Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 12/8 p. 8-10
  • Kawalan ng Tirahan—Ano ang Solusyon?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kawalan ng Tirahan—Ano ang Solusyon?
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Orihinal na Layunin ng Diyos
  • May Kinabukasan ang mga Walang Tirahan
  • Kawalan ng Tirahan—Ano ang Nasa Likod Nito?
    Gumising!—2005
  • Mga Batang Walang Tahanan—Mayroon Bang Solusyon?
    Gumising!—1990
  • Mga Walang Tahanan—Isang Suliraning Pandaigdig
    Gumising!—1988
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2005
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 12/8 p. 8-10

Kawalan ng Tirahan​—Ano ang Solusyon?

“BIGYAN mo ng isda ang isang tao, at mapakakain mo siya nang isang araw. Turuan mong mangisda ang isang tao, at mapakakain mo siya nang habambuhay.” Inilalarawan ng kasabihang ito ang katotohanan na maaaring maliit lamang ang pakinabang ng basta pagsapat sa kasalukuyang pisikal na pangangailangan. Mas mabuti pang tulungan ang mga tao na matutuhang lutasin ang kanilang mga problema at tugunan ang kanilang mga pangangailangan. Maraming tao ang kailangang turuan ng mga kasanayang mahalaga sa buhay o ng lubhang naiibang pananaw at paraan ng pamumuhay pa nga.

Kumbinsido ang mga Saksi ni Jehova na ang pinakamabisang paraan upang maibsan ang problema sa kawalan ng tirahan ay ang ituro sa mga tao ang pinakamabuting paraan ng pamumuhay. Nangangahulugan ito ng pagkakapit ng pinakamabuting payo​—yaong inilalaan ng Maylalang sa tao. May mas kuwalipikado pa bang magbigay ng gayong payo kaysa sa Kaniya? Ang kaniyang payo ay tumutulong sa mga tao na maiwasan ang marami sa mga problemang humahantong sa kawalan ng tirahan. Tumutulong din ito upang mapagtagumpayan ng taimtim na mga taong walang tirahan ang problemang ito. Mangyari pa, hindi mawawala ang lahat ng problemang kinakaharap natin sa pamamagitan lamang ng pagbabasa ng Bibliya. Gayunman, makatutulong ang Bibliya upang maihinto ng mga tao ang magastos na mga bisyo, mapanumbalik ang kanilang paggalang sa sarili, at mamuhay nang mas marangal.

Maraming tao ang nawalan ng kanilang tahanan dahil sa pag-abuso sa iba’t ibang substansiya, paggawa ng krimen, pinansiyal na mga suliranin, o pagkasira ng pamilya. Ang Bibliya ay nagbibigay ng praktikal na payo sa lahat ng bagay na ito. Ang pagkakapit ng gayong payo ay nakatutulong na sa milyun-milyong tao na magkaroon ng mas mabuting pananaw sa buhay​—at baguhin pa nga ang kanilang buong pagkatao. Siyempre pa, ang basta pagkakapit lamang ng maka-Kasulatang payo ay maaaring hindi makalutas sa lahat ng problemang nauugnay sa kawalan ng tirahan. Sa kasalukuyan, kadalasang kailangan ang iba pang uri ng tulong sa mga problemang gaya ng likas na mga kasakunaan, pagkakasakit, laganap na karalitaan, pagkasugapa, at iba pang tulad nito. Bagaman ginagawa ng mga Saksi ni Jehova ang lahat ng kanilang makakaya upang matulungan ang mga indibiduwal na dumaranas ng mga epekto ng gayong suliranin, kinikilala nila na tanging ang Maylikha lamang ng sangkatauhan ang makalulutas sa mga problemang iyon minsan at magpakailanman. Gagawin kaya niya ito?

Ang Orihinal na Layunin ng Diyos

May makatuwirang dahilan tayo na umasang malapit nang malunasan ang kawalan ng tirahan. Ano ang saligan natin upang umasa? Isaalang-alang ito: Naglaan ang Diyos na Jehova ng magandang tahanan para sa unang mag-asawa. Inilagay sila ng Diyos sa paraiso, at naroroon na ang lahat ng kailangan nila. Kung sinunod lamang nila ang patnubay ng kanilang Maylikha, palalawakin sana nila ang Paraisong iyon sa buong lupa. Tatamasahin ng kanilang mga supling ang kasaganaan at magkakaroon sila ng komportableng tahanan. Makaaasa sana ang bawat miyembro ng pamilya ng tao sa pag-ibig at pakikipagtulungan ng bawat isa. Iyan ang orihinal na layunin ng Diyos. Hindi nagbago ang kaniyang isip.​—Awit 37:9-11, 29.

Bukod diyan, tiyak na mangyayari ang anumang nilayon ng Diyos. (Isaias 55:10, 11) Inihuhula ng Bibliya na darating ang panahon na lahat ay magkakaroon ng sariling tahanan at magtatamasa ng materyal na kasaganaan. Gayunman, bago mangyari ito, kailangan munang baguhin ang buong lipunan ng tao na kinagisnan natin. Magaganap ang mga pagbabagong iyon kapag nakialam ang Diyos sa mga gawain ng sangkatauhan. Iyan ang nasa isip ni Jesus nang sabihin niya sa kaniyang mga alagad na manalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”​—Mateo 6:9, 10.

