“Ngayon Ikaw ay Mamamatay!”
—Sinalakay ng Isang Manggagahasa ang Isang Tahanang Kristiyano
MAGASPANG na mga kamay ang sumasakal sa akin. Nanlaban ako upang sumigaw.
“Tumahimik ka! Huwag kang sumigaw at hindi kita sasaktan,” sabi niya, lalo pang hinihigpitan ang pagsakal niya sa aking leeg.
Subalit hindi ako naniwala sa kaniya at hindi ko siya sinunod. Patuloy akong nagsisigaw. Kinalmot ko ang kaniyang mukha, anupa’t tumilapon ang kaniyang salamin at pustiso. Habang sinisikap niyang hawakan at pigilan ako, mariing idinuldol ko ang aking mga daliri sa kaniyang mga mata. At ako’y sumigaw. Nang ang kaniyang mga daliri ay malapit sa aking bibig, kinagat ko ito nang ubod lakas.
Sa maniwala ka o hindi, hindi ako natakot—ang takot ay dumating nang bandang huli. Sa kasalukuyan ako ay galit! Hindi ko maipahihintulot na ang napakahayop na taong ito ay basta na lamang pumasok sa aming bahay at dahasin ako, hindi rito o kahit na saan man!
Subalit siya ay patuloy na nagsisikap. Sinunggaban niya ang isang kalapit na sinturon at itinali ang aking mga kamay sa likod—ang una sa maraming ulit na paggapos sa akin, yamang paulit-ulit na nakakalag ko ang mga ito. Ang kaniyang isang kamay ay nasa aking leeg, kinapa niya ang kaniyang pustiso at salamin sa sahig. Walang anu-ano ako ay nakaalpas at, hindi maipaliwanag, ipinaghahagis ko ang mga bagay sa silid at magulong nagtitili ako, na para bang ako’y nawalan ng bait.
Ang sumasalakay sa akin ay pansamantalang natigilan at nagtanong, “Ano ang nangyayari sa iyo?” Sa panahon ng paghinto, kumaripas ako ng takbo, subalit naabutan niya ako, kinaladkad ako sa kuwarto at itinulak ako sa kama. Pagkatapos na taliang muli ang aking mga kamay, nagawa niyang hubaran ako nang bahagya. Ako ay papihit-pihit at nagkakakawag upang huwag siyang makalapit sa akin. Kinamumuhian ko ang kaniyang maruming salita at ang maruming pagkilos na nais niyang ipilit sa akin!
Sa wakas nakalag ko ang aking mga kamay mula sa pagkakagapos sa sinturon, itinulak ko siya, at tumakbo ako sa papalabas na pinto. Naabot ko ang hawakan, subalit nang bubuksan ko na lamang ito, sinunggaban niya ako mula sa likuran at ibinuwal ako sa sahig. Nasunggaban ko ang isang kalapit na kutsilyo at nilaslas ko ang kaniyang mga paa. “Humanda ka,” sigaw niya. “Ngayon ikaw ay mamamatay!” Pinukpok niya ang aking ulo at ako ay nawalan ng malay.
Napag-unawa ko ngayon na dapat sana’y naging mas maingat ako. Sa tuwina’y alisto akong iwasan ang gulo at ang mga manggugulo sa labas ng aming tahanan. Lagi akong lumalakad na kasama ang aking asawang Kristiyano. Lagi kong iniiwasan ang mga dako kung saan maaaring madalas ang gayong mga kriminal, at lagi akong nagdaramit nang mahinhin. Talagang hindi ko inaasahan na ang isang manggagahasa ay magkaroon ng malisya na salakayin ako sa loob mismo ng aming tahanan.
Ang lalaking ito ay nagtatrabaho sa isang lugar ng konstruksiyon sa tabi ng aming bahay. Isinaayos ng kontratista ng gusali ang isang linya ng koryente mula sa aming tahanan na magtustos ng koryente para sa mga kagamitan sa lugar ng trabaho. Paminsan-minsan, kapag ang linya ng koryente ay nag-ooberlod, isang manggagawa ang paroroon sa aming bahay upang ayusin ang circuit breaker sa aming silong. Ito ay isang praktikal na kaayusan, subalit hindi matalino.
