Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 12/8 p. 11-13
  • Kung Ano ang Natutuhan Namin kay Andrew

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Ano ang Natutuhan Namin kay Andrew
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Matinong Payo
  • Natutong Maging Higit na Mahabagin
  • Ang Kapangyarihan ng Pag-ibig
  • Mga Aral na Natutuhan Namin
  • Andres
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Buháy na Patotoo—Unang Bahagi
    Gumising!—2009
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1996
  • Nagsimulang Gumawa ng mga Alagad si Jesus
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 12/8 p. 11-13

Kung Ano ang Natutuhan Namin kay Andrew

HABANG ako’y nagmamaneho patungo sa trabaho, nasumpungan kong nakatutuwang pag-isipan ang tungkol sa nangyari mga ilang araw ang nakaraan. Ako’y naging isang ama ng isang anak na lalaki, ang aking pangalawang anak. Ngayon ang aking asawang si Betty Jane at ang aming munting si Andrew ay uuwi na ng bahay mula sa ospital.

Subalit, bago sila nakatakdang lumabas, ang aking asawa ay tumawag sa telepono. May himig ng pagkabalisa sa kaniyang tinig. Sumugod ako sa ospital. “May problema!” ang salubong niya sa akin. Naupo kaming magkasama, hinihintay ang pagbabalik ng doktor na kasama ang konsultant sa pediatric.

Ang unang pahayag ng konsultant ay lubhang nakababalisang balita. Sabi niya: “Kami’y nakatitiyak na ang iyong anak na lalaki ay may Down’s syndrome.” Ipinaliwanag niya na ang aming anak ay malamang na maging mentally retarded (nabalam ang pag-unlad ng isip). Halos wala akong naunawaan sa kaniyang mga paliwanag. Pinutol ng aking manhid na utak ang kaugnayan sa lahat ng impulso sa pandinig. Subalit ang paningin ay patuloy na gumagana.

Kinarga niya si Andrew at itinawag sa aming pansin ang isa sa mga bagay na humudyat sa kaniya tungkol sa problema. Ang ulo ng sanggol ay malambot na umuuguy-ugoy. Ang kawalang ito ng lakas ng kalamnan ay katangian ng bagong silang na mga sanggol na may Down’s syndrome. Nang sumunod na sesyon na kasama ng konsultant, inulan namin siya ng mga katanungan na dumagsa sa aming isipan habang dahan-dahang nagbabalik ang aming kakayahang umunawa. Hanggang sa anong antas ba siya magkakaroon ng kapansanan? Ano ang maaasahan namin? Gaano karami ang maituturo namin sa kaniya? Gaano karami ang kaya niyang matutuhan? Ipinaliwanag niya na ang mga kasagutan sa marami sa aming mga tanong ay depende sa kapaligiran na pamumuhayan niya gayundin sa kaniyang likas na mga kakayahan.

Sa mahigit na 20 taon mula noon, sinikap naming bigyan si Andrew ng pag-ibig at pagmamahal na nauukol sa kaniya at tinuruan namin siya ng lahat ng kaya naming ibahagi sa kaniya. Subalit ginugunita ang nakalipas, batid namin ngayon na hindi lamang kami nagbigay, kundi tumanggap din naman.

Matinong Payo

Bago kami nagkaroon ng panahon upang makabagay sa pagkanaroroon ni Andrew, ang maibiging mga kaibigan ay nagpayo sa amin ng natutuhan nila mula sa naranasan nilang mga pagsubok. Mabuti ang kanilang intensiyon, subalit gaya ng inaasahan, hindi lahat ng payo ay naging matalino o kapaki-pakinabang. Subalit, pagkaraan ng mga taon ng pagsubok, ang kanilang payo ay nauwi sa dalawang mahalagang patak ng karunungan.

Sinikap kaming aliwin ng ilan sa pagsasabing si Andrew ay hindi naman retarded. Ngunit isang dating kaibigan ang nagpayo: “Huwag ninyong labanan ito! Mientras madali ninyong matatanggap ang kaniyang mga limitasyon, mas madali ninyong mababago ang inyong mga inaasahan at makipagtulungan sa kaniya na tinatanggap kung ano siya.”

Iyan ay naging isa sa pinakamahalagang aral na natutuhan namin sa pakikitungo sa kagipitan. Walang paggaling hanggang sa matanggap ang katotohanan. Bagaman kadalasan nang likas ang pagkakaila, mientras mas matagal ang pagkakaila, lalo lamang nating inaantala ang paglutas sa, at pagtulong ayon sa mga limitasyong sanhi ng ‘di-inaasahang mga pangyayari na nangyayari sa lahat ng tao.’​—Eclesiastes 9:11.

