Pagmamasid sa Daigdig
Nangangampaniya Para sa Kapayapaan
May kaugnayan sa Taon ng Kapayapaan ng UN (1986), “isang kagila-gilalas na pandaigdig na selebrasyon” ang binalak sa Episcopal Cathedral of St. John the Divine, New York City, noong Oktubre 22. Sang-ayon sa isang broshur na pinamagatang “The Million Minutes of Peace” (Ang Milyong Sandali ng Kapayapaan), ang sukdulan nito ay “isang pambihira, pandaigdig na programa ng bayan” na ginanap sa 42 mga bansa sa buong kahabaan ng sinundang buwan. Ang mga tagapagtaguyod nito, pati na ang Brahma Kumaris World Spiritual Organization, ay inilarawan ito bilang isang “pangglobong pagsisimula [para sa] tanging layunin na pagsasama-sama ng mga tao mula sa iba’t ibang etniko, pulitikal at relihiyosong mga pinagmulan sa isang programa upang tangkilikin at itaguyod ang kapayapaan.” Tiniyak ni Arsobispo Giovanni Cheli (Permanenteng Tagapagmasid ng Santa Sede sa UN) ang mga tagapag-organisa “ng aming pakikipagtulungan at mga panalangin para sa kapayapaan,” at si Mother Teresa ay nagpahayag, “Ipagdarasal kong lubha ang tagumpay ng pangyayaring ito.” Ang pagdiriwang “ay sinundan ng internasyonal na pagtatanghal ng Multi-Milyong mga Sandali ng Kapayapaan sa Kalihim Panlahat ng UN noong Araw ng Nagkakaisang mga Bansa, noong Oktubre 24, 1986.”
“Huling Araw” Malapit Na?
Kamakailan, sinikap ng dalawang iskolar na taga-Nigeria na iugnay ang kasalukuyang mga pangyayari sa daigdig sa katapusan ng mundo. Sinipi ni Femi Abbas, sumusulat sa kaniyang pitak na “Islam” sa National Concord, ang pangulong Ronald Reagan ng E.U. na nagsasabi na noong 1983 ang “Armagedon na nababasa nating lahat sa Bibliya ay malamang na mangyari sa ating panahon.” Ang pangungusap ni Reagan, sulat ni Abbas, “ay isa lamang bahaging katuparan ng mga palatandaan ng Huling Araw,” na sinasabi ni Abbas na inihula ni Muhammad. Binanggit ng isa pang iskolar, si M. A. Ajomo, propesor ng internasyonal na batas sa University of Lagos, sa kaniyang lektyur na “Pandaigdig na Kapayapaan at Katiwasayan” na ang mga lindol, mga digmaan, at mga sakit na gaya ng AIDS kamakailan ay “mga tanda ng katapusan,” ulat ng New Nigerian.
Isang-Anak na Patakaran ng Tsina
Sa pagsisikap na bawasan ang mabilis na paglago ng populasyon, pinasimulan ng Tsina ang isang-anak na patakaran noong 1979. Bumalangkas din ng mga kota kung ilang mga anak ang maaari sa bawat pamayanan. Sang-ayon kay Qian Xinzhong, direktor ng Komisyon ng Estado sa Pagpaplano ng Pamilya, mahigit na kalahati ng populasyon ang ngayo’y wala pang 21 taóng gulang. Ang mga mag-asawa na sumusunod sa pagkakaroon lamang ng isang anak ay tumatanggap ng higit na espasyo ng tirahan at mas mataas na mga pensiyon, pati na ang libreng medikal na pangangalaga at prayoridad na matanggap sa paaralan at trabaho ang kanilang mga anak sa dakong huli. Gayunman, ang patakaran ay lumikha ng ilang mga problema. Dahil sa ang lahat ng atensiyon ay ibinibigay sa isang anak, ang programa ay lumikha ng mga anak na “mapagpalayaw, mapag-imbot, malasarili, hindi nag-iintindi, at hindi kayang pangalagaan ang kanilang mga sarili,” sabi ni Dr. Yan Chun ng Beijing Children’s hospital. Maraming bata rin ang naging sobra ang taba.
