Ang Daigdig ng mga Batirya
ANG isang batirya ay isang batirya, tama? Mali! Depende sa gamit at kinakailangang laki, may malaking pagkakaiba sa daigdig ng mga batirya.
Pangunahin na, ang batirya ay isang kagamitan na bumabago sa kemikal na enerhiya tungo sa elektrikal na enerhiya. Ang dalawang pangunahing uri ay tinatawag na primarya at sekondaryo (o imbakan) na mga batirya. Ang kaibhan ay na ang huling banggit ay maaaring muling kargahan (recharged), na nangangahulugan na ang reaksiyong kemikal na gumagawang elektrisidad o koryente ay maaaring baligtarin, sa gayo’y isinasauli ang kakayahan ng batirya na gumawa ng koryente at lubhang napapahaba o napapatagal ang gamit nito. Dahilan sa kamahalan nito, ang pagbili ng batiryang muling nakakargahan ay praktikal lamang kung ito ay gagamitin nang madalas, gaya ng sa isang radyo na ginagamit araw-araw, kung ihahambing sa isang plaslait na ginagamit lamang paminsan-minsan. Higit pa riyan, hindi dapat kaligtaan kung ano ang nasasangkot sa muling pagkakarga.
Kabilang sa mas karaniwang primaryang mga batiryang pantahanan ang sumusunod:
Regular: Ang pinakamatanda at pinakamurang klase. Sandali lang ang gamit nito at mabilis na humihina sa matinding init o lamig. Madali rin itong tumagas.
Heavy-duty: Karaniwan nang itinuturing na isang mas mahusay na bersiyon ng regular na batirya. At samakatuwid ay mas mahal.
Alkaline: Umaandar na mas mabuti sa sukdulang mga temperatura, mas nagtatagal, hindi madaling tumagas, at pinakamahal sa tatlong uri.
Miniature (butones): Ginagamit sa mga kagamitang nangangailangan ng kaunting lakas (sa mga hearing aids, mga relo). Ito ay may mahabang buhay subalit mahal.
Mga Mamimili ng Batirya, Mag-ingat sa Sumusunod:
Pagbili ng mga batirya salig lamang sa presyo. Kung ang gamit ninyo ng batirya ay katamtaman hanggang malakas at madalas, makabubuting bumili ng mas mamahaling batirya (alkaline), na mas nagtatagal. Para sa mga bagay na ginagamit lamang paminsan-minsan (mga plaslait, bihirang gamiting mga radyo), ang mas murang batirya ay sapat na.
Pagbili ng mga batirya na mahina na dahilan sa matagal na pagkakaimbak sa mga istante. Upang matiyak na bagong batirya ang iyong nakukuha, humanap ng isang tindahan na may mabilis na pagpapalit ng paninda.
Pag-iimbak ng mga batiryang hindi ginagamit sa lugar na mainit o basa. Ang mga batirya ay napananatiling pinakamabuti sa isang malamig, tuyong dako, halimbawa, selyado sa mga bag na plastik sa loob ng palamigan. Gayunman, bago alisin sa plastik hayaan munang umabot ito sa temperatura ng silid, upang maiwasan ang pagkalawang ng mga terminal.
Ang pag-aakala na ang lakas ng lahat ng mga batirya ay pare-pareho. Paaandarin ng mga pamantayang batirya o heavy-duty ang isang aplayans (nabibitbit na TV, kamerang video, cassette player) na mahusay kapag ito ay bago, subalit yamang hindi pabagu-bago ang boltahe ng mga batiryang alkaline, mabuting serbisyo ang ibibigay nito hanggang sa wakas sa halip na unti-unting paghina.
Pagsasama ng bago at luma o pagsasama ng iba’t ibang uri ng mga batirya. Ang pagsasama ay tatagal lamang hanggang sa itatagal ng pinakamahinang batirya.
Makalimutang alisin karakaraka ang gastado nang mga batirya upang maiwasan ang pagtagas. Dapat ding alisin ang mga batirya kapag hindi ginagamit ang mga kagamitan, o kapag ang mga kagamitan ay paaandarin sa pamamagitan ng koryente sa loob ng mahabang panahon.
Paglalagay ng uring-butones na batirya sa inyong bibig o hayaang paglaruan ito ng mga bata. Kung di-sinasadyang malulon, ang panloob na pagkasunog ay maaaring magbunga ng malubhang pinsala o kamatayan pa nga.
Kaya sa susunod na panahon na kailanganin mong bumili ng mga batirya para sa iyong nabibitbit na radyo, relo, calculator, tape recorder, o iba pang mga aplayans, tandaan na sa daigdig ng mga batirya, may malaking pagkakaiba.