Pagmamasid sa Daigdig
Hinaharap ng Relihiyon—Malungkot!
Isang pangkat ng mga iskolar na Protestante, inorganisa ng Christianity Today Institute sa Illinois, E.U.A., upang alamin ang hinaharap ng mga relihiyon sa Amerika, ay nagbabala na nakakaharap ng pananampalatayang Kristiyano sa Amerika ang isang mahirap at di-tiyak na hinaharap. Sa katunayan, ganito ang sabi ng isang lider ng simbahan: “Ang teknolohiya, hindi ang simbahan, ang nangingibabaw na puwersa sa ating kultura.” Nagkukomento pa tungkol sa mga kalagayan ng simbahan, si Jon Johnston, ng Pepperdine University sa Malibu Beach, California ay nagsabi: “Ang simbahan [ay naging] tulad ng isang supermarket na nagbibigay ng espirituwal na basurang pagkain sa mga nagdaraan. Ang sermon ng pastor ay wala kundi ang ‘pantangi ng linggo,’ na iniaalok sa mga parokyano sa isang diskuwento ng pangako.”
Hindi Kilalang Pinakamabiling Aklat
Nitong nakalipas na mga taon, ang benta ng Bibliya sa Estados Unidos ay umabot ng tinatayang $300 milyong taun-taon, ulat ng The Providence Sunday Journal. Ang Evangelical Christian Publishers Association ay nagsasabi na 80 porsiyento ng mga Bibliyang naipagbili ay binili ng mga Protestante. Ang mga Katoliko, sa kabilang panig, ang “natutulog na dambuhala” sa pagbibili ng Bibliya, sabi ng isang tagapagsalita para sa Thomas Nelson, Inc., ang pinakamalaking tagapaglathala ng Bibliya ng bansa. Bakit? Sapagkat ang pagbabasa ng Bibliya sa gitna ng mga Katoliko, na siyang bumubuo sa pinakamalaking relihiyosong grupo sa Estados Unidos, ay hindi idiniin hanggang noong lamang matapos ang Ikalawang Konsilyo ng Vaticano, na natapos noong 1965.
Magbigay ng Pag-ibig, Hindi mga Laruan!
Nang tanungin ng isang Australyanong kompaniya ng mga laruan ang 400 mga bata kung ano ang nagbibigay sa kanila ng lubos na kasiyahan, ang mga sagot ay lubusang hindi inaasahan. Sa halip na piliin ang mga laruan, karamihan ng mga bata ang nagsabi na mas gugustuhin pa nila ang higit na panahon na kasama ng kanilang mga magulang, ulat ng The West Australian. Isang anim-na-taon ang nagsabi na ang gustung-gusto niya ay ang salu-salong hapunan bilang isang pamilya, “sapagkat hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa isa’t isa,” yamang ang lahat ay magkakasama. Napansin ng opisyal ng kompaniya na higit na pinahahalagahan ng mga bata ang pamilya at ipinalalagay na ang pagsasama-sama ng pamilya ang “pinakamahalaga.”
Ipinagbawal ang “Bersiyon ng Genesis”!
Samantalang ang mga paaralan ng estado sa Queensland, Australia, ay nagbibigay ng magkatulad na panahon sa pagtuturo ng magkasalungat na teoriya ng ebolusyon at paglalang (creationism), ang The Sydney Morning Herald ay nagsasabi na ang “bersiyon ng Genesis” ay ipinagbawal sa estado ng New South Wales. Binabalaan ng Director-General ng Edukasyon ang lahat ng mga prinsipal sa high school na magkakaroon ng departamental na aksiyon laban sa sinumang guro na igigiit ang pagtuturo ng paglalang (creationism) bilang isang siyentipikong teoriya.
Pinakamabuting Paraan ng Pangangaral
Sa karamihan ng mga bansang Kanluranin, ang paggamit ng TV para sa mga programang relihiyoso ay umabot sa sukdulan. Sa Australia, mayroon na ngayong mga kurso upang turuan ang mga pastor kung paano pinakamabuting magagamit ang medium ng TV para sa kanilang ministeryo. Gayunman, nagkukomento tungkol sa kahalagahan ng pag-eebanghelyo sa TV, si Dr. Peter Horsfield, isang ministro ng Uniting Church, ay nagsabi: “Kung ang mga apostol ay nagkaroon ng TV noong kanilang kapanahunan mas maraming tao sana ang nakakilala tungkol sa Kristiyanismo, subalit mas kakaunti ang malamang na naging mga Kristiyano. Mararating ng TV ang maraming tao . . . subalit ang pinakamabuting paraan ng relihiyosong pakikipagtalastasan sa tuwina ay ang tao-sa-tao.”
