“School and Jehovah’s Witnesses”—Ang Broshur ay Tumutulong
Kakailanganin ng mga batang magbabalik sa paaralan sa pasukan ang lahat ng tulong na kinakailangan nilang matanggap, lalo na yaong mga nagsisikap na sumunod sa maka-Diyos na mga simulain. Dalawang taon na ang nakalipas ang 32-pahinang publikasyong School and Jehovah’s Witnesses ay inilaan upang ibigay ang tulong na ito.
BILANG isang pamilya, nirepaso na ba ninyo ang mga nilalaman ng School and Jehovah’s Witnesses? Pansinin ang panimulang mga salita ng publikasyon: “Ang broshur na ito ay inilathala upang mapaunlad ang pagkakaunawaan at pagtutulungan sa pagitan ng mga Saksi ni Jehova at ng mga awtoridad sa paaralan. Hangad namin na makipagtulungan sa lahat na gumagawa ukol sa ikapagtatagumpay ng pangunahing mga programa sa edukasyon na iniaalok sa paaralan.”
Kaya marahil ay nanaisin ninyong tiyakin na ang mga guro at mga prinsipal ay tumanggap ng personal na kopya. “Mahalaga na makilala ng mga magulang ang mga guro ng kanilang mga anak—gumagawa ng mga kaayusan upang makilala at makausap sila,” sabi ng broshur. Kaya, kung ang guro ay hindi pa nakatatanggap ng broshur, ang pakikipagkitang ito ay isang angkop na panahon upang iharap ito at ipaliwanag ang mga nilalaman nito. Tunay na ito’y isang tulong!
Tulong sa mga Guro
Isang ina mula sa Peoria, Illinois, ay sumulat: “Ang guro ng aming anak na lalaki ay nagpasalamat sa amin nang maraming ulit sa pagbibigay sa kaniya ng broshur. Sinabi niya na ito ay nakatulong sa kaniya ‘hindi lamang upang makisama kundi upang maunawaang talaga ang katayuan ng mga Saksi sa maraming isyu.’
“Dahil dito, napanatili naming bukás ang linya ng komunikasyon. Sinabi pa nga sa amin ng guro ng aming anak na lalaki na madalas niyang gamitin ang broshur, at kung hindi niya tiyak kung dapat makibahagi ang aming anak sa ilang gawain ng paaralan, titingnan niya sa broshur bago ang klase at tahimik na ipagagawa sa kaniya ang ibang proyekto kung kinakailangan. . . .
“Maraming beses na siya ay sumulat sa aming mag-asawa para sa higit pang mga paliwanag. Nakapagbigay kami ng karagdagang impormasyon sa kaniya sa buong taóng paaralan, at naipaliwanag namin ang maraming mga maling impormasyon na taglay niya tungkol sa mga Saksi.
“Tunay na natamo ng broshur na ito ang layunin nito sa aming kaso, ang paggawa ng mas mabuting kaugnayan sa pagitan ng paaralan, estudyante, at mga magulang.”
Kung minsan maaaring hindi wastong nauunawaan ng isang guro ang mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos siya ay nagkakaroon ng repustasyon na hindi nakikipagtulungan. Isang ina mula sa Salem, Oregon, ang sumulat tungkol sa guro ng kaniyang anak na babae na nasa ikatlong baitang na may gayong repustasyon:
“Hindi pa natatagalan pagsisimula ng klase ginanap ang aming unang miting ng mga magulang at guro. Iniharap ko sa guro ang broshur na School and Jehovah’s Witnesses. Ipinakita ko sa kaniya ang saloobin nito na pakikipagtulungan, ipinakikita na ang bayan ni Jehova ay nais na makipagtulungan sa mga guro. Iminungkahi ko na baka nais niyang basahin at itago ang broshur na ito bilang isang patnubay para maunawaan ang aming anak at ang iba pang mga estudyanteng Saksi na maaaring mapasailalim niya sa darating na mga taon.
