Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 5/22 p. 14-18
  • Ngayong Gabi Kami ay Nagwagi!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ngayong Gabi Kami ay Nagwagi!
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ginaganti ang Karahasan ng Karahasan
  • Isang Maligalig na Panahon
  • Personal na mga Tagumpay
  • Isang Malaking Pagbabago
  • Unang Pakikisama
  • Isang Bagong Pagkatao
  • Natutuhan Kong Kapootan ang Aking Dating Naibigan
    Gumising!—1994
  • Sinaunang Palakasan at ang Kahalagahan ng Pagwawagi
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Bago at Pagkatapos Mag-aral ng Bibliya—Madilim na Nakaraan, Maliwanag na Kinabukasan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Ano ba ang Nangyayari sa Daigdig ng Isports?
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 5/22 p. 14-18

Ngayong Gabi Kami ay Nagwagi!

ANG aking paa ay tumama sa mukha ng aking kalaban! Mabilis na umiikot na parang kidlat, sinikap niyang mawala ang aking pagkakatimbang sa pamamagitan ng pagsipa sa akin, sinusundan ito ng pagtadyak sa aking tiyan. Nagpalitan kami ng lahat ng uri ng pinahihintulutang pagsipa at sundok, kapuwa kami tumatanggap ng mga tama.

Noon ay Mayo 19, 1978, at kami ng aking kalaban, si Gilbert Letouzo, ay naglalaban para sa pambansang kampeonato ng Pransiya sa Hotel Meridien sa Paris. Natutuhan namin ni Gilbert ang mga pinagbabatayan ng savate, isang uri ng Pranses na boksing, mga labanan sa kalye sa mga arabal ng Paris. (Tingnan ang kasunod na pahina.)

Ang maraming tao na nanunood ay nagkakatuwaan at naghihiyawan. Subalit ako ay nag-aalala. ‘Ano kung may mangyaring masama? Ano kung talagang mapinsala ko siya?’ paulit-ulit kong iniisip. Napakahirap magtuon ng isip sa kapaligirang punô ng usok ng sigarilyo. Kailangan ko ang lahat ng atensiyon na aking makukuha.

Sa ikaapat na round, si Gilbert ay nagpapakita ng mga palatandaan ng grabeng pagkapagod. Nahihirapan siyang magdepensa, at ang kaniyang mga suntok ay kulang ng pagtitiwala. Kung tungkol naman sa akin, ayos na ayos ang aking mga reflexes. Binigyan ko siya ng malakas na kontra-suntok, at ang aking kalaban ay bumagsak. Bagaman mabilis siyang bumangon, maliwanag na si Gilbert ay nanghihina, at ang kaniyang ikalawang pagbagsak ang nagpasuko sa kaniya. Napanalunan ko ang pambansang kampeonato ng Pransiya!

Mga ilang buwan maaga rito, gayon na lamang marahil ang kaligayahan ko sa mga sandali ng kaluwalhatiang ito, ang tunog ng napakalakas na mga laud-ispiker na inaanunsiyo ang mga tampok ng laban, kasama na ang nagsisigawang mga manunood! Gayunman, nang gabing ito lahat ng mga parangal na ito​—ang kaluwalhatian, ang kabantugan, at ang inaasahang mga kontrata​—ay totoong hindi mahalaga sa akin.

Nasilayan ko ang maningning na mukha ng aking asawa sa karamihan ng tao. Maliwanag, nababakas niya sa aking mukha na hindi ko babawiin ang aking pasiya. Talagang masasabi namin, “Ngayong gabi kami ay nagwagi!” Kami ay talagang nagwagi, sapagkat ako ay nagpasiya nang hihinto sa paglahok sa lahat ng mga paligsahan sa boksing. Kami ngayon ay pumapasok sa isa pang labanan subalit sa pagkakataong ito ay magkasama.