Sa Alemanya, iniharap ni Obispo Karlheinz Stoll, sa isang liham sa 4,200 mga konsilyo ng parokya, ang isang programa sa “pagsasagawa ng gawaing pag-eebanghelyo sa mga pintuan ng tao.” Nagkukomento tungkol sa kawalang-bisa ng nakaraang mga kampaniyang ebangheliko, ang pahayagang Aleman na Rheinischer Merkur/Christ und Welt ay nagsabi na upang magkaroon ng tunay na tagumpay higit pa ang kinakailangan kaysa mga estratehiya at mga programa. Sinabi nito na ang nakalipas na mga pagkilos na idinisenyo upang palakasin ang pananampalataya ay hindi mabisa dahilan sa isang partikular na kakulangan, yaong ay: “Sa ngayon marami tayong mga ministro na mga espesyalista, subalit wala tayong ministro ng Diyos na nagbabahay-bahay at nakikipag-usap sa mga tao.”
“Espesyal sa mga Hijacker”
Ano ang tumitimbang lamang ng 23 onsa (0.7 kg), nagkakahalaga ng mga $450, at, kapag pinagkalas-kalas, ay hindi makikita sa makinang X-ray sa isang paliparan? Tama, isang plastik na baril na binansagang espesyal sa mga hijacker. Ang palayaw nito ay ipinalalagay dahilan sa posibilidad na maaaring kalasin ng isang potensiyal na hijacker ang baril at itago ang ilang mga bahaging metal sa magkakahiwalay na bagahe, sa gayo’y pinangyayari ang plastik na baril na hindi makita sa mga makina ng X-ray na ginagamit sa mga paliparan para sa seguridad. Ang plastik na baril na Glock 17 ay ginawa ng isang maunlad-teknolohiyang kompaniya sa Austria na espesyalista sa mga kagamitang militar at pulisya. Sapol noong 1985 ang baril ay ginawa at ipinamahagi sa Norway, Sweden, at Canada. Ikinatatakot ng ilang mga awtoridad na ang baril ay maging isang ideal na sandata para sa mga terorista.
Di-Ligtas na Proteksiyon!
Sa layuning pangalagaan ang kanilang mga sarili at ang kanilang mga pamilya mula sa mga magnanakaw at mga manggagahasa, marami ang nag-instala ng “mga rehas na bakal para sa mga magnanakaw” sa mga pintuan at mga bintana. Ngunit, sang-ayon sa The New York Times, inilalagay din ng mga taong iyon ang kanilang mga sarili sa malaking panganib. Si Kapitan Richard Clark, isang opisyal ng kagawaran sa sunog sa Washington, D.C., ay nagpapaliwanag: “Kung ilalagay mo ang ang iyong sarili sa . . . isang kuta, ikaw nga ay protektado sa paano man mula sa isang pumapasok na walang pahintulot, subalit ikinukulong mo rin ang iyong sarili.” Sinabi ng mga opisyal sa sunog na ang gayong mga rehas na bakal ang naging sanhi ng “maraming mga kasawian sa mga sunog sa tahanan.” Sa kadahilanang iyan, ang mga rehas na bakal na walang release mechanism o na kinakailangan pang susian ay labag sa batas sa ilang malalaking lunsod. Kung gagamit ka ng gayong mga kagamitan, ikaw ba at ang iyong pamilya ay madaling makakalabas kung sakaling may sunog?
Malulusog na Puso
“Halos mga 5% lamang ng populasyon ng Eskimo ang may sakit sa puso, kung ihahambing sa 50% na katamtamang bilang sa maunlad na mga bansa,” ulat ng Asiaweek. Bakit? Dahil sa kanilang pagkain, sabi ng isang pangkat ng mga siyentipikong Australyano. Ang mga Eskimo ay mahilig sa isda, at sinasabi ng mga siyentipiko sa Baker Medical Research Institute ng Melbourne na ang antas ng taba sa dugo ay lubhang pinabababa ng langis ng isda, sa gayo’y binabawasan ang panganib ng atake sa puso. Sinasabi ng mga siyentipiko na ang sustansiyang kilala bilang max EPA, na binabawasan ang antas ng taba sa dugo, ay masusumpungan sa langis ng atay ng isda (cod liver oil) at sa maraming iba’t ibang uri ng isda sa malamig na tubig.
Matinding Galit sa Pangkukulam
Sa maraming bahagi ng Aprika, ang mga mangkukulam ay pinaniniwalaang may pananagutan sa mga kalamidad na gaya baga ng mga taong tinamaan ng kidlat. Kamakailan, mga sampung kamatayan dahil sa kidlat sa loob lamang ng tatlung-buwang yugto ng panahon ay iniulat malapit sa nayon ng Ramokgopa sa gawing hilaga ng Timog Aprika. Ang pinakahuling biktima ay isang 16-taóng-gulang na estudyante. Nagitla at nagagalit, ang kaniyang mga kamag-aral ay naghiganti sa mga mangkukulam sa nayon na inaakala nilang may pananagutan dito. “Ang mga kabataan,” ulat ng The Star ng Johannesburg, “ay dumaluhong, sinusunog ang mga bahay at mga paligid na negosyo ng mga pinaghihinalaan.”
