Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 3/8 p. 14-15
  • “Kanser—Dinadaig Ko Ito”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Kanser—Dinadaig Ko Ito”
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Lakas Upang Makaligtas
  • Mga Paraan Ukol sa Kaligtasan
    Gumising!—1994
  • Breast Cancer—Ano ang Dapat Asahan? Paano Ito Makakayanan?
    Gumising!—2011
  • Kung Ano ang Dapat Malaman ng mga Babae Tungkol sa Kanser sa Suso
    Gumising!—1994
  • Madadaig Mo Ba ang Kanser?
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 3/8 p. 14-15

“Kanser​—Dinadaig Ko Ito”

SI Rose Marie ay isang napakaligaya, palakaibigang taga-Texas na nasa kaniyang edad 60’s. Una niyang natuklasan na mayroon siyang isang bukol o tumor noong 1964, halos kasabay ng kaniyang pagmemenopos. Isinasaysay niya rito ang kaniyang nakapagpapatibay-loob na kuwento:

Nang una kong mapansin na mayroon akong bukol sa aking suso, nabahala ako kung ano kaya ito. Kaya dinala ako ng aking asawa sa ospital para marikonosi. Iyan ang nakatatakot na bahagi​—pag-upo at paghintay sa hatol o pasiya. Nang sa wakas ay sabihin sa akin na maaaring magkaroon ako ng kanser sa suso, nagugunita kong para bang may sumipa sa akin sa sikmura. Saka nagsimula ang isang yugto ng pag-aalinlangan​—aling landasin ang dapat naming kunin? Iginigiit ng ibang doktor ang pag-opera, subalit ang iba naman ay inirirekomenda ang mapagpipiliang paggamot. Paano kami nagpasiya?

Ang aking asawa ay nakipag-usap sa isang kaibigang doktor na nagsabi na samantalang ang karamihan ng mga bukol sa suso ay hindi grabe, may posibilidad na maaari itong maging grabe. Kaya ang mapagpipilian ay, dapat ba kaming makipagsapalaran at iantala ang pag-opera o dapat ba naming ipaalis karakaraka ang bukol? Napagpasiyahan naming dalawa na ako ay magpaopera. Ang bukol ay inalis at sinabing hindi grabe. Ako ay nakahinga nang maluwag.

Noong 1965 natuklasan ko ang isa pang bukol sa suso ring iyon. Ito’y isang balakid subalit hindi isang pagkatalo. Minsan pa akong nagpaopera, at ang bukol na iyon ay hindi rin grabe. Sa makasagisag na diwa, pigil-pigil ko ang aking hininga samantalang ang lahat ng bagay ay mabuti ang kinalabasan sa loob ng dalawang taon. Pagkatapos, noong 1967, lumitaw ang ikatlong bukol sa suso ring iyon. Ipinag-utos ng mga doktor ang isang maingat na pagsusuri at lumitaw na ito ay grabe. Ang suso ay kailangang alisin. Kaya, pagkalipas ng isang buwan ako ay dumanas ng isang “payak” na mastectomy.

Lumipas ang walong taon nang walang anumang problema. Inaakala ko na nadaig ko na ang kanser. Subalit noong 1975 nakasumpong ako ng isang bukol sa aking kabilang suso. Dahilan sa aking nakaraang kasaysayan, pinili ng mga doktor na alisin ang susong iyon. Upang tiyakin na hindi kakalat ang kanser, ipinag-utos din nila ang isang serye ng paggagamot sa pamamagitan ng radyasyon. Inaamin ko na ang paraang ito ay nakatakot sa akin. Bakit gayon?

Sa tuwina, kailangan kong maghintay na kasama ng ibang tao na ginagamot din sa pamamagitan ng radyasyon. Ang kanilang mga mukha at mga katawan ay may tandang kulay pula na siyang patatamaan ng radyasyon. Iyan ay isang magulong tanawin. Pagkatapos kailangang magtungo ako sa pantanging silid na ito ng radyasyon sa ganang sarili. Para bang ito’y lubhang nakatatakot sapagkat alam ko na naroon ang di-nakikitang puwersang ito na sumisira ng aking himaymay, ang grabe pati na ang mabuting himaymay. Gayumpaman, nagkaroon ako ng 30 mga paggamot sa pamamagitan ng radyasyon sa loob halos ng 15 linggo. Mula noon kinailangan ko lamang ang dalawang maliit na pag-opera ng hindi grabeng mga bukol sa aking likod at ulo.

