Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 10/09 p. 14-17
  • Buháy na Patotoo—Unang Bahagi

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Buháy na Patotoo—Unang Bahagi
  • Gumising!—2009
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Pambihirang Pamanang Kristiyano
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Kapag Nangungulila ang mga Anak
    Gumising!—2017
  • Kung Ano ang Natutuhan Namin kay Andrew
    Gumising!—1995
  • Paano Kung May Sakit ang Magulang Ko?
    Tanong ng mga Kabataan
Iba Pa
Gumising!—2009
g 10/09 p. 14-17

Buháy na Patotoo​—Unang Bahagi

Ipinakikita ng espesyal na isyung ito ng Gumising! na nagkakaproblema rin ang maliligayang pamilya. Hindi ito kataka-taka dahil ayon sa Bibliya, nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Tiyak na may babangong iba’t ibang problema sa bawat pamilya.

Pero tandaan na hindi kailangang maging perpekto ang lahat ng bagay para maging maligaya ang pamilya. Sinabi ni Jesus: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Kapag palaisip ang pamilya sa kanilang espirituwal na pangangailangan, anupat sumusunod sa mga simulain sa Bibliya, nagiging maligaya sila​—kahit may problema. Pansinin ang ilang halimbawa.

Kapag may kapansanan ang anak. Ayon sa Bibliya, napakahalagang alagaan ang mga kapamilya, pati na ang mga may kapansanan. Sinasabi nito: “Kung ang sinuman . . . ay hindi naglalaan para roon sa mga sariling kaniya, at lalo na para roon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong masama kaysa sa taong walang pananampalataya.”​—1 Timoteo 5:8.

Sa pahina 15, ikinuwento ni Victor, isang ama sa Timog Aprika, kung paano nila inalagaang mag-asawa sa loob ng mahigit 40 taon ang kanilang anak na may kapansanan.

Kapag isa kang ampon. Nakakatulong ang mga simulain sa Bibliya para maging timbang ang pangmalas ng isa sa kaniyang sarili​—kahit inabandona siya ng kaniyang tunay na mga magulang. Sinasabi ng Bibliya na ang Diyos na Jehova ay isang “katulong” para sa mga walang ama.​—Awit 10:14.

Sa pahina 16, ikinuwento ni Kenyatta, isang kabataan sa Estados Unidos, kung paano niya nakakayanan ang paghihirap ng kaniyang kalooban​—hindi niya kasi kilala ang tunay niyang mga magulang.

Kapag namatayan ng magulang. Napakasakit mamatayan ng magulang. Pero makakatulong ang Bibliya. Ang Awtor nito, si Jehova, ay “Ama ng magiliw na kaawaan.”​—2 Corinto 1:3.

Sa pahina 17, ipinaliwanag ni Angela, isang kabataan sa Australia, kung paanong ang kaugnayan niya sa Diyos ay nakatulong sa kaniyang pangungulila.

Lahat ng pamilya ay nagkakaproblema. Gaya ng ipinakikita sa sumusunod na mga pahina, nakakatulong ang pagsunod sa mga simulain sa Bibliya para mapagtagumpayan ang mga problema.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 15]

Kapag May Kapansanan ang Anak

Ayon sa salaysay ni Victor Maynes, Timog Aprika

“Mula nang ipanganak si Andrew, binibihisan namin siya, pinapaliguan, at kung minsa’y sinusubuan pa nga. Ngayo’y 44 anyos na siya.”

KINABAHAN kami nang isang taon na si Andrew, hindi pa rin siya nakakalakad. Noong panahon ding iyon, nag-seizure siya kaya isinugod namin siya sa ospital. Nalaman naming may epilepsi si Andrew. Natuklasan din namin na may diperensiya siya sa utak.

Pagkatapos subukan ang iba’t ibang paggamot, nakontrol na rin ang mga seizure ni Andrew. May pagkakataong apat na gamot ang iniinom niya tatlong beses sa isang araw. Siyempre, hindi naman gagaling sa gamot ang diperensiya niya. Ngayon, 44 anyos na siya, pero ang isip niya ay parang sa lima- o anim-na-taóng-gulang.

Sinabihan kami ng mga doktor na ipasok siya sa isang ahensiyang nag-aalaga sa mga may kapansanan. Pero ipinasiya naming kami ang mag-aalaga sa kaniya, kahit malaking hamon ito.