“Nabigla ako sa kaniyang tugon, yamang inaasahan ko na ito ang aking unang karanasan sa isang hindi nakikipagtulungang guro. May pananabik na kinuha niya ang broshur, binuklat ito at taimtim na nagsabi na talagang pinahahalagahan niya ang pagkakaroon ng isang bagay na nagpapaliwanag ng ating mga paniniwala at mga gawain.
“Nagbalik ako pagkaraan ng mga ilang araw at tinanong ko ang guro kung napag-ukulan ba niya ng panahon na basahin ang broshur. Sinabi niya na naupo siya sa kama at binasa ito nang lubusan—mula sa simula hanggang sa wakas. Sumang-ayon siya na napakahusay ng paghaharap ng impormasyon; labis niyang pinahahalagahan ang pagkakaroon nito. Sinabi ko sa kaniya na kung mayroon siyang anumang mga katanungan tungkol dito o sa mga pagkilos ng aming anak ay ipaalam lang sa akin. Tiniyak niya sa akin na gagawin niya ang gayon.
“Pagkaraan ng isang buwan, samantalang ang klase ay abalang naghahanda para sa Halloween, ipinakita sa amin ng aming anak na babae ang isang sánayang aklat o workbook at ipinaliwanag na siya lamang sa klase ang mayroon nito. Ibinigay ito sa kaniya ng kaniyang guro at sinabi sa kaniya na ito ang kaniyang gagawin kailanma’t ang klase ay gumagawa ng bagay na inaakala niyang hindi niya dapat gawin.
“Ang broshur na ito, ang School and Jehovah’s Witnesses, ay tunay na ang pinakamahusay na piraso ng taktika at espiritu ng pakikipagtulungan at pagiging praktikal.”
Maraming iba pang pamilya na ginamit ang broshur na School ang gumawa ng kahawig na mga kapahayagan. Sila ay nasisiyahan sa positibong pagtugon ng mga guro na nagpapahalaga sa mga tuntunin na inilalaan doon.
Tulong sa mga Estudyanteng Saksi
Sa partikular, ang mga estudyanteng Saksi ay nakikinabang, at marami ang nagpahayag ng pasasalamat. Isang batang babae mula sa Ontario, Canada, ay nag-uulat:
“Ang aming guro sa history ay nakikipag-usap sa klase tungkol sa kung ano ang palagay niya kapag ang mga tao sa larong hockey at iba pang mga laro ay hindi tumatayo sa pambansang awit. Sinabi niya na ito ay kawalang-galang hindi lamang sa bansa kundi sa iba pa. Nais ko siyang kausapin pagkatapos ng klase, subalit hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na gawin ang gayon. Sa halip ako ay sumulat sa kaniya at inilakip rito ang broshur. . . . Sa aking pagtataka sinagot niya ang aking sulat. Ganito ang kaniyang isinulat.
“‘Ang iyong relihiyosong mga paniniwala ay sarili mo. Ang mga ito ay totoong personal, karapat-dapat na igalang at isaalang-alang mo at niyaong mga nanghahawakan sa inyong pananampalataya. Pakisuyo, huwag mong isipin na ang aking mga palagay at mga opinyon ay isang pagpula sa iyo o sa iyong mga paniniwala. Sisikapin kong magkaroon ng mga saloobin ng paggalang at pagpapahinuhod at aktibong tatangkilik sa anumang karapatan ng tao sa kalayaan sa relihiyon. . . . Salamat sa broshur, ito ay totoong nagbibigay-liwanag.’”
Sa tuwina ang broshur na School ay nakatulong sa mga guro upang pahalagahan ang mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova at maunawaing pakitunguhan ang mga estudyante. Sa gayon ang mga kabataan na nagsisikap na makiayon sa mga maka-Diyos na simulain ay natulungan. Gaya ng sabi ng isang batang babae mula sa Ontario: “Ginawa nitong mas madali para sa amin na makipag-usap sa mga guro at kapuwa mga estudyante tungkol sa aming paniniwala.” Kaya’t tiyakin na ang mga guro ay tumanggap ng broshur at pasiglahin sila na basahin ito.