Lakas Upang Makaligtas

Ako’y totoong nagpapasalamat na ako’y buháy pa 22 mga taon pagkatapos lumitaw ng aking unang bukol. Ano ang nakatulong sa akin na magpatuloy sa panahon ng mga pagsubok na ito? Una sa lahat, ang aking matulunging asawa. Gumawa siya ng mga kaayusan na samahan ako sa tuwing magpupunta ako sa ospital, pati na nang ako’y nagpapagamot sa pamamagitan ng radyasyon. Inaakala ko na talagang kailangan mo ang isang mabuting kaibigan o kamag-anak na nagpapatibay-loob o sumusuporta sa iyo kapag ikaw ay nagtutungo sa ospital. Subalit ito ay kinakailangang malakas, positibong tao, hindi sentimental. Mababaw ang luha ko, at hindi ko kailangan ang isa na pinalalakas-loob ako sa bagay na iyan.

Nasumpungan ko rin na ang aking mga doktor ay isang malaking tulong. Kami ay mapalad na magkaroon ng isang doktor na katulad ni Dr. James Thompson, isa sa pinakamagaling noon. Napakabait niya at maalalahanin kahit na doon mismo sa operating room. Prangka rin siya tungkol sa aking kalagayan, nang hindi naman nagiging malupit at tahasan kung magsalita.

Natutuhan kong huwag laging isipin ang aking kalagayan. Lagi kong pinupuno ang aking isipan at aking buhay ng interesanteng mga bagay at gawain. Mahilig akong magbasa, subalit ang mga kuwento ay dapat na may masayang mga paksa. Ayaw kong mag-isip ng tungkol sa nakatatakot na mga bagay. At hindi ko kayang panoorin sa TV ang mga kuwentong may kaugnayan sa ospital!

Ano ang nakatulong sa akin nang ako ay may sakit? Isang bagay na pinahalagahan ko ay lahat niyaong mga card at mga liham na nagsasabing gumaling sana ako. Talagang nakapagpapatibay-loob na malaman na napakaraming nag-aalala sa akin. Kapag ikaw ay may sakit, hindi sa lahat ng panahon ay nais mong tumanggap ng bisita, subalit ang kanilang mga card ay pinasasalamatan. Mangyari pa, kapag may dumadalaw, pinahahalagahan ko yaong nagbibigay ng nakapagpapatibay at positibong mga komento. Hindi gugustuhin ng sinuman na malaman ang tungkol sa ilang kamag-anak na namatay dahil sa kanser tatlong taon na ang nakalipas! Kaya ang pagiging sensitibo sa mga damdamin ay pinahahalagahan kapag ang mga bisita ay dumadalaw sa may sakit.

Mangyari pa, bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, malaki ang naitulong sa akin ng aking pananampalataya. Hanggang sa makakaya ko, naging abala rin ako sa ministeryong Kristiyano. Ang pangangaral at pagtuturo ng pag-asa ng Bibliya tungkol sa bagong sistema ng Diyos at ang pagkabuhay na mag-uli ay tumulong sa akin upang lalong tumibay ang aking pananampalataya. Ngayon, sa 1986 (nang isulat ito), ako ay maligaya na ako’y nabubuhay pa at nagagawa ko pang punuin ang aking buhay ng gawain sa paglilingkod kay Jehova.​—Isinulat.

Ang pagsulong sa paggamot ng kanser sa nakalipas na mga taon ay nagpangyari sa ilang mga pasyente na mangailangan lamang ng payak na pag-aalis ng bukol o lumpectomy. Gayunman, ang pagpili ng paggagamot ay depende sa maraming salik.​—Ed.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share