Mula sa Aming mga Mambabasa
Kaso sa Hukuman Hindi ko mapigilang magpahayag ng aking pagpapasalamat sa artikulong “Muling Humarap ang mga Kristiyano sa Mataas na Hukuman ng Jerusalem.” (Nobyembre 8, 1994) Ilang ulit ko itong binasa at natuwa ako sa nangyari. Dahil sa nanindigan si Ariel Feldman alang-alang sa matuwid na bagay, isang kahanga-hangang patotoo ang naibigay.
A. I. B., Brazil
Mga Baterya Ang hanapbuhay ko ay mga baterya at ibig ko kayong pasalamatan sa tudling ng “Pagmamasid sa Daigdig” na “Mapanganib na mga Baterya.” (Agosto 22, 1994) Subalit may isang mahalagang bagay ang wala sa tagubilin sa jump-start na ibinigay ng magasing Snow Country, yaon ay, ang itim na kable ang dapat na huling ikabit.
P. R., Canada
Salamat sa inyong pangkaligtasang tip.—ED.
Umaaliw ang Gumising! Nabasa ko ang artikulo na “Mga Magasing Nagbibigay ng Praktikal na Kaaliwan” (Enero 8, 1995), at ako man ay nagtagumpay sa pamamahagi ng luma nang mga labas ng Gumising! Pangkaraniwan nang ipinagpapasalamat ng mga tao ang anumang tulong na maipagkakaloob sa kanilang mga problema. Isang babae ang nagsabi sa akin na ang kaniyang anak na lalaki ay may Attention Deficit Hyperactivity Disorder. Binigyan ko siya ng labas na “Pag-unawa sa mga Batang Mahirap Supilin” (Nobyembre 22, 1994), at humiling siya ng 30 pang kopya para ibigay sa kaniyang mga kaibigan!
D. Q., Estados Unidos
Pagkatapos kong mabasa ang artikulong “Mga Magasing Nagbibigay ng Praktikal na Kaaliwan,” hinagilap ko ang luma kong mga magasin upang suriin kung makakakita ako ng ilan na maaaring ipamigay sa mga propesyonal. Sa kasalukuyan ako’y nakapunta na sa isang day-care center, ilang punerarya, isang bilangguan ng mga kabataan, isang pampublikong paaralan, at sa lupon ng edukasyon ng bayan. Mabilis na naubos ang mga magasin ko!
D. R., Estados Unidos
Pagiging Walang Asawa Salamat sa artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Kapag ang Pagiging Walang Asawa ay Isang Kaloob.” (Pebrero 8, 1995) Sa aming lugar, napakahalaga ng pag-aasawa; ipagtutulakan ka ng Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae na mag-asawa. Hindi ko gaanong pinag-iisipan ang pag-aasawa hanggang nito na lamang umedad ako ng 30. Pagkatapos ay nakadama ako ng pangangailangan para sa kasama. Ako’y nagpapasalamat kay Jehova dahil sa paglalaan ng artikulong ito sa panahon na hindi na ako makapagtiis.
E. M. A., Estados Unidos
Dalawang taon na ang nakaraan na ako’y naging isang payunir, isang buong-panahong ebanghelisador, at habang lumilipas ang panahon, higit at higit kong nababatid kung gaano kasiya-siya na maglingkod kay Jehova “nang walang abala.” Ipinasiya ko na manatiling walang asawa—dumating ang artikulo sa tamang panahon.
G. V., Italya
Mga Kausuhan Sa inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Mga Kausuhan—Dapat ba Akong Sumunod?” (Disyembre 8, 1994), binanggit ninyo ang paglalagay ng tatú. Nagulat ako na nakaligtaan ninyong banggitin ang utos sa Levitico 19:28: “Huwag ninyong lagyan ng tatú ang inyong mga sarili.”
L. D., Estados Unidos
Ang mga salitang ito ay totoong makapagbibigay ng matalinong-unawa sa pag-iisip ng Diyos hinggil sa bagay na ito. Mangyari pa, ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Batas Mosaiko. (Colosas 2:14) Gayunman, makabubuting isaisip ng mga indibiduwal ang kasulatang ito kapag nagpapasiya kung ano ang gagawin hinggil sa bagay na ito. Ang iniulat na mga panganib sa kalusugan at ang impresyon na maaaring ibigay nito sa iba ay karagdagang mga salik na dapat timbangin nang husto ng isang Kristiyano.—ED.
Anim na buwan na ang nakalipas nang ako’y nakiuso at nagpalagay ng tatú sa aking sakong. Sa tuwing titingnan ko ang aking sakong, napaaalalahanan ako ng aking ipinasiya. Napag-isip-isip ko kung ano kayang pag-aalinlangan mayroon ang iba sa akin ngayon tungkol sa aking pagkatao. Nag-aalala rin ako kung ako’y kinatitisuran ng iba sa kongregasyon. Mag-iisip ako nang mas maingat sa susunod na magkaroon ng kausuhan.
S. C., Estados Unidos