Kalupitan sa TV
Pagkatapos suriing maigi ang kompletong programa ng dalawang pangunahing Alemang mga channel ng TV sa loob ng isang linggo, napansin ng Ministri sa Edukasyon ng Bavaria ang “nakababahalang mga hilig.” Ang malupit na mga eksena ay sa katamtaman lumilitaw isa sa bawat walong minuto, at ang mga programa sa pagitan ng 5:00 n.h. at 8:00 n.g.—yaong karaniwang pinanonood ng mga bata—ay naglalaman ng pinakamataas na antas ng pagsalakay, sabi ng mga mananaliksik na Aleman. Ang pamahalaan ng Bavaria, ayon sa pahayagang Frankenpost, ay nagbabala: “Ang mga magulang at mga katiwala ay tinatawagan na ingatan ang mga bata mula sa di-mapigil na panonood ng TV at mula sa malupit na mga eksena na nakikita sa screen ng TV. Ito ay posible sa pamamagitan ng maingat na pagpili sa mga programa nang patiuna, gayundin sa pamamagitan ng pagbabantay sa mga pelikula sa TV kung hapon at maagang bahagi ng gabi.”
Mga Pamilya ng Nagsosolong Magulang
Ang mga babae ang ulo ng pamilya sa 80 porsiyento ng lahat ng mga pamilya ng nagsosolong magulang sa Pransiya, sang-ayon sa isang surbey na iniulat sa pahayagang Le Monde ng Paris. (Mahigit ng kaunti sa 6 na porsiyento ng lahat ng mga sambahayang Pranses ay mga pamilya ng nagsosolong magulang.) Ipinakikita ng surbey na ang mga pamilya ng nagsosolong magulang na “ang ibang mga babae ay nagdiborsiyo sa kadahilanang ‘kalayaan’ upang mahulog lamang sa higit na materyal at emosyonal na pagkaumaasa, ngayon kung tungkol sa kanilang mga anak.”
Pinakamalaganap na Inaabusong Droga
Binanggit ng mga awtoridad sa kalusugan na taga-Australia ang alkohol at tabako na siyang pinakamalaganap na inaabusong droga sa Australia. Yamang ito kapuwa ay maaaring bilhin nang legal, ang mga ito ay tinawag na “legal” na mga droga kung ihahambing sa napakaraming droga na labag sa batas o ilegal, mula sa heroin hanggang sa LSD. Ang legal na mga drogang ito ang nakatagong mga salarin, ulat ng The Australian. Taun-taon 30 ulit na mas maraming tao ang namamatay rito kaysa roon sa namamatay sa mga epekto ng lahat ng iba pang mga droga na pinagsama. “Ang mga problema na dala ng ilegal na mga droga ay bale wala kung ihahambing sa pagkalaki-laking mga problema na dinaranas natin sa pagkasugapa sa alkohol,” sabi ng manedyer ng Victorian Alcohol and Drug Foundation.
Mga Baril—Mapanganib sa Tahanan
“Malamang na aktuwal na pinararami, hindi binabawasan, ng mga tao ang kanilang panganib sa marahas na kamatayan sa pagkakaroon ng isang baril sa tahanan,” sabi ni Dr. Arthur Kellerman sa isang report na inilathala sa The New England Journal of Medicine. Isinisiwalat ng pananaliksik na sa bawat pagpaslang sa pamamagitan ng isang baril dahilan sa pagtatanggol-sa-sarili sa isang tahanan na nagmamay-ari ng baril, mayroong 43 pagpapakamatay, homisidyo, o di-sinasadyang mga kamatayan dahilan sa sandata. Ang mga biktima ay nasumpungang 12 ulit na mga kaibigan o kakilala kaysa mga estranghero. Kahit na hindi isama sa estadistika ang pagpapatiwakal, ang mga kamatayan ay 18 ulit na mas madalas sa gitna ng mga membro ng sambahayan kaysa sa mga estranghero dahilan sa mga baril sa tahanan. Dahil sa gayong mga tuklas, si Dr. Kellerman ay nagbababala: “Ang pagkanararapat ng pag-iingat o pagtatago ng mga sandata sa tahanan para sa proteksiyon ay dapat na pag-alinlanganan.”
