Kawalan ng Tirahan—Ano ang Nasa Likod Nito?
“MAHIGIT 100 milyon katao sa buong daigdig ang walang tirahan,” ang ulat ng United Nations. Kung tumpak ang bilang na ito, 1 sa bawat humigit-kumulang 60 katao ang walang disenteng tirahan! Gayunman, mahirap pa ring tukuyin kung gaano talaga kalala ang problema. Bakit?
Sa iba’t ibang bansa, hindi pare-pareho ang pakahulugan sa kawalan ng tirahan. Ang mga pamamaraan at tunguhin ng mga nagsusuri sa problemang ito ay nakaiimpluwensiya sa paraan nila ng pagbibigay-kahulugan dito. Ang pakahulugan naman nila ay nakaaapekto sa estadistikang inilalathala nila. Kaya mahirap, kung hindi man imposible, na makita ang tumpak na kabuuang larawan ng suliraning ito.
Ang kawalan ng tirahan ay binibigyang-katuturan ng aklat na Strategies to Combat Homelessness, inilathala ng United Nations Centre for Human Settlements, bilang kalagayan ng “hindi pagkakaroon ng disenteng tirahan. Kasali rito ang lahat ng kalagayang hindi nakaaabot sa pamantayang maituturing na kasiya-siya” para sa lipunan na kinabibilangan ng mga walang tirahan. Ang ilan ay nakatira sa mga lansangan o umookupa sa sira o abandonadong mga gusali, samantalang ang iba naman ay nakasusumpong ng kanlungan sa mga tuluyang inilaan ng mga organisasyong pangkawanggawa. Ang iba naman ay pansamantalang nakikitira sa mga kaibigan. Sa paanuman, ang sabi ng aklat ding iyon: “Kapag itinuring mong walang tirahan ang isang tao, pahiwatig ito na ‘may kailangang gawin’ para sa biktima ng gayong mga kalagayan.”
Tinataya na sa Poland, isang bansa na humigit-kumulang 40 milyon ang populasyon, 300,000 katao ang walang tirahan. Wala talagang nakaaalam sa aktuwal na dami ng mga walang tirahan, yamang hindi sila nakarehistro sa anumang permanenteng lokasyon at patuloy silang nagpapalipat-lipat ng lugar. Naniniwala ang ilan na halos kalahating milyon talaga ang bilang ng mga walang tirahan!
Yamang napakalaganap ng kawalan ng tirahan, maaaring may kakilala ka na nasa ganitong kalagayan. Dahil sa kalagayan ng mga walang tirahan, bumabangon ang ilang katanungan. Bakit nawalan ng disenteng tirahan ang mga taong ito? Paano sila nakararaos sa buhay? Sino ang tumutulong sa kanila? At ano ang kinabukasan ng mga walang tirahan?
Paulit-ulit na Nawawalan ng Tirahan
Si Sabrinaa ay isang nagsosolong ina mula sa isang mahirap na pamayanan sa Harlem, isang lugar sa New York City. Huminto siya sa pag-aaral sa haiskul matapos ang ikasampung grado. Kasama ni Sabrina ang kaniyang tatlong maliliit na anak sa isang tuluyan para sa matatagal nang walang tirahan na pinangangasiwaan ng pamahalaang panlunsod. Nakatira siya sa apartment na may iisang silid kasama ng kaniyang tatlong anak na lalaki—may edad na sampung buwan, tatlong taon, at sampung taon. Inilalaan ito ng pamahalaang panlunsod para sa mga taong wala nang iba pang ligtas na matitirhan.
Sampung taon na ang nakalilipas mula nang umalis si Sabrina sa apartment ng kaniyang ina. Mula noon, sumama siya sa kaniyang kasintahan, nakitira sa mga kaibigan at kamag-anak, at lumipat sa mga tuluyang inilalaan ng pamahalaang panlunsod noong hirap na hirap na siya sa kaniyang situwasyon. “Nakapagtatrabaho ako paminsan-minsan, karaniwan na ay inuupahan ako para magtirintas ng buhok,” ang sabi ni Sabrina, “pero mas madalas, umaasa lamang ako sa tulong ng pamahalaan.”
Sa kabalintunaan, nagsimula ang problema ni Sabrina, gaya ng iniulat ng magasing Parents, nang magkaroon siya ng magandang trabaho bilang housekeeper sa isang otel. Samantalang nagtatrabaho siya roon, inihinto ng pamahalaan ang pagbibigay sa kaniya ng tulong na salapi dahil kumikita na siya nang malaki-laki, subalit hindi naman sapat ito upang mabayaran niya ang kaniyang mga gastusin, kasali na ang pabahay, pagkain, damit, transportasyon, at pangangalaga sa kaniyang mga anak. Kaya naman, nahirapan siyang bayaran ang upa, at tinangka siyang palayasin ng may-ari ng apartment. Nang bandang huli, nagbitiw si Sabrina sa kaniyang trabaho at lumipat na lamang sa pansamantalang mga tirahan para sa mga biglaang nawalan ng tahanan hanggang sa mabakante ang isang apartment na pinangangasiwaan ng pamahalaan at siyang tinitirhan niya ngayon.
