Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 9/15 p. 3-4
  • Gising Ka ba Kung Tungkol sa Ating Panahon?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gising Ka ba Kung Tungkol sa Ating Panahon?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagligtas ng Buhay ang Angkop na Pagkilos
  • Tumakas Mula sa Gawang-Tao na Kasakunaan
  • Ang Pagbibigay-Pansin ang Nagligtas sa Kanilang Buhay
    Patuloy na Magbantay!
  • Nang Umulan ng Buhangin
    Gumising!—1992
  • Mga Lahar—Kasunod na Resulta ng Bundok Pinatubo
    Gumising!—1996
  • Panahon na Upang Gumising!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 9/15 p. 3-4

Gising Ka ba Kung Tungkol sa Ating Panahon?

MAAARING mangahulugan ng buhay o ng kamatayan ang pagiging gising sa panganib. Mailalarawan ito sa nangyari sa dalawang bulkanikong isla.

Ang Bundok Pelée, ang lubhang nakamamatay na bulkan ng ika-20 siglo, ay sumabog noong Mayo 8, 1902, sa isla ng Martinique sa Caribbean. Ito’y sumawi sa halos 30,000 naninirahan sa Saint Pierre, isang lunsod sa paanan ng bulkan.

Noong Hunyo 1991, pumutok ang Bundok Pinatubo na marahil ay siya nang pinakamalaking pagsabog ng bulkan sa loob ng dantaon. Naganap ito sa isang mataong dako sa Pilipinas at naging sanhi ng kamatayan ng 900. Subalit, dalawang salik sa pagkakataong ito ang nakatulong upang iligtas ang buhay ng libu-libo: (1) ang pagiging gising sa panganib at (2) ang pagiging handang kumilos na kasuwato ng mga babala.

Nagligtas ng Buhay ang Angkop na Pagkilos

Ang Bundok Pinatubo ay tulog sa loob ng daan-daang taon nang ito’y magsimulang magpakita ng mga tanda ng nalalapit na pagsabog noong Abril 1991. Lumabas ang singaw at sulfur dioxide mula sa tuktok ng bulkan. Nadama ng mga naninirahan doon ang sunud-sunod na pagyanig ng lupa, at lumitaw mula sa bundok ang isang nagbabantang simburyo ng tumigas na lava. Maingat na nagbantay ang mga siyentipiko mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology at nang maglaon ay nakumbinsi nito ang mga opisyal na makabubuting ilikas na ang 35,000 naninirahan mula sa kalapit na mga bayan at nayon.

Hindi kataka-taka na bantulot ang mga tao na lisanin ang kanilang mga tahanan nang walang dahilan, subalit ang pagsasawalang-kibo ay nadaig ng isang palabas sa video na maliwanag na naglarawan sa mga panganib ng isang pagsabog ng bulkan. Tamang-tama ang paglikas ng karamihan. Pagkaraan ng dalawang araw, isang malakas na pagputok ang naghagis ng walong kilometro kubiko ng abo sa atmospera. Nang maglaon, daan-daan ang namatay dahil sa mga agos ng putik, o lahar. Gayunman, malamang na libu-libo ang nakaligtas sapagkat ang mga tao’y nabigyan ng babala tungkol sa panganib at kumilos na kasuwato ng mga babala.

Tumakas Mula sa Gawang-Tao na Kasakunaan

Noong unang siglo ng ating Karaniwang Panahon, kinailangan din ng mga Kristiyanong nakatira sa Jerusalem na magpasiya kung lilisanin ba nila ang kanilang mga tahanan. Ang pagtakas mula sa lunsod noong 66 C.E. ay nagligtas sa kanila mula sa pagkapuksa na sumapit sa ibang mga naninirahan at sa libu-libong Judio na pumunta sa Jerusalem para sa Paskuwa noong 70 C.E. Mahigit na isang milyong tao ang nasa loob ng napapaderang lunsod para sa pagdiriwang ng Paskuwa nang putulin ng mga hukbong Romano ang anumang pagkakataon ng pagtakas. Ang taggutom, pag-aagawan sa pamamahala, at ang walang-tigil na pagsalakay ng mga Romano ay nagbunga ng kamatayan sa mahigit na isang milyon.

Ang kasakunaan na tumapos sa paghihimagsik ng mga Judio sa Roma ay patiunang ibinabala. Mga ilang dekada bago nito, inihula na ni Jesu-Kristo na kukubkubin ang Jerusalem. Sinabi niya: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napapaligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na. Kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok, at yaong mga nasa gitna niya ay umalis, at yaong nasa mga lalawigang dako ay huwag nang pumasok sa kaniya.” (Lucas 21:20, 21) Maliwanag ang mga tagubiling iyon, at dinibdib ito ng mga tagasunod ni Jesus.

Iniulat ng ikaapat na siglong mananalaysay na si Eusebius ng Cesarea na ang mga Kristiyano sa buong Judea ay kumilos kasuwato ng babala ni Jesus. Nang iwan ng mga Romano ang kanilang unang pagkubkob sa Jerusalem noong 66 C.E., maraming Kristiyanong Judio ang tumira sa Gentil na lunsod ng Pella, sa Romanong lalawigan ng Perea. Sa pamamagitan ng pagiging gising kung tungkol sa kanilang panahon at sa pamamagitan ng pagkilos ayon sa babala ni Jesus, nakaligtas sila sa inilarawan bilang “isa sa pinakakakila-kilabot na mga pagkubkob sa buong kasaysayan.”

Sa ngayon, kailangan ang gayunding pagbabantay. Kailangan din ang espesipikong pagkilos. Ipaliliwanag ng susunod na artikulo kung bakit.

[Picture Credit Line sa pahina 3]

Godo-Foto, West Stock

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share