Ginaganti ang Karahasan ng Karahasan

Ako ay isinilang noong 1947 sa arabal ng Paris na Rueil-Malmaison, ang lugar na kinaroroonan ng palasyo kung saan nanirahan at nang dakong huli’y namatay ang unang asawa ni Napoleon, si Joséphine. Ang aming pamilya ay uring-manggagawa, at hindi nagtagal ako ay nakadama ng galit sa lahat ng kawalang-katarungan sa daigdig. Nais kong ituwid ang lahat ng mga kamalian. Noong 1967 nagsimula akong mag-aral ng abugasya sa pag-asang ako’y magiging isang abugado. Nang panahong iyon nagsisimula na ang kaguluhan sa mga unibersidad sa Pransiya, lalo na sa Nanterre, isa pang arabal sa Paris, kung saan ako nag-aaral. Isa itong panahon ng matinding sagupaan sa pagitan ng radikal na pulitikal ng mga pangkat.

Mga ilang taon bago nito sinimulan ko ang isang magandang karera sa larong soccer, subalit ako ay nagbitiw dahilan sa lahat ng karahasan na nagaganap sa mga istadyum. Sa kabalintunaan, bumaling ako sa tinatawag na combative sports. Ang saloobin ko ay: ‘Makabubuti ring matuto akong gumanti.’ Dahilan sa maigting na kapaligiran sa unibersidad, inaakala ko na hindi nila ako gagalawin kung marunong akong magtanggol sa aking sarili. Pagkaraang masubok ang maraming klaseng palakasan, sa wakas ay pinili ko ang savate, isang all-around na palakasan na hinango sa Pranses na boksing. Nakaakit sa akin ang savate dahilan sa ito ay isang “kompletong” paraan ng pakikipaglaban, na ginagamit ang mga paa gayundin ang mga kamay.

Isang Maligalig na Panahon

Noong Mayo 1968 ang radikal na mga pangkat sa mga unibersidad ay nanggipit para sa pulitikal at sosyal na mga pagbabago. Sa aming pagtataka, bilang pakikiramay sa demonstrasyon naming mga estudyante, tinangkilik kami ng mga manggagawa. Pagkatapos ay sumali ang mga unyon ng mga manggagawa na may kanilang sariling mga martsa ng demonstrasyon at may utos sa mga manggagawa para sa isang panlahat na welga. Kaya, noong Mayo at Hunyo 1968, ang Pransiya ay mistulang naparalisa.

Namayani ang espiritu ng malaking pagsasaya sa gitna naming mga estudyante, sapagkat itinuturing namin ang aming mga sarili na nag-udyok ng isang kilusan na nagpahayag sa panlahat na naisin para sa isang mas makatarungan at makataong lipunan. Sa simula ako ay lubusang nakatalaga sa tila mahalagang layuning ito, at, maniwala ka, ang kalakasan ng aking katawan ay napakinabangan ko nang husto kapag ako’y hinahabol ng pulis kung panahon ng mga demonstrasyon ng mga estudyante sa Latin Quarter sa Paris.

Gayumpaman, hindi nagtagal ako’y nalungkot, sapagkat ang aming mga demonstrasyon ay naging marahas. Ang minimithing pulitikal at sosyal na mga pagbabago ay hindi nangyari, at ang pag-asa sa isang mas makatarungan at mas palakaibigang sistema ng lipunan ay natabunan ng pansamantala at mapanlinlang na materyal na mga pakinabang. Nabigo ang aming mga pangarap. Nawala ang lahat ng tiwala ko sa tao, sa kaniyang mga proyekto at mga simulain.

Personal na mga Tagumpay

Gayumpaman, nagtagumpay ako sa pagtatapos sa unibersidad bago ako tawagin para sa paglilingkod militar. Sa aking pagbabalik, sinimulan kong muli ang palakasan, lalo na ang savate. Ang aking mga pagsisikap ay ginanti, sapagkat anim na beses akong naging kampeon ng Pransiya. Nagwagi ako ng halos isang daang mga tropeo at mga medalya, at maraming ulit akong napili para sa pambansang koponan.

