Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 2/8 p. 14-16
  • Papaano Ko Sasabihin sa Aking mga Magulang?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Papaano Ko Sasabihin sa Aking mga Magulang?
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Walang Sakdal
  • Ang Tamang Panahon
  • “Magsalita ng Katotohanan”
  • ‘Paano Mo Magagawa Ito sa Amin?’
  • Bakit Ayaw Akong Unawain ng Aking mga Magulang?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Dapat Ko Bang Sabihin sa Aking mga Magulang?
    Gumising!—1986
  • Papaano Ko Magagawang Mabigyan Ako ng Higit na Kalayaan ng Aking mga Magulang?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Paano Ko Kaya Makikilala Nang Higit ang mga Magulang Ko?
    Gumising!—2009
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 2/8 p. 14-16

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Papaano Ko Sasabihin sa Aking mga Magulang?

“Kapag umuuwi ako ng bahay na may mababang marka sa isang pagsusulit, nais kong sabihin sa aking mga magulang, subalit hindi ko masabi sapagkat kung sasabihin ko sa kanila, bubulyawan nila ako.”​—13-anyos na si Benita.

GANITO ang sabi ng manunulat na si Ruth Bell: “Bahagi na ng karanasan ng mga tin-edyer na gawin ang mga bagay nang hindi gaanong nag-iingat. Subalit kung minsan ikaw ay napapasubo sa problema, at iyan ang panahon na maaaring naisin mo ang tulong ng iyong mga magulang.” Gayunman, ito man ay mababang mga marka, isang nasirang balak ng kabataan, hindi naisagawang mga tagubilin ng magulang, o isang maselang na problemang moral, ang pagsasabi nito sa iyong mga magulang ay hindi isang kaaya-ayang bagay na bulaybulayin.

Maaaring katakutan mo ang pagdadala ng hindi mabuting balita sa iyong mga magulang​—lalo na kung ito ay may kinalaman sa ilang kabiguan sa bahagi mo. Ang isipin lamang na ikaw ay sinusulit-tanong ay maaaring magpaasiwa sa iyo. Sabi ng 18-anyos na si Willa: “Hindi sila humihinto nang katatanong kapag may sinasabi ako sa kanila. Ito’y gaya ng pagbubukas sa Kahon ni Pandora.” Maaaring naisin mo rin na sana’y maiwasan mo ang di-maiiwasan​—at marahil nakahihiya​—na disiplina. Subalit ang pinakamasama sa lahat ay ang kaisipan na binigo mo ang iyong mga magulang. Gaya ng pagkakasabi rito ng kabataang si Vince: “Sa tuwina’y nadarama ko na malaki ang pagtitiwala sa akin ng aking mga magulang at iyan ang gumawang mahirap para sa akin na lapitan sila sapagkat ayaw kong masaktan sila.”

Gayumpaman, ang masamang balita ay mabilis na kumakalat. At malamang na kilalang-kilala ka ng iyong mga magulang anupa’t nadarama nila na may problema kahit na ginagawa mo ang lahat ng magagawa mo upang ilihim ito. Kaya ang hindi pagsasabi sa iyong mga magulang ay inaantala lamang ang hindi maiiwasan. (Ihambing ang Kawikaan 28:13.) Ang tanong ay, Papaano mo sasabihin sa kanila?

Walang Sakdal

Una, tandaan ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagkakamali: “Ang lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23; 5:12) Ang ilang pagkakamali ay bunga ng hindi pagkaalam, ang iba ay dahilan sa hindi pag-iintindi. At, totoo, kung minsan ang isang tao ay gumagawa ng kung ano ang nalalaman niyang mali. Gayumpaman, ang mga pagkakamali ay bahagi ng buhay.

Gayunman, ano ang madarama mo sa isa na hindi kayang aminin ang isang pagkakamali? Sa dakong huli, hindi ba tataas ang palagay mo sa kaniya kung isang araw ay lumapit siya at magsabing, “Ikinalulungkot ko​—ako’y nagkamali”? Sa gayunding paraan, ang iyong mga magulang ay maaaring mabalisa sa iyong mga pagkakamali. Subalit ang bagay na ikaw ay nagpakumbaba at inamin ang iyong pagkakamali ay maaaring pumigil ng kanilang galit.