Sa lahat ng panahong ito kapag may nakikilala kaming mga magulang na ang mga anak ay hindi makayanan ang normal na kurikulum ng paaralan o nasa panlunas na pag-aaral (remedial schooling), kami’y madalas na nagtatanong kung ilan sa mga bata ang maaaring sa totoo’y retarded o kaya’y may kapansanan. Maaari kayang ang ilan sa kanila ay kabilang sa “may di-nakikitang kapansanan”​—yaong, di-gaya ni Andrew, walang nakikitang diperensiya sa pisikal at mukhang normal na mga bata? Madaling makilala ang mga indibiduwal na may Down’s syndrome. Subalit ang ibang uri ng mga kapansanan ay walang maliwanag na palatandaan. Ilang magulang ang nangungunyapit sa di-makatotohanang mga inaasahan at tumatangging tanggapin ang mga limitasyon ng kanilang anak, na nagbubunga ng matinding pagkayamot sa lahat?​—Ihambing ang Colosas 3:21.

Ang ikalawang payo na napatunayang totoo ng aming karanasan ay ito: Sa wakas, kung paano MO pinakikitunguhan ang iyong anak ay makaaapekto sa kung paano pakikitunguhan ng karamihan ng mga tao ang iyong anak. Ang paraan ng pakikitungo mo sa kaniya ay malamang na siya ring paraan ng pakikitungo ng iba sa kaniya.

Malaki na ang ipinagbago sa nakalipas na mga ilang dekada sa mga saloobin ng tao tungkol sa kapansanan sa katawan at isipan. Subalit marami sa mga pagbabagong ito ay udyok ng ilan sa mga taong may kapansanan mismo, ng kanilang mga kamag-anak, at ng iba pang mga tagapagtaguyod sa karaniwang mga tao at mga propesyonal. Lakas-loob na niwalang-bahala ng maraming magulang ang payo na ipaubaya o ihabilin sa institusyon ang kanilang anak at, sa diwa, binago ang tatag na opinyon sa kung paano pakikitunguhan ang mga may kapansanan. Limampung taon na ang nakalipas ang karamihan ng mga aklat-aralin sa medisina tungkol sa Down’s syndrome ay batay sa mga impormasyon na nakuha sa mga institusyong nangangalaga sa mga may kapansanan sa isipan. Ang mga inaasahan sa ngayon ay lubusang nabago, karaniwan na dahil sa ang mga magulang at ang iba pa ay sumunod sa bagong mga tagubilin.

Natutong Maging Higit na Mahabagin

Nakapagtataka nga na kay dali nating madaya ang ating mga sarili sa pag-iisip na tayo’y totoong mahabagin. Subalit hanggang sa tayo na ang personal na nasasangkot, ang pag-unawa natin sa maraming problema ay kadalasang maaaring panlabas lamang.

Ang kalagayan ni Andrew ay pumilit sa amin na kilalanin na ang mga taong may kapansanan ay kadalasang walang kontrol sa kanilang kalagayan. Sa katunayan, pinangyari nitong harapin namin ang tanong na, Ano talaga ang saloobin ko sa mahina, mabagal matuto, at sa mga may edad na?

Madalas na kami’y nasa dakong publiko na kasama si Andrew at may mga di-kakilala, na pinagmamasdan ang hindi namin ikinahihiyang pagtanggap sa kaniya bilang isang ganap na miyembro ng aming pamilya, ang lumalapit sa amin at ibinabahagi ang kanilang lihim na mga pasanin. Para bang ang pagkanaroroon ni Andrew ang tumitiyak sa kanila na maaari kaming dumamay sa kanilang mga problema.

Ang Kapangyarihan ng Pag-ibig

Sa paano man ang pinakamahalagang aral na itinuro sa amin ni Andrew ay na ang pag-ibig ay hindi lamang isang gawain ng isipan. Hayaan mong ipaliwanag ko. Isa sa mahahalagang bagay tungkol sa aming pagsamba bilang mga Saksi ni Jehova ay na ang tunay na Kristiyanismo ay nakahihigit sa pagkakabaha-bahagi at mga maling palagay dahil sa lahi, lipunan, at pulitika. Nagtitiwala sa simulaing ito, batid namin na si Andrew ay tatanggapin ng aming espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae. Niwawalang-halaga ang payo ng mga propesyonal na nagsabing hindi makatotohanang asahan na siya ay magalang na mauupo sa buong sesyon sa pagsamba, mula sa kaniyang pagsilang tiniyak namin na siya ay kasama namin sa mga pulong at sa bahay-bahay din sa aming gawaing pangangaral. Gaya ng inaasahan, ang kongregasyon ay nakikitungo sa kaniya na may kabaitan at pagkahabag.

Ngunit mayroon pang gumagawa nang higit kaysa rito. Sila’y may natatanging pagmamahal sa kaniya. Waring nadarama ito ni Andrew sa pamamagitan ng pantanging kakayahan na ganap na hindi naapektuhan ng kaniyang mahinang kaisipan. Sa mga indibiduwal na ito madali niyang napagtatagumpayan ang kaniyang likas na pagkamahiyain, at siya’y nagtutungo sa kanila sa katapusan ng mga pulong. Paulit-ulit, napansin namin ang kaniyang likas na kakayahan, kahit sa maraming tao, na makilala yaong mga nagmamahal sa kaniya.

