Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 6/8 p. 29-30
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Siksikang mga Lunsod
  • Ipinagbabawal ng mga Italyano ang Pangangaso
  • Ang Halaga ng Katawan
  • Bagong Gamit ng mga Buntot ng Kangaroo
  • Rikonosi sa Pamamagitan ng Tunog
  • Nakamamatay na Galit sa Trapiko
  • Pandaigdig na Rekord ng Pi
  • Alak mula sa Goma
  • Labis-Labis na Pagkilos at ang Asukal
  • Mga Laruan para sa Emosyon
  • Isang Lubhang Mahalaga at Mahirap Ipaliwanag na Numero
    Gumising!—2000
  • Pagpapadagta Mula sa Goma—Isang Trabahong Nakaaapekto sa Iyong Buhay
    Gumising!—1996
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1996
  • Hindi Lamang Basta Laruan
    Gumising!—2008
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 6/8 p. 29-30

Pagmamasid sa Daigdig

Siksikang mga Lunsod

Ang pagdami ng populasyon sa maraming lunsod ay maaaring pagmulan ng malubhang kahirapang pangkabuhayan at panlipunan at humantong sa kaguluhang pampulitika at pangkapaligiran, babala ng mga dalubhasang nagkatipon sa isang komperensiya ng United Nations noong nakaraang Pebrero. Tinataya ng UN na sa taóng 2000, ang lunsod ng Cairo ay lálakí mula sa kasalukuyang 9 na milyong mga tao tungo sa 13 milyon, ang lunsod ng Manila mula sa 8.6 na milyon tungo sa 11.1 milyon, at ang Mexico City mula sa 19 na milyon tungo sa 26 na milyon. “Ang pagkalaki-laking mga lunsod na ito ay nagiging mga mitsa o panganib ng lipunan​—ang mga punlaan ng himagsikang panlipunan, alitan at kaguluhan ng mamamayan,” sabi ni Werner Fornos, presidente ng Population Institute, sa The New York Times. “Kasabay ng dami ng populasyon ang mga problema, kaya ang mga problema ay titindi.” Gayunman, hindi lahat ng mga dalubhasa ay humuhula na ang pagsasalunsod ay magbubunga ng kapahamakan. “Ito’y isang masalimuot na isyu​—walang paglalahat na maaaring gawin tungkol sa katatagan ng lipunan,” sabi ni Ellen Brennan, isang opisyal ng UN may kaugnayan sa populasyon.

Ipinagbabawal ng mga Italyano ang Pangangaso

Ang tinatayang 1.5 milyong mga mangangaso ng Italya ay nawawalan ng pagsang-ayon ng bayan, gayon ang natuklasan ng isang surbey na inilathala sa pahayagan sa Roma na La Repubblica. Sang-ayon sa surbey, hindi itinuturing ng 62.5 porsiyento ng 1,200 mga tao mula sa lahat ng antas ng lipunan na kinapanayam ang pangangaso na isang anyo ng palakasan at nais nilang makitang ito’y alisin. Ang tunay na palakasan, sa kanilang paningin, ay kapag ang mga magkalaban ay maaaring magharap nang patas. “Hindi na ipinahihintulot ng mga Italyano ang pangangaso, ang mga mangangaso, ang kanilang mga organisasyon, ang kanilang mga pribilehiyo,” sabi ng ulat.

Ang Halaga ng Katawan

Minsa’y nasabi na ang katawan ng tao, batay sa halaga ng kemikal na mga sangkap nito, ay nagkakahalaga lamang ng $1.98 (U.S.). Iyan ay lubhang nagbago. Ang halaga ng katawan ng tao ngayon ay sinasabing mahigit $200,000 (U.S.) at tumataas pa. Ano ang dahilan ng pagkakaiba? “Ang himaymay ay kinukuha upang ilipat sa iba (transplantation), para sa pananaliksik at pagririkonosi at para sa terapeutikong mga produkto,” sabi ng The New York Times. “Noong 1985, halos 8,000 mga bató (kidney) at 20,000 mga cornea ang inilipat sa iba; ang paglilipat ng puso ay isinagawa sa dami na 1,200 sa bawat taon.”

