Gresya—Pagkalipas ng Dalawang Libong Taon
Noong tag-araw ng 1985, malalaking grupo ng mga Saksi ni Jehova mula sa buong daigdig ang nagkatipon sa Gresya upang daluhan ang isang serye ng internasyonal na mga kombensiyon at gayundin dalawin ang mga lugar na may partikular na kahalagahan sa kasaysayan ng Kristiyanismo. Inilalarawan sa artikulong ito, na isinulat ng isang Saksi na nagtungo sa Hapón bilang isang misyonero noong 1966 at nanirahan doon mula noon, ang ilan sa mga karanasan ng mga bisitang ito.
GRESYA—isang lupain na punô ng kasaysayan at may malakas na pang-akit sa mga Kristiyano! Pagdating namin para sa aming paglilibot sa lupain na ito ng Bibliya, napakaraming katanungan ang bumangon sa aming isipan. Maglalaho kaya ang dalawang libong taon anupa’t mailalarawan namin kung paano ang mga bagay-bagay noong unang siglo? Ano kaya ang matututuhan namin tungkol kay apostol Pablo, na nag-organisa sa sinaunang mga kongregasyong Kristiyano sa lupaing ito? Halikayo at tingnan ninyo kung ano ang nakita namin sa limang lunsod dito.
Ang Filipos
Nakita namin kung saan sinimulan ni Pablo ang pangangaral Kristiyano sa Europa at kung saan siya pinag-usig dahil dito. Kabilang sa mga kagibaan ng isang napakalaking simbahan noong ikaanim na siglo, kami ay namangha na makasumpong ng isang pool na pinagbabautismuhan na kagaya ng itinatayo ng mga Saksi ni Jehova ngayon. Nagtaka kami na sinunod ng mga Griegong ito ang paraan ng pagbabautismo sa Bibliya sa loob ng mahabang panahon. Yamang walang lunsod ng Filipos ngayon, walang kongregasyon ng ating mga kapatid sa gayong pangalan.—Gawa 16:12-40.
Ang Tesalonica
Naiyak kami sa ating mga kapatid dito. Nakita namin ang modernong-panahong tapat na mga kapatid na babae na nagpapatotoo sa mga lansangan at pinaliligiran ng nanunuyang mga kabataan. Paglapit namin, pagalit kaming sinigawan ng mga nagdaraan gayundin ang mga Saksi roon. Kung minsan isang pari ng Iglesya Griego Orthodoxo na animo’y sariling-atas na pulis ang dumarating upang suriin kung ano ang nangyayari.
Naalaala namin ang pagsalansang na nakaharap nina Pablo at Silas sa Tesalonica noong unang siglo. Ang mga Judio, na dapat sana’y nakakakilala kay Jehova, “naudyukan ng inggit, ay nagsama ng ilang masasamang tao sa pamilihan at nagtipon ng isang karamihan.” Ang kanilang reklamo? “Ang mga taong ito na mga nagsisipagtiwarik ng sanlibutan ay nagsiparito rin naman.”—Gawa 17:5, 6.
Sa ika-20 siglo, taglay ng Iglesya Griego Orthodoxo ang Bibliya at nag-aangking nakikilala ang Diyos. Subalit ang mga lider ng simbahan ay totoong galit sa amin. Ang kanilang reklamo? Bueno, bagaman mayroong 42 mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa lunsod, masidhing iginigiit ng mga klero na ito ay isa lamang lokal na grupo. At ngayon ang “lokal na grupo” na ito ay nag-organisa ng isang internasyonal na kombensiyon sa kanilang lunsod! Tinututulan nila ang mga Saksi ni Jehova mula sa lahat ng daigdig sapagkat “nagsiparito rin naman.”
Gayon na lamang ang aming pagmamapuri na isuot ang aming Griegong convention badges na nagpapakilala sa amin bilang mga Saksi ni Jehova at ipinakikita sa mga tao roon na kami sa ibang mga bansa ay nagkakaisa sa pagtaguyod sa mga Saksing Griego. Ang aming kombensiyon ay isang malaking tagumpay.