Totoo rin ito sa pagpapamalas niya ng pag-ibig. Si Andrew ay magiliw sa mga sanggol, matatandang tao, at sa mga alagang hayop. Kung minsan kapag walang atubiling lalapitan niya ang isang sanggol na hindi namin kilala, nananatili kami na malapit, handang iligtas ang sanggol sakaling di-sinasadyang maging magulo si Andrew sa pakikipaglaro rito. Gayunman gaano kadalas kaming napahiya sa aming mga pangamba habang pinagmamasdan namin siya sa magiliw na paghaplos sa sanggol gaya ng isang nagpapasusong ina!

Mga Aral na Natutuhan Namin

Sapagkat ang mga batang may Down’s syndrome ay magkakamukha, inaasahan namin na silang lahat ay magkakaroon ng magkakahawig na personalidad. Subalit, agad naming natutuhan na mas nakakahawig nila ang kanilang pamilya kaysa ang isa’t isa sa kanila. Ang bawat isa ay may kaniyang natatanging personalidad.

Si Andrew, gaya ng maraming iba pang kabataan, ay hindi nasisiyahan sa mahirap na trabaho. Subalit nasumpungan namin na kung mayroon kaming tiyaga at pagbabata na samahan siya sa paggawa ng isang atas hanggang sa ito’y makaugalian na, hindi na ito parang isang trabaho sa kaniya. Ang kaniyang mga trabaho sa bahay ngayon ay naging pangalawahing bagay na, at ang karagdagang mga trabaho lamang ang itinuturing na trabaho.

Habang ginugunita namin ang mga aral na natutuhan namin sa buhay ni Andrew, isang kawili-wiling kabalintunaan ang lumilitaw. Halos lahat ng mga simulaing natutuhan namin sa pagpapalaki kay Andrew ay kapit din sa aming kaugnayan sa aming iba pang mga anak at sa mga tao sa pangkalahatan.

Halimbawa, sino sa atin ang hindi tutugon nang positibo sa tunay na pag-ibig? Kung ikaw kailanman ay hindi magandang inihahambing sa isa na ang mga kakayahan o karanasan ay lubhang naiiba sa iyo, hindi ba nasumpungan mo iyan na hindi makatuwiran at nakasisiphayo? Sa wakas, hindi ba totoo sa marami sa atin na ang mga gawain na dating hindi kalugud-lugod ay sa wakas napagtitiisan, kasiya-siya pa nga, nang tayo’y magkaroon ng disiplina na gawin ito hanggang sa matapos?

Bagaman marami kaming iniluha kay Andrew dahil sa aming makataong kakitiran ng pananaw, marami rin kaming pinagsaluhang kagalakan, maliliit at malalaki. At nasumpungan namin na sa mga dakong lubusang walang kaugnayan kay Andrew, kami’y lumaki dahil sa kaniya. Natutuhan namin na anumang karanasan sa buhay, gaano man katindi, ay may potensiyal upang hubugin tayo upang maging mas mabuting mga tao kaysa mga taong punô ng hinanakit.

Mayroon pang isang bagay na napakahalaga sa amin. Kami’y nagkakaroon ng kasiyahan sa pag-asam sa dakilang sandali kapag masasaksihan namin ang paggaling ni Andrew sa kaniyang kapansanan. Ang Bibliya ay nangangako na hindi na magtatagal sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos, lahat ng bulag, bingi, pilay, at pipi ay ibabalik sa kaayaayang kalusugan. (Isaias 35:5, 6; Mateo 15:30, 31) Isip-isipin ang kagalakang tatamasahin ng lahat sa panahong iyon sa pagkakita mismo sa paggaling ng isipan at ng katawan habang ang sangkatauhan ay mamumukadkad sa kanilang ganap na kakayahan! (Awit 37:11, 29)​—Isinulat.

[Kahon sa pahina 12]

Mga Antas ng Kapansanan

Hinahati ng ilang eksperto ang mga indibiduwal na may Down’s syndrome sa tatlong grupo. (1) Maaaring turuan (Katamtaman): yaong maaaring magkaroon ng maraming akademikong kasanayan. Kabilang sa grupong ito ang ilan na naging mga aktor o mga lektyurer pa nga. Ang ilan ay matagumpay na namuhay na nagsasarili na may bahagyang pangangasiwa. (2) Maaaring sanayin (Kainaman): yaong mga maaaring matuto ng ilang praktikal na mga kasanayan. Bagaman sila ay maaaring turuan na pangalagaan ang kanilang sarili sa ilang antas, higit pang pangangasiwa ang kinakailangan. (3) Matindi (Grabe): ang grupong hindi gaanong nakagagawa, na nangangailangan ng maraming pangangasiwa.

Kumusta naman si Andrew? Talos namin ngayon na siya’y nasa kategorya na “Maaaring sanayin.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share