Ang mga Taong Palaboy—Ang Kanilang Masaklap na Kalagayan Isang Problemang Hindi Malutas
SA LOOB ng ilang sandali ang siksikang mga lansangan ay nawawalan ng tao. Ang mga tindahan at mga pagawaan ay nagsara na. Ang huling bus na punô ng mga alas nuebe-hanggang-alas singko na mga manggagawa sa opisina ng lunsod ay nakaalis na. Ang mga commuter train na punô ng mga manedyer ay nagtutumulin tungo sa mga arabal. Ang mga ilaw ng tindahan ay lumamlam at sumindi ang mga ilaw sa kalye. Ang simoy ng hangin sa gabi ay lumalamig sa isa pang gabi ng taglamig. Ang mga apartment na may painitan ay isang kasiya-siyang tuluyan para sa mga maninirahan ng lunsod, samantalang ang nagdiringas na mga kahoy sa tsimenea ay nangangahulugan ng “home, sweet home” para sa mga taga-arabal. Ang kasunod na mainit na mga hapunan at malambot na mga higaan ay winawalang-bahala.
Anong laking pagkakaiba ng istorya sa walang laman na mga kalye ng lunsod! Daan-daang mga anino ng tao ang nagsisilitaw. Marahang lumalakad sa manhid na mga paa, hukot dahilan sa ginaw, sila ay pumupuwesto sa mga pasukan ng tindahan, sa ilalim ng mga tulay, sa ibabaw ng mainit na mga barandilyang bakal, at sa mga bangketa. Sa mga kahong karton, na kinuha mula sa mga basurahan, sila’y nagpapalipas ng gabi. Anuman ang kanilang edad, ang kanilang pinagmulan, ang pisikal at mental na kalagayan, silang lahat ay nagkakaisa sa isang bagay—sila’y mga palaboy. Ang mga ito’y lagalag ng lunsod, ang mga taong lansangan, ang mga “bag ladies,” ang mga sugapa sa alak. Sila ang nakasisirang tanawin ng halos lahat ng malalaking lunsod sa daigdig. Sila’y naging isang malaking panganib ng lunsod, isang problemang walang lunas.
Sa mas mayaman na mga bansa maraming tao ang nakasaksi sa karalitaan dahil sa mga kapus-palad na ito. Kung hindi man nila ito nasaksihan sa kanilang sarili, narinig nila ang tungkol dito. Sinong kabataan na nagtatrabaho sa mga restauran ng fast food ang hindi magkukuwento pagkatapos makita ang mga “bag ladies” na pinupuno ang kanilang mga bag na plastik ng lumang tinapay at bulok ng karne mula sa basurahan sa labas ng kanilang kusina? O kumusta naman ang tungkol sa manggagawa ng pizza na kadalasan ay pinupuno ang mga pizza, na inoorder sa pamamagitan ng telepono, ng mga bagay na walang magkagusto, gaya ng pinya, at pagkatapos, pagka inihagis ang mga inorder na pizza na hindi kinuha, ay minamasdan ang mga nagugutom na kumukuha nito mula sa basura? O sinong weyter sa mahusay na mga restauran ng lunsod ang hindi makapagsasabi tungkol sa mga gutóm na mga kamay na naghahagilap sa mga basurahan para sa mga tinapong pagkain?
“Ah, ang pagkakatimbang ng kalikasan,” sulat ni George F. Will sa magasing Newsweek, “ang mga kuwenta sa pagkakagastos ay nagpapalakas-loob sa mga kumakain na mag-order nang labis; ang banidad—takot na tumaba—ang nagpapangyari sa kanila na iwan ang mga pagkain na hindi halos ginagalaw; ang kagutuman naman ang nagpapangyari sa iba na kanin ang mga tira.”
Ang kalagayan ng mga palaboy sa lunsod ay nagiging tampulan ng pansin kapag ang lagay ng panahon ay nagpapahiwatig ng maginaw at napakalamig na mga temperatura sa gabi. Ang tatag na mga tirahan ay lubhang kakaunti. Ang karamihan ng mga palaboy ay napipilitang harapin ang mga elemento na may di-sapat na pananamit. “Kung mapaglalaanan ko lamang ng tirahan ang bawat isa na naghahanap nito sa isang gabing malamig,” sabi ng isang manggagawa sa welfare sa Atlanta, Georgia, “makakatulog ako nang mahimbing sa gabi.” Kaya sila ay namamatay—sa nakababalisang dami. Ang tagapangulo ng Board of Health ng New York ay nagsabi na isang katamtamang bilang ng isang taong palaboy isang araw ang nasusumpungang patay sa mga lansangan ng lunsod na iyon.