Sa ilalim ng matuwid na pamamahala ng Kaharian ng Diyos, makikita ng masunuring sangkatauhan ang katuparan ng nakapagpapasiglang hula na ito: “Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon . . . Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain. . . . Ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay lubusang tatamasahin ng aking mga pinili.” (Isaias 65:21, 22) Sa madaling salita, lahat ay magkakaroon ng tirahan.

Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na maglaan sa mga tao ng espirituwal na tulong na kailangan nila ngayon. Gusto nilang magbigay ng maibiging atensiyon sa iba gaya ng ipinayo ni Jesus. (Mateo 22:36-39) Ang gayunding malasakit sa iba ang nag-uudyok sa kanila na tumulong sa mga nawalan ng tahanan dahil sa likas na mga kasakunaan.a

Makatotohanang nauunawaan ng mga Saksi na imposibleng matulungan ang lahat. Si Jacek na taga-Poland at nakatira sa isang tuluyan para sa mga walang tirahan, ay nagsabi ng ganito hinggil sa mga walang tirahan: “Ang ilan ay agresibo o lango sa droga. Ayaw makipag-usap ng iba tungkol sa relihiyon, anupat iniisip na hindi interesado ang Diyos sa kanila. Subalit mayroon ding positibong tumutugon sa Salita ng Diyos.” Ganiyan mismo ang ginawa ni Jacek. Nagsimula siyang matuto nang higit pa hinggil sa talagang itinuturo ng Bibliya.

Isa pang lalaking walang tirahan na tumugon nang positibo ay si Roman, may sakit na AIDS at dating nakatira sa lansangan. “Nang dumating ako sa care unit ng Social Services, hindi ko alam na nagpupulong ang mga Saksi ni Jehova malapit dito,” ang nagunita niya. “Di-nagtagal, nakipag-usap sila sa akin at ipinaliwanag nila na naririnig ng Diyos ang paghingi ng tulong ng mga walang tirahan. Inanyayahan din nila ako sa isa sa kanilang mga pulong.”​—Awit 72:12, 13.

Paano siya naapektuhan ng kaniyang narinig? “Nalaman kong maaari akong mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa at na mahalaga ako sa paningin ng Diyos. Palibhasa’y marami na akong bago at nagmamalasakit na mga kaibigan, hindi ko na pinagtuunan ng pansin ang aking mahirap na kalagayan at sinimulan kong baguhin ang aking personalidad. Dahil sa pag-ibig sa Diyos, naihinto ko ang paninigarilyo at nangako ako sa kaniya sa panalangin na lalakad ako sa landas ng katuwiran.”

Mahusay ang naging espirituwal na pagsulong ni Roman at di-nagtagal ay nabautismuhan siya bilang isang Saksi ni Jehova. Sa tulong ng mga kapananampalataya at ng mga awtoridad, nakalipat siya sa maalwang tirahan. Ganito ang natutuwang sinabi ni Roman: “Hindi ko maipaliwanag ang nadarama kong kaligayahan. Napalapít ako sa isang maibiging Diyos, na muling nagbigay ng layunin sa aking buhay. Binigyan niya ako ng kahanga-hangang pamilya ng magkakapatid at gayundin ng isang tahanan!”

May Kinabukasan ang mga Walang Tirahan

Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na magpakita ng empatiya sa lahat, pati na sa mga walang tirahan. Sabik silang ibahagi ang mga katotohanan sa Bibliya hinggil sa mas mabuting kinabukasan​—mga katotohanan na makapagpapabago ng buhay kahit sa ngayon.​—Juan 8:32.

“Yaong ginawang baluktot ay hindi maitutuwid,” ang sabi ng Bibliya. (Eclesiastes 1:15) Oo, sa kabila ng mabubuting intensiyon ng mga boluntaryo at mga awtoridad, mahirap pawiin ang malulubhang problema sa lipunan gaya ng kawalan ng tirahan at kahirapan. Gayunman, tinitiyak sa atin ng Bibliya na sa malapit na hinaharap, lahat ng masunuring tao ay mamumuhay sa sakdal na mga kalagayan sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos.

[Talababa]

a Bilang mga halimbawa, pakisuyong tingnan ang Gumising! ng Enero 8, 1993, pahina 14-21; Oktubre 22, 2001, pahina 23-7; at Agosto 8, 2003, pahina 10-15.

[Larawan sa pahina 8]

Isang lumikas na ina mula sa Somalia na may hawak na kard para sa rasyon ng pagkain

[Credit Line]

© Trygve Bolstad/Panos Pictures

[Larawan sa pahina 9]

Higit sa lahat, kailangan ng mga walang tirahan ang pag-asa sa hinaharap

[Mga larawan sa pahina 10]

Lahat ay magkakaroon ng tirahan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share