Karagdagan pa, naging kuwalipikado akong guro ng estado at pinangasiwaan ko ang apat na samahan o klab sa palakasan, pati na ang isa sa Rueil-Malmaison na noo’y may pinakamaraming kasapi o membro sa Europa. Pinangangasiwaan ko rin ang ilang mga asosasyon, naging patnugot ng isang magasin sa palakasan, at isa sa board of director ng French Boxing and Savate Federation.

Isang Malaking Pagbabago

Noong Oktubre 1977 nakilala ng dalawang Saksi ni Jehova ang aking asawa at hindi nagtagal ay nagsimula siyang mag-aral ng Bibliya. Sa simula ay wala akong masamang palagay sa mga Saksi ni Jehova ni panig man ako sa kanila. Bilang isang bigong Katoliko, hindi ako kailanman nagkaroon ng pagkakataon na mag-aral ng Bibliya, kaya bakit ko ipagkakait sa aking asawa ang posibilidad na iyan? Sa puntong iyan ang ilan sa aming mga kamag-anak ay nagsimulang sumalansang sa mga pag-uusap sa Bibliya, sinasabi na ang mga Saksi ay isang mapanganib na relihiyon. Kaya’t inaakala ko na kailangan kong ipagtanggol ang aking asawa sa ngalan ng kalayaan ng pagsamba at salig sa pangunahing simulain ng Rebolusyong Pranses noong 1789 at ng Deklarasyon ng Karapatan ng Tao, na mahalaga sa akin.

Isa sa salansang na kamag-anak na ito ay nagkataong nasa isa sa aking mga klase sa boksing at ikinalat niya ang balita na ako ay naging isang Saksi ni Jehova. Kaya’t sa bawat leksiyon, ipinakikita ko ang aking awtoridad sa pamamagitan ng mga paraan na malinaw na nagpapakita na hindi pa ako isang tunay na Kristiyano, batay sa dami ng masakit na mga tadyang at mga panga na pinangyari ko!

Ang hindi maipaliwanag na pagsalansang na ito ay nag-udyok sa aking pag-uusyoso. Kaya’t binasa ko ang aklat na The Truth That Leads to Eternal Life (Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan), na may kaugnayan sa pangunahing mga doktrina ng Bibliya. Binasa ko itong lahat sa loob lamang ng dalawang gabi. Nakabasa na ako ng daan-daang mga aklat tungkol sa pulitika, kasaysayan, at pilosopya, subalit ang mga ito ay waring hindi tapos, hindi kompleto, kulang, at​—magkakasalungat. Para bang ang kawalang kakayahan ng tao ay lalo pang balintuna sa ika-20 siglong ito ng dakilang mga nagawa sa larangan ng teknolohiya at siyensiya. Di-gaya ng anumang nabasa ko noon, ang aklat na ito ay naglaan ng isang malinaw na paliwanag tungkol sa pinagmulan, patutunguhan ng tao at ang dahilan ng kaniyang pag-iral.

Walang anu-ano, lahat ng kaalamang ito ay nagkatugma-tugma at nagkaroon ng isang matino, maliwanag, makatuwirang kabuuan. Lahat ng kasaysayan ng tao​—pati na ang mga digmaan, relihiyon, at kabihasnan nito​—lahat ay nagkakatugma sa iisang huwaran, isang kahanga-hangang layuning wala akong kabatiran hangga noon. Higit sa lahat, namangha ako sa kawastuan ng paglalarawan ni Jesus tungkol sa kasalukuyang mga pangyayari, na ibinigay bilang isang tanda ng kaniyang dumarating na pakikialam sa mga pangyayari rito sa lupa. (Mateo 24; Lucas 21) Kumbinsido ako na nasumpungan ko ang katotohanan. Subalit kinakailangan ang iba pang mga hakbang bago ko lubusang maunawaan ang lahat ng nasasangkot.