Maraming palaboy ang tumatangging tumuloy sa tulad-dormitoryong mga silid at mga bahay na inilaan ng munisipyo. Ikinatatakot nila ang kaligtasan ng kanilang buhay at ang pagkuha ng kanilang makalupang mga pag-aari. “Ito ang masasabi ko, iho,” sabi ng isa na nagpalipas ng ilang oras sa gayong tirahan. “Hindi mo alam kung ano ang kukunin sa iyo ng taong katabi mo. Mas mabuti pa sa mga kalye, iho.” Isang mananaliksik sa Paglilingkod sa Komunidad na nagbuluntaryong gumugol ng isang gabi sa tirahan ang nagsabi: “Ang mga kalagayan ay totoong masama, mapanganib. Ang likas na manlulupig na kaugnayan ay umiiral sa pagitan ng mas nakababata at nakatatandang lalaki, at sa maikling panahon ng pagkanaroroon ko nasaksihan ko ang napakaraming pagnanakawan.” Palasak ang karahasan, na may saksakan, gulpihan, at tahasang pambubugbog.
Kaya, pipiliin pa ng maraming mga palaboy na harapin ang mga elemento, kung saan sila sa paanuman ay maaaring tumakbo kung pinagbabantaan. Ngunit kadalasan nang ito’y ang kaligtasan ng pinakamalakas sa mga lansangan. Ang iba ay ginahasa nang maraming beses ng mga sugapa sa alak at droga. Ang mga babae ay lalo nang nabibiktima ng kanilang kauri. Ang mas matanda at mas mahinang mga babae ay nagiging biktima ng mas bata at mas malalakas na babae—kinukuha ang mga pananamit na nakakaakit sa kanila. “Dito kung hindi mo kayang pangalagaan kung ano ang mayroon ka, kung gayon hindi ito karapat-dapat sa iyo. Iyan ang tuntunin,” sabi ng isa.
Walang nakakaalam na tiyak kung gaano karami ang mga palaboy sa daigdig, sapagkat hindi sila masumpungan ng mga kumukuha ng sensus. Sa Estados Unidos inilalagay ng mga dalubhasa ang bilang na kasintaas ng dalawa hanggang tatlong milyon. Anuman ito, ito ay dumarami.
Nakita ng ibang mga lunsod ang populasyon ng kanilang mga palaboy na sumulong ng 100 porsiyento sa nakalipas na taon. Tinataya ng inilathalang mga report ang bilang ng mga palaboy sa lunsod ng New York na 40,000 noong 1984, at ang mga ito ay dumarami araw-araw. Ang mga magasin noong 1982 ay naglagay sa bilang ng mga palaboy sa Washington, D.C., na 10,000, samantalang noong 1984 ang tantiyang bilang na 20,000 ang ibinigay. Ang 25,000 palaboy sa Chicago ay isang malaking pagsulong sa nakaraang taon. Ang Inglatera ay may problema rin sa mga palaboy. Gayundin ang Sweden. At gayundin sa malalaking lunsod sa Europa. Sa naghihikahos na mga bansa, ang pagkapalaboy ay isang tinatanggap na paraan ng pamumuhay.
Ang mga sanhi ng pagkapalaboy ay iba’t iba—kawalan ng trabaho, paghihiwalay ng mag-asawa, suliranin sa alkoholismo o pagkasugapa sa droga, sinusundan ng pagpapalayas sa tahanan o apartment, at ang pamilya at mga kaibigan na tumatangging tanggapin ang ngayo’y walang-wala.
Marami sa mga taong lansangan ang naninirahan sa mga gusali na may isang-silid na mga tuluyan. Ngunit dahilan sa mga programa sa pagbabago ng lunsod na isinasagawa sa maraming mga lunsod, ang mga gusaling ito ang unang sinisira o inaayos at ginagawang mga condominium. Ang marami sa mga naninirahan dito ay napipilitan na maglaboy sa mga lansangan. Sa Estados Unidos lamang mula noong 1970 hanggang 1980 isang milyon ng gayong mga silid ang sinira o binago. Sa ilang mga lunsod nangahulugan ito ng mahigit na 50 porsiyentong kawalan ng isang-silid na mga tuluyan. Sa New York ito’y isang 87 porsiyentong kawalan.
