Pakikinggan Mo Ba ang Babala ng Napipintong Malaking Kapahamakan?
ANG ilang likas na malaking kapahamakan ay nagpapangyari ng pagkasira sa mga buhay ng tao; ang iba, malaking pagkawasak sa buhay at ari-arian. Gayunman, karaniwan nang apektado ng gayong mga sakuna ang maliit na bahagi lamang ng lupa at ng populasyon nito sa anumang panahon. Gayunman, nakakaharap ng ating kasalukuyang salinlahi ang isang malaking kapahamakan na pambuong-lupa ang laki na makakaapekto sa lahat ng sangkatauhan.
Hindi, hindi ito isang digmaang nuklear sa pagitan ng mga superpower, bagaman iyan ay maaaring maging isang kapangi-pangilabot na kapahamakan. Bagkus, pinag-uusapan natin ang tungkol sa ipinahayag na layunin ng Diyos na alisin ang lahat ng kasamaan mula sa ibabaw ng lupa.
Ang lawak ng kapahamakang ito ay binanggit ni Jesus sa kaniyang hula patungkol sa wakas ng sistema ng mga bagay: “Sapagkat kung magkagayo’y magkakaroon ng malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, oo, ni mangyayari pa man kailanman. Sa katunayan, malibang paikliin ang mga araw na yaon, walang laman na maliligtas.”—Mateo 24:3, 21, 22.
Nailigtas Nila ang Kanilang Buhay
Inihambing ni Jesus ang pambuong-daigdig na kapahamakang ito sa isang mas naunang pandaigdig na sakuna, ang Baha noong kaarawan ni Noe, na ang sabi: “Sapagkat kung paano ang mga araw ni Noe, gayundin ang pagkanaririto ng Anak ng tao.” (Mateo 24:37) Binabanggit ng Bibliya na noong mga panahon bago ang Baha “ang kasamaan ng tao ay lubhang laganap sa ibabaw ng lupa at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay pawang kasamaan na lamang palagi.” Sinabi ni Jehova: “Aking lilipulin ang mga tao na aking nilalang sa ibabaw ng lupa.”—Genesis 6:5-8.
Kung tungkol kay Noe, ganito ang mababasa natin sa Hebreo 11:7: “Sa pananampalataya si Noe, nang paunawaan ng Diyos tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, dala ng banal na takot ay naghanda ng isang arka sa ikaliligtas ng kaniyang sambahayan.” Si Noe, ang kaniyang asawa, at ang kaniyang mga anak na lalaki at ang kani-kanilang mga asawa ay naingatang buháy na lahat sa Baha.
Gayunman, hindi pinansin ng lahat ng iba pa sa sangkatauhan nang panahong iyon ang ibinigay na babala. Sang-ayon sa mga salita ni Jesus, ang mga tao noong panahong bago ang Baha, ay “nagsisikain at nagsisiinom, nag-aasawa ang mga lalaki at pinag-aasawa naman ang mga babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka; at hindi nila pinansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.”—Mateo 24:38, 39.
Noong mga kaarawan ni Lot, ipinasiya ng Diyos na ipahamak ang mga naninirahan sa Sodoma at Gomora dahilan sa kanilang napakalalang imoralidad. Gayunman, sila ay patuloy na ‘nagsikain at nagsiinom, sila’y nagsibili at nagbibili, sila’y nagtatanim at nagtatayo’ na para bang walang mangyayari. Bagaman binabalaan ni Lot ang kaniyang mga mamanugangin tungkol sa panganib, ‘sa kanilang paningin siya ay gaya ng isang taong nagbibiro.’ Subalit, nagpaulan ang Diyos ng apoy at asupre mula sa langit, nililipol silang lahat. Sinunod ni Lot at ng kaniyang mga anak na babae ang babala at iniligtas ang kanilang buhay.—Lucas 17:28, 29; Genesis 19:12-17, 24.
Babala Noong Panahon ni Jesus
Noong kaarawan ni Jesus tinanggihan ng mga Judio ang Salita ng Diyos alang-alang sa kanila mismong mga tradisyon, at tinanggihan din nila ang Anak ng Diyos bilang ang Kristo, o Mesiyas. Ipinasiya ng Diyos na igawad ang kaniyang hatol sa kanila at sa kanilang maluwalhating lunsod, ang Jerusalem, sa pamamagitan ng mga hukbong Romano. Si Jesus ay nagbigay ng babala tungkol dito at sinabi niya sa kaniyang mga alagad kung paano maliligtasan ang hatol na iyon. Sabi niya:
“Pagkakita ninyo sa kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng kagibaan, ayon sa sinalita sa pamamagitan ni Daniel na propeta, na nakatayo sa dakong banal, . . . kung magkagayo’y magsimula na ng pagtakas sa mga bundok ang mga nasa Judea.” At: “Kapag nakita ninyong nakukubkob ng nagkampong mga hukbo ang Jerusalem, kung magkagayo’y talastasin ninyo na malapit na ang kaniyang pagkagiba. Kung gayon ang mga nasa Judea ay magsimulang tumakas tungo sa mga bundok, at ang mga nasa loob ng bayan ay lumabas, at ang mga nasa parang ay huwag pumasok sa bayan; sapagkat ito ang mga araw ng paglalapat ng katarungan, upang matupad ang lahat ng nasusulat.” (Mateo 24:15, 16; Lucas 21:20-22) Panahon ito ng apurahang pagkilos, ang isang tao ay hindi man lamang mag-aaksaya ng panahon upang kunin ang kaniyang materyal na mga ari-arian. Sabi ni Jesus: “Ang nasa bubungan ay huwag bumaba upang maglabas ng mga bagay sa loob ng kaniyang bahay; at ang nasa bukid ay huwag magbalik sa bahay upang kumuha ng kaniyang panlabas na kasuotan.”—Mateo 24:17, 18.
