Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Dapat Ko Bang Sabihin sa Aking mga Magulang?
‘ANG hindi nalalaman ng aking mga magulang ay hindi makasasama sa kanila!’ Nasabi mo na ba iyan sa iyong sarili nang ikaw ay magkaroon ng isang maselang na problema? O nang ikaw ay makagawa ng isang pagkakamali at natatakot kang malaman ng iyong mga magulang?
Ang katorse-anyos na si Harvey ay nag-eeksperimento sa paghitit ng marijuana. Walang kaalam-alam ang kaniyang mga magulang tungkol sa kaniyang pagkasangkot sa droga. “Natatakot akong sabihin sa kanila,” sabi ni Harvey.
Oo, ang pag-aatubiling magtapat sa mga magulang ay pangkaraniwan. Totoo, nasumpungan ng isang pag-aaral kamakailan sa 2,000 mga kabataan na maaaring isangguni ng mga kabataan ang mga suliranin sa eskuwela, pamilya, o karera sa kanilang mga magulang. Subalit kapag mas mabigat o mas sensitibong paksa—gaya ng pagdi-date o sekso—ang nasasangkot, sila ay lumalapit sa kanilang mga kaibigan. Gaya ng ipinaliwanag ni Jacqueline Smollar, Ph.D., isang sikologo na kasamang-awtor ng nabanggit na pag-aaral: “Alam ng mga kabataan na ang mga magulang ay hindi laging sumasang-ayon, samantalang ang mga kaibigan ay higit na maunawain.”
Lalapit ka ba sa iyong mga magulang kung ikaw ay may malubhang problema o ikaw ay nakagawa ng isang pagkakamali? O ikaw ba ay kumbinsido na ang iyong mga magulang ay makaluma at hindi makabibigay ng pang-unawa o nakatutulong na patnubay? Ikinatatakot mo ba marahil na sila ay mabigo sa iyo? Anuman ang kalagayan, ang paglilihim ng iyong mga problema sa iyong mga magulang ay hindi lulutas sa mga ito. Sa katunayan, maaari pa nitong palubhain ang mga bagay.
Mag-ingat sa Pagtatakip!
Ang Bibliya sa Eclesiastes 7:20 ay nagsasabi: “Tunay na walang matuwid na tao sa lupa na patuloy na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.” Subalit bagaman karaniwan na lamang ang paggawa ng pagkakamali, napakahirap aminin ang mga ito! Totoo ito lalo kung maselang pagkakamali ang nasasangkot gaya ng pagsisinungaling, pagtatalik bago mag-asawa, o paninigarilyo. Kadalasan nang ikinatatakot ng kabataan kung ano ang mangyayari kapag natuklasan ito ng kaniyang mga magulang. Gayunman, napag-isipan mo na ba ang halagang ibabayad mo kapag patuloy mong inilihim ang iyong pagkakamali?
Ang mga kabataang bumabaling sa pagtatakip ng pagkakamali ay kadalasang binabagabag ng nasugatang budhi. (Roma 2:15) Gaya ng sabi ng sinaunang salmista, ang kanilang kasalanan ay naging ‘isang pasáng mabigat,’ napakabigat batahin. (Awit 38:4) Tiyak, sila ay napipilitang gumawa ng higit pang pagkakamali sa pamamagitan ng pagsisinungaling at panlilinlang sa kanilang mga magulang. Ito, mangyari pa, ay gumagawa ng mga hadlang sa pakikipagtalastasan sa pagitan nila at ng kanilang mga magulang. Ang tulong ng magulang ay napuputol.
Sa kalaunan, ang pagtatakip ng mga problema ay nagiging ugali na. Ang isa ay nagiging gaya niyaong inilalarawan sa Bibliya na “hinerohan ang kanilang budhi”—manhid at walang pakiramdam! (1 Timoteo 4:2) Ang kanilang mga puso ay “nangalalagak sa paggawa ng masama.” (Eclesiastes 8:11) Sa gayon ang kanilang kaugnayan sa Diyos ay malubhang napinsala.
