Kapag Nawala Na ang Kanser
“Sa taóng 2100 ang mga pagsulong sa mahalagang pananaliksik sa biyolohiya ay maaaring magpahintulot ng pag-iingat sa kanser sa pamamagitan ng mga paraan na ngayo’y lubhang di-inaasahan.”—The Causes of Cancer.
SANG-AYON sa hula ng Bibliya, ang kanser ay mawawala na sa mas malapit na panahon, at tiyak “sa pamamagitan ng paraan na ngayo’y lubhang di-inaasahan” ng mga manunulat ng aklat na sinipi sa itaas. Bakit namin sinasabi iyan?
Sapagkat si Kristo Jesus, na sinugo sa lupa mahigit na 1,900 taon na ang nakalipas, ay binigyan ng kapangyarihan na magsauli ng buhay at kalusugan sa sangkatauhan. Noong minsan, kahit na hindi nakikita ang pasyente, pinagaling niya ang aliping lalaki ng isang opisyal ng hukbong Romano na “nararatay sa bahay na lumpo, at lubhang nahihirapan.” (Mateo 8:5-13) Noong isa pang pagkakataon, pinagaling niya ang nilalagnat na biyenang-babae ng kaniyang alagad na si Pedro. Paano niya ginawa ito? “Hinipo niya ang kaniyang kamay, at naibsan siya ng lagnat, at siya’y nagbangon.”—Mateo 8:14-17.
Ipinakikita ng isang pagsusuri sa ministeryo ni Jesus na pinagaling niya ang iba’t ibang karamdaman ng mga tao ng kapuwa mga sekso at ng iba’t ibang edad. Ibinalik niya ang kalusugan ng pilay, baldado, bulag, at pipi, ng epileptiko, ng paralitiko, ng isang babaing pinahihirapan ng pagdurugo, ng lalaking may tuyot na kamay, at ng isa pang lalaki na may manas. Bumuhay rin siya ng mga tao mula sa mga patay. Paano niya ginawa ito? Ito ba’y sa pamamagitan ng pantanging uri ng paggagamot?
Sa katunayan, hindi ito paggagamot sa pamamagitan ng hipnotismo, o paggagamot sa sikolohikal na paraan, o ng anumang iba pang uri ng medikal na pamamaraan. Ni ito man ay dahilan sa personal na karunungan, kaalaman, o kapangyarihan ni Jesus. Ito ay isang makahimalang pagpapagaling mula sa isang sobrenatural na Pinagmumulan. (Mateo 8:17; Isaias 53:4) Ang espiritu at kapangyarihan ng kaniyang Ama ang nagpangyari ng pagpapagaling na iyon. Gayunman, isinagawa lamang ito sa isang minoridad ng mga may sakit noong kaarawan ni Jesus, at hindi nito nahadlangan yaong mga napagaling sa pagkamatay noong dakong huli. Kung gayon ano nga ang layunin nito?
Ang pagpapagaling na isinagawa ni Jesus ay tumuturo sa isang araw kapag ang lahat ng masunuring sangkatauhan ay makikinabang sa pagsasauli ng bigay-Diyos na mga kaloob ng kalusugan at buhay. Kaya taglay natin ang kinasihang pangako ng Bibliya: “Narito! Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at siya’y mananahan na kasama nila, at sila’y magiging kaniyang mga bayan [dito sa lupa]. . . . At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man, o ng panambitan man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”—Apocalipsis 21:3, 4.
Kabilang sa mga dating bagay na iyon na lilipas ay ang kanser, pati na ang mga sanhi nito. Sa ilalim ng pamamahala ng gobyernong Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, ang nakamamatay na mga salik pangkapaligiran ay papawiin. Ang nakapanghihinang kaigtingan ay aalisin, at ang sistema ng imyunidad ng tao ay kikilos na gaya ng nilayon dito. Ang malulusog na katawan ay makikipagtulungan sa malulusog na mga isipan, na nakasentro sa tunay na espirituwal na mga kahalagahan.—Isaias 33:24; 35:5, 6.
Para ba itong mahirap paniwalaan? Gayunman, gaya ng sinasabi ng Bibliya, taglay natin ang garantiya ng Diyos: “At ang Isang nakaupo sa trono ay nagsabi: ‘Narito! ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay. . . . Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.’” (Apocalipsis 21:5) Ito ang buháy na pag-asa na nagpapalakas sa mga Saksi ni Jehova na nagtitiis ng mga pinsala ng kanser, ang iba ay nagtitiis pa nga ng kamatayan. Alam nila na ang Diyos na Jehova ay nangako ng “mga bagong langit at isang bagong lupa.”—Isaias 65:17, 18.