Bagong Gamit ng mga Buntot ng Kangaroo

Sa bawat taon libu-libong mga tao ang dumaranas ng malubhang mga pinsala sa tuhod dahil sa mga aksidente sa kotse, pagkadupilas sa pag-iiski, or sa iba pang mga aksidente sa palakasan. Kadalasan nang kinakailangan ang operasyon upang palitan ang nasirang mga litid kapag ang mga ito ay hindi gumaling. Hanggang kamakailan, ang mga litid ng baka ay napatunayang isang mabisang kahalili ng napinsalang mga litid na ito. Gayunman, ngayon, ang mga mananaliksik sa Sydney, Australia, ay nagsasabi na ang mga litid sa buntot ng kangaroo ay “mas nababaluktot kaysa mga litid ng baka” at “sapat na matatag upang matagalan ang puwersa o bigat.” Sang-ayon sa The Australian, maaaring mayroong “40 tuhod ng tao sa bawat buntot ng kangaroo.” Bagaman ang sopas na mula sa buntot ng kangaroo ay ipinalalagay ng iba na isang piling pagkain, malamang na mas kaunting buntot ang gagamitin sa pagluluto at higit na buntot ang gagamitin sa mga pangangailangan sa operasyon sakaling maging matagumpay ang hinaharap na mga operasyon sa tuhod.

Rikonosi sa Pamamagitan ng Tunog

Maaaring rikonosihin ng mga doktor sa ospital ng Safdarjung sa New Delhi, India, ang mga balì sa buto sa paggamit lamang ng isang stethoscope at isang tuning fork, ulat ng The Times ng London. Ang mabilis, hindi masakit na pamamaraang ito ay dumidepende sa paghahatid ng mga sound wave sa loob ng mga buto. Halimbawa, ang isang balì sa femur (buto sa hita) ay humahadlang sa paghahatid ng tunog mula sa tuning fork na inihampas at idiniin sa bayugo ng tuhod. Naririnig ng doktor, na nakikinig sa kaniyang stethoscope na nakalagay sa balakang, ang isang mahinang tunog o kung minsan ay wala pa ngang tunog. Sa mga pagsubok sa mga pasyenteng may mga balì sa buto sa hita o lulod, ang pamamaraang ito na “osteophonic” ay tama sa 94 na porsiyento ng mga kaso, kung ihahambing sa 88 porsiyento kung saan ang ginamit ay ang dating klinikal na pamamaraan ng pagrikonosi.

Nakamamatay na Galit sa Trapiko

Nakasungaw sa bintana ng kaniyang kotse, binaril ng isang tsuper sa California ng isang 9mm semiawtomatik ang limang kabataan, tinatamaan ang isang kabataan sa paa at napatay ang isa pa. Ang dahilan? Pag-aaway, sabi ng pulisya, na udyok ng buhul-buhol na trapik. Ang mga awtoridad sa gawing Timog ng California ay lubhang nababahala sa pagguho ng ugali ng mga tsuper, sabi ng The Herald, isang pahayagan sa California. Sa isang pagtatalo dahil sa isang pagkayupi ng depensa ng awto sa isang kalye sa Hollywood, isang lalaki ang kumuha ng isang baril sa trungkal o likuran ng kaniyang kotse at binaril ang mga pasahero ng nakapinsalang sasakyan. Isang lalaki ang napatay at isa pa ang nasugatan. Binabanggit ng pulisya ang maliliit sa halip na ang malalaking mga aksidente na siyang sanhi ng maraming pag-aaway na nauugnay sa trapiko. Binabalaan ng mga opisyal ang mga motorista na “iwasan ang mga komprontasyon, lalo na sa matrapik na mga lansangan kung saan nag-aalab ang galit.”