Ang Bibliya ay nagsasabi: “Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagkakasala ay hindi magtatagumpay, ngunit siyang nagpapahayag at nag-iiwan ng mga yaon ay pagpapakitaan ng kaawaan.” (Kawikaan 28:13) Pansinin: Walang saysay na sikaping panatilihing lihim ang pagkakamali—ang gayong landasin ay hindi magtatagumpay. Gaya ng sabi ng isang binatang nagngangalang Vince: “Sisingilin ka nito sa dakong huli.” Bakit gayon? Gaya ng pagkakasabi rito ng 19-anyos na si Betty: “Sa paano man ay nakikita ni Jehova ang lahat ng bagay.” Darating ang panahon at titiyakin niya na ang pagkakamali ay mahayag.
Kung gayon, ang pinakamatalinong bagay na gawin ay ipagtapat ang pagkakamali. Una, hingin ang kapatawaran ni Jehova, ipagtapat ang iyong pagkakamali sa panalangin. “Buksan ninyo ang inyong puso sa harap niya,” sabi ng salmista. (Awit 62:8) Tiyak na aalisin nito ang ilan na bumabagabag sa iyong budhi. Gayumpaman, hindi nagwawakas diyan ang mga bagay. ‘Bakit hindi?’ maaaring sabihin mo. ‘Hindi pa ba sapat na nalalaman ng Diyos ang tungkol dito at na ikinalulungkot ko ito?’
Paghahangad ng Disiplina
Hindi, ang isang nagkasalang kabataan ay dapat gumawa ng higit pa sa basta pagsasabi ng kaniyang kasalanan sa Diyos. “Dinggin ninyo, Oh mga anak ko, ang disiplina ng ama,” paliwanag ng Bibliya, “at makinig kayo, upang matuto ng kaunawaan.” (Kawikaan 4:1) Totoo, maaaring katakutan mo ang gayong disiplina. Ngunit marahil ito mismo ang kinakailangan mo. Aba, kahit na ang isang taong pantas ay nangangailangan ng saway at disiplina kung minsan. Ang Kawikaan 9:8, 9 ay nagsasabi: “Sawayin mo ang pantas at kaniyang iibigin ka.” Ang dahilan? “Siya’y magiging lalong pantas pa.”
Subalit kung ikaw ay naging hindi pantas at napasangkot sa mga problema, maliwanag na kailangan mo ang disiplina higit kailanman! Nangangahulugan ito na dapat ay sabihin mo ito sa iyong mga magulang. Mayroon silang karanasan sa buhay at kadalasan ay makakatulong sa iyo na iwanan mo ang iyong mga pagkakamali at iwasang maulit ang mga ito. Totoo ito lalo na kung ang iyong mga magulang ay may takot sa Diyos. Totoo, hindi madali ang pagsasabi ng pagkakamali o kasalanan. Gayunman, sinasabi ni Jehova sa mga kabataan: “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.” (Efeso 6:2) Iniatas ni Jehova sa iyong mga magulang ang gawain na pagdisiplina. At kung inaakala nilang kinakailangan ang pagparusa o paghihigpit sa iyo, malasin mo ito bilang pagpapakita nila ng pag-ibig sa iyo.
Pag-ibig? Oo, maaaring mahirap paniwalaan na may anumang bagay na maibigin sa pagbibigay ng parusa. Subalit pansinin ang sinasabi ng Kawikaan 3:12: “Sapagkat sinasaway ni Jehova ang kaniyang iniibig, gaya ng ama sa anak na kaniyang kinalulugdan.” Tunay, gaano ngang higit na mabuti ang magkaroon ng mga magulang na umiibig sa iyo anupa’t ikaw ay dinidisiplina kaysa mga magulang na basta hindi nagmamalasakit!
Ang mga Pakinabang
Gayunman, marahil ay mahirap pa rin sa iyo na pahalagahan ang kahalagahan ng paghangad ng disiplina sa pamamagitan ng pagsasabi sa iyong mga magulang ng nagawa mong pagkakamali. Kaya isaalang-alang mo ang ilang mga pakinabang. Sa isang bagay, ang pagtanggap ng iyong mga pagkakamali ay nagbibigay sa iyo ng mas mabuting panloob ng pakiramdam. Ganito ang sabi ng 18-anyos na si Chris: “Talagang nakakatulong na pag-usapan ang tungkol dito. Malaking ginhawa ang mawala ito sa iyong isipan.” O gaya ng pagkakasabi ng isang kabataang nagngangalang David: “Hindi ito mawawala sa iyong isipan kapag patuloy mo itong inilihim.”