“Hindi madali ito para sa mga anak ko,” ang sabi ni Sabrina. “Tatlong paaralan na ang nilipatan ng panganay ko. Nasa ikalimang grado na sana siya, pero kinailangan niyang umulit ng isang grado . . . Kailangan talaga naming magpalipat-lipat.” Nakapila si Sabrina sa listahan ng mga naghihintay tumanggap ng tulong na pabahay mula sa pamahalaan.
Para sa mga taong wala talagang mapuntahan, waring mapalad na si Sabrina. Gayunman, hindi itinuturing ng lahat ng walang tirahan na solusyon sa kagipitan ang mga tuluyang inilalaan ng pamahalaan. Ayon sa Polish Community Help Committee, ang ilan ay “natatakot sa disiplina at mga tuntuning ipinatutupad sa mga tuluyan” na iyon at tinatanggihan nila ang inilalaang tulong. Halimbawa, ang mga nakatira sa gayong mga tuluyan para sa mga walang tirahan ay inaasahang magtatrabaho at hindi iinom ng alak at gagamit ng droga. Ayaw sumunod ng ilan. Kaya naman, depende sa panahon ng santaon, masusumpungan ang mga taong natutulog sa mga istasyon ng tren, hagdanan, at mga bodega, gayundin sa mga upuan sa parke, sa ilalim ng mga tulay, at sa lugar ng mga industriya. Ganiyan din ang situwasyon sa iba pang bahagi ng daigdig.
Binanggit ng isang aklat hinggil sa paksang ito ang maraming salik kung bakit nawawalan ng tirahan ang mga taga-Poland. Kasali rito ang pagkasesante sa trabaho, utang, at mga problema sa pamilya. Kulang ang pabahay para sa mga may-edad na, may-kapansanan, at mga taong nahawahan ng HIV. Marami sa mga taong walang tirahan ang may mental at pisikal na mga karamdaman o mga problema sa pagkasugapa, lalo na sa alak. Ang karamihan sa mga babaing walang tirahan ay humiwalay—o tumakas—sa kanilang asawa, pinalayas sa kanilang tahanan, o nasadlak sa prostitusyon. Waring may malungkot na nakaraan ang bawat taong walang tirahan.
Mga Biktima ng Kagipitan
Ganito ang sabi ni Stanisława Golinowska, eksperto sa socio-economics: “Dito [sa Poland], hindi pinili ng sinumang walang tirahan na mawalan sila ng tahanan. . . . Sa halip, resulta ito ng iba’t ibang kabiguan sa buhay, na humantong sa pagkasira ng bait at kawalan ng ganang mabuhay.” Ang mga taong nawawalan ng tirahan ay yaong mga indibiduwal na sa iba’t ibang kadahilanan ay nag-aakalang hindi na nila kayang harapin ang kanilang mga problema. Halimbawa, matapos palayain ang ilang tao mula sa bilangguan, wala na silang bahay na uuwian sapagkat winasak na ito ng mga nagsasagawa ng bandalismo. Ang iba naman ay pinalayas. Marami ang nawalan ng tirahan dahil sa pananalanta ng likas na kasakunaan.b
Natuklasan sa isang pag-aaral na halos kalahati ng mga walang tirahan na sinurbey sa Poland ay dating kapisan ng kanilang pamilya at ng kanilang asawa, bagaman kadalasan nang may mga problema ang pamilya. Ang karamihan ay pinalayas sa kanilang tahanan o napilitang umalis dahil sa labis na kahirapan. Labing-apat na porsiyento lamang ang nagkusang umalis sa kanilang tahanan.
Matapos manatili nang ilang panahon sa mga tuluyang pinangangasiwaan ng pamahalaan, ang ilan ay nakatayong muli sa kanilang sariling paa at nakahanap ng kanilang sariling tirahan. Mas mahirap namang lunasan ang situwasyon ng iba. Dahil sa mental o pisikal na karamdaman, pag-abuso sa iba’t ibang substansiya, kawalan ng pangganyak na magtrabaho, di-mabuting mga kaugalian sa trabaho, kakulangan ng edukasyon, o kombinasyon ng mga salik na ito, hindi nila malutas-lutas ang problema sa kawalan ng tirahan. Sa Estados Unidos, mga 30 porsiyento ng mga walang tirahan ang labas-masok sa tinatawag ng isang di-pangnegosyong organisasyon na “sistema ng mga walang tirahan”—isang sistema na kinabibilangan ng mga tuluyan, ospital at, nakalulungkot, mga bilangguan. Ang mga lubusang nakadepende sa sistemang ito ang sinasabing gumagamit sa 90 porsiyento ng pondo ng bansa na inilaan para sa problemang ito.