Ang Tamang Panahon

Kadalasan na ang tugon ng iyong mga magulang ay lubha ring apektado ng kung paano at kailan mo ito sasabihin sa kanila. Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa “salitang sinasalita sa tamang panahon.” (Kawikaan 25:11; ihambing ang Eclesiastes 3:1, 7.) Oo, ayaw mong ipagpabukas o iantala. Sabi ng kabataang si Vince: “Nasumpungan ko na lalo lamang lumalala ang mga bagay-bagay sa kahihintay.” Gayunman, kung maaari, humanap ng panahon na makipag-usap sa iyong mga magulang kapag sila ay nasa mabuting kalagayan ng isip. Ganito ang sabi ni Latia, 16 anyos: “Hindi ko kinakausap si Inay tungkol sa gayong mga bagay kapag siya’y abala sapagkat alin sa babarahin niya ako o siya’y mababalisa.” Ang 15-anyos na si Kelly ay nagpapayo: “Maghintay ng panahon kung kailan ang mga problema ng iyong mga magulang ay waring pinakakaunti anupa’t hindi ka nakadaragdag dito.”

Kailan kaya iyan? Ang disiotso anyos na si Chris ay nagsasabi: “Naghihintay ako hanggang sa hapunan at saka ko sinasabi kay Itay na kailangang makausap ko siya.” Sinikap naman ng isang anak na lalaki ng isang nagsosolong magulang ang isa pang panahon: “Madalas kong kinakausap si Inay bago matulog; mas relaks siya sa panahong iyon. Pagdating niya ng bahay mula sa trabaho, gulung-gulo siya.”

Sa tamang panahon, lapitan mo ang iyong mga magulang. Maaaring sabihin mo sa kanila, “Inay at Itay, may bumabagabag sa akin.” At ano naman kung hindi dumating ang tamang panahon o kung ang iyong mga magulang ay waring napakaabala upang mabahala? Maging maunawain. Ang bagay na sila’y abalang-abala upang mapansin na mayroon kang problema ay hindi nangangahulugan na hindi sila nagmamalasakit. Maaaring sabihin mo, “Alam ko pong kayo’y abala, subalit talagang may bumabagabag sa akin. Maaari po ba tayong mag-usap?” Kapag nakuha mo ang kanilang pansin, maaaring itanong mo: “Kayo po ba ay nakagawa ng isang bagay na hiyang-hiya kayong ipakipag-usap?” Sinasabi nito sa iyong mga magulang na: (1) Seryoso ka tungkol sa bagay na ito, (2) isang mahirap na bagay ito para sa iyo na ipakipag-usap, at (3) talagang pinagsisisihan mo ang nangyari.

“Magsalita ng Katotohanan”

Narito na ang pinakamahirap na bahagi: ang pagsasabi sa iyong mga magulang tungkol sa pagkakamali mismo. Malaki ang itinuturo sa atin ng isang talinghaga ni Jesus tungkol sa paggawa nito. Sa Lucas 15:11-32, mababasa natin ang tungkol sa isang anak na lalaki ng isang tao na isang araw ay umalis ng bahay upang tamasahin ang pagsasarili. Gayunman, nilustay ng bulagsak na anak ang kaniyang kayamanan at nahulog sa isang imoral na istilo ng pamumuhay. Nang siya’y walang-wala na, siya’y nagbalik sa kaniyang katinuan at nagpasiyang magbalik sa kaniyang ama sa pag-asang siya’y tatanggaping muli. Subalit papaano? Sisikapin niya kayang itago ang kaniyang pagkakamali sa kaniyang ama o gawing hindi gaanong maselang ang kaniyang kasalanan? Sa kabaligtaran, ang kaniyang panimulang mga salita sa kaniyang ama ay: “Ama, nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo. Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo.” Oo, siya’y nagsalita nang may pagpapakumbaba at walang pakunwari. Hindi niya hiniling na siya’y huwag disiplinahin; hiniling niya lamang na siya’y patawarin.