Noong taóng 66 C.E., ang Jerusalem ay pinaligiran ng mga hukbong Romano sa ilalim ni Cestius Gallus, bilang katuparan ng hula ni Jesus. Ang mga Romano, na sa katunayan ay sinisira ang pader ng templo at sa gayo’y tumatayo sa dakong banal ng mga Judio, ay isang bagay na kasuklam-suklam sa mga Judio. Ang nagbababalang hudyat ay naroroon subalit walang pagkakataon upang tumakas. Pagkatapos hindi inaasahang inalis ni Cestius Gallus ang kaniyang mga hukbo. Ang mga Kristiyano ay nagsitakas tungo sa mga bundok. Gayunman, ang karamihan ng mga tao ay nanatili sa lunsod, at ang iba pang mga Judio ay patuloy na pumaroon para sa kanilang relihiyosong mga kapistahan.
Noong 70 C.E., nang ang lunsod ay punúng-punô ng mga magdiriwang ng Paskua, ang mga hukbong Romano sa ilalim ni Heneral Tito ay bumalik na may paghihiganti at kinubkob ang Jerusalem. Hindi nagtagal ang mga pader ay binutas, ang templo at ang buong lunsod ay winasak, at sang-ayon sa mananalaysay na si Josephus, 1,100,000 katao ang namatay, at 97,000 na mga nakaligtas ang ipinagbiling alipin sa Ehipto at sa ibang mga lupain. Ito ang sinapit niyaong hindi nakinig sa babala ni Jesus. Nailigtas niyaong mga tumakas mula sa lunsod, gaya ng iniutos ni Jesus, ang kanilang buhay.
Pakinggan ang Babala Ngayon
Ang hula ni Jesus, na nakatala sa Mateo 24, Marcos 13, at Lucas 21, ay magkakaroon ng mas malaking katuparan. Tandaan, sinasagot din ni Jesus ang tanong ng kaniyang mga alagad tungkol sa tanda ng kaniyang pagkanaririto, kung saan iniuugnay ng Bibliya ang wakas ng isang buong sistema ng mga bagay ng sanlibutan. (Daniel 2:44; Mateo 24:3, 21) Ibinalangkas ni Jesus na ang kaniyang pagbabalik, o pagkanaririto, na hindi makikita ng mata, ay kakikitaan ng isang tanda na binubuo ng mga digmaan, kakapusan ng pagkain, mga lindol, salot, paglago ng katampalasanan, pag-uusig sa kaniyang mga alagad, panggigipuspos ng mga bansa, at ang mga tao’y nahihintakutan dahil sa takot at paghihintay ng mga bagay na darating sa tinatahanang lupa.—Mateo 24:7, 8, 12; Lucas 21:10, 11, 25, 26.
Sino ang makapagkakaila na naranasan na ng salinlahi sapol noong Digmaang Pandaigdig I ang pagdami ng lahat ng hapdi ng pagdurusa? Upang maunawaan ng mga tao ang kahalagahan ng mga bagay na ito, inihula ni Jesus: “At ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Masigasig na ipinangaral na ng mga Saksi ni Jehova ang mabuting balitang ito ng Kaharian sa mahigit na 200 mga lupain at sa mga 200 iba’t ibang wika, binabalaan ang mga tao tungkol sa napipintong pagsasagawa ng hatol ng Diyos. Kung tungkol doon sa mga makakakita sa pasimula ng mga hapdi ng pagdurusa, na nagsimula noong Digmaang Pandaigdig I, sinabi ni Jesus: “Ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.”—Mateo 24:34.
Ang paraan ng pagsunod sa babala ni Jesus ay, hindi sa pamamagitan ng pagtakas sa literal na mga bundok o pagtakas sa ibang dako ng lupa, kundi ang pagbaling sa tunay na Diyos, si Jehova, at alamin ang kaniyang paglalaan ukol sa kaligtasan ng buhay. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pakikipag-alam doon sa nagbibigay ng babalang ito, ang mga Saksi ni Jehova, hinahayaan silang makipag-aral ng Bibliya sa iyo, at pakikisama sa kanila.
Kung ang pakikinig sa babala ay mahalaga sa sampung libong Haponés na nakaligtas sa pagkawasak mula sa isang bulkan, gaano pa nga kahalaga para sa atin na kumilos ngayon upang tanggapin ang proteksiyon ni Jehova mula sa pambuong-daigdig na pagkawasak sa panahong ito ng katapusan!
[Larawan sa pahina 10]
Sa pakikinig sa babala, naligtasan ni Lot at ng kaniyang mga anak na babae ang pagkawasak