Mula sa Aming mga Mambabasa
Gaano Kahalaga ang Hitsura?
Nais ko kayong pasalamatan sa inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Gaano Kahalaga ang Hitsura?” (Hunyo 8, 1986 sa Tagalog) Ako’y 15 anyos at napakataas ko, 5 piye 8 pulgada sa sukat. Lagi na lamang akong nagrireklamo dahilan sa napakataas ko, subalit natanto ko sa tulong ng inyong artikulo na ang aking taas ay walang kaugnayan sa aking personalidad. Tutal, ang mahalaga ay ang panloob na kagandahan, hindi ang panlabas.
J. D., Louisiana
“Down’s Syndrome”
Anong laking kagalakan na mabasa ang isang nakapagpapasigla-puso na kuwento ng mga magulang na maibiging tinulungan ang kanilang may kapansanang anak. (“Tatlumpung Taon ng Pag-ibig at Debosyon,” Hulyo 8, 1986 sa Tagalog) Hinahangaan ko ang kanilang debosyon. Sa loob ng maraming taon ako ay nagtrabaho sa isang institusyon kung saan ang mga batang tulad nito ay inilalagay. Pagkatapos kong mabasa ang artikulong ito, naisip ko ang mga batang ito na inilagay roon sapagkat ikinahihiya sila ng kanilang mga magulang o inaakala nilang wala nang pag-asa na ang mga ito ay matuto. Yamang ang mga batang mayroong “Down’s syndrome” ay nangangailangan ng higit na pansin at pangangalaga, ang isang institusyon ay hindi siyang lunas upang tulungan ang mga ito. Walang sapat na mga kawani upang tulungan ang bawat isa sa mga ito, kaya ang mga bata ay binibigyan ng medikasyon na nagpapatulog sa kanila sa karamihan ng panahon. Ang mga bata ay mas mabuti pa sa bahay sa kanilang sariling kapaligiran.
D. H., Maryland
Ang mga kalagayan ay iba-iba, subalit sumasang-ayon kami na kapag ang pamilya ay may emosyonal na lakas at maaaring pangalagaan ang isang bata na may “Down’s syndrome,” ito ay mas mabuting lunas kaysa paglalagay sa bata sa isang institusyon.—ED.
Kung ang Guro ay Kabagut-bagot
Ang inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ako Matututo Kung ang Aking Guro ay Kabagut-bagot?” (Agosto 8, 1986 sa Tagalog) ay naglahad ng ekselenteng impormasyon at mahusay na payo para sa lahat na nasa paaralan. Ipinakita ninyo na ang pag-aaral ay nangangailangan ng pagsisikap, at na ang mga estudyante ay maaaring lumikha ng isang mas mabuting kapaligiran sa pag-aaral sa pamamagitan ng pakikibahagi sa klase at magalang na paghaharap ng mga katanungan.
M. C., Minnesota
Maraming salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Makakasundo ang Aking Guro?” (Abril 22, 1986 sa Tagalog) Sa paaralang elementarya siniraan nang husto ng aking mga kaibigan ang mga guro, anupa’t nang ako ay pumasok sa mataas na paaralan ako ay galit na galit sa mga guro, lalo na sa aking guro sa wikang Italyano. Mula nang mabasa ko ang inyong artikulo, nagbago ang aking saloobin. Nakakasundo ko siya at kusa ko pang ginagawa ang aking araling-bahay at nakikinig na ako sa eskuwela.
D. M., Italya
Kapag Namatay ang Mahal Mo sa Buhay
Nais naming mag-asawa na ipaabot sa inyo ang aming taos-pusong pasasalamat sa kahanga-hangang artikulong “Kapag Namatay ang Mahal Mo sa Buhay . . . ” (Oktubre 22, 1985 sa Tagalog) Totoong nakatulong ito nang malaki sa amin. Ang aming anak ay may leukemia sa loob ng siyam na taon nang lumabas ang artikulong iyon, at maraming luha na ang iniluha naming mag-asawa. Pagkatapos noong Disyembre ang aming anak na lalaki ay namatay noong kaniyang ika-14 na taon. Ito ay nagtulak sa akin na sabihin ang nais kong sabihin: “Merci beaucoup.” Ikinapit ng ating mga kapatid na Saksi ang mga mungkahi na ibinigay sa artikulo na “Kung Paano Makatutulong ang Iba.” Ngayon inaakala namin na kaya naming tulungan ang aming mga kasamahan sa gayong mga panahon ng matinding hapis. Maraming-maraming salamat.
C. L., Pransiya