Pandaigdig na Rekord ng Pi

Ang mailap na halaga na pi, ang katumbasan ng sirkomperensiya ng isang bilog sa diyametro nito, ay nakalkula na ngayon hanggang sa 133,554,000 decimal place! Ito ay isang pagsulong ng 100,000,000 decimal place kaysa dating rekord, na naitala noong nakaraang Setyembre. Bagaman nalalaman ng mga matematisyan na imposibleng katawanin ang eksaktong halaga ng pi sa decimals, nakita ng mga mananaliksik ang mas eksaktong halaga nito sa tulong ng mga computer. Hawak-hawak mismo ang pandaigdig na rekord, ginamit ni Yasumasa Kaneda ng Tokyo University sa Hapón ang isang supercomputer at gumugol siya ng 37 oras upang pahabain ang rekord. Upang iimprenta ang bilang, 19,000 mga pilyego ng papel ang ginamit. Bakit niya isinagawa ang proyektong ito? “Wala itong pinagkaiba sa pag-akyat sa isang bundok,” sabi ni Kaneda, “dahilan lamang sa naroroon ito.”

Alak mula sa Goma

Ang paggawa ng alak mula sa tirá ng goma ay maaaring magtinging isang kalabisan sa mga eksperto sa mahuhusay na alak, subalit nagawa na ito, at ang alak ay sinasabing lasang “katulad ng alak mula sa bigas ng Hapón.” Gaya ng iniulat sa pahayagan sa Canada na The Globe and Mail, isang kasunduan ay nilagdaan sa pagitan ng Malaysian Rubber Research and Development Board at ng Yokohama Rubber Co., Ltd., ng Hapón “upang pag-aralan ang mga paraan ng paggamit ng mga tirá mula sa mga pabrika ng goma nito upang gawing anumang bagay mula sa alak hanggang sa mga abono.” Ilang komersiyal na produksiyon ay inaasahan sa loob ng dalawang taon. Inaasahan nila na ito ay magiging isang paraan ng paglutas sa mga suliranin ng polusyon at masamang amoy na dala kapag ang mga tirá ay itinatapon sa dagat.

Labis-Labis na Pagkilos at ang Asukal

Paniwala na ng marami sa loob ng maraming taon na ang labis-labis na pagkain ng asukal ang dahilan ng labis-labis na pagkilos (hyperactivity) ng mga bata. Subalit gayon nga ba? Sang-ayon sa isang report na inilathala sa Massachusetts General Hospital Newsletter, ang mga propesyonal sa medisina ay gumagawa ng higit pang pagsasaalang-alang tungkol sa bagay na ito. Sa isang pag-aaral na kinasasangkutan ng mga batang ang mga pamilya’y nagsabi na ang mga batang ito na may “masamang reaksiyon sa asukal,” pagkaraang isagawa ang isang serye ng mga eksperimento, ay walang nakitang pagbabago sa pag-uugali. Ang kahawig na mga pagsubok ng mga mananaliksik na pinag-aaralan ang iba pang mga bata ay nagbigay ng kahawig na mga resulta. “Ang nasumpungang ilang mga pagbabago sa pagkilos,” sabi ng Newsletter, “ay nagpapahiwatig ng umunting pagkilos​—sa halip na dumami​—kasunod ng pagkain ng asukal.”

Mga Laruan para sa Emosyon

Ang mga may sapat na gulang sa Tokyo ay bumibili ng mga manika para sa kanilang sarili, ulat ng Asahi Evening News. Ang dahilan? Kalungkutan, sabi ng mga negosyante ng laruan. Bagaman ang karamihan ng mga manika ay dating ipinagbibili para sa mga batang babae sa pagitan ng mga edad na tatlo at sampung taon, ang mga estudyante, mga manggagawa sa opisina, at pati na ang mga lola ay nag-uuwi ng mga ito bilang mga kasama. Isang popular na manika ay nagsasabi, “Huwag kang mag-alala tungkol sa maliliit na mga bagay” at, “Magkaroon ka ng isipan na gaya ng Karagatang Pasipiko.” Isa pang manika, na walang kamay at paa ay nagsasabi, “Magtatagumpay ako sa anumang paraan.” Ipinaliliwanag ng mga tagagawa at mga negosyante ng laruan ang di pangkaraniwang bagay na isang maliwanag na pagsisikap na punan ang agwat sa komunikasyon na nadarama ng mga maninirahan sa lunsod. Gaya ng paliwanag ng isang mamimili, ang kaniyang “mga apo ay napakalayo upang dumalaw nang madalas.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share