Tulong Para sa mga Walang Tirahan?
Ang ilang tuluyan ay nag-aalok ng mga serbisyo na nilayong tulungan ang mga tao na makahanap ng sariling tahanan. Ang mga indibiduwal ay maaaring tulungang makakuha ng panustos mula sa pamahalaan, pinansiyal na tulong mula sa iba pang indibiduwal o organisasyon, legal na tulong, suporta upang mabuong muli ang pamilya, o mabigyan ng pagkakataong matuto ng simpleng mga kasanayan. Isang pasilidad para sa mga kabataan sa London ang nagbibigay ng payo hinggil sa pagkain, pagluluto, mas malusog na istilo ng pamumuhay, at kung paano makahahanap ng trabaho. Inaasahan na makatutulong ang mga payong iyon upang magkaroon ang mga tao ng higit na paggalang sa sarili at ng pangganyak at matulungan sila na makatayo sa kanilang sariling paa upang makahanap at magkaroon ng sariling permanenteng tirahan. Talagang kapuri-puri ang gayong mga kaayusan.
Gayunman, hindi laging naibibigay ng mga tuluyang ito sa mga walang tirahan ang tulong na higit nilang kinakailangan. Ipinaliwanag ni Jacek, isang lalaking walang tirahan na taga-Warsaw, na hindi inihahanda ng mga tuluyan ang mga residente sa buhay sa labas. Iniisip niya na nagkakaroon ng “pilipit na takbo ng isip” ang mga residente roon dahil halos sila-sila na lamang palagi ang magkakasama at nag-uusap. Ganito ang sabi niya, “Ang tuluyan na nagbubukod sa amin sa iba pang mga tao ay nagiging gaya ng ampunan ng mga bata para sa mga adulto.” Sa pananaw niya, “di-normal ang pag-iisip” ng maraming residente roon.
Ayon sa isang pag-aaral sa Poland, ang kalungkutan ang pinakanakapipighating damdamin na nararanasan ng mga walang tirahan. Dahil sa pinansiyal na mga problema at mababang katayuan sa lipunan ng mga walang tirahan, kadalasan nang mababa ang tingin nila sa kanilang sarili. Tinatakasan ng ilan ang kanilang mga problema sa pamamagitan ng pag-inom ng alak. Ganito ang sabi ni Jacek, “Yamang wala kaming nakikitang pag-asa na mababago pa ang mga kalagayan, marami sa amin ang unti-unting nakadarama na wala na kaming magagawa upang makaahon sa hirap.” Ikinahihiya nila ang kanilang hitsura, ang kanilang kahirapan at kawalang-kakayahan, at ang simpleng katotohanan na wala silang tirahan.
“Ang pinag-uusapan man natin ay tungkol sa mga nakatira sa bangketa sa Bombay [Mumbai] at Calcutta o ang marurungis na taong natutulog sa mga lansangan ng London, o ang mga Batang Lansangan sa Brazil,” ang sabi ni Francis Jegede, na nagpapakadalubhasa sa mga isyu hinggil sa populasyon, “ang kalagayan ng mga walang tirahan ay napakalala at lubhang nakapanlulumong isipin, lalo pa nga ang maranasan ito mismo.” Pagkatapos ay sinabi pa niya: “Anuman ang dahilan o mga dahilan ng kalagayang ito, ang tanong na patuloy pa ring ibinabangon ng isa ay kung bakit waring hindi malunasan ng daigdig ang problema sa kawalan ng tirahan sa kabila ng lahat ng yaman at karunungan at galíng ng tao sa teknolohiya?”
Maliwanag na kailangan ng lahat ng walang tirahan ang tulong—hindi lamang pisikal na tulong kundi ang tulong na makaaaliw at makapagpapatibay-loob sa kanila. Mapalalakas ng gayong tulong ang mga tao na harapin at pagtagumpayan ang maraming problema na nagiging sanhi ng kawalan ng tirahan. Subalit saan masusumpungan ng mga walang tirahan ang gayong uri ng tulong? At may pag-asa pa ba na malunasan ang malubhang problema sa kawalan ng tirahan?