Ang Berea
Ang sinagogang Judio rito ay kasinlaki ng maraming mga Kingdom Hall. Nakatutuwang makita ang Tetragrammaton sa ibabaw ng plataporma at gayundin alalahanin na dinalaw ni apostol Pablo ang isang sinagoga sa Berea. Habang ang aming grupo ay papalabas sa sinagoga, isang Saksing Haponés ang nagsabi: “Marahil ay ganito rin noong unang siglo kapag natatapos ang mga pulong.”
Inuulat ng Bibliya na ang mga Judio sa Berea ay “mararangal” sapagkat nang marinig nila ang pangangaral ni Pablo, “tinanggap nila ang salita nang buong pagsisikap, at sinisiyasat na maingat sa araw-araw ang mga Kasulatan kung tunay nga ang mga bagay na ito.” Ngayon sa maliit na bayang ito, mayroong isang kongregasyon ng mga Kristiyano na nagpapamalas ng gayunding ‘karangalan.’—Gawa 17:10-14.
Ang Atenas
Ang lunsod na ito ay ipinangalan sa diyosang si Atenas at pinangingibabawan ng Parthenon, isang templong naalay sa kaniya halos 2,500 mga taon na ang nakalipas. Nang dumalaw dito si Pablo, “namuhi ang kaniyang espiritu sa loob niya sa pagkamasid niya sa bayan na punô ng diyus-diyusan.” (Gawa 17:16) Nang walang katapusang sinasabi ng lokal na mga giya ang tungkol sa sinaunang makaalamat na mga diyos, nakikisama kami sa pagkamuhi ni Pablo. Kung ang mga gusaling ito sana ay ginamit sa dalisay na pagsamba!
Nanununghay mula sa Acropolis, nakita namin ang dako ng matandang pamilihan at ang Mars Hill. Mga 1,900 taon na ang nakalipas, si Pablo ay naroroon sa lunsod na ito ng paganong mga mananamba. Gayunman ang kaniyang pag-ibig kay Jehova ay nagpalakas sa kaniya na magsalita nang walang takot sa mga nagkakatipon sa pamilihang iyon. Ngayon, mayroong 10,000 mga Saksi sa Atenas na walang takot na nakikipangatuwiran sa mga taga-Atenas na gaya ng ginawa ni Pablo.—Gawa 17:16-34.
Ang Corinto
Ang mga kagibaan sa Corinto ay kabilang sa pinakainteresanteng lugar sa Gresya sapagkat ang mga ito ay lubhang naingatan at madaling maunawaan. Kami ay umakyat sa mga baitang na ipinalalagay na upuan ng paghatol kung saan humarap si apostol Pablo. (Gawa 18:12) Namasyal kami sa pamilihang dako na may lumang mga tindahan, dinalaw ang teatro, at nakita namin ang umaagos na tubig sa matandang mga aqueduct. (1 Corinto 10:25) Malapit dito ay ang dagat na nagdala ng mga impluwensiyang dayuhan, kapuwa mabuti at masama, sa Corinto. Prominente ang pitong monolitikong mga kolumna, na siyang natira sa isang templo sa diyos na si Apollo. Subalit ang mga kolumnang ito ay nanatiling nakatayo sa loob ng 2,500 mga taon, sa kabila ng maraming lindol. Anong laking patotoo nga na ang templong ito, at ang marami pang iba sa Gresya ay nagpapatunay sa mataas na pagpapahalaga ng sinaunang mga Greigo sa kanilang makaalamat na mga diyos! Ngayon, dalawang kongregasyong ng mga Saksi ni Jehova, na tumutulad kay Pablo, ang humihimok sa makabagong-panahong mga taga-Corinto na magtayo ng mas matibay sa espirituwal na paraan.—1 Corinto 3:10-17.