Unang Pakikisama

Noong tagsibol ng 1978 ang aking asawa ay inanyayahan sa Memoryal, isang pagdiriwang na ginagawa ng mga Saksi ni Jehova taun-taon bilang pag-alaala sa kamatayan ni Kristo. Nais kong dumalo, subalit mayroon akong leksiyon sa boksing na matatapos ng ika-9:30 n.g. Gayunman, nang gabing iyon 15 porsiyento lamang ng mga estudyante sa klase ang presente, at yamang lahat ng estudyante ay wala sa kondisyon, ang leksiyon ay natapos ng ika-7:45 n.g. Hindi inaasahan, may isang adulto sa klaseng iyon, na sinadya para sa mga kabataan. Nang matapos ang leksiyon, binanggit niya na susunduin niya ang kaniyang asawa sa istasyon sapagkat ang kotse ng kaniyang asawa ay pansamantalang sira. Nangangahulugan ito na madaraanan niya ang Kingdom Hall kung saan ang aking asawa ay dumadalo ng Memoryal. Gayon na lamang ang mga pagkakataong ito anupa’t hiniling ko sa kaniya na makisakay at ibaba ako roon, at sinamahan ko ang aking asawa sa pulong.

Sa kabila ng aking hitsura​—nakamaong ako, at ang aking buhok ay basa pa mula sa paligo​—ako ay mainit na tinanggap. Sino ang makapagsasabing ang aking bag ay punô ng gloves sa boksing? Nang matapos ang pulong, isang Saksi ang lumapit at nakipag-usap sa akin. Yamang kumbinsido na ako ng nabasa ko sa aklat na Katotohanan, hindi ko gaanong pinansin ang sinasabi niya sa akin kundi inukol ko ang aking pansin sa lalaki mismo. Inobserbahan ko siya, at ang nakita ko ay nakahikayat sa akin na ito ay hindi naman pagkapanatiko. Hindi nagtagal, ako man ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya.

Isang Bagong Pagkatao

Ang aking huling labang pangkampeonato, na inilarawan sa pasimula, ay naganap pagkaraan lamang ng isang buwan na ako ay magsimulang mag-aral ng Bibliya. Pagkatapos ng aking dobleng tagumpay, nadama ko na para bang isang pasan ang naalis sa aking mga balikat. Ikinatuwiran ko na ang kalagayan ko ngayon ay kasuwato na ng Diyos na Jehova, yamang huminto na ako sa mga paligsahan. Gayunman, kailangan pa ang ibang mga pagbabago.

Upang regular na makadalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova sa aming lugar, ipinasiya kong takdaan ang aking mga gawain sa palakasan sa klab sa aming bayan sa Rueil-Malmaison. Pagkatapos, sa isang pulong, kami ay pinaalalahanan na dapat iwasan ng isang Kristiyano ang anumang bagay na, sinasadya o di-sinasadyang, magdadala sa kaniya ng pagkakasala sa dugo. Nagugunita ko pa kung paanong ako’y namulá nang pag-usapan ang bagay na ito. Alam mo, hindi lahat ng aking mga estudyante ay mga amatyur na nagnanais lamang maglibang, kundi ang ilan ay mga manlalaban, seryosong mga boksingerong nakikipaglaban. Ano kung may mangyaring aksidente? Gaano kaya kalaki ang aking pananagutan? Bunga nito, nagbitiw ako sa aking mga tungkulin sa French Boxing and Savate Federation at isinaayos ko na ang aking kapatid na lalaki ang humalili sa aking pagtuturo sa klab sa Rueil-Malmaison.

Nang sumunod na mga buwan, nagpatuloy akong magtungo sa klab alang-alang sa palakasan, upang mag-ensayo lamang. Subalit ang aking budhi ay naging higit at higit na sensitibo. Ang mga salita ni apostol Pablo ay naging palaisipan: “Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging malumanay sa lahat, may kakayahang magturo, nagtitimpi laban sa kasamaan, mahinahong nagtuturo.”​—2 Timoteo 2:24, 25.