[Mga talababa]
a Binago ang ilang pangalan sa mga artikulong ito.
b Milyun-milyon katao sa buong daigdig ang napipilitang umalis sa kanilang mga tahanan dahil sa kawalang-katatagan sa pulitika o armadong labanan. Para sa higit pang impormasyon hinggil sa kanilang kalagayan, pakisuyong tingnan ang serye ng mga artikulong “Mga Lumikas—Makasusumpong Pa Kaya Sila ng Tahanan?” na inilathala sa Enero 22, 2002, isyu ng Gumising!
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
Ang mga Resulta ng Matinding Karalitaan
Daan-daang libo katao ang naninirahan sa mga lansangan sa mga lunsod sa India. Tinataya noon na sa Mumbai pa lamang, mga 250,000 na ang nakatira sa bangketa. Ang tanging silungan nila ay maaaring tarapal na itinali sa mga poste o sa kalapit na mga istraktura. Bakit dito sila nakatira at hindi sa abot-kayang pabahay malapit sa hangganan ng lunsod? Dahil nagtatrabaho sila—bilang mga tindero, tagapaglako, tagahila ng rickshaw, o namumulot ng bakal at bote—malapit sa pinakasentro ng lunsod. “Wala silang mapagpipilian,” ang sabi ng Strategies to Combat Homelessness. “Dahil sa kahirapan, napipilitan silang huwag nang mangupahan upang may maipambili sila ng pagkain.”
Mga 2,300 lalaki, babae, at mga bata ang naninirahan sa Park Station, sa Johannesburg, Timog Aprika. Natutulog sila sa gilid ng riles, anupat naglalatag ng lumang mga kumot bilang higaan, o sa barung-barong na gawa sa pinagtagpi-tagping karton. Marami ang walang trabaho at nawalan na ng pag-asang makahanap pa ng mapapasukan. Ganiyan ang buhay ng libu-libo pang katao sa buong lunsod. Wala silang tubig, palikuran, at kuryente. Mabilis kumalat ang sakit sa gayong mga kalagayan.
Simple lamang ang dahilan kung bakit walang tirahan ang dalawang grupong ito ng mga tao at ng marami pang iba na tulad nila—matinding karalitaan.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 7]
Mga Pagkukulang ng Makabagong Lipunan
Binabanggit ng aklat na Strategies to Combat Homelessness, na inilathala ng United Nations Centre for Human Settlements, ang ilang pagkukulang ng kasalukuyang sistema sa lipunan, pulitika, at ekonomiya kung paglalaan ng tirahan para sa lahat ang pag-uusapan. Kasali rito ang mga sumusunod:
● “Ang pangunahin pa ring isyu hinggil sa kawalan ng tirahan ay ang kawalang-kakayahan ng mga pamahalaan na maglaan ng malaki-laking pondo upang lubusang matamasa ng mga tao ang kanilang karapatang magkaroon ng disenteng bahay.”
● “Ang di-angkop na mga patakaran at di-mabisang mga sistema ng pagpaplano ay maaaring . . . magdulot ng malaking kaguluhan sa paglalaan ng pabahay para sa nakararaming maralita.”
● “Ang kawalan ng tirahan ay katibayan ng di-pantay na pamamahagi ng pinansiyal na tulong na inilalaan ng gobyerno para sa pabahay sa komunidad.”
● “Ang krisis ng kawalan ng tirahan ay resulta ng mga patakarang nagwawalang-bahala o hindi gaanong nagbibigay-pansin sa masasamang epekto ng mga pagbabago sa ekonomiya, kakulangan sa abot-kayang pabahay, parami nang paraming nag-aabuso sa droga, at iba pang pisikal at mental na mga karamdaman ng mga taong pinakamalamang na mawalan ng tirahan sa . . . lipunan.”
● “Malaki ang pangangailangang baguhin ang paraan ng pagsasanay sa mga propesyonal na nakikitungo sa mga walang tirahan. Ang mga taong walang tirahan, lalo na ang mga batang lansangan, ay dapat ituring na mga taong maaaring maging kapaki-pakinabang sa lipunan sa halip na mga pabigat lamang.”
[Larawan]
Mag-iinang namamalimos, Mexico
[Credit Line]
© Mark Henley/ Panos Pictures
[Larawan sa pahina 6]
Isang dating istasyon ng tren na ginawang tuluyan ng mga walang tirahan sa Pretoria, Timog Aprika
[Credit Line]
© Dieter Telemans/Panos Pictures
[Picture Credit Lines sa pahina 4]
Kaliwa: © Gerd Ludwig/Visum/Panos Pictures; nakasingit na larawan: © Mikkel Ostergaard/Panos Pictures; kanan: © Mark Henley/Panos Pictures