Sa Pagbabasa Nang Malakas ay Nagiging Kasiya-siya ang Pagkatuto
“KASUNOD ng pagyapos sa inyong anak,” sabi ni Jim Trelease, awtor ng The Read-Aloud Handbook, bigyan ang inyong anak ng “bahagi ng inyong kaisipan at bahagi ng inyong panahon.”
Papaano? Sa pamamagitan ng pagbabasa sa kaniya nang malakas at madalas maaga sa kaniyang buhay, ang mungkahi ni Trelease. Ang karanasan at mga pakinabang na matatanggap mo at ng iyong anak ay nagtatagal. Sa anong paraan? Hindi lamang ipagugunita ng gayong pagbasa ang mga alaala ng mahalagang mga sandali kapag ang bata ay malaki na kundi tutulungan din nito ang iyong anak na maging mas mabuting mambabasa at mag-aaral din naman. Malilinang din ng iyong anak ang kaniyang mga kasanayan sa paningin sapagkat matututuhan niyang ituon ang kaniyang pansin sa isang larawan. Halimbawa, sa gulang na 18 buwan maaari nang makilala ng isang bata ang larawan ng isang tuta, at maaari niyang maunawaan ang salita bago pa niya mabasa ito. Karagdagan pa, hindi lamang susulong ang mga kasanayan sa pagbasa, pagsulat, pagsasalita, pakikinig, at pagguniguni ng iyong anak kundi susulong din ang kaniyang saloobin sa pagiging isang mabuting mambabasa—masisiyahan siya sa pagbabasa.
“Kailan ako makakasumpong ng panahon o lakas na bumasa nang malakas sa aking mga anak?” ang kadalasang daíng ng naliligalig na mga magulang.
Ganito ang sabi ni Jim Trelease: “Ang ama na nagsasabing siya’y pagod na pagod upang bumasa sa kaniyang mga anak ay ginagamit ang dalawang mata ring iyon upang manood ng maraming palabas sa telebisyon.”
Upang baligtarin ang saloobing ito, ibinabahagi ng awtor na si Trelease ang mga pahiwatig na ito sa hinaharap na mga mambabasang-magulang:
1. Basahin ang tamang mga aklat. Hindi naiibigan ng karamihang mga bata ang mga aklat na nangangaral sa kanila. Datapuwat nasisiyahan sila sa mga kuwentong may labanan o mga suliraning nilulutas. Gayunman, tiyakin na ang bata ay handa na sa emosyonal na paraan sa aklat sa pamamagitan ng pagbabasa mo rito nang patiuna.
2. Piliin ang pinakamabuting panahon. Ang pagbabasa sa iyong anak maaga sa umaga, kapag siya ay magulo o balisa, ay marahil hindi siyang pinakamabuting panahon. Ang iba ay nagbabasa sa kanilang anak kapag ang bata ay nakaupo sa mataas na silya o kapag nagmimirienda. Ang natural na paboritong panahon ay bago matulog. Sa panahong iyon ang bata ay mayroong mas mahabang atensiyon.
3. Harapin ang hamon. Walang masama sa pagbabasa ng isang aklat na ang bukabularyo ay higit kaysa pang-unawa ng bata. Maaaring bigyan ng magulang ng isang payak na kahulugan ang isang salita, ipaliwanag sa ibang pananalita, o lagtawan ang mahihirap na bahagi.
4. Gamitin ang inyong mga kasanayan sa pagbabasa. Ang pagbabasa nang malakas ay nangangailangan ng mabuting paghinga at bilis ng pagbabasa. Kung may alinlangan ka tungkol sa iyong pagbabasa, irekord mo sa tape ang isang kuwento, pakinggan ito, at saka sukatin o tantiyahin ang iyo mismong mga kasanayan sa pagbabasa.
5. Masdan ang haba o tagal ng atensiyon. Totoo, ang isang magandang kuwento ay makakaakit sa interes ng iyong anak, subalit alamin mo na maaaring hindi siya magbigay ng buong pansin sa kuwento. Gayunman, may matututuhan siya mula rito.
6. Maging matiyaga. Gaya ng ilang mga adulto na nasisiyahang mapanood ang iyo’t iyunding pelikula nang paulit-ulit, nais mapakinggan ng mga bata ang kanilang paboritong kuwento nang paulit-ulit sapagkat sila ay nakatutuklas ng bagong mga bagay sa bawat panahon. Kaya sa halip na alisin ang isang paboritong aklat, basta magdagdag ng isang bagong kuwento.