Astrolohiya, mga Kapanganakan, at ang Bibliya
Sang-ayon sa mga may-akdang sina Ralph at Adelin Linton, mayroong tiyak na kaugnayan sa pagitan ng astrolohiya at ng mga kapanganakan. Binanggit nila sa kanilang aklat na The Lore of Birthdays: “Ang Mesopotamia at Ehipto, ang mga sinilangan ng kabihasnan, ang siya ring unang mga lupain kung saan tinandaan at pinarangalan ng mga tao ang kanilang mga kapanganakan. Ang pag-iingat ng mga rekord ng kapanganakan ay mahalaga sa sinaunang panahon lalo na sapagkat ang petsa ng kapanganakan ay mahalaga sa paggawa ng isang horoscope.”
Totoo, ang mga Israelita ay nag-ingat din ng mga talaan ng kapanganakan. Subalit ito ay ginawa upang itatag ang mga edad ng mga lalaki para sa makasaserdote, militar, at iba pang mga paglilingkod. (Bilang 1:2, 3; 4:2, 3; 2 Hari 11:21) Gayunman, hindi iniuulat ng Bibliya ang mga petsa ng kapanganakan kahit ng prominenteng mga tao, gaya ni Noe, Abraham, Moises, David—o ni Jesu-Kristo! “Segurado,” inamin ng nabanggit na mga may-akda, “may mga pagdiriwang ng kapanganakan na binabanggit sa Bibliya, subalit ito’y upang alalahanin ang araw ng kapanganakan ng balakyot na mga erehes na gaya ni Faraon at ni Herodes. Nang ang sinaunang mga Kristiyano ay nagsikap na magtakda ng petsa ng kapanganakan ni Kristo, maraming mga Ama ng Simbahan ang itinuring ito na kalapastanganan . . . Ipinahayag nila na hindi dapat tangkaing ipagdiwang ito, yamang ito ay isang masamang kaugaliang pagano.”