Ang Populasyon ng Rhino ay Naglalaho
Ang itim na rhino, dati’y malaganap sa kalakhang bahagi ng ekuwatoryal na Aprika, ay mabilis na naglalaho. Noong 1969 iniulat ng soologong si A. K. K. Hillman ang 15,000 itim na rhino sa Kenya lamang. Ngayon, mayroon na lamang 9,000 ang natitira sa buong Aprika. Ano ang nag-uudyok sa pagpatay? Banidad at maling paniniwala. “Mahigit na 50% ng sungay ng rhino ay nagtutungo sa Hilagang Yemen upang gawing mga tatangnan ng punyal,” sulat ni Lucy Vigne sa Earthscan Bulletin. Ang mga lalaki na taga-Yemen ay magbabayad ng $6,000 (U.S.) para sa isang punyal na may tatangnan na yari sa sungay ng rhino. “Ang iba pa ay nagtutungo sa Silangang Asia para sa gamit sa medisina.” Ang pinulbos na sungay ng rhino ay sinasabing pumupukaw ng seksuwal na pagnanasa at maaaring magkahalaga ng $450 ang isang onsa.
Paghahangad Para sa Kapayapaan
Ano ang nanaising makita ng mga Suiso para sa sangkatauhan sa pangkalahatan sa 1986? Kinapanayam ng Demoscope, isang Suisong institusyon na nagsusurbey, ang kinatawang pangkat ng 517 mga mamamayan at nasumpungan nila na nais masaksihan ng 49 porsiyento ang kapayapaan sa buong daigdig at makitang maglaho ang mga digmaan at mga magulong dako, ulat ng pahayagang Suiso na Basler Zeitung. Para sa kanilang sarili, ang paghahangad ng isang maligayang buhay pampamilya ang pinakamahalaga sa 37 porsiyento. Ikalawa, inaasahan nilang mabuhay nang mapayapa sa kanilang mga kapuwa at sa kapaligiran. Para sa mga kabataan, gayunman, ang isang karera at tagumpay ay siyang pinakamahalaga.
Ehersisyo at Pagtanda
Bakit ang karamihan ng mas matandang mga tao ay mayroong mas mabagal na reaksiyon sa panahon kaysa sa mga kabataan? Isang pangkat ng mga mananaliksik sa University of Texas sa Austin ay naniniwala na ito’y dahilan sa mga pagbabagong dala ng pagtanda sa kimika ng utak. Sa mga pag-aaral sa daga, natuklasan ng mga mananaliksik na napananatili ng mga dagang nag-eehersisyo araw-araw ang mas mabilis na reaksiyon sa panahon habang sila ay nagkakaedad kung ihahambing sa mga daga na hindi nag-eehersisyo. “Ang ehersisyo ay hindi magpapabata sa isang matandang tao,” sabi ni Dr. Richard E. Wilcox. “Subalit dahilan sa mga epekto nito sa kimika ng utak, ang ehersisyo ay maaaring magkaroon ng mas malakas na positibong impluwensiya sa reaksiyon sa panahon kaysa dati nating inaakala na posible.”
Mga Droga at Krimen
Ang mga awtoridad ng pulisya ay mayroon na ngayong “matibay na ebidensiya” na ang “mga droga ang tanging pinakamalaking pinagmumulan ng krimen,” sang-ayon sa U.S.News & World Report. Sa isang pag-aaral kamakailan ng Kagawaran ng Hustisya, tiniyak na sa lahat niyaong inaresto sa kriminal na mga paratang sa Washington, D.C., at New York City, dalawang-ikatlo ang nasumpungang may bakas ng ilegal na mga droga sa kanilang mga sistema—dalawang ulit ang dami sa antas na inaasahan ng mga dalubhasa. Sang-ayon sa report, ang drogang pinipili ng karamihan ay ang cocaine.