Nagtatagal na mga Impresyon
Ang magandang Gresya taglay ang kaniyang maaraw, maaliwalas at bughaw ng mga langit ay kaakit-akit sa mga turista. Natatalos ito nagpanibago ang aming paggalang kay Pablo, sapagkat hindi niya ginawa ang Gresya na kaniyang bakasyunan. Iisang layunin, siya ay puspusang gumawa. Dinalaw niya ang lahat ng limang lunsod na ito sa loob ng isang taon (malamang noong 50 C.E.). Kung isasaalang-alang na siya ay marahas na sinalansang ng maraming Judio at na walang mga kongregasyong Kristiyano sa Gresya bago ang kaniyang pagdalaw, ang atas ni Pablo ay mahirap. (Gawa 16:19–18:17) Gayunman, pagkalipas ng maikling panahon sa isang lunsod, mabisang tinulungan ni Pablo ang marami na maunawaan ang katotohanan anupa’t nakapagtatag siya ng kongregasyon at, nagtitiwala na pangangalagaan ito ni Jehova, siya ay nagpapatuloy. Ang ilan sa amin na nagtungo sa bagong mga teritoryo para magpayunir ay napakilos na bulaybulayin ang gayong mabisang pangangaral.
Gaya ni Pablo, hindi namin malilimot ang lipos na pag-ibig ng ating Greigong mga kapatid na lalaki at babae. Saanman, sila ay literal na nagpapagal araw at gabi para sa amin, tinutulungan kami na maunawaan ang mga lugar na aming dinalaw. Bagaman naiyak kami sa kanila dahilan sa pagsalansang na nakakaharap nila, naantig ang aming damdamin ng kanilang pagtitiwala kay Jehova at ng kanilang determinasyon na maglingkod nang may katapatan, ano man ang mangyari. Nagpaligaya rin sa amin na makita kung paanong ang pamahalaang Griego at ang pulisya ay nagbigay ng lahat ng proteksiyon na maibibigay nila sa ating mga kapatid.
Ang aming grupo ay dumalo sa kombensiyon sa Atenas. Maraming alaala ang nagdudulot pa rin ng matinding damdamin sa amin. Kadalasan kapag kami ay nagkakaroon ng problema sa wika mayroong basta magsasabi: “Jehova!” At kami’y magyayakapan sa isa’t isa, nagagalak sa isang salita na nauunawaan naming lahat, ang pangalan na nagpapakilala sa amin bilang espirituwal na mga magkakapatid. Sa mga bus at sa mga kombensiyon, ang mga pangkat na gaya namin mula sa maraming mga bansa ay sama-samang nag-awitan ng mga awiting Pangkaharian. Hindi namin malilimot lalo na ang tanawin ng mga itim, puti, at mga taga-Oryente na sama-samang inaawit sa marahil ay 20 mga wika ang mga salita ng awit na: “Myriads on myriads of brothers/Stand at my side to be/Each one a faithful witness,/Keeping integrity.” Ang aming mga puso ay nag-uumapaw sa galak sa pagpapasalamat kay Jehova dahil sa pag-ibig at pagkakaisa na taglay namin.
Sa wakas, katawanin nawa ng aming pangkat mula sa Hapón ang libu-libong mga Saksi mula sa Amerika, Europa, Aprika, Oceania, at Asia na nagtipon sa Gresya noong 1985 at sabihin sa aming mahal na mga kapatid na Griego: “Nagpapasalamat kaming lagi sa Diyos dahil sa inyong lahat kapag binabanggit namin kayo sa aming mga panalangin, na aming inaalaalang walang patid ang inyong gawa sa pananampalataya at pagpapagal sa pag-ibig at inyong pagtitiis.”—1 Tesalonica 1:2, 3.
[Larawan sa pahina 18]
Mga kagibaan sa Filipos
[Mga larawan sa pahina 19]
Sinagoga sa Berea
Acropolis, Atenas
Parthenon, Atenas