Kaya nagtulungan ang buong pamilya sa pag-aalaga kay Andrew. Laking pasasalamat ko dahil nariyan ang aming mga anak na handang tumulong​—dalawang babae at isang lalaki. Malaking tulong din ang mga kapuwa namin Saksi ni Jehova. Kung minsan, binibigyan nila kami ng pagkain o kaya nama’y binabantayan nila si Andrew habang nasa ministeryo kami o may ibang inaasikaso.

Lagi naming tinatandaan ang pangako ng Diyos sa Isaias 33:24 na darating ang araw, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’” Buo ang tiwala namin na tutuparin ng Diyos ang kaniyang layunin​—magkakaroon ng isang bagong sanlibutan at mawawala ang lahat ng sakit. (2 Pedro 3:13) Kaya pinananabikan namin ang araw na gagaling na si Andrew. Samantala, nagtitiwala kami sa sinabi ni Jesus na kung uunahin namin sa aming buhay ang Kaharian ng Diyos, ilalaan ang mga pangangailangan namin. (Mateo 6:33) Napatunayan namin iyan. Ni minsan ay hindi kami kinulang ng anuman.

Totoo, hindi magagawa ng lahat na alagaan sa bahay ang kanilang kapamilyang maysakit. Para sa mga gumagawa nito, ang unang dapat gawin ay maging puspusan at regular sa pananalangin. (1 Pedro 5:6, 7) Kailangan ding busugin sa pagmamahal ang inyong anak, at huwag isiping hindi niya kayang mahalin ang Diyos na Jehova. (Efeso 6:4) Bukod diyan, kailangang magtulungan ang buong pamilya. Tandaan din na sa inyong tahanan madarama ng bata na talagang minamahal siya. Siyempre, iba-iba ang kalagayan. Pero para sa amin, hinding-hindi kami nagsisisi na inalagaan namin si Andrew sa bahay. Mahal na mahal namin siya.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 16]

Kapag Isa Kang Ampon

Ayon sa salaysay ni Kenyatta Young, Estados Unidos

“Kung nag-asawa uli ang magulang mo, alam mong may kadugo ka pa rin. Pero sa isang ampong tulad ko, ni isa, wala akong kadugo. Hindi ko nga alam kung sino ang kamukha ko.”

HINDI ko kilala ang tatay at nanay ko. Nang ipinagbubuntis ako ng nanay ko, lagi siyang umiinom ng alak at nagdodroga. Pagkapanganak sa akin, inilagak ako sa isang ahensiya ng gobyerno. Napunta ako sa iba’t ibang bahay-ampunan hanggang sa may umampon sa akin noong dalawang taóng gulang ako.

Ikinuwento sa akin ni Itay na pagkakita niya sa litrato ko, gustung-gusto na niya akong ampunin. Nagustuhan din ako agad ng bago kong nanay. Sinabi ko sa kaniya na siya ang nanay ko at gusto kong sumama sa kaniya.

Ngunit sa takot na ibalik ako sa bahay-ampunan, nagpakabait ako nang husto. Pakiramdam ko, hindi ako dapat magkasakit. Takót na takót pa nga akong magkasipon! Pero laging sinasabi ng mga magulang ko na mahal nila ako at hindi nila ako iiwan.

Kahit na ngayong malaki na ako, minsan naiisip ko na iba pa rin ang tingin ng mga tao sa akin dahil ampon lang ako. Pero pilit ko itong inaalis sa isip ko. At kapag natatanggap ko na ang sitwasyon ko, mayroon namang magsasabi, “Pasalamat ka nga, may mababait na taong nagmalasakit at umampon sa iyo!” Nagpapasalamat naman ako, pero sa sinasabi nila, para bang may problema sa akin at mahirap akong mahalin.

Nahihirapan akong tanggapin na baka hindi ko na makikilala ang tunay kong ama. Naiinis ako dahil kung inayos lang sana ng tunay kong ina ang buhay niya, siya sana ang nagpalaki sa akin. Pakiramdam ko tuloy, wala talaga akong kuwentang tao. Pero minsan, naaawa rin ako sa kaniya. Lagi kong naiisip na kung makikita ko lang siya, sasabihin kong matagumpay ako sa buhay at na huwag siyang malungkot sa ginawa niya sa akin.