Pagpapatiwakal ng mga Indian
Ipinakikita ng Pederal na mga estadistika na ang dami ng pagpapatiwakal sa gitna ng mga katutubong Indian ng Canada ay mas marami kaysa sa lahat ng iba pang panlahi at etnikong mga pangkat sa daigdig, sang-ayon sa The Toronto Star. Mula noong 1978 hanggang 1982 sa Alberta, mayroong 146 na mga Indian na nagpakamatay—isang katumbasan na 61 sa bawat 100,000 mga Indian, o halos apat na ulit niyaong sa lalawigan bilang kabuuan. Si Menno Boldt ng University of Lethbridge ay nagsabi: “Hindi pa ako nakakita ng katibayan ng anumang panlahing pangkat [na ang dami ng pagpapatiwakal] ay halos kasindami ng nararanasan ng mga Indian.”
Iligtas ang mga Kagubatan
Habang ang Internasyonal na Taon ng Kagubatan ay nagtapos noong nakaraang Disyembre (1985), ang UN Chronicle ay nag-ulat: “Taun-taon, mahigit na 27 milyong acre (11 milyong ektarya) ng tropikal na mga kagubatan, isang lawak na mas malaki kaysa Austria, ang nawawala.” Ang Food and Agriculture Organization ng UN ay nagbabala na “kung ang kasalukuyang bilis ng pagkalbo sa kagubatan ay magpapatuloy, ang marami sa tropikal na kagubatan ng daigdig ay masisira.” Kung ang hilig na ito ay magpatuloy, tinatayang 10 hanggang 20 porsiyento ng mga halaman at buhay hayop ng lupa ay malilipol sa taóng 2000 malibang ihinto at baligtarin ang pagkalbo sa kagubatan.
‘Sinusunog ang Kanilang Huling Dayami’
Angaw-angaw na mga tao sa Third World ang nauubusan ng panggatong na kahoy at ngayon ay ginagamit ang dayami, natirang mga ani, at dumi ng hayop na pinaka-gatong. Subalit sa paggawa nito, sabi ng Earthscan, isang base-London na tagapagbalita tungkol sa mga suliranin sa pag-unlad at sa kapaligiran, ang iba ay maaaring kinukuha ang kanilang “huling ikot sa isang pababang ekolohikal na paikid.” Bakit? Ang mga magsasaka na napakadukha upang bumili ng abono ay sinusunog ngayon ang tanging abono na nakukuha nilang walang bayad, ang dumi ng mga hayop, na nagbubunga ng mas mahinang mga ani. At sa mga lugar na nakakalbo na ang mga kagubatan, ang paggamit ng dayami ay nagpapalubha sa suliranin ng erosyon o pagkaagnas ng lupa. Ang Earthscan ay nagkukomento: ‘Sinusunog ng mahihirap na mga magsasaka ang kanilang huling dayami.’
Nakamamatay na mga Problema
Ang First European Symposium on Suicidal Behavior, na ginanap kamakailan sa Munich, ay nagsiwalat na ang karamihan sa 13,000 mga pagpapakamatay na nakatala taun-taon sa Pederal na Republika ng Alemanya ay ginagawa ng mga lalaki na mahigit 70 taóng gulang. Tinataya ni Propesor H. J. Möller na ang mga pagtatangkang magpatiwakal ay 10 hanggang 20 ulit ng iniulat na bilang, sang-ayon sa pahayagang Aleman na Süddeutsche Zeitung. Ang pagbukod sa lipunan at ang kawalang-kakayahang lutasin ang mga suliranin ay mga salik sa panganib sa karamihan ng mga pagpapatiwakal. Ang makabagong kausuhan o hilig na tanggapin ang karapatan ng isa na magpatiwakal ay nakababahala sa mga saykayatris.