Binalak niyang mabuti na gulatin ako. Marahil inaasahan niya na ako ay hindi makakakilos at wala sa loob na makikipagtulungan, dahilan sa pagkabigla. Bueno, ako ay nabigla nang daluhungin niya ako, subalit hindi ako basta yumukyok sa takot. Hindi rin ako nawalan ng loob. Basta ako kumilos, karakarakang ako’y nagsisisigaw at nangalmot at nagsisisipa at nangagat. Ito ang pinakamabuting bagay na maaari kong gawin, sapagkat ang aking matinding kontra-salakay ay nakagulat sa kaniya. Nagbigay ito sa akin ng mahalagang saykolohikal na damdamin sa pasimula na malaman na siya ay walang ganap na kontrol sa kaniyang sarili o sa akin. Lalo akong naging disididong lumaban at pagtibayin ang aking pag-asa na ako ay maaaring magwagi.
Nang magbalik ang aking malay ako ay nasa harap na upuan ng isang tumatakbong kotse. Ang sinturon ding iyon ang nakatali ngayon sa aking leeg, parang isang asong nakatali, na mahigpit na tangan niya habang siya’y nagmamaneho. Samantalang naglilinaw ang aking isipan, ang kabatiran ko kung saan ako naroroon at kung paano ako napunta roon ay parang isang nagliliyab na piyus na biglang nagpaalab muli ng aking galit.
Siniko ko ang manibela sa matinding pagsisikap na patabihin ang kotse sa kalye. Kumbinsido ako na ang baliw na lalaking ito ay mas nababahala na ako’y patayin kaysa ako’y dahasin. Papatayin niya ako upang hindi ko siya maisuplong. Bagaman ako’y pagod na pagod sa halos isang oras na pakikipagtulakan, ang aking masidhing panlalaban ay nakapagod din sa kaniya. Pagod at natataranta, sa wakas ay tumabi siya sa gilid ng kalye at itinulak ako sa labas ng kotse. Hinintuan ako ng isang motorista at dinala ako sa isang ospital.
Subalit ako ay nagwagi! Hindi ako nagahasa! Ako ang nagtagumpay, hindi ako naging biktima! Malinis ang aking konsiyensiya, ang aking paggalang-sa-sarili at dangal ay hindi naano. At naingatan ko ang aking integridad sa Diyos na Makapagnyarihan-sa-lahat, si Jehova!
Hindi ibig sabihin niyan na ako ay galak na galak at marangal noong ako’y nasa ospital nang sumunod na mga ilang araw. Gayon na lamang ang nerbiyos ko, at masakit ang buong katawan ko, at nakapanghihilakbot ang hitsura ko. Ang takot na hindi ko nadama noong panahon ng pagsalakay ang nangibabaw sa akin ngayon. Ang di-mabuting mga kaisipan ng kung ano sana ang maaaring nangyari sa akin ay pumunô sa aking isipan. Nang panahong ito, ako ay tinanong ng mga detektib na pulis at napag-alaman ko, sa aking pagkasindak, na ang halimaw na ito ay anim na linggo pa lamang na nakakalaya mula sa bilangguan pagkaraang mapiit dahilan sa hatol na panggagahasa!
Nang araw na ako’y lumabas ng ospital, naroon ang kaigtingan ng damdamin na magtungo sa istasyon ng pulis upang kilalanin ang taong ito sa talaan ng pulisya. Oo, binalak kong maghabla. Inaakala ko na ang makita siyang maparusahan ay isang bagay na utang ko sa ibang mga babae na maaari niyang salakayin, at utang ko rin sa aking sarili bilang isang paraan ng pagwawasto sa mali at pagtiyak sa aking sarili na napangangasiwaan ko ang aking buhay. Napakadaling makilala siya sa talaan. Siya ang may mga benda sa kaniyang mukha at nakasemento ang kaniyang kamay!
Sa ospital at sa bahay nang sumunod na mga linggo, ako ay inaliw ng maraming mga card, mga liham, at mga pagdalaw mula sa aking kapuwa mga mananampalataya sa lokal na mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang iba ay nagsabi na ipinagmamapuri nila ako. Ang iba naman ay hindi alam kung ano ang sasabihin, subalit kanilang ipinakita ang kanilang pagkabahala sa pagdalaw sa akin. Tinawag ako ng iba na isang magiting na babae, na, hindi naman sa pagyayabang, hindi naman ako gayon. Nang hindi ako makaiwas sa panganib, basta ikinapit ko ang natutuhan ko mula sa aking pag-aaral ng Bibliya, at ito ay nagtagumpay.