Saksi ni Jehova ang mga umampon sa akin, at isa sa pinakamagandang regalo nila sa akin ay ang kaalaman mula sa Bibliya. Nasa isip ko lagi ang pananalita ng Awit 27:10: “Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina, si Jehova mismo ang kukupkop sa akin.” Totoong-totoo iyan sa akin. At may bentaha din naman ang pagiging ampon. Halimbawa, interesado ako sa mga tao​—sa kanilang pinagmulan at buhay​—siguro, dahil sa wala akong tunay na mga magulang. Mahilig akong makihalubilo sa mga tao, at napakahalaga niyan sa ministeryong Kristiyano. Bilang Saksi ni Jehova, nakikipag-usap ako sa iba tungkol sa Bibliya. Ito ang nagbibigay sa akin ng dignidad at layunin sa buhay. Kapag nadedepres ako, nangangaral ako para tulungan ang iba. Sa paggawa nito, nadarama kong napapalapít ako sa kanila. At bawat tao, may kani-kaniyang kuwento sa buhay.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 17]

Kapag Namatayan ng Magulang

Ayon sa salaysay ni Angela Rutgers, Australia

“Nang mamatay si Papa, pakiramdam ko, nawalan ako ng kakampi. Parang gumuho ang mundo ko.”

MAHIGIT sampung taon na ang nakalilipas, noong tin-edyer pa lang ako, sumailalim sa operasyon si Itay. Pagkatapos ng operasyon, sinabi sa amin ng doktor na wala na siyang magagawa. Gulung-gulo ang isip namin ni Inay. Hindi ko alam ang gagawin ko. Si Kuya naman ay hinimatay. Makalipas ang anim na buwan, namatay si Itay.

Halu-halo ang naramdaman ko. Gusto kong maintindihan ng aking mga kaibigan ang pinagdaraanan ko, pero ayoko namang maawa sila sa akin. Kaya sinikap kong itago ang nararamdaman ko para maging masaya ang samahan namin. Pero baka isipin naman nilang okey lang ako, kahit hindi naman. Ngayon ko naisip ang hirap na pinagdaanan ng mga kaibigan ko!

Nakadama rin ako ng pagsisisi nang mamatay si Itay. Naisip ko na sana’y nasabi ko pa nang mas madalas na, “Mahal ko po kayo!” Sana’y mas maraming beses ko pa siyang nayakap o mas marami pang panahon ang ginugol ko kasama niya. Kahit na isipin kong, ‘Ayaw ni Itay na madama ko ito,’ nagsisisi pa rin ako.

Bilang Saksi ni Jehova, talagang naaliw ako sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli. (Juan 5:28, 29) Iniisip ko na lang na nangibang-bansa si Itay at babalik din siya​—hindi ko nga lang alam kung kailan. Dati, kapag sinasabi nila sa akin, “Makikita mo uli ang tatay mo kapag binuhay siyang muli,” hindi ako napapatibay, kasi ngayon ko siya gustong makita! Pero nakatulong sa akin ang ilustrasyon tungkol sa pangingibang-bansa. Mas naging totoo sa akin ang pagkabuhay-muli, at nakatulong ito para makayanan ko ang pangungulila kay Itay.

Malaking tulong ang mga kapuwa Kristiyano. Naaalaala ko pa ang isang kaibigan na umaming iniiwasan niyang pag-usapan namin ang pagkamatay ni Itay. Pero sinabi niyang lagi niya akong iniisip, pati ang pamilya namin. Hindi ko malimutan ang sinabi niya. Nakatulong ito sa akin dahil nalaman kong kahit pala walang sinasabi ang mga tao, iniisip naman nila ako at ang aming pamilya. Malaking bagay iyan sa akin!

Apat na buwan pagkamatay ni Itay, mas naging abala si Inay sa ministeryo, at nakita kong masayang-masaya siya sa ginagawa niya. Kaya tinularan ko siya. Malaking tulong sa pangungulila ang pagtulong sa iba. Napatibay nito ang pananampalataya ko sa Salita ni Jehova at sa kaniyang mga pangako, at natulungan ako na maging positibo sa buhay.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share