Alistong Paggamit ng “School” Broshur
ANG Samahang Watchtower ay naglalathala ng isang broshur na pinamagatang “School and Jehovah’s Witnesses.” Ang layunin nito ay ipaalam sa mga guro at sa iba pang mga awtoridad ng paaralan ang mga paniniwala ng Saksi na nakakaapekto sa pakikibahagi sa mga gawain sa paaralan. Ang sumusunod na ulat ng isang tin-edyer na Saksi ay nagpapakita sa potensiyal ng gayong mga paglalaan kapag alisto at mabisang ginagamit ng mga Saksi ang mga ito.
“Kinuha ko ang isang talaan ng mga superintendente at iba pang mga administrador ng mga paaralan sa Georgia. Ang mga broshur ay ipinadala sa mga nasa Atlanta at kalapit na mga dako. Nagpadala ako ng 350 at tumanggap ako ng mga kahilingan para sa 2,000 karagdagang kopya. Dinalaw namin ng aking tatay ang 42 mga punung-guro. Marami ang nagpahayag ng pagpapahalaga at nagsasabi na sana ‘lahat ng mga relihiyon ay maglaan ng gayong nakatutulong na impormasyon.’ Sa karamihan ng mga paaralang dinalaw, isang broshur ang ibinigay sa bawat homeroom titser, at mga kopya ang inilagay sa mga aklatan ng paaralan.
“Karagdagan pa sa broshur, nakapagsakamay rin kami ng 32 kopya ng aklat na Your Youth, Getting the Best out of It at 140 kopya ng labas ng Awake! tungkol sa ‘Pang-aabuso sa Bata.’ Ang ilang mga punung-guro ay humingi ng pahintulot na gamitin ang ilang bahagi mula sa mga magasin para sa babasahin ng paaralan, PTA bulletin, at sa mga pahayag sa mga asamblea ng mga mag-aaral. Isang punung-guro ang nag-anyaya sa amin na bumalik at magsalita sa mga guro tungkol sa mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova. Ang aking tatay ay nagsalita sa loob ng 20 minuto, at pagkatapos kami ay nakapagsakamay ng ilan pang mga aklat at magasin. Gayundin, tumanggap kami ng kahilingan mula sa tanggapan ni Mr. Samuel Wallace ng Planning and Expanded Services sa Atlanta. Siya ay humiling ng mga kopya ng broshur at ng magasing Awake! para sa bawat isa sa 30 mga social worker na dumadalaw sa mga mababang paaralan bilang mga tagapayo.
“Bukod pa rito, tumanggap kami ng apat pang mga kahilingan para sa kabuuang 450 mga broshur. Ang mga binhi ng katotohanan ay naitanim, at inaasahan namin na masusubaybayan ng mga magulang ang interes na maaaring ipakita ng mga guro kapag ang kanilang mga anak ay magbalik sa klase sa taglagas.”—B.L., Norcross, Georgia.