Pagala-galang Polong Magnetiko
Ang hilagang polong magnetiko ng lupa ang ngayon ay nakaturo sa “480 milya [770 km] hilagang-kanluran ng posisyon nito noong 1904,” sabi ng Science Digest. Bakit ganito? Ipinaliliwanag ng artikulo na ang lusaw na pinakapusod ng planeta ay gumagala, at yamang ang pinakapusod ang lumilikha ng magnetic field ng Lupa, ang kinaroroonan ng polong magnetiko ay nagbabagu-bago rin sa nakalipas na mga taon. Naituturo na ito ngayon ng mga geophysicist na taga-Canada sa 77 digris sa hilaga, 102.3 digris sa kanluran. Kawili-wili iyan kung nalalaman mo na ang magnetikong mga kompas ay tumuturo rito sa halip na sa talagang polong hilaga, na 800 milya (1,290 km) pa ang layo pahilaga!
Resipe para sa Ulan
Ang paglalagay ng mga kemikal sa ulap upang magpaulan ay kadalasang hindi nagtatagumpay. Subalit ang The Times ng London ay nag-uulat ng isang panibagong interes sa pamamaraang ito. Bakit? Sapagkat sinasabing nasumpungan ni Propesor Avraham Gagin ng Hebrew University sa Jerusalem ang tamang resipe para sa pagpapaulan. Ano ang kinakailangan? Mula sa isang eruplano, maglagay ng sapat na dami ng dry ice o silver iodide sa ulap na tama ang laki, mga apat hanggang anim na milya (6 hanggang 9 km) ang taas at naglalaman ng mga 650,000 yarda kubiko (500,000 cu m) ng tubig. Ang resulta? Halos doble ang ulan. Internasyonal na kinikilala bilang ang nangungunang tagapagpaulan, si Propesor Gagin ay matagumpay na nakagawa ng mula 18 hanggang 25 porsiyentong higit na pag-ulan sa ilang mga dako.
Nakamamatay na Timbang
Balintuna, samantalang angaw-angaw ang namamatay dahil sa mga sakit na nauugnay sa gutom, di-mabilang na iba pa ang namamatay dala ng labis na pagkain. Sa taóng ito halos 60 porsiyento ng mga kamatayan sa Australia ay nauugnay sa pagkain, ulat ng Sun-Herald ng Sydney. Isa sa tatlong adultong Australyano ay labis sa timbang, gayundin ang libu-libo pang mga bata. Bagaman idiniriin ng Heart Foundation of Australia ang paggamit ng sentido komon kung tungkol sa pagkain at ehersisyo, nasumpungan ng isang surbey kamakailan na 94 porsiyento ng mga Australyano ang gugustuhin pang manood ng telebisyon at mga video kaysa mag-ehersisyo.
Nakamamatay na Kombinasyon
Ang kombinasyon ng mga pildoras na kontraseptibo at paninigarilyo ay nagdaragdag sa panganib ng isang pag-atake sa puso nang di-kukulanging sampung ulit, babala ng kardiologo na si Propesor Peter Sleight ng Oxford, Inglatera. Sinasabi ni Propesor Sleight sa Sun na pahayagan ng Sydney, Australia, na ang paninigarilyo ay dumarami sa gitna ng mga kabataang babae. Taglay ang anong resulta? Ang mga atake sa puso sa pangkat na ito ay nagiging pangkaraniwan ngayon. Naniniwala siya na ang dahilan ay ang paninigarilyo, lalo na sa mga babaing gumagamit ng Pill.
Sinaunang Punungkahoy
Ang pinakamatandang punungkahoy ng Europa ay nakatayo sa nayon ng Granit sa Bulgaria malapit sa bayan ng Stara Zagora. Ang encina (oak) ay 1,640 taon na, mahigit 75 piye (23 m) ang taas, at may kabilugan na 25 piye (7.5 m), sang-ayon sa ahensiya ng balita sa Bulgaria. Nangangahulugan ito na ang matandang punungkahoy ay nagsimulang lumaki mga sampung taon pagkaraang mamatay ng Romanong emperador na si Constantino, na pinagsama ang relihiyong paganong sa Kristiyanismo. Namatay siya noong 337 C.E. Subalit ang matandang encinang ito ay bata pa kung ihahambing sa mga puno ng sequoia sa California, na halos doble ang katandaan.