Astrolohiya—Ito Ba’y Hindi Nakapipinsalang Katuwaan?
KAMAKAILAN, ang Britanong astronomong Patrick Moore ay nagsabi: “Totoong balighong isipin na ang mga buhay at mga kapalaran ay kontrolado ng mga bituin . . . [Ang astrolohiya] ay hindi nakapipinsalang bagay, subalit gaya ng anumang uri ng siyensiya ito ay lubhang walang saligan.”
Gayunman, minamasdan ang mga bagay-bagay mula sa lubhang praktikal na pangmalas ang isa ay napipilitang maghinuha na ang astrolohiya ay talagang nakapipinsala.
‘Iyan ang Kapalaran Niya!’
Isa sa pinakamaliwanag na panganib ay ang bagay na pinahihinang-loob ng astrolohiya ang mga tao na tanggapin ang pananagutan sa kanilang mga pagkilos. Kunin halimbawa ang pag-aasawa. Ganito ang sinabi ng isang astrologong taga Timog Aprika tungkol sa mga mag-asawa na hindi magkatugma ang mga horoscope: “Sinabihan ko na ang maraming tao na ang kanilang pag-aasawa ay wala nang pag-asa, na dapat silang magdiborsiyo.”
Subalit isaalang-alang: Makatuwiran ba na wakasan ang isang pag-aasawa dahilan sa ang mga bituin at ang mga planeta ay lubhang hindi magkatugma? Hindi ba mas mabuti na ang mga mag-asawang may mga suliranin ay papanagutin sa kanilang mga pagkilos at humingi ng tulong? Ang Bibliya ay naglalaman ng maraming praktikal na payo sa paglutas sa mga suliraning pangmag-asawa. (Tingnan, halimbawa, ang Efeso 5:22-25.) At nasumpungan ng marami na ikinapit ito na ito ang tamang tulong at nailigtas ang kanilang pag-aasawa. Tiyak na ito’y mas mabuti kaysa sa pagsisi ng mga problema ng isa sa mga bituin o sa kapalaran niya!
At kumusta naman ang maraming pagkakamali na nagagawa natin sa buhay? Mabuti bang bumaling sa astrolohiya upang bigyan-matuwid ito? Mga ilang taon na ang nakalipas, isang lalaki mula sa Miami, Florida, (E.U.A.) ay ipinagsakdal sa salang pagnanakaw, panggagahasa, at pagsalakay. Ang kaniyang pagtatanggol? Tinipon niya ang tatlong mga astrologo na nagsabing hindi niya ito nakayanan dahilan sa “magulong pagkakahanay ng mga planeta.” Ang pagsunod sa uring ito ng pangangatuwiran ay maaari lamang magpatigas sa isa sa isang landasin ng pagkakamali.
Isa pa, isip-isipin kung ang responsableng mga tao, gaya ng mga lider ng bansa, ay magsimulang tumingin sa mga bituin o sa astrolohiya para sa patnubay. Sa aklat na Human Destiny—The Psychology of Astrology, ganito ang nakatatakot na paalaala ni Gwyn Turner: “Ang mga Hari at mga Pinuno noong nakalipas ay laging nasa kanilang tabi ang kanilang mga Astrologo at kahit na nitong ikalawang digmaang pandaigdig isang Astrologong Hungariano, si Louis de Wohl, ay lihim na inupahan ng British War Office.” Siya ang nagbigay sa mga Britano ng mga hula tungkol sa tagumpay ng ilang mga opisyal at tagumpay sa ilang mga digmaan. Nasabi rin niya sa British War Office kung anong payo ang tinatanggap ni Hitler mula sa kaniyang mga astrologo sang-ayon sa kaniyang horoscope. Sinasabi pa nga ng iba na maraming pulitiko sa ngayon ang tumitingin sa mga bituin o kapalaran para sa patnubay.
Wari bang hindi nakapipinsala sa iyo na ang mga disisyong nangangahulugan ng buhay-at-kamatayan ay maaaring nakasalaylay sa posisyon ng mga planeta?
Sa Likuran ng Kapangyarihan ng Hula
Kung minsan ang astrolohikal na mga hula ay nagkakatotoo. Subalit ito ba ay talagang dahilan sa pagbasa sa mga bituin? Mga ilang taon na ang nakalipas, sinubok ng yumaong sikologong si Vernon Clark ang kakayahan ng ilang mga astrologo. Binigyan niya sila ng sampung mga kaso at hiniling ang mga astrologo na pagtugmain ang bawat isa sa isang pares ng horoscope. Ang mga astrologo ay lubhang matagumpay! Tatlong astrologo pa nga ang wastong napagtugma ang lahat ng mga ito!
Pitung tama sa sampu ang nakuha ng Amerikanong astrologo na si Dal Lee. Subalit ano ang dahilan ng kaniyang tagumpay? Maliwanag na higit pa kaysa sa pagbasa sa mga bituin ang nasasangkot. “Dapat sana ang bawat astrologo ay gugugol ng di-kukulanging kalahating oras upang suriin ang bawat paksa, ibig sabihin niyan, sampung oras na lahat,” iniulat na sinabi ni Lee. Gayunman, sapagkat siya’y abala nang panahong iyon, si Lee “ay gumugol lamang ng isang minuto sa bawat paksa.” Samakatuwid, inaamin niya na ang kaniyang tagumpay ay hindi “pawang astrolohikal.” Inamin ni Lee: “Bagkus ay naniniwala ako na ito ay isang kaso ng ‘extra-sensory-perception.’”
