Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Paaralang Nasa Krisis Ako’y naghihintay sa isang himpilan ng bus nang abután ako ng isang tao ng labas ng “Mga Paaralang Nasa Krisis.” (Disyembre 22, 1995) Higit itong naging kapaki-pakinabang kaysa buong aklat na binasa ko kamakailan tungkol sa paksang ito. Ipagpapasalamat ko nang lubos kung ako’y padadalhan ng suskrisyon ng Gumising! sa aking tahanan.
V. C., Estados Unidos
Ang bahagi tungkol sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay nagpagunita sa akin nang ako’y nasa paaralan. Kailangang magbigay ako ng isang oral report subalit limitadong-limitado ang aking Ingles noong panahong iyon. Nang matapos ko ang aking presentasyon, sinabi ng aking guro na siya’y humanga nang husto at ako lamang daw ang nag-iisang may mahusay na tindig at tingin sa mga tagapakinig. Nagawa ko ito dahil sa napakahusay na pagsasanay na tinatanggap natin sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro sa Kingdom Hall.
G. A., Estados Unidos
Hindi ko akalain na makababagbag sa aking damdamin nang gayon na lamang ang mga artikulong ito. Nang ako’y nag-aaral pa, ang aking mga magulang ay totoong abalang-abala sa kani-kanilang problema para maging tagapayo ko. Bunga nito, may mga pagkakataon na malungkot na malungkot ako sa paaralan. Dahil sa mga artikulong gaya nito, nabatid ko na mahal ni Jehova ang mga kabataan at hindi niya ibig na madama nilang sila’y nag-iisa sa daigdig na ito.
M. M., Estados Unidos
Mali Napakagaling ng artikulong “Unang Pangyayari sa Mali.” (Disyembre 22, 1995) Tatlong ulit ko itong binasa. Kay ganda sana kung pinahihintulutan ng aking kalagayan na ako’y maging isang misyonero! Naipabatid din ng artikulo sa akin na maraming tao ang wala ng mga kaalwanan na aming tinatamasa subalit maligaya sila. Anong husay na pampagising nga!
D. L., Estados Unidos
Mga Batong Lumilipad Ilang araw pa lamang ang nakalilipas, napag-isip-isip ko ang pagkakaiba ng bulalakaw at meteorite. Guni-gunihin mo ang pagkabigla ko nang mabasa ko ang artikulong “Mga Batong Lumilipad” (Disyembre 8, 1995), na siyang nagpaliwanag nito. Salamat sa inyong paglalathala ng mga artikulo na nagtuturo sa amin tungkol sa paglalang ni Jehova.
R. P., Switzerland
Pagkatuto Mula kay Andrew Katatapos ko pa lamang basahin ang artikulo tungkol sa kabataang lalaki na may Down’s syndrome, “Kung Ano ang Natutuhan Namin kay Andrew.” (Disyembre 8, 1995) May anak din kami na may diperensiya sa isip, at marami sa mga komento mula sa mga magulang ni Andrew ang nagpapabanaag kung ano ang aming nadarama. Kalimitang mahirap para sa ating Kristiyanong mga kapatid na maunawaan ang natatanging mga paghihirap na idinudulot ng pagkakaroon ng anak na may diperensiya sa isip at paghihirap ng damdamin na dinadala ng pamilya. Kaya maraming salamat sa artikulo.
J. B., Inglatera
Sa palagay ko ito ang isa sa pinakamaganda at lubos na nakauunawa ng damdamin na mga artikulo na inyong nailathala. Sa tatlong pahina lamang, naiharap ng isang buong sanaysay kung paano natin dapat malasin ang mga taong may gayong kapansanan. Inihatid nito ang isang malalim na leksiyon tungkol sa ugnayang pantao.
M. L., Espanya
Maaga ng taóng ito ay nagsilang ang aking maybahay ng isang sanggol na lalaki na may Down’s syndrome. Gaya ng mga magulang ni Andrew, naranasan namin kung ano ang nadama ng maraming magulang sa pagkaalam na ang kanilang sanggol ay may diperensiya—kahapisan at pamamanglaw gayundin ang katanungan tungkol sa kasalukuyan at hinaharap. Sa aming bahagi, nagawa naming tanggapin ang kapansanan ng aming sanggol. Malapit na siyang mag-anim na buwan, at lumalaki naman siyang mabuti. Sa mismong araw pagkatapos na siya’y isinilang, talagang nalipos sa tuwa ang aking maybahay dahil sa maraming pagdalaw ng ating Kristiyanong mga kapatid. Totoong nadama namin kung ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng espirituwal na pamilya. At bukod sa pag-ibig ng ating mga kapatid, nariyan si Jehova. Salamat sa artikulong ito.
G. C., Pransiya