Panggagahasa—Naipagsanggalang ng Nabasa Niya
ANO ang dapat mong gawin kung nakaharap mo ang isang manggagahasa? May magkasalungat na payo. Sabi ng iba na ang panlalaban ay lalo lamang nagbubunsod sa isang sumasalakay, gayunman sinasabi ng Bibliya na dapat manlaban ang isang babae. (Deuteronomio 22:23-27) Ano ang pinakamabuting payo?
Iminumungkahi ng isang pag-aaral na inilathala sa labas noong Enero ng The American Journal of Public Health ang panlalaban. Sabi ng artikulo: “Ang pananaliksik ay sumusuporta sa isang mahalagang konklusyon: binabawasan ng panlalaban ang probabilidad na maisagawa ang pagsalakay.” Inilalarawan ito ng kung ano ang nangyari sa isang babae sa Hapon noong nakaraang Setyembre. Gabi na nang makarating siya ng bahay, kung saan siya nakatira mag-isa. Sabi niya:
“Isang manggagahasa ang pumasok sa bahay ko at ikinandado ang pinto. Palibhasa ako’y nagulat at takot na takot, natulala ako. Hinila ako ng lalaki sa kama, subalit sinunggaban ko ang isang haligi at nilabanan ko siya.
“Noon ko naalaala ang kasulatan sa Deuteronomio kabanata 22. Sinasabi nito na kung ang isang babae ay hindi sumigaw kapag siya ay sinalakay, ito’y nagpapahiwatig na siya ay pumapayag sa lalaki at nakagagawa ng isang kasalanan laban kay Jehova. At, natandaan ko rin ang nabasa ko sa artikulo ng Gumising! na ‘Panggagahasa—Paano Mo Maipagsasanggalang ang Iyong Sarili?’—Disyembre 8, 1980, edisyong Tagalog; Hulyo 8, 1980, edisyong Ingles.
“Sa paano man, naisip ko: ‘Kailangang sumigaw ako at labanan siya nang buong lakas ko.’ Kaya ako ay sumigaw: ‘Jehova, tulungan mo po ako!’ nang paulit-ulit at walang lubay. Nang hilahin ako ng manggagahasa sa kanan, ako naman ay humihila pakaliwa. Nang batakin niya ako pasulong, bumabatak naman ako nang paurong, at nang takpan niya ang aking bibig upang pigilan ako sa pagsigaw, kinagat ko siya. Sa paano man, patuloy akong nanlaban sa kaniya.
“Unti-unti akong nanghihina. Nahihirapan akong huminga, at akala ko ay hihinto ang aking puso, subalit patuloy kong ginawa ang lahat ng magagawa ko upang labanan siya at patuloy akong tumatawag kay Jehova na tulungan ako. Bunga nito, sumuko ang manggagahasa, at mabilis na nagtungo sa pinto, at lumabas.
“Naniniwala akong naiwasan kong ako’y mahalay dahil sa tulong ni Jehova at dahil sa pagkakapit ng nabasa ko sa Gumising! Kung hindi ko nabasa ang artikulo sa Gumising!, sa palagay ko dahil sa takot ay mananahimik na lamang ako at malamang na ginawa ko kung ano sinasabi ng kriminal. Maraming, maraming salamat.”