Ang pagsasabi nito ay nag-aalis ng alalahanin sa iyong isipan. Gaya ng napansin ni Betty, na nabanggit kanina, isang bagay na matanto mong nalalaman ng Diyos ang iyong pagkakamali; “at ngayon naman ay ang alalahanin kung masumpungan ito ng iyong mga magulang,” sabi niya, “ay napakahirap.” Gayunman, ang pag-aalis sa lambong ng paglilihim ay gagawa ritong mas madali para malutas mo ang problema.
Ang pagtutuwid ng mga bagay sa iyong mga magulang ay maaari ring magpatibay sa iyong puso at isipan sa kung ano ang tama. Gaya ng paalaala pa sa atin ni Chris: “Kung hindi mo sasabihin ang tungkol dito, lagi nang mas madaling ulitin ang pagkakamali.”
Gayunman, binabanggit ng isang kabataang lalaki ang komplikasyon: “Nang ikaw ay bata, inaakala mo na ang pagdulog ng iyong problema sa iyong mga magulang ay talagang sisira sa kaugnayan mo sa kanila.” Sabihin pa, ang iyong mga magulang ay maaaring masaktan at mabigo sa simula. Ngunit kung kusa kang lalapit sa kanila—nang hindi na nila pinipilit makuha ang katotohanan mula sa iyo—marahil ay matatanto nila na ito ay nangangailangan ng tunay na tibay ng loob sa bahagi mo. Pahahalagahan nila ang pag-ibig at pagtitiwala mo sa kanila. Sa pagtatagal, maaari pa nga nilang dagdagan ang pagtitiwala nila sa iyo. Alam mo, karaniwan nang nais ng mga magulang na maniwala na ang kanilang mga anak ay may mabubuting katangian na magtatagumpay o dadaig sa masamang katangian. At ang iyong pagiging tapat sa kanila ay nagpapakita na taglay mo ang gayong mga katangian.
Tandaan din, na ang pagtitiwala ay tulad sa isang kalsadang may dalawang daanan. Sabi ni Jesus: “Huwag kayong magsihatol, at hindi kayo hahatulan . . . Sapagkat sa panukat na inyong isinusukat ay doon din naman kayo susukatin.” (Lucas 6:37, 38) Sa ilang paraan maaaring totoo ito sa iyong mga magulang. Ipakita mo sa kanila na mayroon kang tiwala sa kanilang likas na pag-ibig sa iyo. Magtapat ka sa kanila at magtiwala ka sa patnubay at tulong na handa nilang ibigay sa iyo.
Sa wakas, isaalang-alang ang mga pakinabang ng pakikinig sa matalinong payo ng iyong mga magulang. Ganito ang sabi ng ilang kabataan:
“Mas makatuwirang nakikita ng aking mga magulang ang mga bagay-bagay kaysa akin kapag ako ay may problema.”
“Tinutulungan ako ng aking mga magulang na mag-isip ng iba pang mga lunas sa problema.”
“Maaaring kailanganin mong gumawa ng ilang pagbabago ng kilos na maaaring ipamagitan ng iyong mga magulang para sa iyo.”
Kaya kailanma’t ikaw ay may maselang na problema, huwag mag-atubiling lumapit sa iyong mga magulang. Bigyan mo sila ng pagkakataon na tulungan ka. Tandaan: Ang hindi nalalaman ng iyong mga magulang ay maaaring hindi makasakit sa kanila, subalit ang hindi nila pagkaalan nito ay kadalasang nagbubunga ng di na maisasaayos na pinsala para sa iyo. Kung gayon, magtapat sa iyong mga magulang at magtamasa ng paggalang-sa-sarili, isang malinis na budhi, at ng kapayapaan ng isipan.
Tandaan din, walang lihim “sa harapan ng mga mata niyaong ating pagsusulitan.” (Hebreo 4:13) At ang kabatiran na nalalaman ni Jehova ay maaaring gumawa ritong mas madaling sabihin sa iyong mga magulang. May karapatan din silang malaman ito.
[Larawan sa pahina 12, 13]
Sino ang mas kuwalipikadong tumulong sa iyo sa iyong mga problema—ang iyong mga kaedad o ang iyong mga magulang?