At kapag iniisip ko ang tungkol dito, napakahirap para sa akin na gunigunihin si Jesus at ang kaniyang mga apostol na nagsasanay upang maging mga gladiator alang-alang lamang sa palakasan, bagaman hindi sila makikibahagi sa aktuwal na labanan. Kaya, dahilan sa hindi ko mapagtugma ang boksing sa payo ng Bibliya, sa wakas ay inihinto ko ang anumang pakikibahagi rito.

Bago ko nilisan ang klab, tuwiran o di-tuwiran akong nagpatotoo sa lahat ng aking mga estudyante. Tunay, ipinalagay ko ang 200 mga boksingerong iyon na aking pantanging teritoryo. Pito sa mga pinagdausan ko ng pag-aaral sa Bibliya ay sa wakas naging mga Saksi ni Jehova. Kapag tinatalakay ang boksing sa aking mga estudyante, nagbibigay ako ng payo na ginagamit ang aking bagong natamong kaalaman. Ito ay nakatulong sa akin nang malaki sa espirituwal na paraan. Ito ang nag-udyok sa akin na gumawa ng maraming pagsusuri sa sarili at umakay sa akin na isagawa ang aking ipinapangaral.

Kaya’t iniwan ko ang daigdig ng boksing at huminto ako ng “pagsuntok sa hangin.” Totoo, nawalan ako ng daan-daang tinatawag na mga kaibigan pati ng lumilipas na kaluwalhatian at kabantugan. Bilang kapalit, saganang pinagpala ni Jehova ang aming pamilya. Kami ngayon ay may tunguhin sa buhay at ang matuwid na layunin ng Kaharian na ipagtatanggol, hindi sa pamamagitan ng kamao, mga paa, at sopistikadong mga paraan sa pakikipaglaban, kundi sa pamamagitan ng espirituwal na mga sandata. (Eclesiastes 2:11; 4:4; Efeso 6:14-17)​—Gaya ng isinaysay ni Christian Paturel.

[Blurb sa pahina 16]

Lahat ng kasaysayan ng tao ay nagkatugma-tugma sa iisang huwaran, isang kahanga-hangang layunin na wala akong kabatiran hangga noon

[Blurb sa pahina [17]

Sino sa Kingdom Hall ang mag-aakala na ang aking bag ay punô ng mga gloves sa boksing?

[Kahon sa pahina 15]

Pranses na Boksing at Savate

Ang Pranses na boksing ay isang amatyur na labanan sa palakasan na ipinahihintulot ang paggamit ng mga paa at kamao. Sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, ang Pranses na si Charles Lecour ay gumanap ng malaking bahagi sa paggawa ng mga tuntunin nito. Pinagsama niya ang mga tuntunin ng Ingles na boksing kung tungkol sa mga pagsuntok sa iba pang tuntunin para sa mga pagsipa o pagtadyak, batay sa obserbasyon sa mga manlalaban sa mga lansangan sa Paris. Ang Pranses na boksing ay naging napakapopular, at maraming tao ang nagsasagawa nito, pati na ang kilalang mga awtor na gaya ni Alexandre Dumas at Théophile Gautier.

Sa ngayon, ang savate/Pranses na boksing ay napakaraming mapagpipiliang mga pagsipa at mga suntok at makabagong mga paraan ng pagsasanay. Ang tunguhin ay katulad din ng sa Ingles na boksing: manalo alin sa pamamagitan ng knockout, sa pamamagitan ng pag-urong ng kalaban, o mga puntos. Karaniwan na, kaunting mga suntok ang tumatama kaysa Ingles na boksing dahilan sa malaking distansiya sa pagitan ng magkalaban. Gayunman, ang mga pagsipa ay maaaring maging napakapanganib, kaya ipinalalagay ito na isa sa mas marahas na labanan sa palakasan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share