Kapuna-puna, maraming astrologo ang umamin din ng gayong paggamit sa matatawag na kapangyarihang okulto. Mahalaga ito sa mga taong interesadong paluguran ang Diyos. Sapagkat sa Isaias 1:13, mariing sinasabi ng Diyos: “Hindi ko matitiis ang paggamit ng kataka-taka at mahiwagang kapangyarihan.” Bakit? Ipinakikita ng Bibliya na ang mga taong nagpapakita ng kapangyarihan ng panghuhula ay kadalasang nasa ilalim ng pangangasiwa o impluwensiya ng espiritung mga puwersa ng demonyo. (Ihambing ang Gawa 16:16-18.) Samakatuwid ang astrolohikal na mga hula kung minsan ay maaaring wala kundi mga kapahayagan ng mga demonyo—tahasang mga kaaway ng Diyos at ng bayan na naglilingkod sa kaniya! Pinsala lamang ang maaaring mangyari sa sinuman na naghahangad ng patnubay ng mga demonyo!
Astrolohiya—Isang Relihiyon?
Gayunman, sinasabi ng ilan na ang kanilang interes sa astrolohiya ay panandalian lamang. Gayunman kung ano ang kadalasa’y nagsisimula bilang panandaliang interes ay maaaring mauwi sa isang bagay na katulad ng relihiyosong debosyon. Isang siyentipiko na lumagda sa nabanggit na deklarasyon laban sa astrolohiya ay nagsabi: “Sa ilan, ang astrolohiya ay tiyak na isang uri ng pagtakas . . . Sa iba, ang astrolohiya ay naging isang paghahayag mula sa Diyos, isang dalisay na katotohanan—yaon ay, isang tunay na relihiyon.” Sinasabi ng mga awtoridad na nariyan ang hilig para sa ilan na pahintulutang ang mga hula ng horoscope ay maging tumutupad-sa-sarili na mga hula. Kapag ganito ang impluwensiya ng astrolohiya sa isang tao, ito nga ay naging gaya ng isang relihiyon.
Sa katunayan ang astrolohiya ay naging isang opisyal na bahagi ng relihiyon ng sinaunang Babilonya. Subalit ang relihiyon bang ito ay gumana sa kaniyang kapakinabangan? Sa kabaligtaran, ang Bibliya ay naglalaman ng ganitong pahayag laban sa sinaunang Babilonya: “Ikaw ay nayamot sa karamihan ng iyong mga tagapayo. Hayaang magsitayo sila, ngayon, at iligtas ka, ang mga mananamba ng langit, ang mga astrologo, yaong mga nangingilala sa bagong buwan tungkol sa mga bagay na mangyayari sa iyo.” (Isaias 47:13, Ref. Bi., talababa) Hindi nailigtas ng mga hula ng mga astrologo ng Babilonya ang lunsod mula sa permanenteng pagkawasak.—Isaias 13:19, 20.
Gayunman, kapuna-puna na ang relihiyosong impluwensiya ng Babilonya ay nakaligtas. “Mula sa Babilonya,” sabi ng aklat na A History of Astrology, “dinala ng mga Kaldeo ang astrolohiya sa Ehipto, at higit na mahalaga sa Gresya.”
Samakatuwid ang pagsunod sa relihiyon ng astrolohiya ay mapanganib. Bakit? Sapagkat sang-ayon sa Bibliya, lahat ng relihiyon na batay sa mga paniniwala ng taga-Babilonya ay nakatakdang puksain. Oo, ang sinaunang pagbagsak ng Babilonya ay tumuturo sa panghinaharap na pagkawasak na ito. Sa Apocalipsis 18:4, tayo ay binabalaan: “Lumabas kayo sa kaniya [maka-Babilonyang organisasyon], bayan ko, kung hindi ninyo nais na maparamay sa kaniyang mga kasalanan, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.”
Kung gayon ang astrolohiya ay hindi maaaring tawaging ‘hindi nakapipinsalang katuwaan.’ (Ihambing ang Deuteronomio 18:10-12.) Ang pagsunod dito ay maaaring maging ang unang hakbang sa pagkahulog sa ilalim ng mapanganib, demonikong mga impluwensiya at pagkawala ng pakikipagkaibigan sa Diyos! (2 Corinto 6:17, 18) Totoo, lahat tayo ay nangangailangan ng patnubay. Subalit anong higit na mas ligtas at mas mabuti na bumaling sa Bibliya para sa patnubay! (Awit 119:105) Yaong mga nakikinig sa Salita ng Diyos ay nagkakamit ng praktikal na tulong sa paglutas sa mga suliranin ng buhay, isang bagay na hindi naibibigay ng astrolohiya.
[Larawan sa pahina 8]
Sabi ng isang astrologo sa Timog Aprika: “Sinabihan ko na ang maraming tao na ang kanilang pag-aasawa ay wala nang pag-asa, na dapat silang magdiborsiyo”
[Larawan sa pahina 9]
Ang pagtitiwala ng sinaunang Babilonya sa astrolohiya ay hindi humadlang sa kaniyang pagkawasak