Isaalang-alang, ngayon, ang dobleng peligrong kalagayan ng mga taong lansangan: Sapagkat sila’y walang mga direksiyon ng tirahan, ang mga palaboy ay hindi nakatatanggap ng mga food stamps at welfare sa karamihan ng mga estado. “Ang ilan sa mga taong ito ay maaaring kuwalipikado, ngunit una kailangan nilang magkaroon ng isang tiyak na direksiyon ng tirahan, at wala sila nito,” sabi ng isang boluntaryong manggagawa sa Chicago. Higit pa riyan, marami ang walang kakayahan sa isipan na pakitunguhan ang burukratikong rutina upang kumuha ng welfare o tulong mula sa gobyerno.
Ito ang malungkot na tala ng lahat ng nailathalang data na naglalarawan sa mga lagalag na ito ng lunsod—hindi na totoo na ang mga palaboy ay karaniwang 60 anyos at higit pa. Mayroong mabilis na dumaraming populasyon ng bata, mga taong talamak na may mga karamdaman sa isipan. Sila kailanman ay hindi naipasok sa mga institusyon kundi nakisama sa mga palaboy. Ipinagbibili kapuwa ng mga batang lalaki at babae ang kanilang mga sarili bilang mga patutot upang may makain, ang mga tin-edyer na babae ay natutulog na kasama ng mga manedyer sa otel upang may matulugan lamang sa gabi. Hindi lahat ng mga ito, gayunman, ay may diperensiya sa isip. Sila ang mga bata na hindi naiibigan ninuman—maging ng kanilang mga magulang. Kalimitan nang sila’y mga batang inabuso. Alam na alam ng marami ang kahulugan ng salitang “insesto.” Aakalain mo ba na sa Lunsod ng New York lamang, kalahati ng tinatayang 40,000 palaboy ay wala pang 21 anyos—20,000 sa kanila! At ang mga ito ang lubhang kinatatakutan ng mas nakatatandang mga palaboy, ang mga ito ang siyang gumugulpe at nagnanakaw ng kanilang kakaunting tinatangkilik.
Sa lunsod at lunsod, kung saan isang problema ang pagkapalaboy, naroroon ang mga kabataan at ang kanilang mga bilang ay dumarami taun-taon. Naroon ba ang iyong mga anak? Hahanapin mo ba sila kung hindi mo alam kung nasaan sila, kung saan sila natutulog kung malamig na gabi samantalang ikaw ay mainit, o ano ang kanilang kinakain samantalang ikaw ay sagana? O ang anak mo ba ay gaya ng taong palaboy na nagsabi: “Ako’y nawawala sa loob ng dalawampung taon, ngunit wala man lamang humanap sa akin.”
Ang lunas sa suliranin ng kawalan ng tirahan o pagkapalaboy ay hindi darating sa pamamagitan ng mga pamamahala ng tao. Ang lahat ay nasubok na, ang lahat ay nabigo. Ang tanging lunas ay nakasalalay sa malaon-nang-ipinanalanging pamahalaang iyon sa modelong panalangin ni Jesus, na ang bahagi ay nagsasabi, “Dumating nawa ang kaharian mo.” Aalisin ng ipinangakong Kahariang iyan ang karalitaan, gutom, mental at pisikal na mga karamdaman, at sakit sa lupa magpakailanman. Ang pagkapalaboy ay magiging isang lipas na bagay, sapagkat sa Kaharian na ito, na si Jesus ang tagapamahala, ang bawat tao ay magkakaroon ng kaniyang sariling tahanan, at mauupo sa ilalim ng kaniyang punong ubas at igos, at walang tatakot sa kaniya.—Mateo 6:10; Isaias 65:21, 22; Mikas 4:4.
[Blurb sa pahina 13]
‘Ang mayamang mga kumakain ay nag-oorder nang labis; ang karalitaan naman ang nagdadala sa iba na kanin ang mga tira’
[Kahon sa pahina 15]
Paglabas Mula sa mga Institusyon—Isang Pangunahing Sanhi ng Pagkapalaboy
Noong 1752, sa mahigpit na rekomendasyon ni Benjamin Franklin, ang kauna-unahang ospital sa bansa upang mangalaga sa mga palaboy na walang bait ay binuksan. Nasaksihan ng sumunod na dalawang siglo ang pagbubukas ng mental na mga institusyon sa bawat estado sa bansa. Pagkatapos noong kalagitnaan ng 1940’s ang kalagayan ng mga may karamdaman sa isip ay napatampok. Ang nakapangingilabot na mga kalagayan ng siksikang mental na mga institusyon ng estado ay napalathala.
