Ang Pagbibigay-Pansin ang Nagligtas sa Kanilang Buhay
SI Jesu-Kristo ay patiunang nagbabala hinggil sa wakas ng Judiong sistema ng mga bagay na nakasentro sa templo sa Jerusalem. Hindi siya nagbigay ng petsa kung kailan ito magaganap. Subalit inilarawan niya ang mga pangyayaring hahantong sa pagkawasak na iyon. Hinimok niya ang kaniyang mga alagad na manatiling mapagbantay at tumakas mula sa mapanganib na lugar na iyon.
Inihula ni Jesus: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napaliligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na.” Sinabi rin niya: “Kapag nakita ninyo ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang . . . na nakatayo sa isang dakong banal, . . . kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magsimula nang tumakas patungo sa mga bundok.” Hinimok ni Jesus ang kaniyang mga alagad na huwag nang bumalik upang iligtas ang kanilang materyal na mga tinatangkilik. Kailangan nilang tumakas agad upang iligtas ang kanilang buhay.—Lucas 21:20, 21; Mateo 24:15, 16.
Upang sugpuin ang nagluluwat na himagsikan, pinangunahan ni Cestius Gallus ang hukbong Romano laban sa Jerusalem noong 66 C.E. Pinasok pa nga niya ang lunsod at kinubkob ang templo. Nilukob ng pagkakagulo ang lunsod. Nakita ng mga nananatiling mapagbantay na malapit nang dumating ang kasakunaan. Subalit posible pa kayang makatakas? Sa di-inaasahang pangyayari, pinaurong ni Cestius Gallus ang kaniyang mga sundalo. Tinugis sila ng mga naghihimagsik na Judio. Ito na ang pagkakataon upang tumakas mula sa Jerusalem at sa buong Judea!
Nang sumunod na taon, nagbalik ang mga sundalong Romano sa pangunguna ni Vespasian at ng kaniyang anak na si Tito. Nilukob ng digmaan ang buong bansa. Noong unang mga taon ng 70 C.E., nagtayo ang mga Romano ng isang kuta na may matutulis na tulos sa paligid ng Jerusalem. Hinarangan nila ang lahat ng puwedeng daanan upang makatakas. (Lucas 19:43, 44) Nagpatayan sa isa’t isa ang mga pangkat sa loob ng lunsod. Ang mga natira naman ay alinman sa pinatay o binihag ng mga Romano. Wasak na wasak ang lunsod at ang templo nito. Ayon sa unang-siglong Judiong istoryador na si Josephus, mahigit na isang milyong Judio ang nagdusa at namatay. Hindi na muling naitayo kailanman ang templong iyon.
Kung ang mga Kristiyano ay nanatili sa Jerusalem noong 70 C.E., tiyak na napatay sila o nabihag kasama ng lahat ng naroroon. Subalit iniulat ng sinaunang mga istoryador na nakinig ang mga Kristiyano sa babala ng Diyos at tumakas sila mula sa Jerusalem at sa buong Judea patungo sa mga bundok sa silangan ng Ilog Jordan. Ang ilan ay nanuluyan sa Pela, sa lalawigan ng Perea. Iniwan nila ang Judea at hindi na bumalik. Ang pakikinig sa babala ni Jesus ang nagligtas sa kanilang buhay.
Dinidibdib Mo ba ang mga Babala Mula sa Mapananaligang mga Pinagmulan?
Matapos marinig ang napakaraming babalang hindi naman nagkatotoo, ipinagwalang-bahala ng maraming tao ang lahat ng babala. Gayunman, ang pakikinig sa mga babala ay maaaring magligtas ng iyong buhay.
Sa Tsina noong 1975, nagbabala na magkakaroon ng lindol. Gumawa ng hakbang ang mga opisyal. Tumugon ang mga tao. Libu-libong buhay ang naligtas.
Noong Abril 1991 sa Pilipinas, ipinagbigay-alam ng mga taganayon sa may libis ng Bundok Pinatubo na may pumipilandit na usok at abo mula sa bundok. Pagkatapos ng dalawang-buwang pagsubaybay sa situwasyon, nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology hinggil sa nagbabantang panganib. Madaliang inilikas ang sampu-sampung libo katao mula sa lugar na iyon. Maaga noong Hunyo 15, kasunod ng isang napakalakas na pagsabog, mahigit na walong kilometro kubiko ng abo ang sumaboy sa kalangitan at pagkaraan ay tumabon sa kabukiran. Nakaligtas ang libu-libong buhay dahil sa pagbibigay-pansin.
Nagbababala ang Bibliya tungkol sa wakas ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. Nabubuhay tayo ngayon sa mga huling araw. Habang papalapit na ang wakas, nananatili ka bang mapagbantay? Gumagawa ka ba ng hakbang upang manatiling malayo sa lugar ng panganib? Taglay ang pagkaapurahan, binababalaan mo ba ang iba na gayundin ang gawin?
[Larawan sa pahina 20]
Ang pagbibigay-pansin sa babala ay nagligtas sa maraming buhay nang magbuga ng abo ang Bundok Pinatubo
[Larawan sa pahina 21]
Nailigtas ang buhay ng mga Kristiyanong nakinig sa babala ni Jesus nang wasakin ang Jerusalem noong 70 C.E.