Gaya ng isang karaniwang tao, maraming ulit na kailangan kong ako’y bigyan ng muling katiyakan sa panahon ng aking paggaling. Nagkaroon ako ng ilang napakalungkot na mga araw. Mga ilang panahon na ayaw kong lumabas. Bagaman may mga ilang araw na nakakayanan kong magtapang-tapangan, masasabi sa iyo ng aking asawa na kung minsan ako’y basta nanginginig at wala akong masumpungang kaaliwan sapagkat ang aking isipan at puso ay napuwersa o nasaid na pakitunguhan ang masamang panaginip na ito at kalimutan ito. Marahil ang pinakamalaking tulong sa aking paggaling ay ang pagkaalam na sa tulong ng Diyos na Jehova nagawa ko ang tamang bagay sa pinakamabuting magagawa ko. Pinasigla nito ang aking mga sandali at nakasumpong pa nga ako ng kaunting dahilan na magalak. Muli’t muli ang mga talatang ito ng Bibliya ang nakaaliw sa akin:
“Kung may isang malinis na dalagang mag-aasawa sa isang lalaki, at masumpungan siya ng isang lalaki sa bayan at sumiping sa kaniya, ay inyo ngang ilalabas kapuwa sila sa pintuan ng bayang yaon at inyong babatuhin sila ng bato, at dapat silang mamatay, ang babae sa dahilang hindi siya sumigaw sa bayan, at ang lalaki sa dahilan na hiniya niya ang asawa ng kaniyang kapuwa. Gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo. Ngunit, kung masumpungan sa parang ng lalaki ang isang dalagang mag-aasawa, at dahasin siya ng lalaki at sumiping sa kaniya, ang lalaki nga lamang na sumiping sa kaniya ang papatayin, ngunit sa babae ay huwag kang gagawa ng anuman. Wala sa babaing yaon ang anumang kasalanang marapat ikamatay, sapagkat gaya ng kung ang isang lalaki ay bumabangon laban sa kaniyang kapuwa at pinapatay nga niya siya, ay gayundin ang bagay na ito. Sapagkat nasumpungan niya siya sa parang. Ang dalagang mag-aasawa ay sumigaw, at walang magligtas sa kaniya.”—Deuteronomio 22:23-27.
Napakalaki ng pagpapasalamat ko na malaman ang payak na mga pananalitang ito. Tinuruan ako nito ng aking moral na katungkulan. Nahadlangan nito ang kalituhan at kawalang katiyakan. Dahilan sa mga ito, alam na alam ko kung ano ang gagawin. Ako’y sumigaw, bukod pa sa ako’y nanlaban din. Ako’y nagtiwala sa mga tagubilin ng Bibliya at nasumpungan ko ang mga ito na matatag. Kaming mag-asawa ay madalas na nanalangin, ang aking lakas at katatagan ay nagbalik.
Hangad ko na sana’y wala ng iba pang babae ang dumanas ng isang tangkang panggagahasa—sabihin pa’y ang magahasa. Subalit isang panggagahasa ang nangyayari sa bawat 7 minuto sa Estados Unidos, sang-ayon sa Uniform Crime Reports—Crime in the United States, 1983 na edisyon, pahina 5, inilathala ng U.S. Federal Bureau of Investigation. Sa kaso ko, ako ay nagtiwala kay Jehova, naalaala ko ang kaniyang mga salita, ako’y sumigaw. Bukod pa riyan, ako’y nanlaban.
Sa itinakdang panahon, ang napalayang manggagahasang ito na sumalakay sa akin ay nilitis. Noong Pebrero 7 nang taóng ito, siya ay nahatulan ng sumusunod na krimen: tangkang pagpatay, second degree; panloloob, first degree; tangkang panggagahasa, first degree; at pagkidnap, second degree.
Kaya ang ating magiting na pagtitiwala sa Diyos ay dapat na laging mangibabaw sa anumang takot sa tao. Hayaang ang awit ni David ay maging ating awit, din, habang tayo ay matatag na naninindigan sa mga salitang ito: “Sa Diyos ay inilagak ko ang aking tiwala. Hindi ako matatakot. Ano ang magagawa ng tao sa akin?”—Awit 56:11.—Isinulat.
[Kahon sa pahina 16]
Kung Bakit Dapat Mong Labanan ang Isang Sumasalakay Mula sa Simula:
1. Ang sumasalakay ay maaaring magulat at iwan ka
2. Maaaring masaktan mo at mawalan ng kaya ang sumasalakay at ikaw ay makatakas
3. Ang sumasalakay ay maaaring mawalan ng seksuwal na gana o mapagod at umalis
4. Maaaring matawag mo ang pansin ng iba na tulungan ka
5. Ang iyong budhi ay magiging malinis. (Kahit na kung ikaw ay madahas, hindi mo isasakripisyo ang iyong paggalang-sa-sarili o kalinisan sa harap ng Diyos)
6. Ang mga pagpinsala mo sa isang sumasalakay ay maaaring tumulong sa mga pulis na makilala siya sa dakong huli (halimbawa, mga piraso ng kaniyang balat sa ilalim ng iyong mga kuko)