Noong 1954 ang gamot na chlorpromazine, na ginawa sa Pransiya ay pinahintulutang pumasok sa Estados Unidos para sa paggamot sa mga may diperensiya sa isipan, pinakakalma sila at sinasawata ang kanilang mga kahibangan at mga guniguni. Pagkalipas ng apat na taon ang Joint Commission on Mental Illness and Health ay naitatag. Sa pamamagitan ng komisyong ito isang pambuong bansang sistema sa paggamot ng mga may karamdaman sa isipan ay hiniling. Ang proposal ay may malayuang mga tunguhin, alalaong baga, gamutin ang mga taong pumasok sa institusyon sa loob ng kanilang mga pamayanan. Sa ibang salita, yaong mga magagamot pa at makokontrol ng bagong gamot at na hindi magiging isang panganib sa iba ay dapat palabasin mula sa kanilang mga dakong pinagkakapiitan.
Noong 1971, sa estado ng Alabama, isang usapin ang iniharap sa kapakanan ng mga pasyente na sapilitang ipinasok sa mga institusyon para sa layunin na gamutin ang isipan. Ipinasiya ng hukuman na para sa isang pasyente na ipasok sa isang institusyon ang institusyon ay kinakailangang makatugon sa ilang mahigpit na mga kahilingan. Ipinasiya rin ng hukuman na “hindi lalagpas ng 15 araw pagkatapos na ang pasyente ay tanggapin sa ospital, dapat suriin ng superintendente ng ospital o ng kaniyang hinirang, na propesyonal na kuwalipikadong ahente ang tinanggap na pasyente at tiyakin kung ang pasyente ay patuloy na nangangailangan ng ospitalisasyon. . . . Kung ang pasyente ay hindi na nangangailangan ng ospitalisasyon ayon sa mga pamantayan ng pagtanggap, o kung ang plano sa paggamot ay hindi isinagawa, dapat siyang palabasin karakaraka maliban na siya ay kusang sumang-ayon sa patuloy na paggagamot.”
Dahilan sa legal na disisyong ito, pinalabas ng mga mental hospital ang marami sa mga pasyente nito. Noong 1982 ang populasyon ng mga pasyente sa mental na mga institusyon ay bumaba mula sa 558,922 tungo sa 125,200.
Ang mga mabuting intensiyon, gayon man, ay nagkaroon ng kabaligtarang epekto. Ang iminungkahing mga sentro ng paggamot sa pamayanan ay hindi lumitaw. Sa katapusan ang mga nagsilabas na pasyente ay naging mga alaga ng lunsod. “Marami sa dating mga pasyente, dahilan sa kanilang kalagayan, ay hindi alam kung papaano magtutungo sa mga sentro ng pamayanan,” sabi ng isang administrador ng kalusugang pangkaisipan sa Washington. “Kaya pagkatapos na sila’y mapalabas mula sa mga ospital, iyan na ang kahulihan na pagkakita mo sa kanila hanggang sa sila’y maglitawan sa mga daanang-pinto.” “Humigit-kumulang sangkatlo hanggang kalahati ng mga palaboy,” sulat ng Psychology Today ng Pebrero 1984, “ang inaakalang nasisiraan ng bait at nasa mga lansangan pangunahin nang dahilan sa pagpapalabas sa kanila mula sa mga institusyon.”
Sa ibang malalaking lunsod ang persentahe ay mas mataas, hanggang 60 porsiyento. Halimbawa, sa isang panayam sa 450 mga palaboy na naghahanap ng tuluyan sa tatlong mga tirahan sa New York, isiniwalat nito “na 54 porsiyento ng mga pasyente ay dating nasa mga ospital ng estado at 75 porsiyento ang naospital dahilan sa may kapansanan sa isipan. Napakataas na porsiyento (53 porsiyento) ng mga pasyente ang nasuri na may schizophrenia . . . Marami sa mga pasyenteng ito ang pinalabas sa ospital tungo sa mga pamayanan upang pangalagaan ang kanilang mga sarili nang walang sapat na mga paglilingkod sa pamayanan o mga sistema upang tulungan sila sa pakikibagay nila mula sa mga institusyon tungo sa pamumuhay sa pamayanan.”—Hospital & Community Psychiatry, Setyembre 1983.
Iniulat ng babasahing iyon ang kahawig na pag-aaral na isinagawa sa London sa 123 mga lalaking palaboy. Ang data na natipon ay nagpapakita na 15 porsiyento ang nasuri na mga schizophrenic, 8 porsiyento ang may diperensiya, at 29 porsiyento ang naospital dahilan sa karamdaman sa isipan.
[Larawan sa pahina 14]
‘Ako’y nawawala sa loob ng 20 taon, ngunit wala man lamang humanap sa akin’