y magtatanim ng mga ubasan at kakanin ang mga bunga nito. Hindi sila magtatayo at iba ang tatahan, o magtatanim man at iba ang kakain. Sapagkat kung paano ang mga kaarawan ng mga punungkahoy ay magiging gayon ang mga kaarawan ng aking bayan, at ang aking mga pinili ay magagalak na malaon sa gawa ng kanilang mga kamay.”​—Isaias 65:21, 22, The Jerusalem Bible.

Napansin mo ba na ang pagdiriin ay hindi lamang sa pagtatayo ng higit na mga bahay? Kundi bagkus, sa pagkamakatarungan, pagkapantay-pantay, at katuwiran. Hindi mo ba inaasam-asam na mamuhay sa ilalim ng gayong pamahalaan? Hindi ka lamang magkakaroon ng sarili mong bahay, na higit pa kaysa maaaring asahang taglayin ng mga tao ngayon, kundi ikaw ay maninirahan sa mapayapang mga kapaligiran, na may saganang pagkain, malinis na hangin at tubig, at mababait na kapitbahay. Lahat ng ito, at higit pa, ay mga bagay na gagawin ng matuwid na administrasyon ng Kaharian ng Diyos.

Bilang pagsunod sa utos ni Jesus, ibinabalita ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon sa mga tao saanman ang tungkol sa “mabuting balitang ito ng kaharian.” (Mateo 24:14) Sa mga pahina ng magasing ito at sa kasama nito, Ang Bantayan, gayundin sa pamamagitan ng personal na mga pagdalaw, sinisikap nilang dalhin sa inyong pansin ang kahanga-hangang mga pag-asa sa malapit na hinaharap. Hinihimok ka namin na maglaan ng panahon upang alamin kung paano ka magiging isa roon sa mamumuhay sa ilalim ng matuwid na pamahalaang iyon na magsasauli sa buong lupa upang maging ang walang-hanggang Paraisong tahanan ng tao.

[Blurb sa pahina 12]

“Sila’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan.”​—Isaias 65:21, JB

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share