Ano ang reaksiyon ng ama? Sa pagtataka ng anak, wala ang inaasahan niyang mahigpit na pangaral. Maliwanag na totoong kumbinsido ang ama sa taimtim na pagsisisi ng kaniyang anak anupa’t waring hindi na kailangan pa ang disiplina! Ang mapagpakumbaba at matapat na paglapit ay maaari ring tumulong sa iyong mga magulang na maunawaan na ikaw ay natuto sa iyong pagkakamali. Subalit ito ay hindi nangangahulugan na maiiwasan mo ang disiplina. Sa ibang kaso ang matinding parusa ay nararapat! “Ang pamalo at saway ay nagbibigay karunungan,” sabi ng Bibliya. (Kawikaan 29:15) Kaya magkaroon ng tamang saloobin tungkol sa disiplina. “Totoo, walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakaliligaya, kundi nakalulungkot; subalit pagkatapos sa mga nasanay na ay namumunga ng bungang mapayapa, samakatuwid nga, ang katuwiran.”​—Hebreo 12:11.

Tayo ay pinapayuhan pa ng Bibliya na “magsalita ng katotohanan.” (Efeso 4:25) Kaya bagaman ikaw ay maaaring matuksong ilihim ang ilan sa di-kaaya-ayang mga detalye, sabihin mo sa iyong mga magulang ang buong katotohanan. Gumamit ng mga salitang mauunawaan ng iyong mga magulang, hindi mga salitang nauunawaan lamang ng mga kabataan. Ipakita mo sa iyong mga magulang na nagtitiwala ka sa kanila. Walang alinlangan na ang iyong pagsisikap na maituwid ang mga bagay-bagay ay gagawa ng matinding impresyon sa kanila.​—Ihambing ang 2 Corinto 7:11.

‘Paano Mo Magagawa Ito sa Amin?’

Mangyari pa, hindi lahat ng kabataan ay pinagpalang magkaroon ng mga magulang na Kristiyano. Subalit kahit na kung nilinang ng mga magulang ang mga bunga ng espiritu, gaya ng “kaamuan” at “pagpipigil-sa-sarili,” maaaring tumanggap ka pa rin ng matinding panimulang reaksiyon sa iyong pagtatapat. (Galacia 5:22, 23) Maaaring may katuwiran naman na sila ay masaktan at hindi masiyahan, lalo na kung ang pagkakamali ay isang seryosong bagay. Kaya huwag kang magtaka o magalit kung paulanan ka ng sermon! Walang alinlangan na kung sinunod mo ang kanilang mas maagang mga babala, hindi ka malalagay sa kalagayang ito. Kapuna-puna, ganito ang sabi ng 21-anyos na si Nathan: “Ang pagpapakitang ito ng damdamin ng iyong mga magulang ay maaaring isang pahiwatig kung gaano kalaki ang pagmamalasakit nila sa iyo.”

Anuman ang kalagayan, manatiling mahinahon. (Kawikaan 17:27) Makinig sa iyong mga magulang at sagutin ang kanilang mga tanong, kahit na paano man nila itinatanong ito. Tanggapin kung anumang disiplina ang inaakala nilang nararapat, tandaan ang sabi ng salmistang si David: “Saktan man ako ng matuwid, magiging kagandahan pa ng loob.” (Awit 141:5) Maging disidido na ito ang isang pagkakamali na hinding-hindi mo uulitin!

Gayumpaman, hindi ito ang huling pagkakataon na kakailanganin mo ang tulong at maygulang na payo ng iyong mga magulang. Ugaliin mong magtapat sa kanila tungkol sa maliliit na mga problema upang kapag dumating ang malalaking problema, hindi ka matatakot na lapitan sila at sabihin sa kanila kung ano ang nasa iyong isipan.

[Larawan sa pahina 15]

Piliin ang panahon kapag ang iyong mga magulang ay nasa mas mabuting kalagayan ng isip

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share